Chapter 7

1954 Words
PASIPOL-SIPOL na naglalakad sa kahabaan ng hallway si Kyden. Kalalabas lang niya sa Library matapos ang ilang oras na trabaho. Ramdam na niya ang pangangalay ng kanyang mga braso, ngunit kailangan niya itong tiisin. Hindi pa rito nagtatapos ang kanyang araw. Dinukot niya ang kanyang cellphone saka muling tiningnan ang mga mensaheng ipinadala ni Markus sa kanya. Kanina pa ito nangungulit na makipagkita siya, nang sa ganoon ay magkaalaman na rin kung sino ba talaga sa kanilang dalawa ang mas matapang at mas malakas. Ayaw na sana niya itong patulan pa gayong pagod na siya, pero batid din niyang hindi ito titigil hangga’t hindi nangyayari ang gusto nito. Siguro ay bibilisan na lamang niya, nang sa ganoon ay makapagpahinga na rin siya. “Kyden!” Saktong palabas na siya ng gusali nang bigla niyang marinig ang boses ni Arya na tumawag sa kanyang pangalan. Tumigil siya sa paglalakad saka ito nilingon. “Arya, akala ko ba umuwi ka na? Bakit nandito ka pa rin sa Academy?” bungad niya nang makarating ito sa kanyang harapan. Mas nauna kasi itong nagpaalam kanina kaya akala niya ay nasa apartment na ito. “Galing ako sa Principal’s Office. Tumutulong ako kay Manang Beth sa paglilinis doon,” sagot nito. “Ibig sabihin, pagkatapos mo sa Library ay nagtatrabaho ka pa sa Principal’s Office?” takang tanong niya. Hindi niya akalain na ganoon pala karami ang mga ginagawa nito. “Hindi naman palagi. Tinutulungan ko lang talaga si Manang Beth kasi medyo matanda na siya at mabagal na rin kumilos. Isa siya sa mga janitress dito sa Southland. Hindi bali, ipakikilala kita sa kanya bukas,” nakangiti nitong sabi. Napangiti na rin siya saka ipinagpatuloy ang paglalakad. Sumabay na rin ito sa kanya. “Ang bait mo naman pala,” komento niya. “Siyempre! Sino ba naman ang magtutulungan kundi tayo ring mga mahihirap, ’di ba? Hay, sana lang talaga mapaalis na sa puwesto iyang si Principal Guevarra. Mas lalo lang lumala ang pamamalakad sa Southland simula nang ma-promote siya. Puro na lang mga mayayaman ang binibigyan ng pabor.” Magkasalubong ang mga kilay na pinagbalingan niya ito ng tingin. Kitang-kita niya ang inis na lumandas sa mukha nito habang sinasambit ang mga katagang iyon. “Ano’ng ibig mong sabihin? Mali ang pamamalakad ng Principal dito sa Southland?” tanong niya. Narinig niya ang pagbuga nito ng malalim na paghinga. Parang hindi maganda ang pakiramdam niya sa mga nangyayari. “Bago ka pa lang kasi kaya hindi mo pa alam kung ano ba talaga ang tunay na nangyayari rito sa loob ng Southland. Kung hindi lang talaga dahil sa scholarship, hinding-hindi ako mag-aaral dito. Sayang, hindi na-approve iyong application ko sa kabilang school. Siguro magtitiis na lang muna ako, tutal isang taon na lang naman ay graduation na. Ang mahalaga, makapagtapos ako ng pag-aaral.” Ngumiti ito nang mapakla saka siya tinapunan ng tingin. “One of these days, maiintindihan mo rin ang mga sinasabi ko. Bilisan mo na, kanina pa kaya ako nagugutom.” Sinundan niya ito ng tingin. Ano kaya ang ibig nitong sabihin? Naipilig niya ang kanyang ulo nang maalala ang nangyari kanina sa kanilang klase. May kinalaman kaya si Markus sa mga sinasabi ni Arya? “Binibigyan ng pabor ang mga mayayaman? Kaya ba hindi napunit ang papel ni Markus kanina dahil doon?” bulong niya. Ilang beses siyang napabuga ng malalim na paghinga. Mukhang may koneksyon nga ang dalawang iyon. “Hindi ka pa ba uuwi?” Nabaling ang tingin niya kay Arya na kunot-noong naghihintay sa kanya sa hindi kalayuan. Hindi siya nagsalita, sa halip ay napatingin siya sa gusali kung saan naroon ang kanilang silid. Alam niyang kanina pa naghihintay si Markus sa kanyang pagdating. “Nandiyan na,” nakangiti niyang tugon saka ito nilapitan. Makakapaghintay ang ugok na iyon sa kanyang pagdating. Mas mahalagang masigurado muna niyang makakarating nang