Prologue
HALOS mabingi ako sa hiyawan ng mga madla sa harap ng stage. Nanginginig ang aking kalamnan kasabay ng malakas na tambol ng aking dibdib. Unang pagkakataon namin itong sumalang sa entablado na kasing lawak ng bahay namin. Ayaw kong pumalya, ayaw kong kahihiyan ang magiging unang impression namin sa mga tao.
Napatingin ako kay Manager Prince na kasalukuyang nakahalukipkip at inaabangan ang aming first live performance sa T.V. Tumango siya at gumuhit ang ngiti sa kanyang labi, binibigyan ako ng sapat na lakas ng loob. Bumaling naman ako kay Adriel, ang drummer ng banda. Nakahawak siya sa kanyang dalawang stick at napapikit. Si Zach, ang lead guitarist at nagsisilbing leader ay nakatingin lang sa akin. Si Logan at si Seb naman, ang bass at rhythm guitarist ay inaayos ang tunog ng kanilang mga gitara.
Huminga ako nang malalim at napatingin muli sa madla. Pangarap namin ito, pangarap naming lahat ito. Kapag pumalya ko, siguradong hindi ko mapapatawad ang sarili ko.
“Noemie,” tawag sa akin ni Zach. Tumango siya, nagbibigay hudyat na kailangan na naming magsimula. Matapos ang pag-aayos ay napatingin na rin si Logan at si Seb sa akin.
Ngumiti ako sa kanila at saka ko mahigpit na hinawakan ang mikropono. Pumikit ako upang kantahin ang unang stanza. “Limampu’t dalawang linggo ang tinagal ng pag-ibig…” Nagsimula ang ang himig na nangagaling sa mga instrumento. “Saksi ang araw at buwan. Ang ngiti mong nagsilbing ilaw sa madilim na daan.” Kanta ko.
Nag-uunahang bumalik ang nakaraan. Naalala ko naman ang taong pilit kong kinakalimutan. Naalala ko naman ang mga ngiti niya sa akin. Ang halikan na aming pinagsaluhan sa gitna ng gabi, sa kanyang sofa, sa loob ng kanyang opisina.
Lumandas ang luha sa aking mga mata. “Sana na lang pala’t naging panaginip ka na lang.” Pilit kong tinatatag ang aking boses upang hindi makagawa ng tonong hindi babagay sa himig, kahit na naging dahilan iyon ng pagsakit ng aking lalamunan.
Kinuha ko ang mikropono sa stand nito at naglakad sa dulo ng entablado. May mga madla na pilit akong inaabot nang umupo ako habang kinakanta ang awiting nagawa ko sa kanilang harapan. Napangiti ako at tumayo at pumunta sa kabilang dulo.
Masaya ang tugtog ng kanta, taliwas sa mensahe na nakapaloob sa liriko nito. Nakangiti si Zach nang magtama ang mata naming dalawa.
Binagsak ko ang aking nakalugay na buhok kasabay ng pagbagsak ng musika. Sa ganitong paraan ay nakakalimutan ko ang lahat, nakakalimutan ko ang nangyari sa amin…
Nang inangat ko ang aking ulo kasabay ng pagdilat ng aking mga mata, nang mapatingin ako sa madla, ay hindi ko inaasahan na dadapo ang paningin ko sa isang pamilyar na pigura ng isang lalake. Nakasuot siya ng leather jacket, ang kanyang dalawang kamay ay nasa kanyang magkabilang bulsa, at ang mga mata niyang dati pang malamig ay nakatuon sa akin.
Hindi ko nasundan ang awitin. Hindi ko alam kung ano ang kakantahin. Bakit siya nandito? Akala ko ba….
“Matt,” mahina kong sambit kasabay ng unti unti kong pagbaba ng aking mikropono.