Prologue
1955
Tumayo mula sa pagkakayuko si Milagros pagkaramdam ng pananakit sa kanyang baywang at likod. Tinaas niya ang isang kamay na may hawak ng pamutol sa tubo at pinunasan ang lumandas na butil-butil na pawis sa kanyang noo at mukha. Nasa gitna ng tindi ng araw. Kahit balot na balot ang buong katawan ay ramdam na ramdam pa rin niya ang pagtagos nito sa kanyang balat. Malalim siyang bumuntong hininga at pinagmasdan ang mga kasamahang nagtatrabaho.
Magsimula pa sa kanyang mga magulang ay ganito na ang nagisnan nilang hanapbuhay. Dating mga alila ang mga ito sa ilalim ng mga dayuhang nagmamay-ari dati sa Hacienda Esperanza. Pero mula nang ipagbili ng gobyerno sa isang Pilipino ay saka lamang sila nakaranas ng kaginhawaan.
Sa hustong gulang na disi-siete ay naranasan na niyang magsunog sa ilalim ng araw para may makain silang pamilya. Salat sa edukasyon ang kanyang mga magulang at nang mag-alok ng libreng edukasyon ang bagong may-ari ng hacienda ay hindi na nila iyon pinalagpas pa.
Nang pumanaw ang kanyang Lolo ay sinagot ng Hacienda ang pangburol at libing nito. Lahat ng manggagawa ay nakaranas ng magandang pamamalakad sa bagong may-ari. Hindi pa man ganoong kaganda ang ani ay hindi pa rin sila pinabayaan ni Senyor Tomas Altamirano Jr. Kahit na halos masunog ang balat sa araw ay wala na silang reklamo pa. Dati nga ay alipin lamang sila, ngayon ay ‘tao’ na ang turing sa kanilang mga dukha. Kung maaari nga lang ay makapagtapos na siya sa pag-aaral.
Gusto niyang maging guro sa elementarya at sigurado siyang maiaahon sa kahirapan ang mga magulang at mga nakababatang kapatid. Napawi ang kanyang pag-iisip nang sumigaw mula sa kanyang likuran ang nakababata niyang si Pepe.
“Hoy, Milagros! Wala ka na naman sa iyong sarili! Aba’y kailangan nang ilagay sa traktora ang mga ani at nang maihatid na sa Azucarera!”
Nakita ni Milagros ang mapaglarong mga mata at ngiti ng binata kung kaya’t ngumuso siya. Magkapareho lamang sila ng edad ni Pepe, magkaklase na rin. Tiningnan niya ang ibang mga kasama na pare-parehong may mga mapaglarong ngiti para sa kanya.
“Oo na ho, ito na, mahal na hari.” Kunwari’y nagdabog siya upang ipakita sa kanyang ayaw nitong tinutukso siya patungkol sa kawalan sa sarili.
“Ay sus. Kilalang-kilala na kita, Milagros. Pustahan pa tayo at nangangarap ka naman ng gising sa katanghaliang tapat.” Balik niyang tukso sa magandang dalaga.
Pinasadahan ng tingin ni Milagros mula ulo hanggang sa kanyang maruruming mga paa. Ang suot niyang kulay kahoy na damit ay butas-butas na. Ang pamatong nitong mahaba ay sa Tatay pa niya minana. Ang puting bimpo sa kanyang balikat ay magusing na rin. At ang kanyang sumbrerong gawa sa abaka ay gutay-gutay na ang mga gilid. Pinamaywengan niya ito at tiningnan nang masama.
“Hindi ba’t parang kawalan ng galang ang uri ng iyong pananalita, Pepe? Baka nakakalimutan mo, mas matanda ako sa iyo ng isang buwan at kalahati! Dapat mo rin akong igalang bilang nakakatanda sa iyo. Hindi talaga akong mangingiming isumbong ka sa mga magulang mo.” Turan niya.
Pero imbes na kabahan ay umayos pa ito ng tayo at pinagtawan ang dalaga. Aba’t!
“At bakit mo ‘ko inuutusang igalang ka? Ang gusto mo ba ay lagyan ko ng ‘Po’ at ‘Opo’ ang sasabihin ko sa iyo, Milagros? Tandaan mo, hindi nagsasabihan ng ganoon ang magkasintahan.”
“Hindi kita kasintahan!”
Sabay-sabay na nagpahaging tukso ang mga kasamahan nilang nakarinig sa sinabi na iyon ni Pepe.
“Naku! Umakyat ka muna ng ligaw Pepe kung gusto mong maging kasintahan itong si Milagro. Pagkatapos ay yayain mo na ring magpakasal!”
Namilog ang mga mata ng dalaga. Napatingin na rin sa kanya ang matalik na kaibigang si Teresa at may mapagtanong na mga mata. Akala niya ay kakampi pero maging ang kaibigan ay nakikitawa na rin paglaon.
“Hindi ko nobyo itong si Pepe! At napakabata ko pa po para mag-asawa!”
“Sus. Pasasaan pa ay doon din ang uwi natin.”
Mas lalong lumakas ang hiyawan sa kanilang pwesto.
“Ang mabuti pa Pepe ay yayain mo sa sayawan mamaya at nang pumayag nang makapanhik ka ng ligaw,”
Napakamot sa ulo ang kaibigan niya sa mga buyo nila. Napahiya yata. Humalukipkip ang dalaga at inirapan si Pepe. “Hindi mo na ako kailangang yayain—“
“Dahil ‘oo’ na agad ang sagot mo sa akin?”
