“Paging Doctor Lucero. Kindly proceed to the emergency room immediately! Doctor Lucero, to the Emergency Room immediately!” Basang-basa na ng luha ang mukha ni Althea, habang taimtim siyang nananalangin.
“Diyos ko, huwag mo pong pababayaan ang anak ko. Iligtas mo po siya, parang awa niyo na!” nagsusumamong wika niya sa kaniyang sarili.
“Mare, magpakatatag ka. Walang hindi ibibigay ang Diyos na suliranin, na hindi natin malalampasan.” Masuwerte siyang hindi siya kailanman iniwan ng kaniyang matalik na kaibigang si Georgina.
Palagi itong naka-alalay sa kaniya, simula noong iwan at talikuran siya ng ama ng kaniyang anak, si Georgina lang ang tanging taong tumulong sa kaniya. Itinakwil din kasi siya ng kaniyang mga magulang, nang matuklasan ng mga itong isa siyang disgrasiyada.
“Mare, maraming salamat kasi palagi kang nandiyan para sa amin ni Paulo. Hindi ko na alam ang gagawin ko, kapag may nangyaring masama sa inaanak mo. Mababaliw ako mare!” Isinubsob niya ang kaniyang mukha sa balikat ng kaibigan.
“Tahan na mare. Walang mangyayaring masama sa inaanak ko. Okay? Bakit kaya hindi mo hanapin ang ama niya? Para malaman ng hayop na iyon, ang karamdaman ng anak ninyo. Huwag mong sarilinin ang problema, mars,” sabi nito sa kaniya habang hinahagod ang kaniyang likod.
Kinasusuklaman niya ang lalakeng iyon, kaya bakit siya lalapit dito? Pero paano naman ang anak niya? Uunahin pa ba niya ang galit niya kay Chino, kaysa ang kaligtasan ng sariling anak?