#ILoveYouBro
CHAPTER 7
Mabilis na lumipas ang panahon, 4th year high school na sila. Huling taon na nila sa high school at ngayon pa lang, nararamdaman na nila ang nalalapit nilang pagtatapos sa yugtong ito ng pag-aaral nila.
Mas lalong naging busy sila Jack at Jones, sa academics man at sa curricular activities kaya naman naging madalang na ang pagsasama nila, tanging sa loob na lamang sila ng classroom nagkakasama at nagkakausap dahil hanggang sa huling taon nila sa high school, magkaklase sila.
Sa taong ring ito, ramdam na nila ang mas maraming pagbabago, sa katawan man at sa damdamin.
“Congrats sa inyo ni Steph,” masayang sabi ni Jack kay Jones na napangiti naman sa kanya. Si Steph, ang unang kasintahan ni Jones.
“Akala ko nga hindi na niya ako sasagutin eh. Halos tatlong linggo ko rin siyang niligawan ah,” sabi ni Jones.
Tipid namang napangiti si Jack.
“Sabi nga nila, kapag may tyaga, may nilaga.”
“Kunsabagay, sa ganda ba naman ni Steph, kailangan pinaghihirapang makuha,” sabi ni Jones. Kahit naman si Jack, nagagandahan kay Steph, matangkad ito at sexy, ang mukha, parang may lahing Chinese dahil sa hulma at ang mga mata ay singkit.
“Mabuti nga at pumayag sila Tita na magkaroon ka na ng girlfriend,” sabi ni Jack. Lingid sa kaalaman ni Jones, may pakiramdam si Jack na hindi niya gusto, ewan ba niya kung bakit niya ito nararamdaman dahil lamang sa nalaman nilang may girlfriend na ang kaibigan, pilit na lamang niya itong itinatago alang-alang sa pagkakaibigan nila, isa pa, hindi naman siya sigurado sa kung ano ang nararamdaman niyang ito na kakaiba kaya hindi na lamang niya pinapansin pa.
“Oo naman. Hindi naman sila tutol sa ganun saka alam naman nila na binata na ako kaya normal lang na magkaroon ako ng syota, pinaalalahanan lang nila ako lalo na sa mga bagay na kailangan ay may limitasyon,” sabi ni Jones.
Napatango-tango si Jack.
“Ikaw ba? Kailan ka ba magkakaroon ng girlfriend?” tanong ni Jones. Umayos ito ng upo sa inuupuang upuan na nasa bandang dulo ng classroom at katabi ang inuupuan ni Jack. Wala pa silang teacher kaya malaya silang nakakapagkwentuhan.
Tipid namang napangiti si Jack.
“Wala pa sa isipan ko ang mga ganyan. Ang tanging goal ko sa ngayon ay ang mag-aral at makatapos,” sagot nito.
“Pwede namang pagsabayin ang pag-aaral at pakikipagrelasyon e.” sabi ni Jones.
“Alam ko namang pwede. Nasa atin naman iyon kung paano gagawin pero kasi, wala pa nga siya sa isipan ko,” pagsang-ayon ni Jack.
“Kunsabagay,” sabi ni Jones. “Pero kung sakaling may nagugustuhan ka ng babae at gusto mo siyang ligawan para mapasayo, sabihin mo sa akin a, tuturuan kita kung paano ang mga moves at gagawin mo sa panliligaw. Kung hindi mo naitatanong, expert ako diyan, kaya ko nga napasagot si Steph eh,” sabi pa nito na may himig ng yabang.
Natawa naman sa kanya si Jack.
“Yabang! If I know, nagbasa ka lang sa google kaya ka nakakuha ng mga idea sa panliligaw,” sabi nito.
“Hindi ah. Diskarte ko lang iyon,” sabi ni Jones.
Natigil ang pag-uusap ng dalawa ng dumating na ang teacher nila.
- - - - - - - - - - - - - - - - - - - - -
Nasa loob ng kwarto niya si Jack. Nakaupo sa isang upuan na nasa tapat ng bintana. Hawak niya ang isang libro na binili niya sa bookstore. Nagpunta siya sa bookstore mag-isa para malibang na rin at makalimutang may girlfriend na si Jones dahil hindi rin iyon maalis sa isipan niya. Ewan ba niya kung bakit. Speaking of Jones, hindi niya ito nakasama sa pagpunta dahil na rin sa kasama nito ang girlfriend na si Steph ngayon at malamang ay nagde-date ang dalawang iyon.
Nakatingin siya ngayon sa nasabing libro. Binili niya ito dahil na-curious siya sa title at higit sa lahat, sa larawang nakalagay sa pabalat. Puro kasi lalaki ang nasa cover na mukhang nagpoportray sa mga karakter na nasa libro.
Makapal ang nasabing libro. Binasa niya ang mga nakasulat sa likod.
Nagulat siya dahil ang akala niyang simpleng kwento na meron ang librong ito ay isang kumplikadong sitwasyon pala ng isang relasyon.
Kwento ng isang lalaking nagmamahal ng isang lalaking naaksidente at na-coma. Umaasa na gigising pa ang minamahal. Sa gitna ng paghihintay na magising ang minamahal, dumating ang isang lalaking mamahalin rin niya kaya ngayon, naiipit ang puso niya sa dalawang lalaking nasa buhay na niya ngayon.
Sa tingin niya, malalim at puno ng emosyon ang kwento. Mas lalo siyang na-curious sa nilalaman. Ewan ba niya kung bakit ganito ang pakiramdam niya, gustong-gusto niya itong mabasa at malaman ang mga nangyari.