Naiwang hindi magkalapat ang mga labi ni Milagros sa kanyang sinagot. Tinaas niya ang isang kamay at dinuo siya. “Aba’t—hoy Pepe—napakayabang naman ang iyong iniisip. Hindi mo na ako kailangang ayain dahil talagang pupunta ako sa sayawan mamaya para makipagsaya at hindi para.. makipaglampungan sa iyo!” Pero kahit yata ang dalaga ay nanibago sa kanyang sinasabi. “Mahiya ka naman sa iyong sarili, Pepe.” Masungit kong pahayag sa kanya. Hindi niya matanggap na kaya siyang ipahiya nito sa harap ng maraming tao na para bang may tunay silang relasyon na dalawa. Ngunit isang siko at sutsot ang narinig niya sa gilid.
“Milagros nasaktan yata si Pepe sa sinabi mo,” bulong ni Teresa.
Sinulyapan niya ang lalaki na noo’y nagkakarga na sa traktora. Napakamot siya sa leeg at tinubuan ng init sa magkabilang pisngi dahil sa napagtanto ang pagkakamaling pagsalitaan ng ganoon si Pepe. Pero sadya naman kasing maloko ang isang iyon kaya hindi niya mapigilan ang pagtalim ng dila.
“Pepe..” tawag niya nang makalapit sa kanyang tabi. Hindi siya nito tiningnan man lang at pinagpatuloy ang pagbababuhat. Tumingkayad siya at tinawag ulit. “Pepe!” nilakasan pa niya ang boses.
Huminto siya saglit. Napangiti si Milagros pero agad ding nalusaw nang makita ang uri ng tingin nito sa kanya. Kasing lamig yata ng ihip ng hangin sa gabi ang mga matang iyon.
“Mamaya na tayo mag-usap ulit, Milagros. Kailangang maihatid na ito sa Azucarera.” Pagtataboy nito sa kanya.
Natahimik na lang ang dalaga at pinanood siya sa pagbubuhat katulong ang ilan pang kalalakihan at tuluyang hindi pinansin pa.
Sumimangot ako si Milagros at saka na siya tinalikuran. Sinundan na lamang siya ng tingin ni Teresa.
***
M I L A G R O S
“Ikaw namin kasing babae ka, matagal na nating alam na may pagtingin sa iyo si Pepe. Lahat na yata ng taga-hacienda ay alam iyon at sadyang binabalewala mo o talagang manhid ka lang?” nakatayo sa gilid ko si Teresa at panay ang bugbog sa akin ng sermon mula nang nakarating siya rito sa bahay.
Huminto ako sa pagsusuklay sa harap ng tokador at ako’y naririndi na. Ang ganda-ganda ngayon ng bestidang hiniram ko sa kaibigan namin tapos ay puro sermon naman ang inabot ko sa kanya.
Mabigat akong bumuntong hininga. “Teresa, pinahiya niya ako kanina. Umuusok na ang mukha ko sa hiya tapos ay sa akin mo pa binubunton iyang sermon mo imbes na kay Pepe? Aba’y kay hirap namang tanggapin na ikaw ang aking matalik na kaibigan ay sa ibang tao ka pa kumakampi.”
Bumagsak ang kanyang mga balikat. “Hindi ko kinakampihan si Pepe, Milagros. Ang sa akin lang ay nasaktan mo yata ang kanyang damdamin kanina.”
Ako naman ang bumuntong hininga. “Hindi ka na nasanay sa kanya. Palagi ko naman siyang pinagsasalitaan ng hindi maganda.”
Nilapitan niya ako at hinawakan ang aking isang braso. Tiningnan ng maigi. “Ngunit batid mo ang pag-ibig niya sa iyo, Milagros.. wala ka man lamang bang nararamdaman para kay Pepe?”
Mangha ko siyang tiningnan. Gusto ko sanang agad na sagutin ang tanong niyang iyon pero tila may pumipigil sa akin. “Batid ko, Teresa. Subalit..” umiling ako at yumuko. “Kaibigan lang ang pagtingin ko sa kanya. Hanggang doon lamang.”
“Milagros! Teresa! Nasa kasiyahan na si Senyor Tomas, kasama ang balik-bayan niyang anak! Magmadali na kayo!”
Patakbo akong lumapit sa bintana at dinungaw ang aking amang nakabihis na rin. Kakaibang t***k ng puso ang sa akin ay namutawi. “Sinong anak, itay?” kuryoso kong tanong.
“Iyong nag-iisa niyang binata sino pa ba.”
Nagkatinginan kami ng kaibigan ko.
***
Halos hindi ko na maramdaman ang mga paa ko sa semento pagkarating ko pa lang sa sayawan. Ang mga buhay na buhay na dahon at tila nakikisayaw sa masasayang tugtugin. Ang mga bombilya ay nagbigay tingkad sa buong paligid. Gustong-gusto ko talaga kapag may tinatakdang sayawan. Sa kabila ng hirap ng buhay namin ay nakakalimut din kahit papaano kapag umiindayog kami sa napakagandang tinig ng boses mula sa radyo.
