Nahihiya na akong ngumiti at marahang kumalas na sa mahigpit na pagkakayakap niya sa akin. Hindi ko na rin matagalan pa ang pasimpleng pagsama ng mga tingin ni Tita Roxa sa akin. Alam kong may warning na iyong kasama kung kaya naman ay kailangan ko ng ayusin ang aking sarili at asta sa harapan ng boss namin. Kapag hindi ko sinunod ang kanyang pinaparating sa akin ngayon ay tiyak na magbubunganga siya sa akin mamaya. Ayoko namang masira ang aking gabi nang dahil sa kaharutang nasa aking katawan. Kaya ko pa namang magpigil lalo na at may ibang tao sa aming harapan. At saka respeto na rin sa aming boss, touchy lang talaga ito.
“Nakabakasyon ako ngayon boss.” mayabang na turan ko na humakbang pa paatras ng ilang hakbang na naging dahilan upang magkaroon na ng espasyo sa aming pagitang dalawa, subalit hindi ako muling nakapalag nang muli niya akong yakapin doon nang mahigpit matapos na tawirin niya ang aming pagitang dalawa. Muntik na akong mapangiwi nang dahil doon, ngunit hindi ko iyon ipinakita sa kanya at baka isipin niyang nandidiri ako. Napamulagat na ang aking mga mata sa labis na gulat nang bigla na lang niya akong halikan sa tuktok ng aking ulo. Napaka-unexpected noon kung kaya naman mabilis nang lumipad ang aking mga mata kay Tita Roxa na kapareho rin ng reaction ko ang nakalarawan sa kanyang mga mata. Humihingi na ako ng saklolo kay Tita Roxa sa pamamagitan ng pagsenyas ng aking kamay sa kanya ngunit nanatiling tahimik pa rin siya doong nakatayo. Tikom ang bibig at halata ang paulit-ulit niyang paglunok ng kanyang sariling laway upang pakalmahin ang kanyang sarili. Animo ay estatwa na walang planong magsalita ng kahit ano kahit na pilitin ko ito. Ang gawi ng boss naming iyon para sa akin ay iba na ang dating kung kaya naman ay ako na ang muling kumalas sa aming yakapan na alam kong nakaka-trigger na sa damdamin ni Tita Roxa na nagmamasid pa rin sa aming dalawa. Bulag-bulagan lang ito ngayon, pero for sure ay pagsasabihan na naman niya ako ukol dito mamaya kapag kaming dalawa na lang ang magkaharap. Hindi lang siya mkapagsalita ngayon nang kung anu-ano dahil maririnig na iyon ni Boss. Mahina na akong tumawa, muling humakbang paatras pa at this time ay umabot na ang mga iyon sa tabi mismo ni Tita Roxa na nakita kong plastic na ang nakapagkit na mga ngiti sa kanyang labi na bumaling sa akin. “Isang Linggo lang naman iyon, Boss.”
Ilang saglit na naging malikot ang mga mata ng boss namin. Marahil ay na-realize niya na medyo mali ang ginagawa niya sa akin. Hindi ko naman din iyon bibigyan ng kulay na kagaya ng sabi ko. Ayoko kayang kumuha ng batong ipupukpok ko rin sa aking ulo. Sa bandang dulo ay ako rin naman ang masasaktan noon at magkakaroon ng malaking problema. Huwag na lang. Ilang beses na akong huminga doon nang malalim matapos na sulyapan si Tita Roxa na medyo kumalma na rin ang plastic na hitsura ng ngiti niya. Minsan nga ay naiisip ko na marahil ay may gusto si Tita Roxa sa kanya, kaya baka naiinggit siya sa atensyong ibinibigay nito sa akin. Anu pa man ang rason noon ay ayoko na rin namang alamin. Ang mahalaga ay wala akong masamang ginagawa dito sa kanila.
