KABANATA 1
[SHAN LEDEZMA]
“Hoy.” Kaagad na nagpataas ng mga balahibo ko ang baritono niyang boses. “Nagsusulat ka na naman ba ng mga walang kwenta na kwento na iyan? Nagluto ka na ba? Ha!”
Umuwi na naman siya ng lasing at isang masakit na sabunot at pagtulak na naman sa akin dahilan para mapasalampak ako sa pader ang kaniyang ibinigay. Tahimik akong napadaing, natatakot na ilabas ang sakit dahil baka mas ganahan na naman siyang saktan ako. Sa tagal ng panahon at sa ganitong gawi na kinalakihan ko, sanay na sanay na ako. Himala na nga na maituturing na nakaabot pa ako hanggang dito kahit ilang beses na sumagi sa isip ko ang umalis. Wala rin naman akong mapupuntahan.
“N-Nakapagluto na po ako, Tatay,” I said, lowering my head because of fear.
“Mabuti naman at iyan lang ang pakinabang mo rito sa bahay, ang pagsilbihan ako. Oh! Heto ang baon mo. Pang-isang linggo na ‘yan, ah?”
Tinapon niya ang isang-daang piso na pera sa sahig bago pasuray-suray na pumunta sa kusina. Mabuti na lamang at kahit ganiyan siya ay nagtatrabaho naman siya para may makain kami. Pinag-aaral pa rin naman niya ako. May bahay na natitirhan. May damit namang maayos na suot. I’m still thankful.
Kinuha ko ang isang-daang piso sa sahig at itinago iyon sa sikreto kong taguan kung saan ko rin itinatago ang aking kasiyahan. Isang notebook iyon na kulay brown kung saan ang mundo ko. Ang mundo kung saan ay masaya. Ang mundo na gawa ko. Ang tinatawag niyang walang kwenta ay ang bumubuhay at nagpapasaya sa akin. Kung wala ito, baka matagal na talaga akong natuluyan. Though, I sometimes find pleasure by hurting myself. It always feels like my life is already a head above water.
Lumaki akong walang nanay. Hindi ko siya kilala at hindi ko nga alam kung bakit iniluwal pa niya ako sa mundo at iniwan sa tatay kong pinamulat ako sa karahasan. Noong nagkaisip ako ay sinusubukan kong maghanap ng ina at itanong sa aking ama kung sino o nasaan siya, ang sinasagot niya lamang ay wala akong karapatan na magtanong dahil kasalanan ko rin naman daw kung bakit wala akong nanay. Bakit? Bakit kasalanan ko?
Sa murang edad na limang taon, halos tumatayo na ako para sa sarili ko. Anim na taon ako noong sinisimulan na ako ni tatay na pagbuhatan ng kamay at madalas na ring umiinit ang ulo niya. Lagi na rin siyang naglalasing at kapag ganoon, iniiwasan kong painitin ang ulo niya. Noong huli na pinagbuhatan niya ako ng kamay na lasing siya ay muntik ko nang ikamatay. Takot pa naman ang mga kapitbahay namin sa kaniya. Kahit humingi ako ng tulong ay tatalikuran lang nila ako. Hindi ko rin alam kung may iba pa ba kaming pamilya dahil ni wala naman dumadalaw rito sa bahay namin.
Hindi ko pa gustong mamatay, hindi ko na rin gustong mabuhay. Kung bubukas pa ang mga mata ko sa susunod na araw ay mabuti. Kung diretso na ang tulog ko sa gabi at hindi na gigising ay mabuti rin. May parte lang din sa puso ko na ayaw ring iwan si tatay, ama ko pa rin siya kahit papaano. Ako na lang ang pamilya niya at siya na lang din ang pamilya ko. Maaari kong sabihin na nabubuhay na lang din ako na tila patay.
Nang dahil sa pag-iisa at walang kausap, doon gumana ang aking imahinasiyon. Lahat ng sumasagi sa utak ko na masasaya ay sinusulat ko hanggang sa makabuo ako ng kwento. Iyon ang mga ideal ko at dahil sa pagsusulat, nalilimutan ko minsan ang karahasan na ibinibigay sa akin ng tunay na mundo.
“Aray.”
Natigil ako sa pagsusulat nang masagi sa gilid ng mumunti kong lamesa ang panibagong sugat na binigay ko sa aking braso kanina. Napabuntong-hininga ako at pinakinggan kung may ingay pa ba ng kutsara at tinidor sa kusina. Nang walang marinig ay hudyat iyon na nasa kwarto na si tatay at tulog na. Maaari na akong maghapunan at pagkatapos ay hugasan ang pinagkainan namin.
Lumabas ako ng aking kwarto at bahagyang sumilip sa kusina. Wala na siya. I tiptoed going to his room at nakita siya sa katre niya at humihilik na dala ng kalasingan. Malalim akong bumuntong-hininga bago bumalik sa kusina para maghapunan.
Nang matapos ay nilinisan ko muna ang aking sarili bago pumunta sa higaan para matulog. Ilang beses akong dumaing sa sakit. Patunay ang katawan kong ito ng buhay ko. Nang aking lungkot, pighati, at pagdurusa. Ayos lang ako. Magiging ayos lang ako. Kailangan ko lang na ipikit ang aking mga mata ngayon at gigising na naman kinabukasan para harapin ang panibagong hamon.
Oo nga pala, pagbubukas na rin ng panibagong taon ko sa hayskul bukas. Huling taon, ito na ang huling taon. Hindi na ako makapaghintay na makaalis sa impyernong kung tawagin ay paaralan. I can’t wait to graduate. Kapag makatapos ako ay tiyak na magtatrabaho na ako ng maaga. Nasabi na rin ni tatay na hindi na ako magkokolehiyo at magtatrabaho na kaagad pagkatapos para makatulong na sa kaniya ng maaga. My fate is already decided just like that. But do I even have a choice? Wala.