Lumingon ako at hinanap ang kaibigan para makipagsayaw na pero nawala siya sa aking likuran kung kaya naglakad ako sa gilid at naghanap muna ng mauupuan kahit sandali. Ayoko namang sumali sa sayawan nang walang dalang kapareha. Sa bangkuan ay pinanood ko lamang ang bawat pares na masayang umiindayog. Ginalaw ko rin maging ang aking ulo at ngumiti-ngiti. Hindi ko na mapigil. Ngunit biglang nahinto ang sayawan at maging ang awit nang may pinagkaguluhan sa kapapasok pa lamang na grupo. Kumibot ang aking mga kilay dahil sa paghinto ng awit at nagambala ang sayawan sa pagdating ng kung sinomang hambog iyon. At ang hindi ko mapaniwalaan ay may nagtitilian pang mga kababaihan.
Hindi na ako tumayo pa sa kinauupuan ko at humalukipkip. Hindi interisado sa pinagkakaguluhan at hinintay na lang na muling pumailanlang ang tugtugin.
“Nakikihiya naman at tinigil ninyo pa ang musika, pakiusap—ituloy ang kasiyahan!” sigaw ng isang lalaking hindi ko nakikita maliban sa kanyang kamay na kinumpas-kumpas niya pa.
Umingos ako at napabulong. “Hindi ko nga malaman at kung bakit inihinto pa ang musika gayong hindi naman ang presidente ang dumating.”
Natahimik ang paligid at lahat at lumingon sa akin. Nanigas ako sa aking kinalalagyan at manghang tiningnan ang mga tao na kanina lamang ay ang atensyon ay nasa iisang dayuhan.
Umayos ako ng upo at tumikhim. Tinakpan ko pa ang matalim kong bibig. Nang humawi ang mga tao ay napayuko na lamang ako sa kahihiyan. Ilang hakbang ang sa akin ay lumalapit. At isang baritonong boses ang bumihag sa aking puso.
“Tanggapin mo ang aking dispensa, magandang binibini. Hindi ko gustong maputol ang iyong kasiyahan.. patawarin mo ako.”
Tumibok ng mabilis ang aking puso nang marinig ko iyon. Ang mga tao ay nanatiling tahimik na parang may magandang palabas ang umakit sa kanilang mga mata. Nag-angat ako ng tingin sa lalaking nakatayo sa aking harapan. Ang kanyang kulay kremang pantalon ang una kong nasilayan. Sumunod ang asul niyang pang-itaas na hindi ko gawing makita mula sa aking mga kanayon. Dayuhan ang isang ito o sa kamaynilaan marahil ay naninirahan.
At nang magtagpo ang aming mga mata.. tila sumabog ang aking dibdib sa matinding hampas nito. Ngayon lamang ako nakakita nang ganoong kagandang mga mata. Napakakisig ng lalaking nasa aking harapan at humihingi ng dispensa.
Napalunok na lamang ako sa hindi malamang pagkabalisa. Balisa dahil sa kanyang patuloy na paninitig. Lalo pa akong nabalisa nang lumuhod pa siya sa sahig at tiningala ako. “Ginoo!”
Matamis niya akong ngintian at nilahad ang kanyang isang kamay. “Maaari ba kitang maisayaw, binibini?” ang malamyos niyang mababang tinig ay tila awit sa aking pandinig.
Nalito ako. “Ngunit.. hindi kita nakikilala. Hindi ako nakikipagsayaw sa mga taong hindi ko kilala.” Tapat kong sagot.
“Kung gayon ay nais kong magpakilala. Ang pangalan ko ay Eugenio Altamirano. Hindi ako rito nakatira kundi sa Tondo, Maynila para mag-aral. Ano ang iyong pangalan, magandang binibini?”
Lihim akong napasinghap. Altamirano? Isa siyang Altamirano? Ang ibig sabihin ba’y.. “M-milagros.. ang ngalan ko ay Milagros, S-senyorito.”
“At bakit naman may ‘Senyorito’ pa sa huli? Eugenio na lamang, Milagros.” Inabot niyang muli ang kanyang kamay. “Gayong nakakilanlan na tayo, maaari na ba kitang maisayaw?”
Hindi ko na nakuha pang tanggalin ang aking paningin sa binatang Altamirano. Sa aking isipan ay dapat ko siyang hindian dahil siya ay isang Altamirano ngunit kung siya naman itong lumalapit ay wala rin ba akong karapatan para sa isang simpleng sayaw lamang?
“Paumanhin, ginoo. Pero hindi dapat ako ang nilalapitan ninyo—ay!” Gayon na lamang ang aking tili sa pagkagulat nang kuhain niya ang aking kamay at dinala sa gitna ng sayawan. Lumayo ang ilang pareha sa amin. Ang laki ng espasyong binigay nila na siyang nagpadagdag sa aking kaba. Isang senyas ang ginawa niya at pumasailanlang na ulit ang musika. Tiningnan niya ako at mapaglarong nginitian.
“Milagros. Napaganda ng iyong pangalan.” Sabi niya habang sumasayaw sa aking harapan. Maganda ang kanyang galaw at nahihiya na akong sundan pa.
“Salamat.”
“Nararamdaman ko ang iyong pagkabalisa, Milagros. Ako na ang nagsasabi sa iyo, huwag kang mabahala..” huminto siya sa pagsayaw at tinitigan muli ako.
