Kung nakakasigaw lang ang pintuan, siguro ay nagawa ng sumigaw nang pintuan ng opisinang iyon.
Pagbagsak na isinara ni William ang pintuan ng opisina niya dahil sa inis na nararamdaman. Ayaw man niyang makipag-away sa kausap, ngunit hindi niya napigilan na sagot-sagutin ang mga ito. Kaya naman sa halip na mas lalo pang humaba ang usapan, ay iniwan na lang niya sa may parking lot ang mga magulang. Pumasok na lang siya sa loob ng opisina habang nagpupuyos ang dibdib.
Tahimik lang siyang nagtatrabaho ng tawagan siya ng kanya sekretarya. Nasa ibaba ng kompanya ang ama at ina. Hindi niya alam kung bakit naroon na nga ang mga magulang at hindi pa tumuloy sa opisina niya. Kaya naman siya pa ang napilitang bumaba hanggang sa may parking lot.
"Ano po ang kailangan ninyo mommy, daddy? Bakit hindi pa kayo tumuloy sa loob ng opisina?" tanong ni William ng ibigay sa kanya ng daddy niya ang isang folder na ipinagtaka niya.
"Read it," mariing utos ng ama.
Wala naman siyang nagawa kundi ang sundin ang nais ng daddy niya.
"Anong ibig sabihin nito daddy?"
"Ano din ba ang nais mo anak? It's been five years mula ng mamatay ang fiancée mo. Hanggang ngayon ba hindi ka pa nakakamoved-on?"
"Daddy naririnig mo ba ang sinasabi mo? Fiancée ko iyon at mahal na mahal ko. Tapos itatanong mo sa akin kung hindi pa ako nakakamoved-on? Malamang hindi!" pasinghal pa niyang sagot.
"Tumigil na kayong mag-ama!" sabat ng mommy niya.
Pasalamat na lang talaga at sa may parking lot siya kinausap ng mga magulang. Dahil oras ng trabaho, tahimik at walang tao sa parking lot sa mga oras na iyon.
"Sandali lang mommy may itatanong lang ako kay daddy," naiinis talaga niyang saad. "Bakit kailangan ninyo akong pasubaybayan? Hindi na ako bata na kailangan ng tagabantay!"
"William Del Vechio baka nakakalimutan mong tumatanda ka na. Paano kita hindi pasusubaybayan kung nakarating sa amin ng mommy mo na sa halip na maghanap ka ng mapapangasawa ay naghahanap ka ng babayaran para magkaroon ka ng tagapagmana. For God sake William! Madaming babaeng nagkakandarapa sa iyo. Tapos magbabayad ka lang ng kung sino-sinong babae para lang magdala ng anak mo!"
"So what daddy? Mahal ko si Teresa at walang makakapalit sa kanya dito sa puso ko!" Ilang beses pang dinuro ni Willam ang tapat ng dibdib niya.
"But Teresa is dead. Kahit anong gawin mo ay hindi na siya babalik para bumangon mula sa hukay. Wala namang may kasalanan kung bakit siya namatay. Kagustuhan niya iyon."
"Anong kagustuhan daddy? Sino ba ang may gustong mamatay?"
"Hindi pa ba kayo titigil na mag-ama! Mamaya maglalabasan na ang mga empleyado. Pero kayong dalawa nagsisigawan pa rin."
"Wala akong kasalanan dito mommy. Si daddy ang sisihin ninyo! Wala kayong karapatang siraan pa sa akin si Terasa. Tahimik na siya. Pero kayo ginugulo pa ninyo siya."
"Will nagsasabi lang ako ng totoo. Dahil kung mahal ka ng fiancée mo hindi siya sasama sa ibang lalaki at uuwing buntis. Tapos ipapaako sa iyo. Tapos ngayon dahil sa pagmamahal na sinasabi mo sa kanya. Ipagpapaliban mo ang oportunidad na magkaroon ng maayos at sarili mong pamilya?"
Saglit siyang natigilan. Naalala na naman niya ang araw na ihatid niya sa huling hantungan ang babaeng pinakamamahal. Halos ayaw niyang umalis sa tabi nito. Pero hindi naman siya maaaring doon lang habang-buhay. Pagkaalis niya sa lugar na iyon, ay nagmaneho siya hanggang---. Natigilan siya sa itinatakbo ng isipan niya. Nang araw ding iyon. Naalala na naman niya ang bagay na iyon.
