[Five Years Later]
Mabilis ang naging hakbang ni Diana patungo sa ICU, inatake na naman ang Lola niya sa sakit nito sa puso. Buti na lang ay kaagad itong naisugod sa ospital.
"Kumusta si Lola?" tanong niya kay Mae, ang binabayaran niyang mag-alaga sa Lola niya.
"Wala pa rin siyang malay, Ate. Pero sabi ng doctor ligtas na po raw siya." Halata sa mukha nito ang pag-aalala.
Napahawak siya sa dibdib, mabilis pa rin ang t***k ng puso niya dahil sa takot na baka matuluyan ang Lola niya. Nakaramdam siya nang paninikip ng dibdib. Namuo ang luha sa mga mata niya, kanina niya pa gustong umiyak pero pinigilan niya.
Humakbang siya sa hugis k'wadradong bintana, kung saan niya natatanaw ang Lola niya mula sa loob ng ICU room. Maraming tubong nakakabit sa katawan nito at may oxygen na nakalagay sa bibig.
"Huwag kang mag-alala, Ate. Magiging maayos din ang kalusugan ni Lola." Narinig niyang saad ni Mae.
Bumaling ang tingin niya rito saka tipid siyang ngumiti, pagkatapos ay muling ibinalik ang tingin sa Lola. Nanatili siya sa ganoon ayos hanggang tumunog ang cellphone niya.
Ayaw niya sanang sagutin dahil alam na niya kung sino ang tumatawag, walang iba kundi si William. Nababagot na siguro itong maghintay sa kanya sa labas ng ospital. Kung bakit kasi ayaw nitong pumasok.
Kung sabagay, kailan ba ito nagkaroon ng amor sa Lola niya? Ni minsan hindi ito nagpakita nang magandang kalooban sa Lola niya. Bumuntonghininga siya bago sinagot ang cellphone.
"Palabas na ako," sagot niya sa kabilang linya, pagkatapos ay tinapos na niya ang tawag.
"Aalis ka na, Ate?"
Binalingan niya si Mae, saka malungkot na ngumiti.
"Oo, babalik na lang ako bukas. Ikaw na muna ang bahala kay Lola, ha? Kailangan ko na kasing umuwi."
Nakita niya na namuo ang luha sa mga mata ni Mae, pareho lang din sila na nagpipigil ng emosyon. Mas bata ito sa kanya ng dalawang taon.
Nagsisikip ang dibdib niya na lumabas sa ospital. Sa totoo lang, gusto niyang bantayan ang Lola niya. Pangalawang beses na ito na inatake sa puso kaya natatakot siya. Kaya hangga't maaari ay gusto niyang manatili sa tabi nito, pero hindi p'wede dahil sa asawa niya.
"Bakit ang tagal mo?" inis na tanong ni William sa kanya.
"Wala pa akong limang minuto, matagal na?" naiirita niyang sagot dito.
"Sumasagot ka na sa akin, Diana." Malamig ang tono nang pananalita nito, may pagbabanta rin sa boses.
Hindi na siya umimik. Hindi niya naman talaga ugaling sumagot-sagot dito. Nitong mga nakaraang araw lang dahil hindi na niya kaya ang pag-uugali nito. Pero madalas nauunahan siya nang takot kaya mas gusto niya na lang manahimik.
"Pupunta pa tayo sa campaign ni Daddy, ang tagal-tagal mo," usal nito bago pinausad ang sasakyan. Halata sa mukha ang pagkabagot.
Tatakbo ng governor ang ama nito sa Probinsya nila kaya busy ito sa pagka-campaign para makahakot ng mga botante. Ilang buwan na lang at eleksyon na. Dati itong mayor sa bayan nila at ngayon nga ay pinangarap na naman ang mataas na posisyon sa lugar nila.
"Si Celine, nasaan?" tanong niya nang maalala ang anak.
"Kasama na nina Mommy at Daddy, excited nga iyon."
