DANAYA
Umalis nga ako sa party para sandaling makasagap ng hangin at makalayo sa mga tao doon, pero hindi ko akalain na may makulit na lalaki pala akong makikita dito sa labas.
Wala tuloy katahimikan ang buhay ko, kaya minabuti kong bumalik sa loob ng venue.
“Cuz, where have you been?” tanong agad ni Aidan nang makita ako.
“Lumabas lang ako saglit,” walang ganang sagot ko.
“With whom?” tanong ni Aidan. Sumulyap pa siya sa likuran ko at para bang may hinahanap na kung ano.
“Is there something wrong?” kunot ang noo na tanong ko kay Aidan.
Ngumiti naman sa akin ang pinsan ko at sinagot agad ang tanong ko.
“Wala, akala ko kasi nakipagkita ka sa labas.”
Tinaasan ko lang si Aidan ng kilay at hindi na sinagot ang sinabi niya dahil nakita kong naglalakad palapit sa amin ang estrangherong lalaking nakita ko sa labas kanina.
Nagkunwari akong hindi ito napansin. Ibinaling ko sa mga taong nagsasayawan sa gitna ang mga mata ko at hindi pinansin ang lalaking kausap ng pinsan ko ngayon.
“I thought you weren't coming, Romero,” nakangiting sabi ni Aidan.
“Matitiis ba kita?” sagot naman ng lalaking kausap nito, at pagkatapos ay bumaling sa akin at nginisihan ako.
“Uy, ka-date mo, Kazimir?”
Sinuntok siya sa balikat ni Aidan. Mukhang close sila at normal lang sa kanila ang ganitong usapan.
“Gago, pinsan ko ‘yan, si Danaya.”
“Wow! What a small world,” sagot ng lalaki at pagkatapos ay ngumiti sa akin.
“Hi, Miss Masungit. First Lieutenant Romeo Romero,” nakalahad ang kamay na pakilala nito sa akin, pero inirapan ko siya.
“Hey, masungit talaga itong pinsan ko, pero bukod sa maganda at single, mabait iyan,” sabat ni Aidan nang hindi ko inabot ang nakalahad na kamay ng kanyang kaibigan.
“Manahimik ka,” nakasimangot na sabi ko sa pinsan ko, pero pinanliitan ako ng mga mata ni Aidan.
“Ano ka ba naman, Danaya? Paano ka magkakaroon ng boyfriend kung ayaw mong makipagkilala at rejected agad ang mga pinakilala ko sa iyo?”
Muntik kong sipain si Aidan dahil sa kadaldalan niya. Kulang na lang ay ipangalandakan sa lahat na wala akong boyfriend para maibenta agad ako ngayong gabi.
“Akala ko ba in a relationship ka, Miss Sungit?” tanong naman ng tsismosong kaibigan ni Aidan.
“Sasagap ka na lang ng tsismis, mali-mali pa,” mataray na sagot ko.
“Very good, break na pala kayo ng ex mo, kaya single ka na ngayon,” tila natutuwang sagot nito.
Masama ang tingin na bumaling ako kay Aidan. Mukhang siya ang pasimuno ng tsismis, kaya gano'n ang impresyon sa akin ng lalaking kasama namin.
“Mga tsismoso!”
Sabay na inirapan ko ang dalawa, pero natawa pa sila.
Dumami ang kasama namin dito sa table, kaya naging maingay na. Dumating rin kasi ang mga kaibigan ni Aidan at may kasamang girlfriend nila.
“Sayaw tayo, Miss Sungit,” yaya sa akin ni Romeo.
“Ayaw ko,” mabilis na tanggi ko.
“C'mon, kanina ka pa nakaupo. Baka isipin nila na binabantayan mo ang pagkain sa mesa, kaya ayaw mong tumayo,” pilyong sabi nito sa akin.
Kung nakakamatay lang ang talim ng aking mga mata kung paano ko siya tingnan, ay baka bumulagta na ito sa harap ko ngayon.
“Huwag mo nang pilitin si Danaya, Romero. Kapag nainis ‘yan, lagot ka. Ako nga nilayasan niya kanina,” sabi ni Carl.
Tinapik pa niya si Romeo sa balikat at pagkatapos ay nginitian ako. Feeling close talaga ang isang ito sa akin, pero nanatiling pormal ang ekspresyon ko.
“Aray! Aray nakooo, ohhhh!” Malakas na sigaw ni Romeo habang nakahawak ang kanang kamay sa tapat ng kanyang dibdib.
“Bakit ang sakit naman ng ginawa mo? Ang sabi mo’y malaya ka, walang sabit at malaya pa–aray!”