ligtas si Arya sa apartment. Hindi niya ito puwedeng pabayaan, lalo na ngayong batid niyang may banta sa buhay nito. “Ano’ng gusto mong ulam? Magluluto ako,” tanong nito nang tuluyan silang makalabas ng Akademiya. “Kahit ano. Hindi naman ako mapili sa pagkain.” Tumango ito. “Kung sa bagay, wala naman talaga tayong karapatang mamili. Mga taong may kakayahan lang sa buhay ang puwedeng gumawa no’n,” bulong nito pero rinig na rinig naman niya. “Sandali.” Hinawakan niya ito sa braso kaya napahinto ito sa paglalakad. Nag-angat ito ng tingin saka tumitig sa kanyang mga mata. “Bakit ba ganyan ka magsalita? Ano ba talaga ang problema mo sa mga ganoong klaseng tao? Sa totoo lang, kanina pa ako na-cu-curious sa mga pinagsasabi mo. Puwede bang ipaliwanag mo nang mas malinaw?” aniya. Narinig niya ang pagbuga nito ng malalim na paghinga. “May masama kasi akong karanasan sa mga ganoong klaseng tao.” Tumigil ito sa pagsasalita. Bakas sa maamo nitong mukha ang kirot na nararamdaman. Marahil ay naalala nito ang nakaraan. “Sila ang may kasalanan kung bakit namatay ang mga magulang ko. Hinding-hindi ko sila mapapatawad.” Agad na bumalong ang mga luha nito na mabilis nitong pinahid. Nakangiting napatingin ito sa kanya. “Huwag ka kasing tanong nang tanong. Naiyak tuloy ako.” Umismid ito saka siya tinalikuran. “Arya.” “Bakit na naman?” pikon nitong tanong saka siya nilingon. “Sabihin mo sa akin kung sino ang mga taong iyon. Sisiguraduhin kong pagbabayaran nila ang lahat ng mga ginawa nila sa mga magulang mo,” matigas niyang sabi. Ngayong narinig na niya ang kuwento nito ay hindi siya basta-basta mananahimik lamang sa isang tabi. Kailangang magbayad ng mga taong iyon. “Bakit? Ano’ng gagawin mo?” Inirapan siya nito. “Kahit makilala mo pa sila ay wala ka pa ring magagawa.” “Huwag mo akong maliitin, Arya. Hindi mo pa alam kung ano ba talaga ang mga kaya kong gawin. Bilis, sabihin mo na. Bukas na bukas din—” “Matagal na silang patay.” Natahimik siya sa sinabi nito. Mayamaya pa ay nilapitan niya ito saka mahinang tinapik sa balikat. “Naiintindihan ko ang mga pinagdaanan mo. Pero mali naman siguro na magalit ka sa lahat ng mga mayayaman dahil doon. Tandaan mo, hindi lahat ng mga taong nakakaangat sa buhay ay ganoon ang ginagawa. Marami pa rin namang may mabubuting puso at nakahandang tumulong sa kapwa,” paliwanag niya. “Pero para sa akin ay magkakatulad lang silang lahat.” Napakamot si Kyden sa kanyang batok. Mukhang mahihirapan siyang baguhin ang pananaw nito. Sa ngayon ay wala siyang ibang pagpipilian kundi ang itago ang tunay niyang pagkatao. Paniguradong kamumuhian siya nito oras na malaman nitong galing din siya sa mayamang pamilya. “Mauna ka nang pumasok sa loob. May dadaanan lang ako,” wika niya nang tuluyan silang nakarating sa tapat ng apartment. “Bilisan mo, pumasok ka agad. Sasabay akong maghahapunan sa inyong dalawa ni Kuya,” sabi nito bago siya iniwan. Napabuga ng malalim na paghinga si Kyden. Oras na para bumalik siya sa Southland. “BAKIT ngayon ka lang? Alam mo bang kanina pa kita hinihintay rito? Akala ko, nabahag na iyang buntot mo at tumakbo ka na palayo,” nakangising bungad ni Markus nang makarating siya sa lugar na tinext nitong pagkikitaan nila. Agad na itinapon ni Kyden ang kanyang bag sa isang tabi. Kailangang matapos na agad ito, nang sa ganoon ay makauwi na rin siya at makakain. Kanina pa siya nagugutom. “Bakit hindi ka nagsasalita? Siguro, takot na takot ka na ’no? Puwede ka namang umatras kung talagang nangangatog na sa takot iyang mga tuhod mo. Maiintindihan naman kita,” dagdag pa ni Markus. Sabay na natawa ng dalawa nitong alipores. “Pasensiya na, andami lang talaga naming ginawa sa Library ngayong araw. Medyo pagod na rin ako. Isa pa, hinatid ko pa si Arya bago ako pumunta rito kaya medyo natagalan ako,” sagot niya saka nag-unat ng katawan. Agad niyang