"Bilisan mo naman diyan, Reyannah! Malapit na mag-umpisa iyong game nila!" bulalas sa akin ni Paulle na hindi mapakali sa finals ng basketball.
"Ito na nga, sandali naman, o!" sabi ko habang inaayos ang laman ng bag ko.
Katatapos lang ng klase namin sa buong maghapon at itong babaeng ito ay hindi man lang makapaghintay.
Ngayon kasi ang finals ng basketball boys kaya madaling-madali siya. Pinatawag pa kasi ako sa office kanina kaya medyo nahuli ako.
"Malapit na silang mag-umpisa. Wala tayong mauupuan!" excited na sigaw niya.
Napailing na lang ako at napangiti. Hindi talaga niya palalampasin ang laro ng kaniyang iniirog. Lahat ata ng laro ng crush niya ay alam na alam niya.
Lahat ng laro na iyon ay napanood niya. Ngayon lang ako makakasama sa panonood sa kaniya. Pinagbigyan ko na dahil finals na naman. Paniguradong maganda ang laro.
Ito na ang huling araw ng sports fest namin at kahit ganito ay may klase pa rin kami, lalo na iyong mga hindi naman naglalaro.
Ang unfair nga pero binibigyan naman kami ng time para manood sa ilang laro kung saan kasali ang mga kaklase namin.
I'm not really a fan of sports pero dahil dito sa kaibigan ko ay nahihilig na rin ako. She's the athlete type habang ako naman ay mas tutok sa libro at gadgets.
Hindi ko na nga maalala kung kailan ako huling nakapag-exercise. Mas gusto ko pang magbabad sa harap ng computer kaysa maglaro sa labas at magbabad sa init. Mangingitim lang ako!
Hindi pa kami nakakapasok sa gym ng school ay rinig na namin ang cheer ng mga schoolmates namin.
Rinig ko rin ang cheer ng kabilang school na halos pantay lang sa cheer namin. Para bang marami rin ang pumunta kahit na malayo ang school nila rito.
Pagkapasok namin ay doon lang namin nakumpirma kung gaano karami ang tagasuporta ng parehong koponan.
Halos wala na kaming makitang bakanteng upuan sa bleachers kaya sa baba kami naghanap.
"Mukhang wala na tayong mauupuan, Paulle."
"Mayroon 'yan, Reyannah. Ako ang bahala!" aniya sabay hila sa akin papasok sa pwesto malapit sa upuan ng mga players. Naguluhan pa ako kung bakit dito kami papunta.
"Kuya!" tawag niya sa isang player sa school namin.
Nagtaka ako agad dahil ang alam ko ay wala siyang kapatid na lalaki. Si Janice lang ang kapatid niya at mas bata iyon sa kaniya.
Hindi kaya ay kapatid niya sa labas? Iniling ko ang ulo ko dahil sa kabaliwan na naisip ko.
"O, Paulle. Nandito ka na naman?" nakangiting bungad ng lalaking may Tiongson sa likod ng jersey. Pamilyar pero hindi ko maalala kung saan ko nakita o narinig.
"Syempre, kuya. Nandito kami para magcheer sa school natin!"
Magcheer sa school natin o icheer ang crush mo, Paulle? Gusto ko sanang sabihin pero pinili ko na lang ang tumahimik. Ayoko namang asarin siya sa harap nitong tinatawag niyang kuya.
"Nga pala, kuya! Ito si Reyannah, kaibigan ko. Hindi siya nakakasama sa'kin kasi madalas siyang busy sa school activities. Reyannah, siya si kuya Drixon, pinsan ko."
Napatango naman ako dahil nasagot ang tanong ko kanina. Hindi pa ako makapaniwalang inisip kong kapatid siya sa labas nitong si Paulle. Baka masabunutan pa ako ni tita kapag nalaman niya ang nasa isip ko.
"Nice to meet you, kuya Drixon."
"Nice to meet you rin. Dito na kayo dahil sa tingin ko ay wala na kayong mauupuan sa itaas," aniya sabay tingin sa mga upuan kung saan nagwawala ang mga estudyante.
"Hawakan mo na muna ang inumin at towel ko, Paulle."
"Salamat," sabi ko.
Sumunod ako sa kung saan umupo si Paulle. Malapit kami sa mga players ng school namin kaya nagkaroon ako ng pagkakataon para pagmasdan silang lahat. Mukhang hindi pa sila kumpleto dahil apat lang silang nag-aayos ng sapatos.
Baka maaga kaming dumating at hindi pa handa ang ilang players. Masyado naman kasing excited itong mga nanonood at nauna pa sa mga naglalaro.
Sa kabila ng court na ito ay ang kalaban ng school namin. Kumpleto na sila at may ilan sa kanila ang nagsisimula nang magwarm up.
I can say na magaling sila kahit na warm up palang iyon dahil halos lahat ng shoot nila ay pumapasok.
Hindi naman mahirapan malaman kung magaling ba o hindi ang isang player. Iyong way pa lang nang pagdribble ay malalaman mo na agad.
Iyon ang natutunan ko sa pagsama kay Paulle sa mga basketball games ng crush niyang si Kristopher na kasalukuyang pumapasok sa gym.
