Faith's Pov
Iniisip ko na siguro kulang lang sa lambing ko at atensyon si Tita Marites kaya ganoon siya sa'kin, kaya naman naisipan kong kunin ang loob niya. That is normal sa isang tulad ko bilang asawa ng anak niya, at bilang isang sampid sa pamilya, higit sa lahat ay para na rin magustuhan niya ako. Hindi ako nagpapasipsip o kung ano man ang tawag doon. Ginagawa ko ito para na rin maging maayos na ang pamilya namin dahil alam kong si Tita lang naman ang problema dahil ayaw niya sa'kin. Gusto ko lang subukang kunin ang loob niya, na iparamdam ko sa kaniya na ako lang 'to, si Faith asawa ng anak niya, na tanggapin naman niya ako dahil ginagawa ko naman ang lahat magustuhan niya lang ako para kay Bryan. Para na rin maging maayos na ang pagsasama namin bilang pamilya. Iyon bang walang samaan ng loob, plastikan at iba pang bagay na hindi maganda para sa isang pamilya kung tatawagin. Kasi ang tunay na pamilya ay nagmamahalan hindi nagsasakitan. Nagtutulungan hindi naghihilahan pababa. Nagbibigayan hindi nagdadamutan. At higit sa lahat ng ito ay nagdadamayan at hindi nagpaplastikan o nagtatanim ng samaan ng loob. Kasi nga, pamilya, eh.
But I know there is no perfect family. Halos lahat may kapintasan at may kakulangan. Dahil na rin iyon sa bawat kasapi ng pamilya. Kaya lang naman nagiging imperfect ang isang pamilya dahil sa iba't ibang ugali ng bawat kasapi nito. Normal iyon sa bawat tao na may kani-kaniyang taglay ng pag-uugali, bawat isa ay may kapintasan at walang perpekto. Pero kung susumahin, kung ikaw at ang bawat kasapi mo sa pamilya ay marunong makuntento, at mapagkumbabang tao hindi ba't nagiging perfect ang family niyo dahil lahat kayo ay may ganoong klase ng pag-uugali? Ika nga, nasa tao iyon. Ibig sabihin tao ang magdadala ng sarili niya. Kapag kontrolado niya ang sarili, kapag marunong siyang magpakumbaba ay talaga namang magaan ang buhay niya dahil wala siyang dinadalang mabigat sa dibdib. Kapag ganoon ang lahat ng tao ay tiyak walang problema.
Mayroon din naman na kung ano ang puno ay siya ring bunga ika nga nila. Kung mahilig magtalak ang puno ay ganoon din ang kaniyang mga sanga dahil nga mana-mana. Iisang ugat, iisang balat.
Subalit napaisip ako. Bakit kaya si Bryan ay hindi nagmana sa nanay niya? Posible pala na hindi namamana ng isang anak ang kung anong katangian ng kaniyang mga magulang? Kung sabagay may apple mango nga, eh. Patunay na hindi lahat ng mangga ay pareho lang ang bunga. Parang sa tao lang din, hindi lahat ng kadugo mo ay kapareho mo ng pag-uugali, at napatunayan ko iyon kay Bryan dahil hindi siya nagmana sa nanay niya.
Napangiti na lang ako habang ipinagluluto ko ng beef lasagna si Tita Marites. May pasok ako sa hospital ngayon pero maaga akong gumising para gawin ito. Idadaan ko kasi ito mamaya sa mansion, para kay Tita Marites. Sinarapan ko pa ang pagtimpla ng sa ganoon ay magustuhan ito ni Tita.
"Oh, sweetheart, you woke up early today. Nakatulog ka naman ba ng maayos niyan, eh, pinagod pa kita ng husto kagabi bago tayo natulog." Si Bryan ang nagsalita mula sa aking likuran.
Naramdaman ko ang paghalik niya sa likod ng ulo ko, kapagkuwa'y pumulupot ang matigas nitong braso sa bewang ko saka ako mahigpit na niyakap. Kagat ang labing napangiti ako habang dinadama ang katawan niyang nakadikit sa'kin habang inaalala ang mainit na sandaling pinagsaluhan namin nakaraang gabi. Bago kasi kami natulog ay muli pang naulit ang aming pagniniig. Hindi ko na nga namalayan ang sumunod na nangyari pagkatapos ng aming pagsasanib dahil nakatulog na ako sa sobrang pagod at antok.
Ipinagpatuloy ko ang paglalagay ng niluto ko sa isang glass microwavable baking pan habang sinagot ko naman si Bryan.
"Oo naman, mahal. Nakatulog naman ako pero sa totoo lang nanginginig pa rin ang mga tuhod ko," mahina akong natawa bago muling nagpatuloy sa pagsasalita, "paano naman kasi, hindi mo ako tinigilan hanggang sa bumigay ang tuhod ko."