“Gago! Ang ingay mo! Manahimik ka nga, Romero. Para lang naglalanding pusa sa kinakanta mo!” tila pikon na sabi ni Carl sa katabi.
Kanta pala ‘yon. Akala ko nang-aasar lang si Romeo dahil parang nagtutula tapos namimilipit eh, sintunado naman.
Nagtawanan tuloy ang mga kasama namin dito sa mesa. Mas lalong lumalim ang gabi. Kahit paano, naging ease na rin ako sa mga kasama ko at nagawa ko nang tumawa kapag nagbibiruan sila.
“Halika na, Miss Sungit. Sayaw tayo!”
Wala akong nagawa nang hawakan ako ni Romeo sa aking kanang braso at hatakin niya papunta sa gitna ng dance floor. As in, sapilitan talaga, tapos ang nakakainis pa ay nag-cheer pa ang mga kaibigan niya pati na rin ang magaling na pinsan kong si Aidan.
“Anong ginagawa mo?” salubong ang mga kilay na tanong ko kay Romeo.
“Nagsasayaw,” mayabang na sagot nito at gumiling-giling sa harap ko.
Napa-ngiwi ako. Overconfident naman yata ang isang ito. Kaliwa na nga ang mga paa, ang tigas pa ng katawan na parang punong naalog ang sanga dahil malakas ang simoy ng hangin.
“My God, maupo na lang tayo,” napa-iling na sabi ko dahil tawang-tawa ako sa dance moves ni Romeo.
“Mamaya na! Sayaw pa tayo, Miss Sungit!” malakas na sagot ng kasama ko habang gumigiling ang katawan sa harap ko.
Sa tingin ko’y nagmumukha na kaming katawa-tawa dito sa gitna, pero mukhang hindi yata aware dito ang kasama ko.
Kahit gusto ko na siyang iwan dito sa gitna ay hindi ko ginawa dahil ayaw ko namang mamahiya ng tao kapag iniwan ko siya dito.
“Pagod na ako, maghanap ka na lang ng kasayaw mo,” sabi ko kay Romeo.
Ngumiti siya sa akin at bahagyang gumalaw ang ulo.
“Okay, mamaya ulit.”
“Ano, mahina na ba ang tuhod mo, Romero?” nakangiting tanong ni Carl sa kaibigan, pero nginisihan siya ni Romeo at pabiro itong sinuntok sa balikat.
“Huwag ka nang magselos sa akin dahil basted ka na kanina ni Miss Sungit.”
Naging tampulan tuloy kami ng tukso ng mga kaibigan at katrabaho nila. Mukhang normal lang ito sa kanila, kaya kahit naiilang ako sa mga biruan ng kasama ko ay hinayaan ko na lang hanggang sa unti-unti ay nasanay na rin ako.
Lumalim ang gabi, bumabaha ang alak at pagkain, pero nakikita kong in moderation pa rin kung uminom ang pinsan ko, pati na rin ang kanyang mga kaibigan.
For the first time, na-appreciate ko na lumabas at sumama sa pinsan ko dahil kahit paano, nakasalamuha ako ng ibang tao.
Past two o'clock nang magpaalam ako kay Aidan dahil madaling araw na. Alam ng pinsan ko na hindi ako puwedeng mapuyat ng husto, kaya pumayag siyang ihatid ako.
“What's wrong?” tanong ko kay Aidan dahil ilang ulit na niyang sinubukang paandarin ang kanyang sasakyan, pero hanggang ngayon ay ayaw umandar ng kotse.
“s**t, bakit ayaw umandar?”
Bumaling sa akin si Aidan. “I'm sorry, cuz. Ngayon pa talaga nagloko ang kotse ko. Ayaw umandar eh. Mukhang kailangan ko nang palitan.”
“Sa dami ng high-end cars sa garahe ng bahay mo, bakit ba kasi iyan ang sasakyang dinala mo?” paninisi ko kay Aidan.
“Alam mo namang low-key lang ang personality ko, kaya hindi ako puwedeng magpakita sa publiko na mga sports cars ang kotse ko, or else, baka mapaghinalaan akong kurakot,” nakangiting sagot ni Aidan.
Dahil ayaw umandar ng kotse ni Aidan, bumaba na lang ako. Tinawagan niya ang isa sa mga kaibigan para manghiram ng sasakyan. Hindi naman nagtagal, dumating si Romeo, pero ayaw ipahiram ang kanyang kotse sa kaibigan.
“Kung hindi lang din ako ang magda-drive at maghahatid kay Miss Sungit, maghanap ka na lang ng taxi sa labas, Kazimir, at wala akong tiwala kung paano ka magmaneho,” sabi ni Romeo kay Aidan.