Kailangan ko na sigurong tanggapin na iyon na talaga ang kapalaran ko.
“Padaan nga! Haharang-harang sa daan,” sigaw sa akin ng schoolmate ko pagkapasok na pagkapasok ko pa lang sa paaralan.
Napahigpit ang hawak ko sa aking kulay brown na notebook. Inayos ko ang strap ng aking bag na lumaylay sa kaliwa kong balikat. Huwag mo na lang silang pansinin. Isang taon na lamang, Shan. Makararaos ka rin sa kanila.
Nakayuko akong naglalakad, hindi tinitignan at pinapansin ang mga matang paminsan-minsan ay tumitingin sa akin. Maging ang kanilang mga bulung-bulungan na dati ay nagpapabingi sa akin ay pinapalagpas ko na lamang sa aking mga tenga. Siguro nga ay nasanay na ako. Hindi ko lang maintindihan kung bakit pa sila nagsasayang ng mga oras nila sa akin gayong wala naman silang makukuha at mapapala sa akin. Ganoon ba sila katuwa na makapanakit? Pero bakit palagi na lamang ako? Kahit sa bahay…. kahit sa paaralan…
“Tignan mo nga naman. Akalain mong nakaabot ka pa rin ng fourth year, weirdo. Matibay ka rin ano? Kahit iisa lang ang kaibigan mo,” si Sam, ang numero unong nambubully sa akin dito sa paaralan kasama ang dalawa niyang alipores.
Kaibigan? Nagpapatawa ba siya? Wala ako no’n. Sino naman ang makikipagkaibigan sa akin? Tsaka mas gusto ko rin ang mag-isa, hindi ko kailangan ang kaibigan.
“Ano ka ba, Sam. Kita mo naman na wala siyang kaibigan, oh?” si Jamaica, ang isa sa mga alipores niya.
“Bulag ka ba? Iyang notebook niyang lagi niyang hawak. Iyan ang kaibigan niya total baliw naman siya!” Sabay silang nagtawanan sa harap ko.
“Kawawa naman. Ang init-init girl, pero para kang suman. Baliw nga talaga!” si Francheska naman iyon.
Hindi na ako nagsalita at hindi na rin sila pinansin. Nakakukuha na naman kami ng atensiyon, pinagtatawanan lang din nila ako. May ibang naaawa pero hanggang tingin lamang din. May ibang dumaraan at walang pakialam. Bumuntong-hininga ako at kagaya ng nakasanayan ay nilagpasan na lamang ang grupo nila. Matibay nga rin sila, hindi na sila napagod kapapansin sa akin. Gusto ko na rin isipin minsan na mahal na mahal nila ako, lagi nila akong binibigyan ng atensiyon, eh.
Mapait ang sakrasmo sa naisip ko.
“Aray!” malakas akong napadaing nang mabilis akong nahila sa braso ni Sam para bumalik sa harap nila.
Kaagad na bumaon sa balat ko ang mahahaba niyang kuko at ramdam ko ang panhahapdi roon kahit pa nakasuot ako ng mahaba. Natatamaan niya ang pasa ko gawa ng binigay sa akin ni tatay. Naisip ko kaagad na matatagalan na naman ang paghilom neto. Lalo pa ngayon, dumagdag pa sila.
“Ang bastos mo, ah? Hindi pa tayo tapos mag-usap, hindi ba?” gigil niyang saad.
“B-Bitawan mo ako, S-Sam. M-Masakit,” I hissed.
Mas lalo pa yatang humigpit ang kapit niya sa akin at nakita ko ang kakaibang tuwa sa mga mata niya habang nakikita ang nasasaktan kong expresiyon. Nagsimula na akong maluha dahil masakit talaga.
Bakit ako? Bakit lagi na lang ako? Bakit tuwang-tuwa silang saktan ako? Ano ba ang problema sa akin? Ano ba ang atraso ko sa kanila? Bakit hindi na lamang nila ako hayaang mag-isa total hindi ko rin naman sila pinapansin? Pero bakit palagi na lamang ganito? Anong klase bang buhay ‘to?
“T-Tama na –”
Hindi lang ako, ngunit maging si Sam at ang mga nakapaligid ay sabay na nagulat nang may malakas na humatak sa akin paalis sa pagkakahawak niya. Hindi kagaya nila, ang kamay na humahawak sa akin ngayon ay magaan at hindi masakit. Sa unang pagkakataon ay noon ko lang naramdaman ang ganoong klaseng pag-iingat. Tila naging slow motion nang magtagpo ang paningin namin ng tao na iyon.
Nang makabawi sa pagkagulat, kapwa kami napatitig sa mukha ng isa’t-isa. I blinked in confusion while staring at the face of the man who is now holding me. Seryoso ang tingin niya sa akin at tila ba pinag-aaralan ang mukha ko. Para bang kinikilatis niya ako. Iyon bang nakita na niya ako sa kung saan at pinapamilyaran ang mukha ko kung saan at kailan niya ako nakita.
Pero ako… kilala ko siya. Kilalang-kilala.
“R-Rai –”
“Ikaw nga!” Bahagya akong napakislot sa bigla niyang pagsigaw, a toothy grin appeared on his lips. “Hindi ka multo.”
I was left dumbfounded on his remark. Ang pinakakilalang lalaki sa paaralan ay hawak ako ngayon at sinabing hindi ako multo. Anong klaseng biro na naman ba ito? Kung nananaginip man ako ngayon, sana ay magising na ako.