Tuluyan na akong nag-angat ng tingin sa kanya. Mula kanina ay siya lamang ang sumasayaw sa amin. Ang tao sa paligid at batid kong kami rin ang pinagmamasdan at marahil ay lihim na pinag-uusapan.
“Sa tingin ko ay may dapat akong ikabahala, Ginoo.” Umpisa ko na siyang nakalusaw sa kanyang pagngiti. Ang kanyang mukha ay nakakabighani rin. “Hindi nakukuha sa palitan ng pangalan ang pagkakakilanlan ng bawat isa. Tumayo lamang ako dahil sapilitan mo akong hinatak papunta rito. Gusto ko mang magalit ay lubos kong pinipigilan ang sarili dahil sa kadahilanang isa kang Altamirano. At ako ay nagtatrabaho sa inyong lupain. Isang hamak na magsasaka sa inyong hasyenda. Hindi ko gustong bastusin kayo at ipahiya. At ayoko ring makarating pa ito kay Senyor Tomas. Paumanhin.” Hindi na ako nagtagal pa ay nilisan ko ang sayawan.
Hindi ko gusto ang atensyon na iyon. Kilala ko ang kanyang ama at napakalaki ng aming utang na loob dito. Ang makasalamuha pa ang kanyang anak ay tila isang kalabisan na. Maaari kaming pagsimulan ng hindi magandang usapan.
Isang hawak sa aking siko ang pumigil sa akin sa paglalakad sa labas.
“Sandali lamang, Milagros! Nagkakamali ka ng iniisip sa akin. Patawarin mo ako kung naging mahangin man ang aking kilos kanina,”
“Naiintindihan ko po.” Tumalikod na akong muli pero inulit niya ang paghawak sa aking siko.
“Milagros gusto pa kitang lubusang makilala. Kailanman ay hindi pa ako nakakaramdam ng ganito sa buong buhay ko.” Pagmamakaawa niya.
Uminit ang aking damdamin. “Ano ang iyong ibig sabihin?”
Isang hakbang pa ang kanyang ginawa at malalim na bumuntong hininga. Mas pormal na siyang makatingin ngayon sa akin.
“Huwag mong tawagin na isa ka lamang hamak na magsasaka dahil hindi ganyaan ang tingin sa iyo ng aking ama. Lumaki man kaming may salapi sa bulsa ay pinakita sa amin ang pagpapahalaga sa nag-aalaga sa hasyenda Esperanza. Huwag mong maliitin ang iyong sarili dahil hindi ganyaan ang tingin ko para sa iyo. Alam kong hindi mo ito agad paniniwalan pero.. unang silay ko pa lamang sa iyo ay nabighani mo na ang patay kong puso. Labis na tumibok ang puso ko nang makita kita kanina lamang, Milagros. At ayokong palipasin ang gabi na may masama kang loob sa akin.”
“Wala akong sama ng loob sa iyo,”
“Kung ganoon ay payagan mo kong umakyat ng ligaw sa iyong bahay para iyong mabatid na malinis ang aking hangarin.”
Ako’y natigilan. Nahihibang ba ang isang ito?
“Milagros.. ako’y iyong nabighani. Ang maganda mong mukha. Ang iyong malalalim na mga mata. Ang iyong matangos na ilong at mapupulang labi.. ang iyong kasimplehan ang pumukaw sa akin. Kaya sana ay payagan mo akong ligawan ka..”
Hindi ko malaman ang aking sasabihin. Labis akong naguguluhan. Paanong ang isang hasyendero ay mabibighani sa aking magsasaka?
***
Buong magdamag kong inisip si Eugenio Altamirano. Hindi ko iyon binanggit sa aking mga magulang at baka magkaroon pa ng gulo.
Pumasok ang ilang araw ay nadatnan ko si Eugenio sa labas ng aming bahay at naghaharana!
Hindi ko alam kung paano niya nalaman ang aming tahanan. Subalit, nasa loob lamang kami ng kanilang hasyenda. Kahit napakalaki nito’y posible pa rin lalo na kung ipagtatanong niya ang aking pangalan. Labis na nagulat maging ang mga magulang ko sa pagsulpot ni Eugenio sa aming bahay at humingi ng permiso na ligawan ako. Hindi man agad na nakapagsalita ay pinayagan din siya.
Hindi ko nakaya pang tanggihan ang pangliligaw niya. Nang ipakilala niya ako sa kanya ama ay wala rin akong narinig na masasakit na salita, bagkus malamyos akong tinanggap ni Senyor Tomas. At pagkalipas ng mahigit isang taon, naging opisyal na magkasintahan kami ni Eugenio.
***
Nakangiting sumandal ako sa malapad na dibdib ni Eugenio at pareho naming tinanaw ang kanilang lupain. Naglatag lamang kami ng mantel sa tabi ng puno ng narra na siyang kinasasandalan niya. Sa pagitan ng kanyang mga hita niya ako pinagpahinga at binalot ng kanyang mga bisig. Sa bawat araw na nagdaan, walang patlang para ako ay malumbay. Sa tuwing nakikita ko siya sa sakahan at nakikipagkwentuhan sa amin ay labis-labis na kasiyahan ang dinudulot noon sa akin. Para siyang isang bituin na aking naabot.
“Ang lahat ng aking natatanaw ay inyong lupain..” pinisil ko ang kanyang kamay na nasa aking kandungan.
“Ano ang nasa iyong puso, mahal ko?” bulong niya sa akin.