Muli niyang hinarap ang mga magulang. "Hindi totoo ang mga sinasabi mo daddy. Hindi siya umalis at sumama sa ibang lalaki. Siya ang biktima sa sitwasyong iyon. Hindi siya sumama sa lalaking iyon. Dahil pinilit lang siya at tinakot. Isa pa inamin sa akin ni Teresa na buntis na siya noong kunin siya ng lalaking iyon. Anak ko iyon daddy. Pero dahil sa mga panghuhusga ng ibang tao sa babaeng mahal ko. Nagawa niyang kitilin ang sariling buhay. Tapos sisisihin ninyo ako kung bakit hindi ako makamoved-on? Hindi ko bibitawan ang pangako ko sa babaeng mahal ko. Ibibigay ko ang apo na nais ninyo. Ngunit hindi ang asawa na gusto ninyo."
Wala ng nagawa ang mag-asawa kundi sundan na lang nila ng tingin ang papalayong bulto ng anak. Hindi nila alam kung paano magbabago ang pasya nito. Hindi lang naman apo ang gusto nila para kay William. Kundi ang magkaroon ito ng masaya at normal na buhay. Ang pamilyang bubuoin nito, kasama ang asawa at magiging anak ng mga ito.
Bulag sa pagmamahal si William kay Teresa. Hindi nito paniwalaan ang ginawang kataksilan ng fiancée nito. Sila mismong mag-asawa ang nakahuli kay Teresa at sa lalaki nito. Buntis nga si Teresa ng muling balikan si William nang iwan ito ng lalaking nakabuntis dito. Pero hindi nila apo ang sinasabi ni Teresa na anak ng kanilang si William. Dahil sa walang ibang pinaniniwalaan ang anak ay tinanggap nitong muli si Teresa.
Hanggang sa dumating ang pagkakataon na nagpasya si William na paglumabas ang anak nilang dalawa ni Teresa ay ipapa-DNA nito ang anak. Para matigil na ang kung ano mang tsismis tungkol kay Teresa. Pero hindi nagtagal, nag-iba si Teresa hanggang sa ito na mismo ang kumitil sa sariling buhay. At hanggang ngayon ay hindi pa rin makalimutan ng anak ang taksil na kasintahan.
Ilang minutong kinalma ni William ang sarili bago muling lumabas ng opisina. Wala na sa parking lot ang mga magulang. Hinayon niya ang kotse niya at mabilis na sumakay doon.
Hindi niya alam kung saan siya dadalahin ng pagmamaneho niya. Tuwing malungkot, o nagkakasagutan sila ng mga magulang ay iyon ang ginagawa niya. Road trip, long drive, ika nga ng iba. Walang sariling direksyon, walang tumpak na destinasyon.
Hanggang sa makarating siya sa harap ng isang ospital. Ang ospital na siyang sinasabi ni Teresa noon na doon ito nagpapacheck-up dahil sa pagbubuntis nito.
Hindi niya alam ang dahilan kung bakit sa tagal na ipinagpipilitan ng mga magulang na sumama sa ibang lalaki si Teresa ay hindi niya pinaniwalaan. Tapos ngayon ay nasa harapan siya ng pintuan ng clinic kung saan naroon ang doktor ng dating kasintahan.
"Ano bang ginagawa ko dito? Kung narito ako para alamin ang tungkol kay Teresa ay parang sinabi ko na rin na totoo ang sinasabi ni daddy. Hindi ako naniniwala. Mahal ako ni Teresa. Mali ito."
Tatalikod na sana siya para umalis nang bumukas ang pintuan. Nagulat pa ang doktor ng makita siya nito.
"Mr. Del Vechio anong ginagawa mo dito?" tanong ng doktor na hindi naman niya masagot. Kitang-kita niya ang pagbuntong-hininga nito. "Pumasok ka muna saglit sa loob."
Hindi naman nagawang tanggihan ni William ang sinabi ng doktor. Sumunod siya dito papasok sa loob.
"Maupo ka," utos nito na sinunod naman ni William. "Mr. Del Vechio, napakatagal na rin ng huli kitang makita," anito sa mahinahong tinig.
"May kailangan ba kayong sabihin?"
"Hindi ko alam kung importante pa ang sasabihin ko o hindi na. Matagal na rin namang wala si Teresa. Pero ngayon nakita kitang muli. Makalipas ang limang taon. Parang hindi lang talaga dapat iyon makulong sa limot. Parang kailangan mo ring malaman ang katotohanan."
"Anong ibig ninyong sabihin?"
Parang doon biglang umahon ang kaba sa dibdib ni William. Gusto niyang sabihin na huwag ng ituloy ng doktor ang sasabihin nito. Dahil maayos na siya sa kung ano ang alam niya. Ngunit ang isipan niya ay hindi mapigilan ang katanungan, ang kuryusidad kung ano ang sasabihin nito.
"Hindi ko alam kung ano ang dahilan ni Teresa kung bakit sinabi niya sa aking ilagay ko sa mga record niya na apat na buwan na siyang buntis gayong dalawang buwan pa lang ang katotohanan. Hindi ko alam kung ano ang dahilan niya. Isa pa kinausap niya akong ipanganak niya ang bata ng pitong buwan. Magiging premature ang baby noon kung nangyari ang plano ni Teresa. Pero hindi na umabot doon. Dahil mas naunang magpakamatay ni Teresa. Bago pa niya maipanganak ang sanggol."
Walang salita, at basta na lang lumabas si William sa klinika ng doktor. Gusto niyang sumigaw, parang gusto niyang ibalik sa mundo si Teresa para lang ibato dito ang panlolokong ginawa nito sa kanya. Gusto niyang magalit sa mundo. Dahil sa dami ng tao, bakit siya pa ang nagawang lokohin ng kaisa-isang babaeng minahal niya ng totoo.
Dalawampung taon siya ng makilala niya si Teresa. Maganda, simple, mahinhin, iyong tipong hindi makabasag pinggan. Higit sa lahat ay napakabait ni Teresa. Kaya naman talagang nagustuhan niya ang dalaga. Ulilang lubos na si Teresa, kaya walang naging problema sa panliligaw niya. Hanggang sa sagutin siya nito. Tatlong taon din silang naging magkasintahan hanggang sa nagpasya nilang magpakasal noong ikaapat na taon na nila.
Naging busy siya sa trabaho at si Teresa sa pag-aayos ng kasal nila. Hanggang sa nawala si Teresa ng dalawang buwan. Halos mabaliw siya sa paghahanap sa kasintahan. Ngunit isang araw bumalik ito at sinabi na may kumuha ditong lalaki na hindi nito kilala. Takot na takot noon si Teresa hanggang sa aminin ni Teresa na nagdadalangtao ito sa anak nila ng kunin siya ng lalaking iyon. Tapos ay iniwan na lang basta sa tabing daan kaya ito nakabalik sa kanya.
Dahil ayaw na ring ipahanap ni Teresa ang lalaki ay hindi na rin niya nagawang magpaimbestiga. Ganoon siya kabaliw sa kasintahan. Dahil kahit nagagalit siya sa lalaking kumuha dito ay nagawa pa rin niyang sumunod sa sinasabi nito. Kaya walang naganap na imbestigasyon.
Ngayon niya aamining naging tanga at bulag siya sa pagmamahal niya kay Teresa. Mabilis siyang naniwala sa kasinungalingan ng kasintahan. Hanggang sa nangyari ang lahat.
Nasa loob na ng sasakyan si William at hindi na niya napigilan ang mga luha niyang nag-uunahan sa pag-agos. Galit siya. Galit na galit. Pero ngayon kahit anong gawin niya, hindi na babalik ang limang taon na sinayang niya. Nawalan siya ng ganang mabuhay, nang mawala si Teresa. Na hanggang ngayon dala pa rin niya.
Limang taon ang lumipas. Pero mas masakit pala ang katotohanan. Kaysa pait na dala ng kahapon. Bigla niyang naalala ang babaeng iyon.
Saglit siyang natigilan. Sa araw na iyon ay dalawang beses na sumagi sa isipan niya ang nakaraang iyon na halos hindi na nga niya maalala. Dahil focus lang ang isipan niya kay Teresa.
"Hindi ko man lang siya nabalikan. Hindi ko man lang nalaman kung ano ang nangyari sa kanya. At kung may masamang nangyari sa kanya. Alam kung may kasalanan ako. Isa pa walang pag-iingat ko siyang----. Oh God!" anas pa niya at napasabunot pa siya sa sariling buhok.