“Talaga? Great news iyan para naman makapagpahinga iyang katawang lupa mo.” anitong muli ng naupo sa kanyang iniwang upuan kanina. Pinagsalikop pa ang kanyang dalawang palad at nakangiting ipinatong doon ang kanyang mukha. Nasa akin pa rin ang mga mata nitong patuloy na nakangiti. Malapad pa siyang ngumiti at kapagdaka ay ibinaling na iyon kay Tita Roxa na mabilis nang humakbang papalapit sa kanyang lamesa. Ngunit bago pa si Tita Roxa muling makapagsalita ay muli na naman itong bumaling sa may aking banda. Halatang hindi niya talaga ma-resist ngayon ang aking maalindog at kahali-halinang ganda. “Eh, bakit narito ka kung nakabakasyon ka? Hindi ba dapat ay nasa bahay niyo ikaw o kung hindi naman ay nagbabakasyon sa lugar na gusto mong puntahan?” tanong pa niya na naburo na ang mga mata sa mukha ko, ibang-iba ang mga paninitig niya sa akin ng mga sandaling iyon. Marahil ay dahil sa manipis ang suot kong make up, hindi ko tuloy maiwasang uminit ang aking magkabilang mukha. Mabilis na naman akong natigilan nang makita ang mga tingin ni Tita Roxa sa akin na mayroong laman. Kilalang-kilala ko ang tingin niya.
“May nais lang siyang kuning mga damit sa kanyang dressing room kung kaya siya nasa club ngayon, Sir Vinson.” magalang na pagsisinungaling sa kanya ni Tita Roxa bago pa man ako makapagsalita upng tumugon sa kanyang naging mga katanungan sa akin.
Nais ko nang magprotesta nang makita ang pagsenyas sa akin ni Tita Roxa na lumabas na ng silid na iyon. Pero syempre hindi ko iyon ginawa. Ayokong isipin niya na tuluyng lumaki na ang aking ulo dahil sa pabor na ipinapamalas ng aming amo sa aking banda. Muli akong huminga doon nang malalim upang humugot na ng aking pamamaalam sa kanya. Iyon ngayon ang kailangang gawin ko dahil kahit na magprotesta ako, wala pa rin namang mangyayari doon dahil sa aming dalawa ay siya pa rin ang mataas ang posisyon.
“Paano Boss, tutuloy na ako.” lakas loob ko ng turan sa kanya kahit na sa aking loob ay ayaw ko pang umalis ng office niya.
“Sige, enjoy on your vacation Senda. See you soon!” taas pa nito ng kanyang kamay habang malapad pa 'ring nakangiti sa akin, wala akong nagawa kung hindi ang suklian ang kanyang ginagawa. Lalabas na mataray ako kapag hindi ko iyon ginawa bilang tugon.
Nilingon ko na si Tita Roxa na naging tunay na ang mga ngiting nakapaskil sa kanyang labi. Muli pa akong ngumiti sa kanya na bagama't may bahid ng pag-aatubili ay mas pinili ko pa 'ring marahang tumango habang nagpla-planong lisanin ang loob ng naturang silid. Ano pa nga naman ang gagawin ko doon? malamang ay wala na rin naman. Alangan namang makinig pa ako sa usapan nila.
“Tita Roxa, hihintayin na lang po kita sa dressing room.” paalam ko na agad na 'ring tumalikod nang mabilis na siyang tumango sa aking naging litanya, bantulot man sa aking gagawin ay mas pinili ko pa 'ring lumabas na doon bilang respeto na sa kanilang dalawa.
Walang imik na inilapat ko na ang dahon ng pintuan ng opisina. Ilang segundo pa ako doon at kapagdaka ay humakbang na patungo ng aking dressing room. Ayaw ko pa sanang umalis ng office ng aming boss, kaya lang nakakahiya namang tumambay pa ako doon. Tuloy-tuloy akong pumasok sa dressing room matapos na buksan iyon. Pasalampak na naupo na sa sofa. Inihahanda ko na ang aking sarili sa gagawing pagbubunganga ni Tita Roxa mamaya. Sigurado iyon. Memoryado ko na ang ugaling ipapakita niya sa akin after na makipag-usap sa aming boss. Uulitin na naman ang mga litanya noong may pamilya na ang boss namin kung kaya naman ay kailangan kong dumistansya at bawasan ang pagiging malapit dito. Kagaya ng sinabi ko kanina, hindi ako kukuha ng batong ipupukol ko sa aking ulo sa bandang dulo. Ayaw kong masangkot sa ganung gulo. Ganito na ang ang trabaho ko, sisirain ko pa ba naman nang sobra ang buhay ko? Malamang hindi. Mayroon akong limitasyon lalo na pagdating sa mga bagay na kagaya nito.
