Hindi niya malasahan ang kinakain kahit mukhang masasarap pa ang nasa hapag. Binabagabag siya ng mga alalahanin sa nalalapit na pagpapakasal sa babae.
"Uhhmm, Leonora," panimula niya at alumpihit pa. "Puwede bang magkuwento ka naman ng about sa 'yo."
"Ano ang gusto mong malaman?" sumeryoso ang mukha ng babae pero hindi ito tumingin sa lalaki.
"Lahat-lahat, tungkol sa 'yo," tumitig siya sa babae. "Magiging asawa mo na ako, L-Leonora." Pumiyok pa siya nang sabihin ito dahil kung titingnan lang, magmumukha silang magnanay kapag magkasama dahil sa laki ng agwat nila. Mestiza ang babae samantalang mestizo naman siya pero patpatin lang talaga ang katawan niya dahil batak siya sa trabaho sa bukid.
Deretsong tumingin sa mata ni Kimpoy si Leonora. "Ika-15 ka na asawa ko kapag kasal na tayo," walang pag-aalinlangang saad ng babae.
Nasamid siya sa kinakain. Napaubo. Mabilis siyang sinalinan ng tubig ng isang katulong pero ang babae, nakairap nitong nilapag ang baso sa gilid ng pinggan niya.
Ika-fifteen? Hanep! Naipilig niya ang ulo. Totoo ba ito?
"Lahat ay divorce sa akin, walang tumatagal," dugtong ni Leonora. "Kaya may pre-nuptial agreement dahil yaman ko lang ang gusto nilang angkinin kahit bayad na."
Napaubo siya nang malakas, mukhang tinamaan siya ro'n ah! Kahit tubig na ang iniinum niya, lalo lang siyang nasamid. Siya rin naman 'di ba, mukha rin siyang pera kaya nga pumayag siyang pakasal sa babae. Kapalit ng pagpapakasal niya ang isang milyon na hawak na niya.
Napahalakhak nang malakas si Leonora nang tingnan ang binata. "Gusto kita dahil kaiba ka! I'm a lonely woman at kailangan ko ng makakasama sa buhay." Nakangiting pinagpatuloy ng ginang ang pagkain. "Gusto kong maging masaya, Kemp. I can feel na kaya mong punuan ang emptiness na nararamdaman ko."
Huminga siya nang malalim para tanggalin ang kabang nagsisimula na namang umalpas. "Ahm, Leonora, ang mga ganitong bagay, dapat tayo lang ang nakakaalam."
Sinulyapan niya ang apat na katulong na nakatayo, para itong mga guwardiya na robotic, kikilos lamang kapag may ilagagay sa mesa. Magkakapareho rin ang uniform ng mga ito, bawat kilos, parang ingat na ingat. Seryoso rin ang mga mukha ng mga katiwala, mga walang imik at nagse-serve lang ng pagkain kapag kinakailangan. Ang mga katulong din ang naglalagay ng pagkain sa plato niya. Tinuturo lamang ni Leonora ang gusto nitong kainin bago ng mga ito ise-serve sa among babae.
Mabilis na nilagyan muli ng isang katulong ng tubig ang baso ni Kemp nang maubos ito ng lalaki. "Huwag kang mag-alala, sir," bulong nito sa binata sa mahinang boses bago tumingin sa among babae. "Sanay na kami, sisiw ka na lang. Sobra pa sa kinse ang lalaki ni Madam, hindi lang kasal. Maswerte ka dahil papakasalan ka niya."
Tsismosa ang isang ito ah! Pinandilatan niya ito ng mata na agad namang sumeryoso ang mukha. Tumayo muli ang babae sa gilid na kahilera ng iba pa.
"Alam kong iba ka, Kemp," masayang saad ng ginang. "Basta sumunod ka lang sa contract, walang magiging problema."