Ang pagyakap sa'kin ni Bryan mula sa likuran ko ay tila ba nanggigil ito. Ang mabigat niyang paghinga ay dinig ko, maging ang mainit na balat niyang nakadikit sa akin ay dama ko rin. Siguro dahil ito sa sinabi ko, nadadala na naman siguro siya.
"Kasi naman ang sarap-sarap ng asawa ko. Mas masarap pa sa niluluto mong lasagna," malambing niyang tugon at kinagat ng mahina ang tenga ko.
Nakiliti naman ako sa ginagawa niya at hindi napigilan ang sariling mapatili.
"Bryan! Ano ba, nagluluto ako, eh!" nakikiliting reklamo ko sa kaniya.
Tumawa naman siya. Ang pagyakap niya sa'kin ay humigpit pa. "Ang sarap niyan, ah. Babaon ba ako niyan?" aniya.
"Syempre naman, mahal ko! Saka, balak ko rin dalhan ang mama mo. Kaya dadaan muna tayo sa mansion mamaya, ha."
Hinalikan ako ni Bryan sa leeg bago niya ako pinihit paharap sa kaniya. Nang magtama ang mga mata namin ay sinapo niya ang magkabila kong pinsgi. Naroon ang pagmamahal sa mga mata niya habang nakatitig ako roon. Hinaplos niya ang pisngi ko habang nagsalita naman ito.
"I just wanted to thank you, sweetheart, sa pag-iintindi mo kay Mama. Sa pagpapasensya sa kaniya sa lahat ng bagay lalo na sa hindi magandang pakikitungo niya sayo. Saka ako na rin ang humihingi ng tawad para sa lahat ng mga hindi magandang sinabi niya sayo. Alam mo bang napakaswerte ko sayo dahil hindi ka lang maganda at magaling magluto, dahil napakabuti pa ng kalooban mo at napakalawak ng pang unawa mo. Kaya nga mahal na mahal kita, eh."
Chaks!
Kinilig naman ako sa sinabi ng asawa ko. Nayakap ko tuloy siya ng buong higpit. Naku, kung hindi ko siya mahal siguro wala akong pasensya sa mama niya. Pero dahil mahal ko si Bryan, lahat ay gagawin ko para sa kaniya, kahit pa pagmumurahin ako ni Tita Marites at batuhin ng kung ano-anung masasakit na salita ay titiisin ko, para kay Bryan, dahil mahal ko ang asawa ko, at mamahalin ko rin ang lahat sa kaniya kasama na roon ang mama niya.
"Naku, baka saan pa mapunta ang usapang ito, mahal. Kaya mas mabuti siguro kung mauna ka nang maligo dahil ipapasok ko pa ito sa microwave, saka maghahanda na rin ako ng almusal natin para tamang-tama pagkatapos mong magbihis ay ready na ang almusal natin," nakangiti kong sambit.
Kapag kasi hindi pa kami hihiwalay sa pagyakap ay baka hindi ko na maidaan itong niluto ko sa mama niya.
Mabuti na lang sumunod rin siya sa sinabi ko. Kadalasan kasi ay sabay kaming naliligo na dalawa, kaya madalas may nangyayari sa banyo kahit maaga pa. Pero ngayon ay mag-isa siyang maliligo at wala siyang magagawa sa utos ko kahit ilang beses pa niya akong sinubukang hilahin kanina.
Napangiti na lamang ako habang naghahanda ng aming almusal. Sakto ang paglabas ni Bryan dahil nakahanda na ang aming almusal. Agad kaming naupo at masayang pinagsaluhan ang mga pagkaing nasa hapag.
*****
DUMAAN nga kami ni Bryan sa kanilang mansion. May kaba pa akong nararamdaman habang hawak ko ang babasaging lagayan na may laman na beef lasagna. Hindi ko alam kung k
tatanggapin ba ito ni Tita o hindi. Pero sana ay tanggapin niya at mas masaya kung masarapan siya sa luto ko.
Hindi na rin ipinasok ni Bryan ang kotse sa garahe, sa halip ay ipinarada na lang muna ito sa gilid ng kalsada dahil hindi naman kami magtatagal sa mansion. Naabutan ko nga itong si Tita Marites na nagdidilig ng kaniyang mga halaman sa hardin. Napansin kaagad nito ang aking presensya kaya agad itong bumaling ng tingin sa direksyon ko.
Inihanda ko ang aking matamis na ngiti at pagbati sa kaniya. "Magandang umaga po, Tita," ani ko sa magalang na tono.
Agad nabuhay ang mapait na reaksyon ng mukha nito. Tumaas ang isang kilay nito at umikot ang mga mata at nahalata ko na hindi niya nagustuhan ang presensya ko sa pamamahay niya.
"Maganda na sana ang umaga ko kung hindi ka dumating," asik niya.
Pero hindi ako tuminag, ni hindi ko binura ang ngiti sa labi ko.
"Dumaan lang po ako, Tita, para dalhan ka po ng niluto ko. Heto po, oh, sana magustuhan mo." Wika ko sabay abot ko sa kaniya ng babasaging pot na kitang-kita mula sa loob ang cheesy beef lasagna.
