Pula ang paborito kong kulay. Matapang, mapusok at buhay na buhay. Lahat ng paborito kong damit, bag at sapatos ay kulay pula. Iba ang pakiramdam ko kapag nakasuot ako ng kulay pula. Feeling ko ang astig-astig kong tignan, lalong tumataas ang self confidence ko.
Ang kulay rin pa lang iyon ang magpapahamak sa 'kin, at maglalagay sa sitwasyong magpapabago ng buong buhay ko. Nakakasuka. Nakakatakot. Nakapangingilabot. Dahil ang kulay pula ay nahaluan ng kulay itim. Kakaibang kombinasyon na hindi ko gusto.
Ang dating matingkad at matangpang na kulay pula ay nabahiran ng kulay itim—kulay ng takot.
---
Nagpatuloy ako sa paglalakad nang makakita ng malaking bahay sa hindi kalayuan. May mataas na mga pader at napakagarang gate. Out of curiosity, nilapitan ko ang nasabing bahay.
Kumurap ako dahil sa namumuong hamog sa paligid.
Mula sa kinatatayuan ko, makikita ang isang binatilyo. Hindi malinaw ang bulto ng binata dahil hindi nakikita ang mukha nito pero alam kong nakatingin ito sa 'kin base sa direksyon ng katawan nito. Muli akong kumurap—lalong kumakapal ang hamog na halos wala na akong makita. Nagsalubong ang kilay ko nang mapansing nadagdagan ang mga bulto—naging lima kasama ang isang bata. Tulad ng naunang binata, hindi rin makikita ang kanilang mga mukha.
Napamulagat ako ng biglang nagbago ang buong paligid. Tila sumabog ang iba't ibang kulay ng pintura, pakiramdam ko nasa ibang dimensyon ako. Halos mabato ako nang makaramdam ako ng kakaibang haplos mula sa likuran ko. Malamig ang kamay nito. Pwersahan ako nitong iniharap. Natatakpan ang mata nito ng kadiliman at sumilay ang kakaibang ngiti.
Pilit akong hinihila ng lalaki papasok sa malaking bahay. Sinubukan kong sumigaw para humingi ng tulong ngunit bigo ako. Walang tinig na lumalabas sa bibig ko. Wala na akong nagawa nang ikulong ako nito sa tila malaking hawla. Tinalian ako nito ng pulang kadena.
Tuluy-tuloy ang pag-agos ng luha ko marahil dahil sa takot. Hindi ko alam kung bakit napunta ako sa ganitong sitwasyon. Hindi ko alam ang ibig sabihin ng pulang kadena.
Ilang saglit ay nilukob muli ako ng matinding kadiliman.