Ayon sa contract, isang taon silang magiging mag-asawa at depende sa magiging sitwasyon kapag lumampas ng isang taon ang pagsasama nila. Susunod siya sa lahat na gusto ng babae pero hindi nakasaad kung ano ang mga ito. Pumirma na lang siya dahil malaki ang offer nito sa kanya.
AFTER ONE MONTH...
Ganito pala sa ibang bansa?
Ito ang unang beses niya na makapunta sa ibang bansa, nasa Hongkong na sila ngayon ni Leonora. Nagkaro'n pa ng problema ang passport niya kaya inabot sa isang buwan bago sila nakalipad papunta rito. Mabilis at simple lamang ang pagdaos ng kasal nila kanina at kasama rin nila ang abogado ni Leonora. Bilang isang probinsiyano, namamangha siya sa modernong tanawin. Umikot ang buhay niya sa bukid kaya naninibago siya ngayon sa modernisasyong nakikita.
Kulay gold na suit. Suot niya ito ngayon habang sinisipat ang sarili, lumevel up na ang attire niya kaya napangiti siya nang bongga. Madulas ang tela nito pero makapal ito at ang leather shoes na suot niya, kulay gold din ito. Nagmukha siyang mamahaling ginto.
Hindi niya alam kung saang part ng Hongkong sila ngayon pero dumeretso sila ni Leonora sa isang malaking hotel. Maraming tao rito at nagpapaligsahan sa ganda ng kasuotan ang mga ito. Napakaraming pagkain na may mga chef pa sa bawat corner ng hotel na ito. Grabe! Feeling yayamanin ang pakiramdam niya ng mga sandaling ito pero totoo naman eh, asawa niya si Leonora kaya parang ganun na rin ang labas niya. Napaliyad siya--siya na si Kemp, isang promdi transformed sa isang--wala siyang maisip na termino sa sarili.
"Kemp, this is my amiga. Meet Franchia, one of the owner of this hotel," pakilala ni Leonora sa katabing babae.
Nahihiya siyang yumukod sa babae bilang pagbati. Parang christmas tree rin ang babae sa rami ng alahas na nakasabit sa katawan nito. Hindi maipagkakailang magkaibigan nga si Leonora at ang matandang ito dahil sa uri ng pananamit at pagkahilig ng mga ito sa malalaking alahas. Mas matanda lang itong isa kumpara sa asawa niya kapag titingnan.
"Hmm, Leonora," nakangising pakli ng babae bago sinuyod ang lalaking kaharap. "Can I borrow your husband tonight?"
Napahalakhak nang malakas si Leonora. Napangiti na lang siya sa biro ng babae. Nagbubulungan na ang dalawang babae nang tingnan niya pero pinabayaan niya ang mga ito.Nilibot niya ang tingin sa loob ng bulwagan, pawang matatandang babae ang nakikita niya at may mga partner din ang mga babae na mas bata pa sa mga ito. Tiningnan niya ang asawa, abala na ito sa pakikipag-usap sa kaibigan. Tinungo niya ang area ng alak, iinum siya pero kaunti lang. Ito ang unang gabi na magkasama sila ni Leonora ng kuwarto. Sa ilang linggong pananatili niya sa mansiyon, hindi sila nagsama ng babae sa isang kuwarto at labis niyang pinasalamatan iyon. Isang taon lang naman ang kontrata pero kung magiging smooth ang lahat, wala siyang planong idiborsiyo ito.
"Hey! I'm Flynn, your name?" tanong ng isang lalaki kay Kimpoy. Nakaupo ito habang sinisimsim ang alak na hawak.
Mestizo ang lalaking nagtanong sa kaniya at mukhang may lahi ang lalaki sa tantiya niya. "Just c-call me Kemp," nakangiting nilahad niya ang kamay sa lalaki. Pati pananalita niya, English-ero na rin siya, natapos na rin naman niya ang high school kaya madali na lang siyang maka-adapt.
"Saan ka sa Pilipinas, pare?" balik tanong ng lalaki.