Mas lalong gusto niyang malaman kung magwawagi ba ang isang pag-ibig ng pareho ang kasarian.
Napabuntong-hininga siya. Hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit tila naging interesado siya sa ganitong klase ng babasahin.
Muli na lamang siyang napabuntong hininga pagkatapos, binuksan ang libro at inumpisahang basahin.
---------------------------------------
“Mukhang puyat ka na naman. Ano na namang ginawa mo?” tanong ni Jones kay Jack habang nakatingin siya rito. Nasa classroom silang dalawa at kagaya ng mga kaklase nila, naghihintay sila sa pagdating ng kanilang teacher sa social studies.
Napansin ni Jones ang malalim na eyebags ni Jack sa ilalim ng mga mata nito kaya naman nasabi niyang puyat na naman ito.
“May tinapos lang akong basahin kaya ako napuyat,” sabi ni Jack. Totoo naman, tinapos niyang basahin ang nabili niyang libro dahil sa sobrang ganda ng kwento, hindi niya napigilang ipagpabukas pa ang iba pang mga eksenang nasa libro kaya talagang tinapos niya kahit na antok na antok na siya.
“Ganun ba. Baka mamaya niyan, may problema ka na at hindi mo lang sinasabi sa akin,” sabi ni Jones.
“Napuyat lang, may problema na talaga ang iniisip mo sa akin?” sabi ni Jack.
“Malay ko ba kung ganun,” dipensa ni Jones. Napabuntong-hininga. “Ang sa akin lang naman, kaibigan mo ako, pwede mo akong sabihan ng mga problema mo kung meron man, handa naman akong makinig at makatulong hangga’t maaari,” dugtong pa nito.
Tipid namang napangiti si Jack.
“Huwag kang mag-alala, wala akong problema, napuyat lang talaga ako sa pagbabasa,” paniniguro nito.
Napatango na lamang si Jones.
“Ok, naniniwala naman ako kung ‘yan talaga ang dahilan.”
Umiwas nang tingin si Jack. Napabuntong-hininga. Naalala niya ang nabasa niyang kwento.
Masasabi niyang mapaglaro talaga ang pag-ibig, akala mo, ‘yung kasalukuyang minamahal mo na ngayon ang siyang para sayo pero hindi pa pala dahil may darating at darating pang iba na tunay na nakalaan para mahalin at maging sayo.
Sa librong iyon nalaman niya ang saya at lungkot ng pagmamahal. Sa librong iyon, napatunayan niyang pwedeng maging happy ending ang isang pagmamahalang sinubok ng maraming pagsubok. Sa una ay naging mali pero sa huli ay naging tama.
Sa libro ring iyon, nalaman niyang pwede talaga na magmahal ang pareho ang kasarian, kunsabagay, puso naman kasi talaga ang siyang magdidikta kung sino ang siyang mamahalin at hindi ang isipan at mata. Sinasabi man ng isipan na mali, nakikita man ng mga mata ang maraming mali, sa huli, puso pa rin ang siyang masusunod at magwawagi at siyang magsasabi na tama lang ang lahat.
Naisip niya tuloy, kung sa totoong buhay kaya nangyayari ang ganung klase ng kwento, magiging masaya rin ba sa huli? Alam naman kasi niya na iba ang kathang-isip lamang sa reyalidad. Isip ng taong nagsusulat o nagsasalaysay ng isang kwento ang masusunod sa isang kwentong kathang-isip lamang habang sa reyalidad, walang nasusunod, kumbaga, hawak ng tadhana at ng taong may buhay ang magiging kapalaran at mangyayari sa buhay man niya o sa pag-ibig, hindi pwedeng makontrol, hindi pwedeng sabihin na dapat ito ang mangyari porket maganda iyon, gustuhin man na iyon ang mangyari pero minsan, hindi iyon ang mangyayari.
Paano kaya kung mangyari sa kanya ang mga nangyari sa nabasa niyang libro? Napailing na lamang siya.
“Ang lalim ng iniisip ah,” sabi ni Jones. Bumalik sa reyalidad si Jack. Napatingin siya sa kaibigan.
“Hindi ah! Natulala lang ako,” sabi ni Jack.
“Ano bang dahilan ng pagkakatulala ng isang tao? Edi pag-iisip ng malalim,” sabi ni Jones. “Pwede mo bang i-share sa akin ‘yan?” tanong pa nito.
Napailing si Jack.
“Ikaw talaga ang dami mong alam,” sabi nito.
Natawa naman si Jones.
“Siyempre, matalino kaya ako,” pagmamalaki nito.
“Edi ikaw na… Kaya idol kita eh,” pilosopong sabi ni Jack.
Mas lalong natawa si Jones.
“Dapat iniisip mo ngayon ay ang magiging laban niyo sa national hindi ‘yung buhay ko ang pinapakiealaman mo,” sabi ni Jack.
“Bakit ko pa iisipin iyon eh alam ko namang mananalo kami. Malakas ang pananalig ko na kami ang mag-uuwi ng tropeyo saka isa pa, mas gusto kong makiealam sa buhay mo kaysa isipin iyon at kabahan,” sabi ni Jones.
Napailing-iling sa kanya si Jack. Walang kakaba-kaba si Jones sa nalalapit na finals nila sa national, ang lakas ng confidence na mananalo.
Magsasalita pa sana si Jack ng bigla nang dumating ang guro nila sa social studies, as usual, na-late dahil sa nagkaroon daw ito ng biglaang meeting. Umayos ng upo ang lahat kabilang na ang magkaibigan.