Habang pilit na kinakalma ang sarili ay nakatanggap siya ng tawag mula sa kaibigan niya.
"Bakit?"
"Ang suplado mo naman."
"What do you want Jacobo?"
"Suplado talaga," bulong nito, pero dinig niya. "Seryoso ka talagang anak lang ang gusto mo at hindi asawa?"
"Hundred percent sure," mariing sagot niya. Halos magtangis ang kanyang mga ngipin nang maalala niya ang kataksilan ni Teresa. Ngayon pa ba niya gugustuhin ang magkaroon ng asawa. Kung sa utak niya pare-pareho lang ang mga babae. Anak lang ang gusto niya. Pagkatapos siyang mabigyan ng anak ng babaeng mapipili niya ay wala na siyang pakialam dito. Maaari na ulit silang magkanya-kanya ng buhay. Makikinabang din naman ito sa laki ng halaga ng perang tatanggpin nitong bayad para sa pagbibigay nito sa kanya ng anak.
Hanggang sa sumaging muli sa kanyang isipan ang pangyayaring iyon. Natigilan siya. Pero sa ngayon kailangan niya ng tagapagmana. Isang anak na lalaki lang. Habang inaalam niya ang nangyaring iyon sa mga nakalipas na taon.
"Okay, may nahanap na ako. Sa tingin ko ay fit naman siya sa nais mo. Kailangan mo lang kausapin ng maayos. Alam kong papayag iyon lalo na at sabi ng source ko. Kailangan ng babaeng ito ng pera.
"Hindi ka naman pala sigurado. Bakit tinawagan mo pa ako? Walang kwenta."
"Makapagsalita ka naman Del Vechio. Patapusin mo muna kasi ako."
"Oh tapos," patamad niyang sagot sa kaibigan.
"Ganito kasi. Halos ilang taon na ring naghahanap ng trabaho ang babaeng ito. Mataas ang credentials pero hindi matanggap sa mga kompanya. Nakatapos din ng pag-aaral. Pero wala akong makuhang dahilan kung bakit hindi siya matanggap sa trabaho. Tapos ito pa, wala itong nakarelasyon sa loob ng ilang taon."
"Tapos? Ano bang pinagsasasabi mo? Bilisan mo ang pagsasalita mo. Hindi iyong pabitin. Ano naman kung hindi matanggap sa mga kompanya? Baka pangit ang ugali at baka kaya walang nakarelasyon. Basic! Huwag tanga Jacobo," naiinis niyang saad. Kung kaharap lang niya ang kaibigan ay babatukan niya ito.
"Ang mainipin mo naman, nakatanga pa nga. Okay ito na. May isa siyang anak na apat na taong gulang. Sa edad na apat kailangan na noong bata na makapag-aral. Pero dahil walang trabaho ang ina nito, nag-aalala na iyong ina ng bata kung saan kukuha ng pera para pag-aralin ang anak niya. Kaya malamang papayag iyon kung magkakasundo ang presyo ninyo. Isa pa hindi lang naman gastusin sa pag-aaral ang kulang. Iyong gastusin pa sa araw-araw."
"May anak? Pass, baka mamaya ay may asawa iyon. Mahirap na."
"Dalagang ina ito pare. Pag-isipan mo. Ipapadala ko sa iyo ang larawan at address ng babaeng iyon. Kung ayaw mo talaga. Maghahanap na lang ulit ako ng bagong prospects. Pero sinasabi ko sa iyo. Sinong dalaga ang mapapapayag mo sa gusto mo, na hindi makakapit sa apelyedo ninyo. Pag-isipan mo, marami ang gustong mabingwit ang isang William Del Vechio. Isa pa hindi ka na lugi dito kung ganitong kaganda ang magiging ina ng anak mo. Sige na. Ciao," ani Jacobo at mabilis na nawala sa kabilang linya.
Walang isang saglit ay dumating sa kanya ang larawan ng babae. Maganda ito at sa tingin niya ay bata lang ito ng ilang taon sa kanya. Kalakip din noon ang larawan ng anak nito. Napangiti siya ng makita ang larawan ng bata, kamukha ito ng ina nito.
"Atasha Bonifacio." Basa niya sa pangalan nito. Muli niyang pinagmasdan ang mukha ng babae sa larawan. Pamilyar sa kanya, ngunit hindi niya matandaan kung saan niya nakita ang mukhang iyon.