Talaga ba Senda? Seryoso ka ba diyan sa mga pinagsasabi mo sa utak mo ha?
“Oo naman...seryoso ako sa mga pinagsasabi ko...” tugon kong kinakausap pa rin ang aking sarili na parang lutang doon.
Talaga ba? Eh ano iyang ginagawa mo ngayon, ha?
Marahas na akong napakamot sa aking sariling ulo na naging dahilan upang magulo na doon ang aking buhok. Binitawan na ang aking cellphone na hawak kanina matapos na makita ang message sa umilaw na screen nito. Nag-text lang naman doon si Boss at inaaya niya akong bago umuwi ay kumain daw kami ng dinner sa labas. At hindi ko alam kung itu-turn down ko ba iyon nang dahil sa aking plano na makipagkita sa buyer ko ngayon? Tiyak din naman akong magagalit si Tita Roxa oras na kanyang malaman na inaya ako nitong kumain sa labas at pinagbigyan ko. Baka iyon pa ang pag-ugatan ng magiging malalang away namin ng babae. Ngunit anong gagawin ko? Makakaya ko bang sabihin sa Boss ko na hindi pwede gayong alam naman niyang nakabakasyon ako?
Sasama o hindi sasama?
“Sayang naman, minsan na lang akong maalok ng ganun bakit palalagpasin ko pa?” parang shunga na namang kausap ko sa aking sarili, tumayo na ako doon at ilang ulit na nagpalakad-lakad upang tanungin pa ang aking sarili sa kung anong desisyon ko dito. Hindi ko pa rin alam kung ano ang aking susundin, nagdadalawa pa ang aking isipan sa desisyong aking gagawin ngayon. “Sumama ka na Senda, ikaw rin, baka sa bandang dulo ay pagsisihan mo na hindi mo siya pinagbigyan. Ngayon lang naman iyan, sige na.”
Mabilis na akong napaupong muli sa sofa nang bumukas ang pintuan at iluwa noon si Tita Roxa na maaliwalas ang mukha. Taliwas iyon sa aking inaasahan kanina na nakabusangot at halos hindi ko magawang ipinta. Ngumiti pa siya sa akin nang napakatamis sa hindi ko malamang dahilan. Kumibot-kibot na doon ang aking bibig, nais ko sanang sabihin sa kanya ang tungkol doon kahit na alam ko sa aking sarili na magagalit siya at paniguradong sasabihin nito sa akin na huwag n ahuwag akong papayag sa nais doong mangyari ng aming boss. Nahigit ko na ang aking hininga nang maupo na siya sa sofa paharap sa akin at paupuin niya na rin ako doon matapos na may kunin sa cabinet na isang folder. Alam kong naglalaman ng kasunduan nila ng buyer ko na plano naming i-discuss sana ngayong dalawa at himayin ang mga regulasyon. Itinagilid ko ang aking ulo sa kanya, hindi makapaniwala na hindi niya ako binubungangaan na parati niyang ginagawa kada magkikita kami ng boss namin at kahit na pahapyaw lang ang naging usapan namin nito. Mapa-aksidente man iyon o hindi sinasadya. Hindi ko na doon mapigilang mangunot ang aking noo sa kanya.
Si Tita Roxa ba talaga ang aking kasama ngayon sa loob ng dressing room? Bakit hindi niya ako binubungangaan?
“Teka lang nakalimutan ko pa lang magpa-print ng magiging kopya ng kliyente natin.” anitong nagkukumahog na lumabas ng dressing room upang magtungo sa kanyang opisina. hindi ako sumagot at pinagmasdan ko lang siyang lumabas sa pintuan nito.
Bumabangon pa rin sa aking isipan ang labis na pagtataka kung bakit ganito ngayon ang asta ni Tita Roxa. Ang buong akala ko talaga at inaasahan ko nang pagpasok pa lang ng pintuan ay pumutak na ito ng mga bagay-bagay. Ngunit nagkamali ako sa gabing iyon, wala akong narinig mula sa kanya na kung anu-anong mga reklamo. Bagay na sadyang nakakapanibagong tunay na dito.