Nagulat siya dahil Pilipino rin pala ito dahil kung titingnan, mukha itong foreigner. Kababayan niya pala ito kaya labis ang tuwa niya.
"Pilipino ka pala, pare?" tuwang kinamayan niya ito. "Sa Visayas province ako, ikaw?"
"Manila, dude," bago nito tinapik sa balikat ang kaharap.
Nagkakuwentuhan pa sila ni Flynn at napag-alaman niyang isa sa mga guest ang asawa nito. Giniya siya ng lalaki sa isang mesa para ipakilala sa asawa nito.
Isang matandang babae ang nasa harap nila, seventy na ang edad ng babae ayon kay Flynn. Hinalikan ito ng lalaki sa labi at nakangiting ipinakilala siya na agad ikinaasiwa niya. Mukhang bata pa si Flynn kumpara sa kanya pero ang asawa nito, naipilig niya ang ulo.
"Honey, this is Kemp." Nakangiting sinulyapan ni Flynn ang bagong kakilala.
Napalunok siya at agad nilahad ang kamay nang abutin ito ng matandang babae. Hindi siya makapaniwala. Mas matanda pa ito kumpara kay Leonora at napakabata rin ni Flynn para maging asawa ang babaeng ito.
"I''ll get back to you, honey," nakangiting paalam ni Flynn sa babae bago ito hinalikan sa noo. "Common, dude."
Hinila siya ni Flynn pabalik sa bar ng hotel at agad siyang sinalinan nito ng alak nang makaupo na sila.
"Mukhang baguhan ka pa, pare," seryoso ang mukha ni Flynn.
Nagtaka siya. "Ano'ng ibig sabihin no'n?"
Napangisi lamang ang lalaki bago nito tinungga ang alak. "Malalaman mo rin, Kemp."
Ininum din niya ang alak na binigay ni Flynn, gumuhit ito sa lalamunan niya--ang alat! Napaubo siya dahil hindi siya sanay sa inuman. Tuba lang talaga ang nakasanayan niya sa probinsya kaya itong branded na alak, bago ito sa panlasa niya. Natawa ang kaharap sa expression ng mukha niya. Si Flynn, mukhang sanay na ito sa set-up na pinasok nila. Gusto pa sana niyang makipagkuwentuhan pero tinawag na siya ni Leonora. Ubod tamis na ngumiti si Flynn sa asawa niya bago nito tinaas ang kopita ng alak bilang pagbati sa babae
"You already met Flynn," saad ni Leonora nang makalapit.
Nagulat siya dahil kilala pala nito ang lalaki. Hinila siya ng asawa papunta sa isang mesa.
"I'm hungry, Kemp.."
Isang tango lang ang binigay niya kay Flynn nang magpatianod siya kay Leonora. Marami pa sana siyang gustong itanong sa lalaki about sa ganitong set-up. Marami siyang katanungan dahil sa klase ng pananalita ni Flynn, mukhang bihasa na ito at nakakabitin ang iniwan nitong salita sa kanya.
Malalaman mo rin Kemp?
Isang malamyos na music ang nakasalang, agad siyang napatingin sa bulwagan. May mga mag-partner na nagsasayaw sa gitna. Naa-amaze talaga siya. Hindi siya nag-iisa dahil mga bata pa ang mga lalaki na nagsasayaw at may mga edad na ang mga babaeng ka-partner ng mga ito. Inaya niya ang asawa pagkatapos nilang kumain sa gitna na agad naman siyang pinaunlakan. Maingat niyang hinila ang kamay nito at dinala niya ito sa pinakagitna, ibang-ibang lang ito sa plaza dahil ngayon, aral na aral ang kilos ng mga tao rito, mukhang may mga estado kaya 'di siya pwedeng magwala. Kailangang pino ang kilos niya lalo na sa pagsasayaw. Nami-miss niya ang mga ganito dahil hindi na siya makakadalo pa sa mga piyestahan ng baranggay. Iba na ang buhay niya ngayon dahil siya na si Kemp--ang lalaking...wala siyang maapuhap na word. Bayaran lang siya...
