#ILoveYouBro
CHAPTER 8
Inis na inis si Jack, kitang-kita naman iyon sa kanyang mukha habang naglalakad sa gilid ng kalsada at akay-akay ang lasing na lasing na si Jones na hindi niya inakalang umiinom pala ng alak sa mura nitong edad.
Kagagaling lamang nila sa isang restobar kung saan doon ginanap ang selebrasyon nang pagkapanalo ng team nila Jones sa national basketball competition.
Ang kinaiinisan niya ay dahil nag-akala siyang simpleng selebrasyon lamang ang mangyayari kung saan kakain lang sila ng mga pagkain ‘yun pala ay may kasama pang inuman. Marami rin silang kasama, bukod sa basketball team at sa kanya, may mga kasama rin silang iba pa, karamihan ay mga babae na syota ng iba pang kasali sa team. Hindi kasama si Steph na girlfriend ni Jones dahil may inasikaso ito pero nagpaabot na rin ito ng congratulations sa kasintahan.
Kung alam lang niya na may inuman ang kasiyahan, edi sana, hindi siya sumama. Hindi kasi siya umiinom at sa ngayon, hindi niya susubukang gawin iyon dahil bata pa siya, wala pa nga siyang disi-otso kaya kahit anong pilit sa kanya kanina, hindi talaga siya nagpatinag at hindi talaga siya uminom.
Inaayos niya ng tayo si Jones dahil medyo natutumba na ito habang akay-akay niya. Medyo may kabigatan pa naman ito kaya pati siya ay nahihirapan.
“Iinom-inom ka tapos ganyan ka. Pinapahirapan mo ako e,” inis na sabi ni Jack sa kaibigan.
“Hindi ako lashing!” sabi ni Jones. Namumungay ang mga mata, buong mukha nito ay namumula na dahil sa kalasingan at ang kilos ay hindi na makontrol.
“Hindi daw lasing! Eh anong tawag mo sa sarili mo ngayon? Normal mo ba ‘yan?” sabi at tanong ng inis na inis na si Jack. “Wala ka pang 18 pero umiinom ka na,” panenermon pa nito.
Hindi na nagsalita si Jones, kulang na lang ay matulog na ito dahil napapapikit na ng mga mata at mas lalong bumibigat ang katawan.
Mabuti na lamang at nakakita sila ng waiting shed kaya naman minabuti ni Jack na sumilong at umupo muna doon. Wala naman ng masyadong tao ngayon dahil madaling araw na at nasa kanya-kanya ng mga bahay ang mga tao. Doon na lamang sila maghihintay ng masasakyan na kanina pa nila hinihintay pero walang dumarating dahil madalang na ang mga sasakyang dumaraan sa mga oras na ito.
Inupo niya nang maayos si Jones, naupo rin siya kaagad sa tabi nito at isinandal sa balikat niya ang ulo nito. Napapikit ng mga mata si Jones at mukhang natulog na.
Mas lalong nainis si Jack.
“Bwisit naman oh! Tinulugan mo pa ako. Hays!”
Sa ilalim ng liwanag na sinag ng buwan, sa ilalim ng bubong ng waiting shed, tahimik silang nakaupo.
Napabuntong-hininga si Jack. Pakiramdam niya ngayon, pagod na pagod siya dahil sa pag-aalaga ng bata. Mistula kasing naging bata ngayon si Jones na alagain. Mabuti na lang at magkaibigan sila dahil kundi, hindi siya magtatyaga na samahan ito, hindi naman siya ganun kabuting tao at lalo na ngayon na inis na inis siya, iiwan na niya ito kung hindi nga lang niya ito kaibigan.
“Hays! Kainis talaga ang araw na ito! Sa halip na maging masaya ako dahil sa pagkapanalo niyo ng team mo sa basketball, ininis mo ako dahil dito,” reklamo ni Jack. Reklamo na lamang ang tanging magagawa niya dahil ito na e, gawin na lamang niya, konsensya niya pa kung may mangyari sa kaibigan niya oras na iwan niya itong mag-isa.