"Nasaan na iyong iba?" tanong ng coach nila kay Kristopher na mag-isang pumasok. Naramdaman ko kaagad ang kilig ng kaibigan ko sa pagdating ng crush niya.
De Jesus ang nakasulat sa likod nito, maputi siya at matangos ang ilong. Clean cut ang kaniyang buhok at mukhang anghel kung titignan.
Mahilig talaga sa good boy ang kaibigan ko. Hindi ko naman siya masisisi dahil mas gusto ko rin ng good boy.
"Papunta na sila, coach. Iyong si Erick kasi ay nawalan ng sapatos kaya nanghiram pa siya sa kuya niya."
Nakita ko ang pag-irap ng coach nila dahil sa sinabi ni Kristopher. "Siya na naman ang dahilan? Lagi na lang napo-postphone ang laro dahil sa pa-VIP ng isang iyan!" aniya.
Napangiti naman si Kristopher dahil sa sinabi ng kausap. "Alam mo naman po ang isang iyon. Alam na pagbibigyan siya ng mga fans niya kaya walang pakialam kung mapostphone ang laro."
"Sinabi mo pa. Kapag nalate siya ngayon ay magsisimula tayo nang wala siya. At sa susunod na laro natin ay hindi ko siya isasali."
"Coach naman!" angal ni Kristopher. "Alam mo namang siya lang madalas ang pinupunta ng mga babae rito. Kung hindi siya maglalaro, mawawalan kami ng fans!" asik niya.
Kung alam mo lang, lalaki! Itong babaeng katabi ko ngayon ay handang makipagpatayan para lang sa atensyon mo! Pero mukhang ayoko sa isang ito dahil mahilig sa babae. Kawawa naman ang kaibigan ko!
Napatingin ako kay Paulle na nakatingin sa crush niya. Napairap pa ako dahil para siyang adik na halos kuminang pa ang mata habang nakatingin kay Kristopher.
"Uyy!" tawag pansin ko sa kaniya kaya agad naputol ang pagpapantasya niya.
"Yes?" pacute na tanong niya.
Napangiwi ako dahil para siyang bibe na nakapout sa harap ko ngayon. Hindi ko alam kung sasabihin ko bang mukha siyang bibe o huwag na lang.
"Sino si Erick?" tanong ko.
Mukha kasing magaling ang isang iyon at paborito ng mga estudyante ayon sa coach nila. Nacurious lang ako sa kung sino iyon.
"Ah... Erick Jonas. Magaling siya pero hindi naging captain ball dahil medyo mainitin ang ulo at malaaway. Una ko siyang naging crush pero noong nalaman kong bad boy siya, turn off!" mataray na paliwanag niya.
Matapos niya iyong ikwento ay naturn off na rin ako. Ayoko kasi sa mga bad boys. Kung sa fiction pa sana ay magugustuhan ko sila pero sa totoong buhay kasi ay hindi maganda ang bad boy image para sa akin. Pakiramdam ko ay kapag bad boys, tambay ang unang papasok sa isip ko.
Halos mabingi ako nang marinig ko ang malakas na hiyaw ng mga manonood. Kahit ang mga estudyante sa kabilang school ay sumisigaw na rin nang lumabas ang isang lalaki na sa tingin ko ay si Erick Jonas. Nakangisi siya sa dereksyon ng mga babae sa bleachers.
Nang makalapit siya sa amin ay nakita ko ang malalim niyang dimple sa kaliwa niyang pisngi. Ngumisi rin siya sa amin ni Paulle kaya napangisi ako.
I don't like him. I can smell playboy all over him. Sorry, allergic ako sa mga tulad niya.
"Erick! Bakit naman late ka? Sa susunod talaga ang hindi kita paglalaruin kapag pinagpatuloy mo ang ganitong laro. Naiintindihan mo ba?" galit na pangaral sa kaniya ng coach pero itong mokong ay parang wala lang.
"Alam ko namang hindi mo magagawa iyon, coach. Halos ako lang naman ang pumupuntos sa team natin saka itong si Kristopher," mayabang na sabi niya.
Argh! Ako ang naiinis dahil sa kahanginan niya. Gusto ko siyang batuhin ng kamatis pero baka bato ang bumalik sa akin dahil sa dami ng fans niya. Bakit nila nagustuhan ang ganito kayabang na lalaki?
"Reyannah, mag-CR lang ako, a? Mabilisan lang! Huwag ka na umalis dito para hindi tayo mawalan ng upuan," paalam niya sabay abot ng tubig at towel ng pinsan niya.
Pipigilan ko pa sana siya pero nagmadali na siyang umalis. Mukhang ayaw niya rin namang mahuli sa panonood kaya hinayaan ko na. Maya-maya lang ang darating na rin agad iyon.
Tinuon ko na lang ang atensyon ko sa mga players ng team namin. Nagsisimula na silang magwarm up at mukhang magaling din ang team namin.
No wonder at sila ang magkalaban sa finals. Napanood ko kung gaano kagaling ang pinsan ni Paulle na nalaman kong isang captain ball.
Magaling din ang crush ni Paulle pati na rin ang mayabang na lalaking si Erick. Wala na tuloy akong maipintas sa kaniya kundi mayabang.
Ang lalakas ng appeal ng mga lalaking ito. Kaya naman pala halos magiba na ang buong gym sa ingay ng mga babae.