KABANATA 2

1073 Words
KABANATA 2 “MARCELINE, halika nga rito at tulungan mo akong magsaayos ng mga ibibilad na tinapa! Magdali ka at marami pa ‘kong gagawin bukod dito!” Mula sa pinagkakaabalahang tahiin na palda ay nag-angat ng sulyap si Marceline sa kanilang bintana, nangingiwing bumuntonghininga dahil hindi matapos-tapos ang ginagawa niya sa dami ng inuutos ng kaniyang ina sa kaniya bawat oras. “Iwan niyo na lang ho riyan at ako na ang gagawa! May tinatahi pa ako!” “Anong pinagsasabi mo, kung iiwan ko ‘to rito e ‘di nagpyesta ang mga pusa sa paligid! Bilisan mo riyan at halika na rito!” Pinagmasdan niya munang mabuti ang tinatahing maiksing palda, kulay puti at may maliliit na burdang mga bulaklak na kulay dilaw naman. Magmula noong matapos ang Annual Hermosa Night ay hindi na siya halos magpapigil sa pagsipat ng mga damit na balak dalhin at suotin pagpunta ng Maynila. Buo na ang desisyon niya at makikipagkita siya kay Tristan para kumita. Nagkasundo naman sila sa kondisyon niya rito na susunod doon at kokontakin ang lalaki pagkatapos ng ilang buwan na pag-stay muna rito. Halos magulat nga siya dahil willing pa itong hintayin siya. “Tinawag ko na rin si Jappa at Isagani para naman matulungan ka, marami-rami pa naman ‘to.” “Kailan ba ‘yan kumonti.” Nakangusong pagsagot niya habang nauupo sa maliit na kahoy, sa harap ng nakalatag na malapad na sako kung saan inaayos ng kaniyang ina kanina pa ang mga tinapa na ibibilad. “Ikaw, panay ang sagot mo, hindi ka na lang sumunod!” Ani nito sa kaniya matapos hilahin ang kaniyang buhok. “Magtiis ka dahil diyan lang tayo kumikita bukod sa farm ng mga Aragon! E kung hinusayan mo sa Hermosa Night, e ‘di sana mayaman ka na ngayon!” Kaagad na napadiretso ng upo si Marceline nang makita kung sino ang lalaking pumapasok ngayon sa munti nilang bakuran kasunod ang isa pa nilang kaibigan, hindi siya nagpapahalata ngunit ang kaninang bagot na ekspresyon ay napalitan ng mas seryoso ngunit mas maliwanag na reaksyon. Ganito na yata talaga ang dulot sa kaniya ng lalaki sa tuwing lumalapit ito sa kaniya o kinakausap siya sa mga lumipas na ilang taon na rin. “Tita, magandang tanghali po.” Pagbati ng kadarating lang na si Jappa at Isagani, nagmano at sumulyap ang mga ito sa mga tinapa at kay Marceline na nakasimangot habang nagtatali ng mahabang buhok. “Naku, ‘Ma! Kung ako sa ‘yo sulitin mo na ang mga panahon na nahihila mo pa ang buhok ko, dalawang buwan na lang at magtatrabaho na ‘ko sa Maynila.” Malakas na anunsyo ni Marceline habang itinutuloy ang tinatrabaho ng kaniyang ina kanina lang. “Maynila?!” Gulat na singhap ni Isagani sa narinig. “Bakit? Nag-apply ka ng trabaho sa Maynila?” Maagap at curious na asik pa ni Jappa sa kaniya. Kababata niya si Jappa at Isagani, kasama si Teresa at Angeline na parehong kasama noong gabi ng Hermosa Night. Halos sabay-sabay silang lumaki, magkakasama araw-gabi mula sa farm na pinagtatrabahuhan nila hanggang pauwi sa halos magkakapitbahay lang din na tahanan nila. Kaya nga nang magkaroon ng isip at tuluyang magdalaga ay hindi niya na napigilan ang sarili na makahulugan