Ngumiti ako ng mapait. “Na ang lupaing ito ang nagpapatunay na kay layo natin sa isa’t-isa, Mahal ko.” Madamdamin kong hayag. Hindi man nila pinapakita sa akin ang aming pagkakaiba pero ang lupaing ito ay isa ng patunay.
“Mahal ko..”
“Huwag mo sana akong kaawaan.”
“Hindi kita kinaaawaan kailanman, Mahal ko. At ito ang iyong tatandaan, wala ni isang bagay man ang magpapatunay ng agwat natin sa isa’t-isa. Labis kitang iniibig, Milagros. At ang lahat ng ito’y magiging sa iyo rin.”
Umiling ako. “Hindi ko hinihiling ang maging akin ito o parte nito, Eugenio. Ikaw lamang ang nais ko. At nalalapit na ulit ang pag-alis mo.. labis akong nangungulila ngayon pa lamang.”
Humigpit ang yakap niya sa akin. Yakap na aking babaunin bago siya umalis papuntang maynila kinabukasan.
“Pangako, mas dadalasan ko ang pagpapadala ng telegrama, Milagros. Bago matapos ang araw ko’y sisimula ko na ang pagsusulat para sa iyo. Kung alam mo lamang ay mas lubos akong nangungulila sa iyong tinig, haplos at iyong pagmamahal. Palagi kitang iniisip kahit sa aking pagtulog ay ikaw pa rin.” Madamdamin niyang sabi sa akin.
Nangilid ang luha sa aking mga mata. Ang kanyang pagbalik sa Maynila ang isang nagpapakirot sa aking puso. Kung maaari lamang na dumito na siya’y hiniling ko na iyon. Pero mahalaga ang kanyang tungo roon. Pinag-aaral siya ng kanyang ama upang mapalakad din balang araw ang hasyenda Esperanza.
“Hintayin mo ako, Mahal ko..” hiling niya sa akin.
Lumingon ako at nakangiting lumuluha sa kanyang harapan. Pinunasan niya ang aking pisngi. “Maghihintay ako, Mahal ko.” Pangako ko iyan, Eugenio.
***
Tinotoo ni Eugenio ang kanyang pangako. Buwan-buwan ay may dumarating na telegrama sa akin. Kung minsan ay higit sa isa ang kanyang pinapadala. Labis akong natutuwa dahil kasabay ng kanyang pag-aaral ay sinasabay niya ang mahahabang sulat para sa akin. Palagi kong dinadala sa aking salakot ang kanyang liham at binabasa lilim ng punong madalas naming puntahan.
Mahal kong Milagros,
Iniisip pa rin kita magpahanggang ngayon, mahal ko. Ang sabi ng aking kaibigan ay baka ako’y nawawala na sa katinuan sa labis kong pagmamahal sa iyo. Hindi ko iyon pinaniwalaan dahil pareho naman tayo ng nararamdaman. Sa tingin mo ba’y nahihibang na tayong dalawa? Kung ganoon ay tatanggapin ko dahil ako’y nahihibang sa pagmamahal sa iyo. Aking Milagros.
Eugenio.
*******
Iniibig kong Eugenio,
Kamusta na ang iyong kalagayan? Sana’y naaalagaan mo ang iyong sarili. Walang nagdaan na araw ang hindi kita naiisip. Kung minsan ay naiiyak na ako sa kalungkutan, kaya’t kumukuha ako ng lakas sa iyong mga telegrama sa akin. Alam mo bang palagi rin kaming pinapadalhan ng mga gulay, prutas at bigas ng iyong ama? Tinanggihan ko iyon noong una pero magtatampo raw si Senyor Tomas kung ganoon. Napakabait ng iyong ama, Mahal ko. Batid ko na ngayon kung kanino ka nagmana.
Milagros.
***
Ang huling liham sa akin ni Eugenio ay nasabi niyang malapit na siyang umuwi sa hasyenda. Isang taon din ang kanyang nilagi sa Maynila kung kaya’t sabik na sabik na akong mayakap ang aking kasintahan.
Dumungaw ako sa bintana nang makarinig ng malalakas na usapan. Napalabas rin maging ang aking ama at nakiusosyo.
“Nabalitaan mo na ba, Fernando?”
“Ang alin?”
“Patay na ang presidente natin! Bumagsak daw ang sinasakyang eroplano ni Ramon Magsaysay.”
Maging ako ay nagulat sa narinig.
“Malapit pa naman kay Senyor Tomas ang Presidente kaya’t malaking kawalan din ang pagkamatay niya.”
“Ano ang iyong ibig sabihin?”
“Aba’y ang alam ng lahat ay ang mahal na Presidente Magsaysay ang nag-alok ng hasyenda sa mga Altamirano. Wala pa noong pambayad ang Senyor at ginamit ang nalalabing salapi mula sa ibang negosyo para matustusan ang hasyenda. Gustong bilhin ito ng mga sakim na Santiaguel pero hinarang ng Pangulong Magsaysay ang pagbenta rito ng hasyenda Esperanza at Azucarera dahil lalawak lamang ang kanilang kapangyarihan. Tingnan mo ngayon at naungusan na ng hasyenda Rosemarie ang hasyenda Esperanza.”
Ang pamilya Santiaguel ang nagmamay-ari ng hasyenda Rosemarie. Maliit lamang iyon kumpara sa hasyenda Esperanza. Noong ako’y musmos na gulang pa lamang ay nakita ko ang nasabing hasyenda. Isang beses lamang at hindi na rin kami bumalik doon.