“Dapat kasi si Steph ‘yung nandito eh at hindi ako-”
Nagulat na lamang si Jack ng biglang umalis ang ulo ni Jones sa kaliwang balikat niya, napatingin siya rito at nakita niyang nakatingin sa kanya ang mga namumungay nitong mga mata.
“Oh bakit? Matulog ka na lang kaya muna para kahit papaano ay mawala ‘yang kalasingan mo!” sabi ni Jack.
Hindi nagsalita si Jones. Nanatili lamang itong nakatingin sa mukha ni Jack. Mali pala ang salitang nakatingin dahil mas tamang sabihin na nakatitig ito.
Nakaramdam tuloy nang pagkailang si Jack.
“Bakit ka ganyan makatingin? May dumi ba ako sa mukha?” tanong nito.
Hindi pa rin nagsalita si Jones. Nakatitig pa rin ito sa mukha ni Jack, mistulang kinakabisado ang nakikita.
“Oy! Tumigil ka nga diyan sa ginagawa mong ‘yan-”
“I love you Bro,” ang sabi kaagad ni Jones na ikinatigil ng mundo ni Jack. Biglang lumakas ang t***k ng kanyang puso dahil sa narinig dito.
“I love you Bro,” pag-uulit ni Jones habang nakatitig pa rin kay Jack.
Pinakalma ni Jack ang sarili bago magsalita.
“A-Ano bang sinasabi mo diyan? Lasing ka na-”
“I love you Bro,” sabi na naman kaagad ni Jones.
Natahimik si Jack. Mas lalong lumakas ang kabog sa dibdib niya. Hindi niya maintindihan kung bakit pero ‘yun ang nararamdaman niya ngayon. Bakit ba sinasabi nito ang Mahal kita habang nakatitig pa sa kanya?
Mas lalong kumabog ang puso ni Jack dahil sa sumunod na nangyaring mas lalong nagpatigil sa mundo niya. Magkahalong gulat, pagkalito at hindi maipaliwanag na saya ang mga halo-halong nararamdaman niya.
Hinawakan ni Jones ang magkabilang side ng mukha ni Jack na mistulang naging estatwa at hindi makagalaw, pagkatapos, dahan-dahang nilapit ng una ang mukha sa huli, nagkadikit ang tungki ng kanilang mga ilong, halos maduling ang kanilang mga mata sa kakatitig sa isa’t-isa, hindi nagtagal, napapikit ng mga mata si Jones, mas lalong nilapit ang mukha hanggang sa maramdaman na lamang ng isa’t-isa ang pagdampi ng kanilang mga labi.
Nanlalaki ang mga mata ni Jack. Hindi siya makapaniwalang nangyayari ito ngayon. Bakit nangyayari ito? Bigla niyang naisip, wala pa siyang nahahalikan sa labi na ibang tao sa buong buhay niya, tanging mga magulang lamang niya na hindi naman iba sa kanya, ibig sabihin, first kiss niya si Jones, ang bestfriend niya… ang lalaking bestfriend niya!
Nakadampi lamang ang kanilang mga labi sa isa’t-isa, walang gumagalaw.
Pipikit na sana si Jack dahil iyon ang kagustuhan ng kanyang mga mata ngunit naramdaman na lamang niya ang paghiwalay ng labi ng kaibigan sa kanya at ang sumunod na nangyari ang hindi niya inasahan, ang mga kakaiba niyang nararamdaman ay napalitan ng inis.
Sinong hindi maiinis? Sinukahan lang naman siya, sa damit pa.
“Lintik naman oh!” inis na inis na sabi ni Jack. Ang ganda na ng eksena e, sinira pa.
Iniwas niya sa kanya si Jones na tuloy-tuloy na nagsusuka. Napapailing na lamang ito habang hinihimas niya rin ang likod nito para kumalma sa pagsuka.
Pamaya-maya ay natapos na ito sa pagsuka, umayos ng upo si Jones, sinandal muli ang ulo sa balikat ni Jack at nakatulog.
Inis na inis si Jack. Pinapagpag ang damit at inaalis ang suka ni Jones.