Parang sinapian siya ng kabaitan.
Muli pa akong napatingin sa umilaw na screen ng aking cellphone nang muli akong makatanggap ng text mula sa aking boss na naging dahilan upang tuluyan na akong mapatayo. Bahala na nga, bukas ko na lang gagawin ang pakay ko ngayon kay Tita Roxa!
“Oh? Bakit ka sumunod sa akin dito?” nagtataka nang tanong ni Tita Roxa nang makita akong pumasok ng kanyang opisina.
Nakangiwi akong nag-angat ng tingin sa kanya. Ito lang ang tanging paraan upang makasama ako sa dinner na inaalok ni boss. Minsan lang naman ako kung magsinungaling at lulubusin ko na iyon ngayon. Hindi pwedeng hindi ko pagbigyan si boss dito.
“T-Tita Roxa, I think we need to cancel this tonight. Masama ang lagay ng tiyan ko dahil bigla na lang kumulo at nag-LBM ako.” ma-dramang turan ko doon na may pagkukunwari pang punas sa aking noo na animo ay butil ng aking mga pawis, ini-spray na alcohol ko iyon upang gamitin sa aking pagbabalat-kayo. Hindi naman niya ako aamuyin eh, takot na lang niya na gawin pa iyon. “Hindi ko po ito kakayanin. p-pasensya na po talaga, Tita Roxa...” pamimilipit ko pa doon hawak ang kinalalagyan ng aking bituka.
“What?” hindi makapaniwala niyang tanong na agarang nabalot na ang mukha ng labis niyang pag-aalala, “Ano bang kinain mo bago ka magpunta dito? Baka may nakain ka at hindi iyon nagustuhan ng iyong tiyan. Sige na, umuwi ka na muna ngayon Senda.” mabilis na sang-ayon niya sa aking pambopbola, hindi ko inaasahan na ganun kabilis niyang papayag sa aking pambobola sa kanya.
Tumalikod na ako sa kanya hawak pa rin ang aking tiyan, ngunit nakalarawan na sa aking mukha ang sayang aking nararamdaman.
“Salamat po Tita Roxa, tatawagan na lang po kita.”
“S-Sige...” napipilitan nitong turan, malapit na akong makalabas ng kanyang opisina nang muli siyang magsalita na naging dahilan upang muli na naman akong matigilan doon, “Hija, sure ka ba talagang hindi mo na kailangang dalhin sa hospital? Baka hindi lang simpleng diarrhea ang nararamdaman mo. Baka ibang sakit na ang nariyan sa tiyan mo? Mabuti na iyong nalulunasan kaagad ito.”
Pinilit kong ngumiti sa kanya nang humarap akong muli. Muli ko pang pinunasan kunwari ang aking noo at leeg kahit na wala namang visible na butil ng pawis ko doon. Mabilis na akong umiling. Hindi pwedeng dalhin niya ako sa hospital sa pekeng sakit.
“Hindi na po Tita Roxa, kailangan ko lang po sigurong magpahinga at baka over fatigue na rin ang dahilan ng aking pagtatae.” turan ko na kinakabahan na, kilala kong mapilit si Tita Roxa pagdating sa usapang health. “Once in a while po ay nararanasan ko rin ito.”
Naburo pa ang kanyang mga mata sa akin nang dahil sa ginawa kong pagtanggi. Sa kanyang paninitig sa aking mukha ay animo sinusuri niya kung nagsasabi ba ako ng katotohanan doon o nang kasinungalingan. Ganunpaman ay naniniwala akong magaling akong umarte kung kaya naman ay hindi niya ako magagawang mahuli. Siguradong-sigurado ako sa bagay na iyon.
“O-Opo, Tita Roxa, salamat po.”
“O sige, i-notify ko na lang ang client mo. Bumili ka ng gamot bago ka umuwi ng tahanan niyo, jusko kang bata ka. Minsan pa lang naman kung magkasakit ka, ngunit ang nakakatakot doon ay malala at matagal bago ka gumaling nang tuluyan. Hamos na, Senda.”