Nagdalamhati ang mga Pilipino sa hindi inaasahang pagyao ng aming Presidente Ramon Magsaysay. Lalo na si Senyor Tomas.
***
Lumipas ang ilang buwan ay hindi natupad ang pagbalik ni Eugenio. Hindi niya nasabi sa liham ang dahilan ngunit pinangako niyang pipilitin niyang makauwi sa oras na payagan na siya ng kanyang ama. Na siyang aking binagabag.
Ang ibig sabihin ba’y ayaw pauwiin ni Senyor Tomas?
Kung kaya nagpatuloy ang palitan namin ng sulat ni Eugenio. Kung maaari lamang na ipabaon ang aking puso ay pinadala ko na sa kanya. Umiiyak man ang puso ko’y sa mga sulat niya ay nabubuo rin ako.
“Magkasintahan na raw sina Pepe at Teresa.”
Natigil ako sa pagsulsi nang magsalita sa aking likuran ang Inay. Nagulat ako. “Kailan pa po?”
“Ilang linggo pa lang daw. Palagi raw kasing umiinom si Pepe at si Teresa ang palagi niyang kasama.”
“Kaya siguro hindi ko na sila madalas na nakikita.”
Nilingon ako ni Inay at mainit na nginitian. “Sana ay mabisita mo rin ang mga kaibigan mo, Milagros. Magmula kasi na naging magkasintahan kayo ni Eugenio ay bihira mo na silang makasama. Baka nagtatampo na iyon sa iyo..”
Nginitian ko siya pabalik. “Opo. Hayaan niyo’t isa sa mga araw na ito ay bibisitahin ko sila.” Pangako ko.
***
Pakiramdam ko ay lumiwanag ang langit ng sa wakas ay bumalik na rin si Eugenio. Ang kanyang bawat haplos at halik ay sabik na sabik kung kaya’t hindi na namin napigilan ang aming mga sarili. Niyaya niya akong magpakasal--hindi ko na napigilan at umiyak sa sobrang galak. Ikakasal na kami. Maiibsan na ang pangungulila namin sa isa’t-isa. Madalas na kaming magkakasamang dalawa. Kung kaya’t pagkagaling sa kubo ay agad niya akong dinala sa hasyenda para ibalita sa ama ang aming kasal—ngunit kaguluhan ang aming nadatnan sa labas pa lamang. Galit na galit ang mga tao ng hasyenda at sinisigawan ang Senyor Tomas na hinarap sila sa labas ng pinto. Iniwan ako sandali ni Eugenio at sinamahan ang amang hindi malaman kung sino ang kakausapin. Namumutla na rin ito at nagtitimpi.
“Ibigay ninyo ang dapat na sa amin, Senyor!” sigaw ng aming pinuno sa Union.
Napaawang ang aking labi. Sinundan pa iyon ng pagsang-ayon mula sa iba.
“Tama!”
“Mga manloloko! Mga gahaman sa lupa! Sa pera!”
Dahil sa mga narinig ay nangangamba akong tiningnan ang mag-ama sa harapan. Hinaharang ni Eugenio ang lider ng union sa paglapit sa kanyang ama. Nakikita ko sa kanyang mukha na hindi rin niya alam ang nangyayari.
“Ikaw Milagros. Alam mo ba kung anong klaseng pamilya mayroon ang nobyo mo? Mga gahaman ang mga iyan, madadamot!”
Agad kong nilingon ang nagsabi sa akin noon. “Ano pong ibig ninyong sabihin?”
“Nakatanggap kami ng balita na nag-loan ng pera ang Senyor sa bangko sentral para mabili na nang tuluyan ang hasyenda Esperanza at nasasaad sa kontrata na ibabahagi ang lupa sa atin, ang lupa ay sinolo lamang ng Senyor!”
“Sakim ang mga Altamirano!”
“Kami rin ay nagmamay-ari ng hasyenda Esperanza!”
Nagsasalita sa harapan si Eugenio subalit natatabunan siya ng mga galit na magsasaka. Nahahati ang kanyang atensyon, sa kanyang ama at sa mga trabahador na kung pagsalitain ang Senyor ay tila hindi ito gumawa ng mabuti sa amin.
“Bumagsak ang Senyor!!”
Nabalutan ako ng lamig sa buong katawan nang bumagsak sa sahig ang ama ni Eugenio at hawak nito ang sariling dibdib. Nakatirik ang mga mata.
Ngunit huli na nang madala sa pinakamalapit na ospital ang matandang Altamirano. Pumanaw ito, atake sa puso.
Sa burol ay hindi ko maiwanan mag-isa si Eugenio. Hindi siya makausap ng maayos. Palagi kong nakikita ang pagkuyom ng kanyang kamao kung kaya’t madalas ko ring hinahawakan. Ang pagkamatay ni Senyor Tomas ang nagnumbalik ng katahimikan sa loob ng hasyenda Esperanza. Ang iba ay nagluksa, iyong nakaalala sa magagandang nagawa nito. Samantalang mayroon ding tila nagpasalamat pa sa pagyao nito. Labis na kinasasama ng loob ang paglihim daw nito sa nasabing kasunduan sa bangko sentral. Hindi ko pa iyon naitatanong sa kanya dahil kamamatay pa lamang ng kanyang ama.