napansin ang pagkuyom ng mga kamay ni Markus. Batid niyang hindi nito nagustuhan ang huli niyang sinabi. Tumingin ito sa mga kasama saka sumenyas na sugurin siya. Umayos ng tayo si Kyden saka inihakbang patalikod ang isa niyang paa. Agad niyang sinalubong ng malakas na sipa sa mukha ang unang lalaking lumapit sa kanya. Agad itong tumilapon sa gilid ng basurahan. Sunod na nabaling ang tingin niya sa isa pang lalaki. Mabilis siyang yumuko para iwasan ang suntok nito. Agad niya itong inambangan ng magkasunod na suntok sa sikmura. Hindi pa siya nakuntento at sunod itong inikutan saka sinipa nang malakas ang magkabila nitong binti. Napaluhod ito kaya sinipa niya itong muli sa gilid ng ulo nito dahilan para bumagsak ito sa lupa. “Yah!” Nakatayo na rin ang una niyang napabagsak. Namumula ang mukhang sumugod ito sa kanya. Agad niyang hinuli ang kamao nito saka pinilipit patalikod. Napaluhod ito kaya kinuha na niya ang oportunidad na iyon para sipain ito nang malakas mula sa likuran. Diretso itong bumagsak sa lupa at hindi na muli pang gumalaw. “Ano’ng!” Umayos ng tayo si Kyden saka pinagbalingan ng tingin si Markus. Naibulsa niya ang kanyang mga kamay nang makita ang gulat na rumihestro sa mukha nito. Marahil ay iniisip talaga nito na mahina siya. Kumuyom ang mga kamay nito at galit na sumugod sa kanya. Tumaas ang gilid ng labi ni Kyden at agad na umatras. Iniwasan niya ang lahat ng mga atake nito. “Duwag! Bakit hindi ka lumalaban!” galit nitong tanong. Nakuha pa niyang magkibit-balikat bago nakipagpalitan ng suntok at sipa rito. Aminado siyang mahusay makipaglaban si Markus. Malakas ang mga binibitawan nitong suntok at mabilis din ang mga galaw nito. Kahit papaano ay mukhang may maibubuga naman ito. Subalit hindi iyon sapat para magpatalo siya. Hinding-hindi siya papayag na mapapabagsak lamang siya ng isang kagaya nito. Marami na siyang mga nakalaban, higit na mas malakas at mabilis kaysa rito. Walang-wala pa rin ito kumpara sa kanya. Hinintay niyang muli ang pagsuntok nito. Nang papalapit na ang kamao nito ay saka siya humakbang paatras saka yumuko. Mabilis siyang lumusot sa gilid ng braso nito at nang makapuwesto sa likuran nito ay saka niya ito sinalubong ng malakas na sipa sa mukha. Hindi iyon napaghandaan ni Markus kaya muntikan na itong matumba. “Ops! Pasensiya na,” nakangisi niyang sabi nang makitang dumurugo ang gilid ng labi nito. “Sandali!” sigaw niya nang akmang susugod ulit ito sa kanya. Agad naman itong natigilan saka siya kunot-noong tinitigan. Dinukot ni Kyden ang kanyang cellphone. Napabuga siya ng malalim na paghinga nang makitang tumatawag ang kanyang Tiyo Terrence. Ano na naman kaya ang kailangan nito? “Oh, Tito Terrence! Bakit po kayo napatawag?” masayang wika niya. “Nandito ako sa Albay, baka gusto mong makipagkita.” “Talaga po? Ngayon na po ba? Sige po, pupunta po agad ako.” Nakangiting pinatay niya ang tawag. Mabuti naman at dinalaw siya ng kanyang Tiyo. Tamang-tama at paubos na ang kanyang pera. Baka may maganda itong pasalubong sa kanya. “Saan mo nakuha iyan?” Nabaling ang tingin niya kay Markus na seryosong nakatingin sa hawak niyang cellphone. “Mamahalin ang cellphone na iyan. Siguro ninakaw mo iyan, ’no?” Hindi napigilan ni Kyden ang matawa nang marinig sa sinabi nito. Nilapitan niya ito at mahinang tinapik sa balikat. “Masyadong mataba ang utak mo, Markus. Dahan-dahan lang sa panghuhusga at baka ikaw ang mapahiya sa huli,” nakangisi niyang sabi bago humakbang palayo. “Sa susunod na natin ipagpatuloy ito. May importante lang akong pupuntahan.” Ngumiti siya at tuluyan nang tumalikod. “Sino ka ba talaga, Kyden?” Saglit na napahinto sa paglalakad si Kyden nang marinig itong magsalita. Tumaas ang gilid ng kanyang labi. Hindi niya ito pinansin saka ipinagpatuloy ang paglalakad.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD