Nasa loob siya ng isang bahay kubo, nag-iisang bahay na makikita sa pinakagitna ng palayan. Pagmamay-ari ito ng isang pamilya at kaharap n'ya ang mga ito ngayon. In-offer-an niya ang mga ito ng isang milyon para mabili ang lupa. Gusto niya ang lupang ito para sa gagawin niyang hacienda, ang Hacienda Ramirez. Pera lang ang katapat ng mga ito sigurado kaya nilabas niya agad ang cheque.
"Sobra-sobra na 'yan sa inyo," may kayabangang saad niya sa halaga ng perang ibabayad sa pamilyang ito. Inabot niya ang cheque sa may edad na lalaki. "Kailan kayo aalis dito? Agricultural land lamang ito kung tutuusin kaya mura na ang bilihan ngayon kumpara sa residential land," seryoso ang mukha niya nang sabihin ito.
Balak niyang i-expand ang pina-plan-ong bahay dahil marami na rin s'yang nabili na lupa sa area na 'to. Gagawin niya rin itong plantasyon ng kanyang negosyo. Malaki ang ipapatayo niyang mansyon sa lugar na ito kaya binili niya na halos ang kalupaan dito. Napangisi s'ya nang makita kung paano nanlaki ang mata ng matandang lalaki.
"Boss," hinawakan bigla ng matandang lalaki ang cheque. "Ang laki naman nito sa isang ektarya na lupa lang." Namamangha ang lalaki sa halaga ng pera. Inilapit pa nito lalo ang mukha sa cheque-ng hawak na parang namalikmata.
Pa-simple-ng niyang tiningnan ang nakayukong babae. Seryoso lamang ang mukha nito. Katabi nito ang ama at nasa kabila naman ang payat nitong ina. Umangat ang mukha ng babae, deretso itong tumingin sa kanya. Lalo siyang napangisi nang magtama ang mata nila. Hanggang sakong na saya, makapal na salamin sa mata at napakatingkad na kulay ng damit ang suot ng dalaga. Napangisi siya sa porma ng babae.
"Hindi namin kailangan ang--"
"Kisay!" galit na sita ng ama nito sa dalaga nang sumabat ito. Tumahimik naman agad ang babae. "Boss," binalingan ng matanda ang mayamang bisita. "Ang laki nito. Tatanggapin namin 'to, sarado na ang deal natin sa bentahan ng lupa, ha? Kailangan ito ng asawa ko sa pagpapagamot dahil marami pa kaming gastusin na nakaantabay."
"Baka kulang pa 'yan," may pagkamaangas na saad niya. Tumingin s'ya sa matandang babae, payat ito at halatang may malubhang sakit. Medyo maputla rin ang babae. Kumunot ang noo n'ya nang sipatin ito. Malalim ang pisngi ng babae at halatang kakailanganin nito ng malaking halaga. "Puwede ko pa 'yang dagdagan, magsabi ka lang. Mag-uumpisa na kami ng project ko. Kailangan n'yo nang maghanap ng bagong lugar na malilipatan dahil naka-ready na ang mga tao ko."
Nakaantabay na ang lahat ng taong trabahador na magtatayo ng bahay n'ya. Kailangan lamang niyang bilhin ang kahuli-hulihang lupa na natira. Muling nagtama ang mata nila ng dalaga. Napasipol siya bigla nang ito naman ang kilatisin n'ya. Gusto n'ya ang babaeng 'to. Mukhang mataray ang dalaga, simple at may pagka-jologs din ito. Tumaas ang sulok ng labi n'ya nang suyurin n'ya ang suot nito. Bulaklakin na green ang blusa nito at hanggang sakong na saya naman ang pang-ibaba nito. Matingkad na kulay pink ang kulay nito. Napahalakhak siya matapos suriin ang babae na agad ikipinagtaka ng mga kaharap. Napatingin ang lahat sa kanya sa malakas n'yang pagtawa. Nagsalubong ang kilay ng babae nang magtama ang paningin nila.
Nagpaalam naman ang matandang lalaki akay ang asawa nito para ihatid sa kuwarto ang babae. Sila na lamang tatlo ang naiwan, si Felix, siya at si...Ms. Jologs.
"Boss Kemp, ok na!"
Nakangiting mukha ni Felix ang nagpabalik sa katinuan n'ya. Ipinakita nito ang pirmadong papeles. Napirmahan na ito ng matandang babae bago umalis.
"Good, we need to go. F-Felix!" dumagundong ang boses n'ya sa loob ng kabahayan.
Pinagpagpag niya ang damit pagkatayo. Business suit ang suot n'ya dahil galing pa sila ng Maynila kanina. Siya na ang nagma-manage ng company nila. May putik na dumikit dito dahil sa talsik ng lupa. Umuulan kasi kanina nang dumating sila. Tumingin s'ya sa dalaga na ngayo'y nakatunghay na sa kanya sa biglang pagsigaw n'ya. Unti-unti n'yang hinubad ang coat suit at long sleeve na suot sa harap ng babae. Tumambad dito ang matipuno n'yang pangangatawan pero tinaasan lang siya nito ng kilay nang makita ang ginawa niya.
"Bastos!" anas ng babae. Umismid lang ito at tumayo bago nito sinundan ang ina sa loob ng kwarto.
Nagpanting ang tainga n'ya sa narinig. "Aba't, hoy!" asar n'yang sigaw sa babae pero dere-deretso lamang itong naglakad. "Ang damit ko sa sasakyan," iritadong sigaw niya kay Felix pero sa babae s'ya galit. Papa'no s'ya naging bastos? Hinagis n'ya kay Felix ang damit na hinubad. Ano'ng problema ng babaeng 'yon?
Nakangising sinalo ni Felix ang damit niya. Agad itong lumabas, may dala na itong damit-pamalit para sa kanya pagkabalik sa loob ng bahay. Siya namang labas ng tatay ng dalaga nang maihatid ang masakiting asawa sa kwarto. Nakangiti itong lumapit sa kanila.
Walang modo ang babaeng 'yon, ah! Tinapunan niya ng tingin ang kwarto na pinasukan ng dalaga bago lumabas. Dinedma s'ya ng babae, ni hindi man lang nagpasalamat sa kanya? Humabol naman ang tatay nito nang makalabas sila ni Felix.
"Boss," may pag-aatubiling habol ng matanda.
Huminto siya nang makarating sa kinaparadahan ng sasakyan. Hinintay n'yang makalapit ang lalaki bago ito hinarap.
Nag-aalinlangan ang matanda. "P-puwede bang dagdagan mo ang isang--" pabiting saad nito nang makalapit sa kanya.
"Isang milyon?" kunot-noong paniniguro niya na agad napangisi nang tumango ang lalaki. Nawala bigla ang inis n'ya. "Magkano?"
"Kayo ho," atubiling sagot ng matanda. "M-malaki kasi ang utang namin. Umabot na ng kalahating milyon ang gamutan sa dialysis ng a-asawa k-ko." Nautal pa ang lalaki nang sabihin ito.
Sumunod naman si Felix sa kanya nang pumasok siya sa sasakyan. Pumuwesto s'ya sa driver's seat bago binukas ang salamin sa gawi n'ya at tumitig sa matanda. Ilang sandaling katahimikan bago siya muling napangisi. Tama! Ang babae ang sagot sa problema niya.
"Kailangan ko ng maid. Isang milyon kapalit ng isang taon na contract ng anak mo bilang kasambahay ko. Pumunta ka sa bahay bukas at magpirmahan tayo."
Nanlaki ang mata ng matanda nang sabihin n'ya ito. Lumawak ang ngiti nito. Nasiyahan naman s'ya sa nakikitang saya nito. Makukuha n'ya ang gusto n'ya sa babaeng 'yon. China-challenge talaga siya nito. Walang babae na humihindi sa taglay n'yang karisma, parang natapakan nito ang ego niya.