Napaigtad siya nang may sumiko sa likod niya, si Flynn na nakangisi sa kaniya. Nakasubsob ang mukha ni Leonora sa dibdib niya at halos nakayakap na siya sa babae sa posisyon nila. Nginitian niya si Flynn. Kasama ng lalaki ang asawa na sinasayaw din nito. Parang maglola na ang dalawa kung titingnan...
Sumulyap si Leonora sa gawi ni Flynn nang matapos ang tugtog. Marahang hinila nito ang asawa pabalik sa mesa. "Na-meet mo na pala si Flynn, Kemp."
"O-oo." Gusto niyang tanungin si Leonora about kay Flynn dahil mukhang may something ang lalaki.
"Siya ang ika-fourteen ko na asawa, Kemp." Nagsindi ng sigarilyo ang babae at binuga nito ang usok sa mukha ni Kimpoy.
Ang deretsahang pag-amin ng babae, hindi siya makapaniwala sobra. Gulat na gulat din siya sa nalaman na nauna itong naging asawa ni Flynn bago siya. Papa'no nangyari 'yon? Nayamot siya nang malanghap ang usok kaya agad niyang iniwas ang mukha. Kinuha niya ang sigarilyo sa kamay ng asawa na ikinataas ng kilay nito. Kahit lalaki siya, never pa siyang naka-try ng sigarilyo, hanggang inum lang siya pero limitado pa.
"Talaga, Leonora?"
"Yes! We're divorce anyway." Pilit inabot ng babae ang sigarilyong hinablot ni Kimpoy pero mabilis itong iniwas ng lalaki. Tumaas lamang muli ang kilay ni Leonora.
"Puwede ba, masama itong sigarilyo sa katawan," pinatay niya ito gamit ang ashtray sa harap. "Baka puwede, tigilan mo na ang paninigarilyo, L-Leonora."
Naa-amuse namang tumitig sa kaniya si Leonora bago nito inabot ang isang card sa kaniya.
"Key card ng hotel room, Kemp."
May number na nakasulat dito nang sipatin niya ang card.
"Na-miss ko ang mga amiga ko, Kemp. Pumunta ka lamang sa room na 'yan kapag hindi mo'ko makita," mabilis na tumayo ang babae.
Tiningnan niya ang asawa na papalayo, may pagka-sweet minsan ang babae pero ngayon naman ay parang casual lang ito sa kaniya. Hindi niya ma-feel ang happiness bilang asawa nito. Ano ba ang ine-expect niya? Marriage contract lamang itong pinasok niya. Nilibot niya ang paningin. Sana makita niya si Flynn dahil marami siyang gustong itanong sa lalaki about kay Leonora.
Kanina pa siya ikot nang ikot pero hindi niya makita ang asawa. Kahit si Flynn ay wala na rin. Napagpasyahan niyang pumunta na lang sa room na binigay ni Leonora. Dumeretso siya sa elevator. Hindi naman siya ignorante sa mga ganito at marunong naman siya magbasa. May mga staff din siyang nakikita. Magtatanong na lang siya kapag naligaw siya.
Room 201. Nakatayo siya sa harap ng nakasaradong pinto bago muling chineck ang number sa card. Tugma. Tiningnan niya ang keycard. Papaano kaya gamitin ito? Isang lalaking staff ang nakangiting lumapit sa kanya.
"Any problem, sir?"
Pinakita niya ang card sa lalaki. Kinuha ito ng hotel staff at dinikit sa isang electronic sensor door. Napapatango siya nang mag-unlock ito. Isang kaalaman ito sa kanya kaya napangisi siya bago tinanguan ang staff. Ang lupit naman!
"Thank you!" pasalamat niya sa lalaki na agad yumukod bago tumalikod. "Hay, ang hirap talaga kapag lumevel up na, ano, K-Kemp," pang-aasar niya sa sarili.