ng loob si Jappa, bukod sa mabait ito sa kaniya, gentleman, responsable at maaasahan sa lahat ng bagay, may itsura rin at hindi isip-kangkong. Inampon ito ng kaniyang ina noong mga panahong lumuwas din ng Maynila ang mga magulang nito, kaya kung may ituturing siyang pinakamalapit na kaibigan, si Jappa talaga ‘yon. Iyon nga lang, kahit gaano niya kagustong magustuhan din siya pabalik ng isa... alam niyang walang tyansa. Tumikhim siya at taas-noong hinawi ang maliliit na buhok sa kaniyang noo. “May lalaking nag-offer sa ‘kin noong Hermosa Night. Sagot niya ang lahat at 30k ang sasahurin ko.” “T-Talaga?! Pagkalaki naman!” Hindi magkandaugaga na singhap ng kaniyang ina habang nauupo sa kaniyang tabi, hinihila ang kaniyang braso. “Hindi mo pa ‘yan nababanggit sa ‘kin, magkwento ka pa! Akala ko naman umuwi kang zero noon!” “Ano raw ang trabaho mo?” Nag-angat ng tingin si Marceline kay Jappa at nakitang nakikipagtagisan ito ng titig sa kaniyang mga mata habang seryosong seryoso ang hitsura. “Um... wala naman... k-kasambahay nila.” “Oh! Talaga ba, ‘nak!?” Hindi makapaniwalang pumalakpak ang kaniyang ina sa tuwa habang tinutukso naman siya ni Isagani sa paghingi ng sapatos o pagpapabili ng kung ano rito. Pero si Jappa, nananahimik. “Ang ganda, i-grab mo kaagad, ‘nak!” Sabik na saad ng kaniyang ina. “’Yung anak ng kapitbahay namin diyan, kasambahay din ang trabaho sa Valenzuela City naman pero hindi ganiyan kalaki ang buwanang sweldo. Parang kinse mil lang pero ikaw...” “Masyado yatang malaki.” Segunda ni Jappa habang hinihila ang maliit na kahoy na upuan sa harapan ni Marceline at naupo. “Parang hindi totoo.” “Malaki rin siguro ang bahay, kaya ganoon.” Palusot na lang niya. “Isa pa, okay lang sa ‘kin, ayoko na rin dito. Mas maraming opportunity sa Maynila, mas marami pa ‘kong taong makikilala.” Ilang araw pa lang ang lumilipas nang tanggihan nga ni Jappa ang nararamdaman niya para rito. Hindi biro pa man din ang lakas-loob na inipon niya para kausapin ito tungkol doon pero ang maririnig niya lang pala ay ‘pasensya na, may nagugustuhan na kasi ako. Si Angeline.’ “Tama ka naman pero mag-ingat ka lang. Hindi naman lahat ng nandoon ay kasing totoo ko.” Segunda ni Jappa habang nagtutupi ng sleeves at tumutulong sa pag-ayos ng mga nakabilad na tinapa. “Ako o kaya ni Isagani, bilang mga kaibigan mo rito. Huwag kang masyadong nagtitiwala sa kung sinu-sino. Pag-isipan mo mabuti iyan.” Dagdag pa nito. Umirap siya rito kahit hindi nakatingin ang kaharap at naiirita na nanahimik na lang habang maingay sa pagplano ang kaniyang ina kung saan nila unang gagastusin ang kaniyang suswelduhin, si Isagani naman ay nakikipagbiruan sa matanda. Hindi pa rin siya tapos sa nararamdaman para rito pero may halo ng pait. Ilang panahon niya ring inakala na pareho sila ng nararamdaman dahil may mixed signals itong ipinararamdam at ipinakikita sa kaniya, pero nang aminin nitong may gusto ito sa kanilang kaibigan, napagtanto niyang baka nga nagkakamali lang siya. Dapat niya nang itigil at itago ulit ang nararamdaman.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD