“NANDITO NA PALA TAYO SA ROOM MO,” saad niya sa akin nang makita niya na malapit na pala kami rito sa dulo ng hallway kung saan malapit ang room ko. “Pumasok ka na nga.”
“Buwisit!” singhal ko sa kan’ya dahil itulak ba naman niya ako papasok sa room ko?! Gusto ko na lang din talaga itanong sa sarili ko kung paano ko siya napagtiyagaan sa loob ng ilang taon, eh.
“Susunduin kita rito mamaya kaya huwag kang uuwi nang hindi ako kasabay,” paalala nito sa akin sa isang seryosong tono kaya naman ay tumango na lang ako.
“Ingat ka, huwag kang tatanga-tanga at baka madapa ka,” natatawa ko namang paalala sa kan’ya habang naglalakad siya palayo sa akin.
Akala ko nga ay hindi niya ako narinig, pero nang makita ko ang pagkaway niya sa akin kahit na nakatalikod na siya ay napangiti na lang ako.
‘BOYFRIEND MO BA SI CLYDE?” tanong sa akin ni Jane, ang seatmate ko. “Madalas kasi kayong magkasama, eh.”
Ito na naman ang tanong sa akin ng mga kaklase at kakilala ko.
“Ah, best friend ko siya.”
At ito naman palagi ang sinasagot ko.
“May gusto ka ba sa kan’ya?”
Na sinusundan naman ng ganitong klaseng tanong.
Hindi ko alam kung bakit pero kahit ilang beses nila akong tanungin tungkol sa mga ganitong klaseng bagay ay naiinis pa rin talaga ako. Kaagad ko tuloy isinara ang notebook ko bago ako tumingin sa kan’ya na mukhang naka-focus lang sa akin ang atensiyon ngayon. Napataas ang kilay ko dahil doon.
“Wala akong gusto sa kan’ya,” maikling tugon ko, at dahil doon ay mukhang nakahinga siya nang maluwag. “So, puwede na ba ulit akong magsulat nang matiwasay?”
“S-Sure,” sagot naman nito sa akin bago niya inilahad ang kamay niya roon sa notebook na isinara ko, na para bang sinasabi niya sa akin na puwede ko nang ipagpatuloy ang ginagawa ko nang walang ano mang distractions.
“Thanks,” sagot ko sa kan’ya at bubuklatin ko na sana ang notebook ko pero napatigil ako nang marinig ko ang bulong niya.
“Maldita. Kaya walang kaibigan, eh.”
Tumaas ang kilay ko pero mas pinili ko na huwag na lang siyang pansinin. Kaya hindi sila napapansin ni Clyde kahit pilit silang nagpapapansin, eh. Ayaw kaya ni Clyde sa mga babaeng rude kagaya nila, duh!
Halata naman na siguro, pero si Clyde lang talaga ang kaibigan ko, dito man sa loob o sa labas ng school. At ayaw ko na mangyari iyon kay Clyde. Gusto ko na mas dumami pa ang kaibigan niya dahil hindi naman sila mahirap kagaya namin. Hindi siya iiwasan ng mga ka-schoolmate namin. In fact, mas gugustuhin pa ng mga ito ang makipagkaibigan sa kan’ya.
Alam ko naman na balang araw ay kakailanganin din naming maghiwalay ng landas, at ngayon pa lang ay inihahanda ko na kaagad ang sarili ko.
KANINA PA nagsiuwian ang mga kaklase ko pero nanatili na muna ako rito sa room dahil hindi pa ako tapos kopyahin ang mga notes na sinulat ng teacher namin sa board. Wala naman akong mahihiraman ng notes kaya kailangan ko talagang magsariling sikap lalo na sa pagre-review ko.
Hindi naman nagtagal at natapos ko na rin ito. Inilagay ko na ang notebook ko sa itim kong backpack, at dahil ako na lang mag-isa rito sa room ay ako na lang din ang nagwalis at naglinis ng iilang mga kalat dito sa room. Ako na rin ang nagbura ng mga sulat doon sa blackboard.
“Achoo!” Kaya lang ay bigla kong naalala na hindi ko nga pala tropa ang chalk. Kada nakakalanghap ako ng chalk ay hindi na ako nahihinto sa pagbahing.
Katulad na lang ngayon. Imbes na nagbubura ako ng sulat sa blackboard ay hawak-hawak ko ang panyo ko sa kanang kamay ko at ang blackboard eraser naman sa kaliwang kamay ko. Pinipigilan ko ang sarili ko sa pagbahing, na hindi naman naging successful. Nagluluha na ang mga mata ko pero hindi naman ako puwedeng umalis dito hangga’t hindi malinis itong room. Mapapagalitan kami.
“Akala ko umuwi ka na.”
Hindi ko napansin na nakapasok na pala rito si Clyde sa loob ng room namin. Nanatili ang tingin nito sa akin habang nakapamulsa. Medyo madilim din ang ekspresiyon ng mukha niya kaya naman ay hindi ko mabasa kung ano ang iniisip niya. “Bakit ikaw ang naglilinis dito? Hindi ka cleaners, ah. Wednesday ang schedule mo. Monday pa lang ngayon.”
“Ako kasi ang huli-“
Hindi ko na natapos ang sasabihin ko nang mabahing na naman ako. Nakangiwi na tuloy na ako ngayon habang nakatingin sa kan’ya, hindi malaman kung ano ang gagawin.
“Parang bata naman talaga, oh,” umiiling nitong sambit bago kumuha ng gamot at bottled water sa loob ng bag niya. Kumuha rin siya ng wet wipes kaya naman isa lang ang nasa isip ko ngayon.
Boy scout talaga siya. No wonder at nanalo siya ng boy scout of the year noong elementary kami. Lahat kasi ng pangangailangan namin ay dala-dala niya.
“Bata ka rin, oy,” pagsagot ko naman sa kan’ya pero hindi na lang niya ako pinansin. Mukhang masama ang loob niya sa akin dahil pinaghintay ko siya pero hindi na lang niya ino-open up iyon. “Bitiwan mo muna ‘yan,” dagdag niya pang utos sa akin habang nakatingin sa hawak kong pambura.
“O-Okay,” maikling sagot ko sa kan’ya bago ko binitiwan ang hawak kong pambura, at doon ko lang din napansin kung gaano karaming chalk ang nasa kamay ko ngayon. Kaya naman pala nababahing na ako, eh!
“Akin na,” wika niya sa akin bago niya hinawakan ang kamay ko. Kumuha siya ng isang wet wipes bago niya pinunasan ang kamay ko. Nakatingin lang ako sa kan’ya habang ginagawa niya iyon. “Alam mo naman na may allergy ka sa chalk, pero bakit pinilit mo pa ring magbura sa board? Sana ay tinawag mo na lang ako.”
Nang matapos na siyang magpunas sa kamay ko ay kaagad niyang itinapon ang wet wipes sa basurahan. Pagkatapos ay ibinigay niya sa akin ang gamot at bottled water na kinuha niya kanina sa bag niya. Gamot ‘yon para sa allergy ko dahil kung hindi ako makakainom nito ay baka magtuloy-tuloy ang sakit ko.
“Akala ko wala ka na, eh,” sagot ko naman sa kan’ya bago ko iyon binuksan at ininom.
Pinanonood lang niya ako sa bawat kilos at galaw ko kaya naman ay napataas ang kilay ko bago ko ibinuka ang bibig ko at ipinakita iyon sa kan’ya.
“Yuck, ano’ng ginagawa mo?!” singhal nito sa akin habang pilit niyang iniiwas ang tingin niya sa akin, pero dahil isa akong makulit na nilalang ay hinawakan ko ang magkabilang pisngi niya at pilit ko siyang inihaharap sa akin.
“Ipinapakita ko lang sa’yo na ininom ko talaga ‘yong gamot at hindi ako nagpapanggap lang!” Aware naman ako na medyo tumatalsik ang laway ko sa mukha niya dahil na rin sa nakabuka lang ang bibig ko habang nagsasalita ako. “’Yon ang dahilan kaya mo ako tinititigan, ‘di ba?”
Ang saya lang talaga asarin ng isang ‘to! Limang taon na kaming magkaibigan pero hindi pa ba siya nasasanay kung gaano ako kadugyot? Palibhasa ay malinis siya sa katawan, eh. Ako itong babae pero mas malinis pa siya kaysa sa akin.