"Bukas na bukas din, boss!" tuwang sagot ng lalaki na napahawak pa sa kamay ng binata. "Salamat ho."
Tinanguan niya lamang ito bago sinara ang salamin. Siya ang nagda-drive ng sasakyan niya dahil tine-training pa si Felix sa driving. Nilibot pa niya ng tingin ang buong lugar, nasa gitna ng palayan ang bahay ng mga ito. Pag-aari n'ya ang malaking parte ng lupa rito pero tanging ang pamilya na 'to ang natira sa lugar. Nag-alisan na ang iba nang mabili n'ya ang lupa ng mga ito. Kaya n'yang tapalan ng pera ang sinumang hahadlang sa kanyang plano. Napukaw ang atensiyon niya nang magsalita si Felix.
"Ayos, boss, pero--" nakangisi si Felix nang tumingin sa amo.
Tumaas ang kilay n'ya. "Ano, Felix?"
"Hindi umobra kay Ms. Jologs 'yong karisma mo." Sinundan ito ng tawa ni Felix.
Kisay? Kimpoy! Napangisi siya dahil may umilaw sa utak niya. Bagay na bagay! Maling-mali si Felix dahil napapasakanya ang lahat ng bagay kung gugustuhin n'ya.
"Felix, alamin mo ang background ng babaeng 'yon."
Napatingin si Felix sa kanya. "Si Ms. Jologs?" paniniguro pang tanong nito.
"Yes!" bumalik ang inis n'ya dahil wala pa nga s'yang ginagawa, sinabihan na agad s'yang bastos? Walang modo na babae!
Sunod-sunod na busina ang ginawa niya nang humarang ang isang kalabaw sa daan. Pinaghahampas n'ya ang manibela nang hindi kumilos ang hayop sa harap nila.
"Kalma, boss!" nakangising tumingin sa daan si Felix. "Kalabaw lang 'yan." Mabilis ding lumabas sa sasakyan si Felix nang 'di natinag ang hayop sa pagbusina ng amo.
Biglang tumunog ang cellphone n'ya. Binasa n'ya muna ang pangalan sa screen bago ito ini-off. Napangiti siya at biglang napailing. Mga babae talaga, habol nang habol sa kanya. Nakakasawa!
"Felix, palitan mo ng new sim card ang phone." Mahina niyang hinagis ang cellphone sa alalay nang makabalik ito sa sasakyan na agad nitong nasalo.
"Balato mo na sa 'kin ang chicks mo, bossing." Nakangisi si Felix.
Nakangisi ring binalingan niya ang lalaki. "Sa 'yo na lahat sila, Felix. I don't care."
"Sabagay, may bago ka na namang prospect, eh. Girl version mo siya, boss."
"Alamin mo ang background ng babaeng 'yon, Felix," tukoy niya sa babaeng jologs. May bago na naman s'yang prospect kaya lumawak lalo ang ngisi niya.
I'm gonna make you mine, Ms. Jologs. I'm irresistible! It's not impossible to make you fall.
Isang sulyap pa sa bahay ng mga ito ang ginawa niya. Hatid sila ng tanaw ng matandang lalaki. Kumaway pa ito sa kanila pero ang babae, hindi man lang lumabas.
"No problem, bossing. Ora mismo!" sinabayan ito ng malakas na tawa ni Felix. Bumaling ito sa amo nang may maalala. "Boss, may lead na pala sa asawa mo."
Sa pag-alala sa nakaraan, umigting ang panga n'ya. Napatingin s'ya kay Felix. Nagsalubong ang kilay n'ya na nginisihan lamang nito.
"Nasa Pilipinas na s'ya, ano'ng plano mo, boss?"
"Marami, Felix."
Marami s'yang plano sa asawa n'ya. Hindi na s'ya makapaghintay na muling makaharap ang babae. Ito na ang matagal n'yang hinihintay, ang makaharap ang babaeng una niyang pinakasalan.