Ngunit kinagabihan, pagkalibing ng Senyor ay may naganap na p*****n sa loob ng hasyenda! Natagpuang patay ang lider ng union at ang tinuturong may kagagawan ay si Eugenio! Sinugod nila ulit ang hasyenda at pilit pinapasok. Naging marahas ang kanilang pagkalampag at nagsakitan ang ilang tauhan ng mga Altamirano at ang mga magsasaka. Ang akala ko’y kalbaryo ay hindi lamang doon natatapos, nasunog ang aming bahay na siyang kinasawi ng aking mga magulang.
Sa harap ng naabo naming bahay ay nanghihina akong napaupo sa putik at umiyak na mag-isa.
“Si Eugenio ang may kagagawan nito, Milagros.”
Mula sa pagkakayuko ay nilingon ang timping tinig na iyon. At hindi nga ako nagkamali. “Hindi niya magagawa ito, Pepe. Mas kilala ko siya higit kanino man.”
“Gumaganti siya sa ating mga magsasaka. Iniisa-isa niya tayo dahil sa pagkamatay ni Senyor Tomas, tayo ang sinisisi niya.”
“Nagkakamali ka!!”
“Sinabi ba niya sa iyo ang tungkol sa hasyenda? Ibabahagi pa niya ang dapat na sa atin? Hindi man lang naranasan ng iyong mga magulang maginhawang buhay, Milagros. Mas ginusto nilang solohin kaysa ang ibigay na nararapat sa atin at matagal na iyong pangarap ng mga magulang mo!”
Pagod akong tumayo at tinulak ang dating kaibigan. “Hindi totoo iyan. Hindi magagawa ni Eugenio ito. matapat siyang tao, iyon ang pagkakakilala ko sa kanya, at kung talagang para sa atin ang lupa, ibibigay nila iyon kung para nga sa atin. Hindi mo pa ba lubusang nakilala si Senyor Tomas? Kailan ba niya tayo tinalikuran noong nangangailangan tayong lahat? Kailan niya tayo sinigawan at pinagmalupitan? Hindi ba’t siya pa ang nagdala sa atin mula sa kamay ng mga banyagang ginagawa tayong alipin? Bakit kayo nakalimot gayong isang balita lamang iyon kumpara sa hindi mabilang na tulong sa atin ni Senyor Tomas?” bumugso ang sakit at paghihinayang sa aking puso. Ang hindi matatawarang kabutihan ay natakpan ng isa lamang bang hindi pakakaunawaan at pagkakamali. Ganoon na lamang ba mag-isip ang mga tao ngayon.
Natigilan si Pepe sa aking sinabi. Ngunit ilang sandali pa ay umiling ito. “Tuluyan ka nang nabilog ng Altamiranong iyon, Milagros.”
“Hindi, Pepe. Minamahal ko ng labis si Eugenio at kilalang-kilala siya ng aking puso.”
“Kung ganoon, bakit naging sunod-sunod ang p*****n sa hasyenda Esperanza at ang pagkasunog ng inyong tahanan na siyang kinamatay ng iyong mga magulang? Sino pa ang may kakayahang gawin ito, Milagros?”
“Hindi ko alam.”
“Tanging si Eugenio Altamirano lang. Tanging siya lang.”
****
Pagkalibing ng aking mga magulang ay kinuha ako ni Eugenio at pinatira sa hasyenda. Nananatili ako roon ng ilang araw. Pagkalipas lamang ng halos isang linggo ay isa na namang patay ang natagpuan sa loob ng hasyenda. Maraming inuutos si Eugenio sa kanyang mga tauhan. Hindi niya sinasabi sa akin dahil ayaw niyang madamay pa ako. Isang umaga ay dumating sa hasyenda ang babaeng nagngangalang Demetria Santiaguel at masinsinang kinausap si Eugenio sa isang silid. Hindi maaaring pumasok dahil pinagbawal iyon ni Eugenio.
Magandang dalaga si Demetria Santiaguel. Mula sa angkan ng mga Nepomuceno at nakapangasawa ng isang hasyendero ng Santiaguel.
Sa labis na pag-iisip ay dinala ako ng mga paa ko sa labas ng hasyenda sa kailaliman ng gabi. Hindi pa rin lumalabas sina Eugenio at Demetria kaya’t labis-labis na ang nadarama kong kirot sa dibdib.
Napalingon ako sa madilim na bahagi ng mga damo nang makarinig ng kaluskos. Nang wala akong makitang tao ay tumabig ang matinding kaba sa aking dibdib. Papaalis na ako nang mahihigpit na kamay ang tumakip sa aking bibig at sapilitan akong hinila palayo sa hasyenda!
Sa isang madilim na bahagi ng lupain ng mga Altamirano ay hinagis niya ako sa damuhan at agad na pinatungan. Naiipit sa kanyang mariin na palad ang aking mga panaghoy. Dinilat ko ang mga mata at halos panawan ng ulirat dahil isang tauhan ni Eugenio ang nasa aking ibabaw!
Nginisihan niya ako at pilit na hinuhubad ang aking blusa. Tinatabig ko ang kanyang kamay ngunit isang suntok sa tyan ang ginawa niya sa akin. Nanghina ako. Ang luha ko’y lumandas na lamang sa aking mukha.
“Milagros!”