Tiningnan niya ng nakataas ang kilay ang iniabot ko sa kaniya. Mukhang wala siyang balak na tanggapin ito dahil muli lamang siyang bumaling sa mga halamang dinidiligan niya. Medyo pinanghinaan ako ng loob dahil palpak yata ako ngayon but then biglang may nagsalita mula sa terasa ng mansion kaya agad akong napabaling doon.
"Hindi mo ba kukunin iyang inaabot ng bata, Marites? Aba'y baka mangalay na ang kamay niyan." Si Daddy Joel iyon. Nakatayo siya sa terasa habang nasa tabi naman nito si Bryan.
Agad kong nginitian si Daddy Joel at kumaway din ako sa kaniya.
"Magandang umaga po, Dad!" bati ko rito.
"Magandang umaga rin sa magandang dilag na bumuo ng araw ko ngayon," ganting bati ni Daddy Joel na ikinangiti ko naman.
Subalit nagulat pa ako nang biglang padabog na inagaw sa'kin ni Tita Marites ang kaninang inaabot ko sa kaniya. Iyon bang tila napipilitan lang itong kunin iyon dahil kay Daddy Joel.
"Ano, masaya ka na?" mataray niyang asik sa'kin. "Magandang dilag! Ako lang ang maganda ngayong umaga!" nagagalit nitong bulong habang naglalakad at iwanan ako sa hardin.
"Teka naman, Marites." Natigil naman si Tita sa paglalakad at bumaling ito kay Daddy Joel na siyang tumawag dito.
"Bakit?" masungit nitong asik sa asawa.
"Hindi ka man lang ba magpapasalamat kay Faith dahil diyan sa niluto niyang lasagna para sayo?" wika ni Daddy Joel.
Napakagat-labi naman ako. Hindi naman iyon mahalaga sa'kin. Ang mahalaga ay tanggapin lang iyon ni Tita Marites.
Marahas namang bumuga ng hangin si Tita bago ito padabog na bumaling sa'kin.
"Salamat dito, ha, Faith. Siguro nama'y wala itong lason, ano?" sarkastikmong saad nito sa'kin.
Napangiwing napailing naman ako sa kaniya. "W-Wala po, Tita."
Agad niya akong tinalikuran na hindi na muling nagsalita. Pumasok na ito sa loob ng mansion.
"Ang mama mo talaga kahit kailan ang sama ng ugali! Ipinagluto na nga eh, masungit pa. Hindi na lang magpasalamat ng maayos!" Narinig kong reklamo ni Daddy Joel habang napapailing naman si Bryan sa tabi nito.
Naglakad naman ako papunta sa kanila ni Bryan sa terasa para na rin magpaalam para pumasok sa trabaho.
"Dad, hindi na po kami magtatagal," ani ko at hinalikan ito sa pisngi.
"Okay, hija. Naku, pasensya ka na sa tita mo at kagabi pa mainit ang ulo niyon. Hindi kasi nadiligan eh, kaya ganoon. Anyway, ako na ang nagpapasalamat sa effort mo na hindi na appreciate ng tita mo, hija."
Nginitian ko naman si Daddy Joel. "Naku, wala po iyon, Dad. Sanay na po ako kay Tita," saad ko.
"Kung minsa'y huwag sanayin, hija. Matuto ka rin lumaban," payo niya na ikinangiti ko na lamang.
"Magpapaalam lang po ako kay Tita, Dad," ani ko rito.
"Sige, hija."
Iniwan ko muna sila ni Bryan sa terasa at pumasok ako sa loob ng bahay para hanapin si Tita Marites at magpaalam dito. Pero hindi ko ito nahanap, sa halip ang nakita ko ay ang pagkaing dala ko na ngayon ay nakalagay na sa lababo at mukhang walang balak si Tita na kainin ito, kundi mukhang balak pang itapon ang pagkaing niluto ko.
Malungkot akong napailing-iling. Hindi bale, darating din ang pagkakataon na masasayangan si Tita sa mga pagkaing dadalhin ko sa kaniya araw-araw, at sa halip na itapon ito ay kakainin na lang. Hindi rin ako maniniwala na hindi niya ito susubukang tikman dahil alam kong mahilig siya sa pagkain.
Nang araw na iyon habang nasa hospital ako at kasalukuyang naka-duty ay nakatanggap ako ng mensahe mula kay Daddy Joel na siyang ikinasaya ng puso ko.
'The beefy and cheesy lasagna is so damn delicious, hija. I want more of it but your Tita Marites dinala ito sa kuwarto at doon siya kumain mag-isa!'
Pagbasa ko sa mensahe ni Daddy Joel. Nasorpresa pa ako dahil ang buong akala ko'y tinapon ito ni Tita but good thing to know na kinain niya rin pala. Kahit papaano ay nabunutan ako ng tinik sa dibdib dahil hindi naman pala palpak ang first move ko!