Bumuntonghininga siya, malapit din si Celine sa Lola at Lolo niya, lalo na kay William. She's turning five this year. Tanging ang anak niya na lang ang stress reliever at nagpapasaya sa kanya. Kung hindi dahil kay Celine baka matagal na siyang sumuko sa buhay.
Pagdating nila sa campaign area ay kaagad silang sinalubong ng ina ni William. Malapad pa ang ngiti nito sa kanila. Nang makababa sila ay kaagad siya nitong niyakap na para bang hindi siya kinasusuklaman. Palibhasa ay maraming tao ang nakapaligid sa kanila.
Nakadikit na rin ang pilit na ngiti sa labi niya na kinabisado niya sa loob ng ilang taon. Hinapit siya ni William sa beywang at pati ito ay abot hanggang tainga ang pagkakangiti.
"Buti naman at nakarating kayo, hijo." Masayang turan ni Lorna, ang ina ni William.
"Hindi pweding wala kami sa campaign ni Daddy, Mom. I am his only successor, kaya dapat lang nandito ako." Nakangiting sagot ni William.
Gusto nang umikot ng mga mata niya sa ere dahil sa kayabangan ng boses nito. Binalingan siya ni Lorna, pasimple siya nitong inismiran at tinaasan ng isang kilay. Isang matamis na ngiti lang ang iginanti niya rito. Pagkatapos ay bumuntonghininga ito.
"Sana naman may pakinabang iyang asawa mo," bulong nito sa sarili pero umabot sa pandinig niya.
Sanay na siya sa pasaring at pangungutya nito sa kanya. Noon pa man ay hindi na talaga siya nito gusto pero dahil sa pagpupumilit ng anak nitong si William ay tinanggap siya nito hindi bilang parte ng pamilya kundi ay bilang ulirang asawa ng anak nito.
"Daddy!" narinig nila ang masiglang boses ni Celine.
Pagtingin niya ay tumatakbo itong lumapit sa kanila at kaagad na yumakap kay William. Mabilis naman itong kinarga ng huli.
"How's my princess?" tanong ni William dito sa malambing na boses.
"Nag-enjoy po akong magbigay ng mga foods," sagot naman nito.
Sabay pa silang napatawa dahil sa sagot nito. Namimigay nga naman ng mga pagkain at groceries ang pamilya ni William. At bukod doon may pa-libreng check-up din kaya maraming tao ngayon sa malaking plaza ng bayan na siyang naging campaign area ng mga politician na tatakbo ngayong eleksyon.
"Very good! Ang galing talaga ng anak ko, manang-mana sa akin na matulungin." Puno nang pagmamalaking turan ni William.
"Aba! Mana rin siya sa Lola at Lolo niya," ani naman ni Lorna. Masaya itong nakatitig kay Celine.
"Halika na, anak. Dito ka muna kay mommy..." aniya saka akmang kukunin ang anak pero mabilis na lumakad si William palayo na karga pa rin si Celine.
Bumuntonghininga na lang siya at sinundan ang papalayong asawa at anak. Patungo ang mga ito kay Efren, ang ama ni William.
"Alam mo, Diana, mas malapit talaga si Celine kay William kaysa sa'yo. Kaya kung sakaling hiwalayan ka ng anak ko, hindi mo makukuha si Celine sa amin." Nang-uuyam na saad ni Lorna sa kanya.
Gusto niya itong sagutin na sana nga hiwalayan na siya ni William dahil hindi na niya kaya ang pagiging abusive husband nito. Pero pinigilan niya ang sarili, ngumiti na lang siya sa mother-in-law niya.
"Hindi po ako hihiwalayan ng anak ninyo, Mama." Matamis siyang ngumiti rito. Tinaasan naman siya ng kilay nito.
"Wala kang k'wenta!" pigil ang boses na asik nito sa kanya.
Binalewala niya na lang ito at nagpatuloy siyang naglakad patungo sa deriksyon nina William at Celine.
***