Sinipa niya ang lalaking iyon kung nabitawan ako. Nanghihina akong gumapang lumayo sa mga lalaking iyon. Ngunit kilala ko ang boses na iyon. Nanginginig na inayos ko ang nasirang blusa at nilingon. “P-pepe..”
Kinuwelyuhan niya ang lalaki at galit na galit na sinuntok ito. hindi na rin nakalaban pa ang lalaki.
“Sinong nag-utos sa iyo upang lapastanganin si Milagros?! Sino?!” sigaw niya.
Isang sulyap ang ginawad niya sa akin kung kaya’t nanginig na naman ako at natakot.
“Si Senyorito Eugenio..”
Natulos ako sa aking kinauupuan. Hindi totoo iyan..hindi totoo iyan..
“Nagsasabi ka ba ng katotohanan? Bakit niya iuutos iyon gayong kasintahan niya si Milagros?”
“Ang utos niya ay patayin at pansamantalahan ang mga kababaihan na magsasaka ng hasyenda Esperanza! Sumusunod lamang ako sa utos kung hindi ay pamilya ko ang mauubos! Dahil sa inyo ay namatay si Senyor Tomas kaya galit na galit ang Senyorito Eugenio sa lahat ng magsasaka at kasama na roon ang kasintahan niyang si Milagros!”
Hindi ko matanggap. Hindi iyon magagawa sa akin ni Eugenio. Pero paano pa ako mananalig kung ito ay pinatotohanan ng kanyang tauhan sa loob ng hasyenda. Ang lahat ng p*****n ay siya ang nag-utos at maging ang..ipahalay ako. Hinding-hindi ko matatanggap!
Hindi na ako bumalik pa sa hasyenda, dinala ako ni Pepe at dinala sa kabilang bayan. Hindi na ako makapagsalita ng maayos. Kung may kumausap man ay tanging tango na lamang ang aking sagot. Hanggang sa dumating ang araw na tila pakiramdam ko’y..naisahan ako. Nabuntis ako. Dinadala ko ang aming supling ni Eugenio. Paano ko ngayon magbabagong-buhay gayong nabubuhay sa aking sinapupunan ang isang Altamiranong sumira rin sa akin. Sa aking pamilya at sa marami pa.
Mahihinang katok ay may pumasok sa aking silid. Natigilan pa ako nang sa hindi inaasahan na makitang muli si Teresa.
“Milagros..” nanginginig ang kanyang boses. Lumapit siya sa akin at nakangiti sa kabila ng sakit sa kanyang mukha.
“Teresa..”
Hinawakan niya ang kamay ko. Nakangiti pa rin ngunit may lumandas nang luha sa kanyang mga mata. “Milagros gusto ko sanang makiusap..kung aalukin kang pakasalan ni Pepe ay tanggapin mo.”
“Teresa! Ano bang iyong sinasabi? Mahal mo si Pepe bakit mo iyan inuutos sa akin?”
Umiling siya. “Mas mahal ka niya, Milagros. At kahit nasa akin siya ay ikaw pa rin ang iniibig niya. Ako na ang nakipaghiwalay dahil hindi ko kayang nakikita pa siyang nasasaktan habang pinagmamasdan ka niya sa malayo. Kaya sana’y sa pagkakataong ito’y subukan mong mahalin din si Pepe. Ikaw na lang ang mag-alaga sa kanya, pakiusap.”
Nanginig ang aking labi sa pagtitimpi ng aking pag-iyak. “Nagdadalang-tao ako sa anak ni Eugenio, Teresa. At hindi ako papayag na ipaako pa ito kay Pepe. Napakabuti niyang tao at hindi ko kayang gawin ang gusto mo.”
Humigpit ang hawak niya sa akin. “Nakikiusap ako, Milagros. Para man lang sa pagkakaibigan natin? Labis ka niyang iniibig at alam kong walang mali siyang makikita sa iyo. Tatanggapin ka niya sa kahit ano pa mang iyong kondisyon. Masaya na ako kung makikitang masaya na rin ang lalaking iniibig ko. Isa lang ang pakiusap ko, huwag mo na siyang saktan pa. Sapat na ang nakaraan. Baguhin ninyo ang kinabukasan.”
Hindi labis maunawaan ang gustong iyon ni Teresa, pero pagkalipas lamang tatlong araw ay nabalitaan ko na lang na pumanaw na ito. May malubhang sakit na pala ito at hindi sinasabi kanino man.
Ngunit dumating ang araw na tinutukoy ng pumanaw kong kaibigan. Inalok ako ng kasal ni Pepe at handang akuin ang anak ko. Pinagtapat niya sa akin ang kanyang pag-ibig at ang pangakong pag-ibig sa hindi ko pa nasisilang na sanggol. Natakot ako noong una, ngunit..masaktan man ako ay sisiguruduhin kong ako na lang ang masasaktan pa.
Nagpakasal kami ni Pepe. Tinuring niyang anak ang aking anak. Sa labas ng simbahan ay isang pamilyar na pigura ang aking natanaw. Lugmok sa lupa at nakatanaw sa akin. Nagsikip ang aking dibdib nang makilala ang tila naiba ang hubog ng katawan nito. Tinubuan ng bigote at balbas at umiiyak, binibigkas ang aking pangalan. “E-eugenio..”
Iyon na rin ang huling araw na nakita ko siya. Iyon na ang huli.