“Don't bother, tatawagan ko na lang ang mga pinsan natin,” sabi ko kay Aidan.
“It's late already, cuz. Don't worry, makakauwi ka agad.”
Matapos ito, bumaling si Aidan sa kanyang kaibigan. Sandali silang nag-usap, at pagkatapos ay niyaya na akong sumakay sa pulang sasakyan na nakaparada sa tabi ng kotse ni Aidan.
Sa backseat ako umupo, at sa harap naman naupo si Aidan, katapat ni Romeo na siyang nagmamaneho. Hinayaan ko lang silang mag-usap habang nasa daan kami at nagkunwaring nakatulog sa upuan ko hanggang sa nakarating kami sa tapat ng building kung saan naroon ang penthouse ko.
“Thank you sa paghatid ninyo sa akin,” sabi ko kina Aidan at Romeo.
Sumaludo sa akin ang kaibigan ni Aidan. Hindi rin nakaligtas sa mga mata ko kung paano gumala ang kanyang paningin sa paligid hanggang sa makababa ako.
Dahil madaling araw na at walang ibang tao sa lobby maliban sa security guard na bumati sa akin, mabilis akong nakapasok sa elevator. Hindi na ako nagpahatid kay Aidan hanggang sa penthouse ko iyon dahil late hour na at babalik pa sila sa hotel dahil naiwan doon ang kanyang sasakyan.
Nagulat ako nang buksan ko ang pintuan. Naabutan kong nakaupo sa sofa si JC at mukhang naghihintay sa akin.
“You're here?” maang na tanong ko kay JC dahil hindi ko inaasahan na makikita siya dito sa loob ng penthouse ko.
“Why? Are you not expecting to see me here anymore, Danaya?” malamig ang ekspresyon na tanong ni JC sa akin.
“Honestly, no,” tipid na sagot ko habang marahang humahakbang palapit sa kanya.
Hindi naman kasi siya pumupunta dito nang walang pasabi, lalo na't maselan ngayon ang kondisyon ni Trixie, kaya lagi siyang nasa tabi ng kanyang girlfriend.
“Really?” makahulugan na ngumiti sa akin si JC. “Bakit, hindi na ba ako welcome dito ngayon?”
“What are you talking about, JC?” kunot ang noo na tanong ko sa kanya.
Tumayo si JC at tinitigan ako nang diretso sa mga mata.
“Don't play games with me, Danaya!” tiim-bagang na singhal ni JC sa akin.
Natigilan ako nang tumaas ang tinig ni JC. Mukhang hanggang ngayon ay galit pa rin siya sa akin, bagay na hindi ko inaasahan dahil ngayon lang naman ako umalis ng bahay at pinsan ko naman ang kasama ko.
“Malinaw ang usapan natin na aalagaan mo ang kalusugan mo. You were very weak these past few days. You even lost consciousness, pero nagagawa mo pang lumabas at abutin ng madaling araw sa labas!” galit na sabi ni JC sa akin.
“Ngayon lang naman ako lumabas–”
Hindi ko natapos ang sasabihin ko nang biglang magsalita si JC.
“I'm not stopping you na lumabas, pero dapat maging responsable ka dahil ako, ginagawa ko ang parte ko para hindi masira ang kasunduan natin.”
Hindi na ako nakasagot dahil narinig kong tumunog ang doorbell sa labas ng pintuan. Sabay kaming nagkatinginan ni JC, na ngayon ay nagtatanong ang mga matang nakatingin sa akin.
“Are you expecting a visitor at this hour, Danaya?” tanong niya sa akin, kaya umiling agad ako bilang sagot.
Humakbang siya palapit sa pintuan at walang pagdadalawang-isip na binuksan ito at tiningnan kung sino ang nasa labas.
“Who are you?” matigas ang tinig na tanong ni JC sa taong nasa labas.
“I'm looking for Miss Danaya Miller,” sagot ng tinig na pamilyar sa akin.
“Why are you looking for my fiancée? What do you want from her?” galit na tanong ni JC kay Romeo.
“Fiancée? Ang alam ko, single si Danaya?
Wala akong narinig na sagot mula kay JC. Matalim ang mga matang tinapunan niya ako ng masamang tingin na para bang may pag-aakusang ginawa akong hindi maganda sa labas kanina.
I wonder kung bakit narito si Romeo, gayong wala naman akong nakikitang dahilan para pumunta siya dito sa penthouse ko ng ganitong oras.
Besides, kasama siya ni Aidan, kaya kung sakaling may naiwan akong gamit sa loob ng kanyang kotse kanina nang ihatid nila ako, ang pinsan ko ang pupunta dito at hindi ang kanyang kaibigan.