“Oo na! Hindi naman ‘yon ang dahilan kung bakit kita tinitingnan,” nakangusong sambit nito sa akin kaya naman ay binitiwan ko na ang pisngi niyang namumula na ngayon. Siguro ay dahil na rin ‘yon sa lakas ng pagkakapisil ko sa pisngi niya.
“Eh, kung hindi ‘yon ang dahilan, ano?” tanong ko naman sa kan’ya pero hindi na lang niya ako pinansin. Imbes ay kinuha niya ang pambura na ipinatong ko sa lamesa at siya na ang nagpatuloy sa pagbubura ng blackboard.
Inayos ko na lang ang mga upuan at itinapon ko na ang iilang mga papel sa basurahan para naman ay matulungan ko rin siya.
“Bakit mo naman naisip na wala na ako?” pagbabago nito ng topic.
“Ang tagal ko rito, eh. Akala ko nauna ka na,” kaswal na sagot ko sa kan’ya bago ko ibinalik ‘yong walis at dustpan sa pinaglalagyan nito. Lumapit ako sa kinaroroonan niya dahil tapos na rin naman na siya. Nagpunas din siya ng kamay nang matapos na siya sa pagbubura. “Tapos na ako. Uwi na tayo- bakit gan’yan na naman ang mukha mo?”
Nakatitig lang kasi siya sa akin ngayon habang nakakunot ang noo. Bakit, ano ba ang mali sa sinabi ko? Nagiging gan’yan kasi ang mukha niya kapag may mali akong nasasabi, eh.
Inilapit niya sa akin ang mukha niya kaya naman ay kaagad akong napahakbang paatras.
“Ano’ng ginagawa mo?” tanong ko sa kan’ya habang nakataas ang kilay ko.
Sinusubukan kong pakalmahin ang puso ko dahil bigla na lang lumakas ang t***k nito nang inilapit niya sa akin ang mukha niya, pero mas lalo lang itong nagwala nang ilagay niya ang kanang kamay niya sa buhok ko at bahagyang ginulo ito.
“Bakit naman ako mauuna? ‘Di ba ang sabi ko sa’yo ay hihintayin kita pauwi?” seryosong tanong niya sa akin, at hindi ko alam kung ilang segundo o minuto ba akong nakatitig sa kan’ya matapos niyang sabihin ‘yon, o kung gaano katagal kong napigil ang hininga ko habang nakatitig sa kan’ya na punong-puno ng emosyon ngayon.
Itim na itim ang kulay ng mga mata nito. May pagkasingkit ito pero hindi naman masyado. Sakto lang para makita ko pa rin ang ganda ng mga mata niya sa kahit ano’ng sitwasyon. Pero hindi naman ‘yong ganda ng mga mata niya ang dahilan kung bakit ako namamangha sa kan’ya.
Doon ako namamangha sa kung paano niya ipahiwatig sa akin ang nararamdaman niya sa pamamagitan lang ng pagtitig niya sa akin.
“Hoy, ano? Natulala ka na sa kaguwapuhan ng best friend mo?” Kung kanina ay bahagya lang ang panggugulo niya sa buhok ko, ngayon naman, kulang na lang ay sabunutan niya ako.
Buwisit!
Kaagad kong inalis ang kamay niya sa buhok ko habang nakasimangot. Sigurado ako na hindi na maipinta ngayon ang mukha ko dahil sa pagkunot ng noo ko. “Kaya hindi na ako nagsusuklay, eh! Palagi mo naman kasing ginugulo!”
Magpakalbo na lang kaya ako para hindi na niya magulo pa ang buhok ko?
“Utot, huwag mo akong gawing dahilan sa katamaran mo,” nakangising saad naman nito sa akin kaya naman ay napataas ang kilay ko, pero kaagad din na nawala iyon nang kunin niya ang backpack ko na nasa likod ko.
“Ako na.” Palagi naman akong nagpepresinta na ako na ang magdadala ng bag ko, pero katulad ng lagi niyang ginagawa ay palagi niyang tinatanggihan ang offer ko na ‘yon.
“Halika na, umuwi na tayo,” wika nito sa akin bago niya ako inakbayan at sabay na naglakad palabas ng room ko.
Kaya paano ko mapipigilan ang sarili kong hindi umasa na baka ay gusto niya rin ako, hindi ba?
Paano ko mapapaniwala ang sarili ko na best friend lang ang tingin niya sa akin kung ganito siya palagi?