Napatingin si Jack sa kaibigang nakatulog na muli.
“Bwisit!” inis na inis na sabi nito. “Pero bakit kahit na bwisit na bwisit ako ngayon sayo… hindi ko pa rin mapigilang hindi maging masaya?” sabi pa nito. Dahil sa kabila ng bwisit niya sa kaibigan, may parte sa loob niya na masaya dahil sa nangyari at hindi niya maintindihan kung bakit siya nagkakaganito.
-----------------------------------------
Mag-uumaga na pero gising pa rin si Jack. Hindi alintanang may pasok pa siya mamaya. Nakatayo siya sa tapat ng malaking bintana ng kanyang kwarto at nakatingin sa labas. Hindi siya makatulog dahil hanggang ngayon, naaalala niya ang mga nangyari kanina ng ihatid niya si Jones hanggang sa bahay nito na matiwasay niyang nagawa.
Wala sa sariling napahawak ang kanyang mga daliri sa kanang kamay sa kanyang may kalambutang labi. Hindi niya mapigilang mapakagat-labi sa tuwing naiisip na nahalikan ito ng kaibigan niya. Kahit na kanina pa nangyari ang halik, pakiramdam niya, nakadampi pa rin ito sa kanyang labi. Hanggang ngayon ay ramdam pa rin niya ang lambot ng labi nito.
Hindi niya maintindihan sa sarili, imbes na makaramdam siya ng galit ay saya ang nararamdaman niya dahil sa nangyari. Hindi niya inaasahan ang lahat at lalong hindi niya akalain na ang kaibigan pa niyang isang lalaki ang unang halik niya.
Hindi nga lang ba talaga niya maintindihan o ayaw lamang niyang tanggapin sa sarili niya na alam niya kung bakit nararamdaman ang mga kakaibang ito?
Napailing siya. Hindi talaga niya maintindihan, nalilito na siya.
Isa pa sa gumugulo sa kanyang isipan ay ang sinabi nitong mahal siya, totoo kaya iyon? Gusto niyang maniwala pero may pag-aalangan siya.
Napabuntong-hininga siya. Siguradong katulad ng una, iyong nakita niya ang kaibigan na may ginagawang milagro, tiyak na hindi rin niya makakalimutan ang mga nangyaring ito lalo na ngayon at involve siya.
Si Jones kaya? May alam kaya sa mga ginawa nito? Sa mga sinabi nito? Alam niyang lasing ito pero pwede rin namang nasa katinuan pa rin ito at alam pa rin ang mga ginagawa.
Muli siyang napabuntong-hininga. Hindi tuloy niya alam kung paano haharapin ang kaibigan pagkatapos ng mga nangyari.
- - - - - - - - - - - - - -- -
Hindi makatingin si Jack kay Jones. Magkasama sila ngayon sa garden at magkatabing nakaupo sa bench.
“Salamat sa paghatid sa akin kagabi ah. Sinabi sa akin ni Mama,” sabi ni Jones saka ngumiti.
“Wala iyon,” sabi ni Jack. Hindi pa rin tumingin kay Jones.
“Pasensya na rin kung nahirapan ka. Alam kong nahirapan ka dahil lasing na lasing ako kagabi kaya naging alagain mo pa tuloy ako,” nahihiyang sabi ni Jones. Napabuntong-hininga. “Hindi ko rin naman kasi inaasahan na may inumang magaganap kaya ‘yun, napasubo.”
“Ok lang. Hindi ko nga inakala na umiinom ka pala,” sabi ni Jack.
“Bakit hindi ka tumitingin sa akin?” pagtatakang tanong ni Jones. Nakakapagtaka naman kasi, kausap mo tapos hindi nakatingin sayo.
Tumingin si Jack kay Jones. ‘May naalala kaya siya? Alam niya kayang hinalikan niya ako at sinabing mahal ako?’ tanong nito sa isipan.
“Ah! Wala lang,” sabi na lamang ni Jack. Pilit na ngumiti.
“May nangyari ba kagabi? Sabihin mo naman sa akin,” tanong at sabi ni Jones na ikinakaba ni Jack.
Sabi na, wala itong naalala sa mga ginawa kagabi. Nahaluan ng lungkot ang kabang nararamdaman niya.
“Bukod sa naging asal bata ka kagabi dahil sa sobrang kalasingan, wala na,” sabi na lamang ni Jack saka umiwas nang tingin.
“Sigurado ka?” tanong ni Jones. Parang hindi naniniwala sa sinabi ng kaibigan, pakiramdam nito, parang may itinatago.
Muling napatingin si Jack kay Jones. Napangiti at tumango ito.
“Oo nga… at inis na inis ako sayo dahil para akong naging instant baby sitter at mas lalo akong nainis dahil sinukahan mo ang damit ko. Grabe ka! Sa susunod na iinom ka, kontrolin mo para hindi ka malasing ng sobra.”
“Naku! Sorry talaga Bro! Hayaan mo, hindi na mauulit,” pangako ni Jones. Nakaramdam siya ng hiya sa kaibigan.
“Sus! Hindi daw mauulit,” hindi naniniwalang sabi ni Jack saka umiwas nang tingin. Napabuntong-hininga.
“Sige ganito na lang, bilang pambawi ko sayo, libre na ang lunch at miryenda mo ngayong araw. Ano? Pwede na ba iyon?” sabi at tanong pa ni Jones.
Napatingin si Jack kay Jones. Tipid itong napangiti.
“Ok. Sabi mo ‘yan ah!” sabi ni Jack.
Napatango saka ngumiti si Jones.
Nakakalungkot lang isipin para kay Jack na siya, alalang-alala at naglalaro pa sa kanyang isipan ang mga nangyari habang kay Jones, wala lang.
- - - - - - - - - - - - - - - - - -
“Ok lang ‘yan. Marami pa namang iba diyan eh,” sabi ni Jack sa kaibigang si Jones na ngayon ay kino-comfort niya.
Naghiwalay na kasi ang kaibigan at ang girlfriend nitong si Steph after 4 months of being in a relationship. Ang dahilan, mas gusto kasing tutukan ng babae ang pag-aaral lalo na at huling taon na nila sa high school at hindi iyon magagawa kung may kasintahan ito.
“Ang sakit pala nang paghihiwalay, parang balat na nahiwa at naghiwalay at ngayon, naging sugat,” sabi ni Jones. Aminado itong nasasaktan.
“Kailangan mong kayanin ang sakit. Ganun talaga eh. Saka sa una lang naman ‘yan, kinalaunan, unti-unti ring gagaling at hindi na magiging masakit,” sabi ni Jack.
Napatango-tango si Jones.
“Kunsabagay tama ka… pero sa ngayon masakit lalo na at siya ang unang syota ko. Siya pa ang nakipaghiwalay, dobleng sakit ang pinaranas niya sa akin, sa puso ko at pati na rin sa pride ko,” sabi nito. Napabuntong-hininga. “Akala ko magtatagal kami eh pero hindi pala,” napailing-iling ito.
“Ibig sabihin lang nun, hindi pa siya ang para sayo. Bata ka pa naman, marami pang darating, marami pang pwedeng mangyari,” sabi ni Jack.
Napatango na lamang si Jones. Bakas ang lungkot sa mukha.
“Ang drama mo! Halika at kumain na lang tayo. May bagong bukas na karinderya dun sa labas, sabi ng ibang estudyanteng nakakain na dun, masarap daw,” pag-aaya ni Jack.
Sa totoo lang, hindi maintindihan ni Jack sa sarili kung bakit masaya siya sa paghihiwalay ni Jones at Steph. Alam niyang hindi maganda na maging masaya sa ikinasasakit ng iba pero hindi niya maiwasan.
“Ok. Sana maalis ng mga pagkaing iyon ang lungkot at sakit na nararamdaman ko,” sabi ni Jones.
“Sus! Drama mo. Halika na!” sabi ni Jack sabay tayo mula sa inupuan nitong bench na nasa gilid ng quadrangle at naunang maglakad. Sumunod naman sa kanya si Jones.