“Brie, tapos ka na ba riyan sa mga unan?” Tanong sa akin ni Olive, isa sa mga ka-trabaho ko rito sa Costa del Sol.
“Oo, tapos na. May iba pa bang gagawin? Paparating na ata iyong mga guests na titira rito sa villa.” Naghanap ako ng ibang maaaring gawin. Baka may makaligtaan ako o kami ay mapagalitan pa kami ng management mamaya.
“Paparating na nga raw kaya kailangan na nating bilisan. Tulungan mo na nga ako sa pag aayos nitong kurtina.” Tumango ako sa sinabi ni Olive at tinulungan ko siya. Hindi na rin naman kami nagtagal at natapos na kami sa pag aayos ng lahat ng gamit dito sa villa.
Sa katunayan niyan ay matagal na namang ayos ito. Ang problema ay nagpadagdag sila ng maayos na kwarto dahil may nagdagdag daw sa mga kasama ng mga guests ng villa at dahil balita ko ay VIP iyong nagrequest ay hindi makatanggi ang management.
“Tapos na ba kayo rito? Tara na. Paparating na iyong mga bisita. Umayos na tayo sa entrance ng villa at salubungin sila.” Sumang-ayon kami sa sinabi ni Mila at lumabas na ng silid na iyon bago magtungo kung nasaan iyong iba.
Inayos ko ang sarili ko habang naghihintay sa mga bisita. Kailangan kong magmukhang desente kahit na pinagpawisan ako kanina kakaayos ng ilang gamit.
“Kailan ang uwi mo sa bayan. Bryleigh?” Tanong ni Olive sa akin. Nilingon ko siya at nagkibit balikat.
“Hindi ko pa rin alam. Peak season ngayon dahil nagsisimula na ang tag-init. Hindi ko alam kung makakakuha ako ng day-off. Gusto ko na ngang madalaw si Inay at malaman kung maayos ang kanyang lagay. Ang huling balita ko noong isang linggo ay nagkasakit siya.” Malungkot na sagot ko kay Olive. Bumagsak naman ang kanyang balikat, halatang nag aalala rin.
“Kinakabahan din ako kay Tiya Laila. Sinasaktan pa ba iyon ng stepfather mo?” Hindi ako agad nakasagot sa katanungang iyon. Masyadong sensitibo ang paksang iyon at madalas ay iniiwasan kong sagutin. Ganoon pa man, kalat din naman sa bayan namin na pinagbubuhatan ng kamay ng aking stepfather ang aking inay.
“Tumigil na ata.” Ayokong manira. Wala pa namang nakakaabot sa akin ulit na sinaktan ang aking ina kaya iisipin ko na tumigil na nga siya.
“Nako! Dapat lang ‘no. Dapat nga ay iniiwan niyo na iyan. Bakit ba nagtitiis ang iyong ina sa ganoong klase ng lalaki.” Naiiling na sabi ni Olive. Hindi ko nagawang makapagsalita sa sinabi niya. Kung sana ay ganoong kadali lang ang umalis.
Kapag iniwan namin ang stepfather ko, hindi ko alam kung saan kami pupuluting mag-ina. Masyadong mahirap ang aming buhay na maging ang mga taong pakikisamahan namin ay hindi kami pwedeng mamili. Sa ngayon ay ang stepfather ko lamang ang tumutulong sa aming makaraos. Hindi naman sapat ang kinikita ko rito. Hindi rin sapat ang kinikita ng aking ina sa paglalabada niya.
Muli lamang akong bumalik sa tamang pag-iisip nang marinig ko ang sigaw ng ibang kasamahan namin na paparating na raw iyong mga bisita. Sakay ang mga ito ng jeep na mayroon ang islang ito na ginagamit pangtransportasyon ng mga bisita.
“Maligayang pagdating sa Costa del Sol!” Magalang naming iniyuko ang aming mga ulo habang isinisigaw iyon. Halata naman na natuwa ang ilan sa mga bisita.
“Are we going to stay here? Hmm, not bad. But it didn't reach my expectation.” Sabi ng isang babae habang inoobserbahan ang kapaligiran. Narinig ko naman ang pagmamaldita ni Olive dahil siguro sa sinabi nito.
“Selina, don’t say that.” Humahalakhak na sabi ng isang matandang lalaki na sa tingin ko ay kanyang ama.
“I’m sorry, dad. I’m just not use to this…I guess.” Ngumiwi pa iyong babae na nagngangalang Selina. Napailing nalang ako ngunit hindi ko iyon ipinahalata. Hindi ko rin nagugustuhan ang lumalabas sa kanyang bibig. Pakiramdam ko ay iniinsulto niya ang lugar na ito at kaming nagta-trabaho rito.
“It’s a nice place, though. There’s no need to give such remark, Selina.” Sabi ng isang lalaking katabi rin ng babae. Agad na tumingin iyong Selina sa lalaking sa tingin ko ay nasa mid 20’s ang edad.
Umawang ang bibig ng babae na para bang nahihiya siyang sinabi niya pa iyon. Palihim akong napairap dahil kakarating palang nila ay nararamdaman ko nang marami akong kadramahang masasaksihan habang naandito sila. Nangunguna na iyang Selina na iyan. I don’t like her, that’s it.
“Omg, Hara! Kuhanan mo ako ng litrato roon.” Masayang sabi naman ng isang babaeng naka-ponytail at hinigit iyong babaeng tinawag niyang Hara. Halata naman ang pagkairita roon sa babaeng hinila niya.
Matapos iyon ay nagdesisyon na silang pumasok sa loob ng villa. Ako ang naatasan na ituro roon sa isang lalaki at sa Selina ang kanilang mga silid.
“Here’s your room, Ma’am.” Sabi ko roon kay Selina. Nakita ko ang bahagyang pagngiwi niya, na para bang hindi siya masaya sa kanyang silid. Muli akong napairap at pasalamat nalang ako dahil hindi niya iyon nakita.
Prangka akong tao at kapag ayoko sa isang tao ay ipapakita ko. Hindi nga lang pwede rito sa trabaho dahil baka matanggal ako kaya kahit papaano ay sinusubukan kong maging mabait.
“How about my room?” Tanong ng lalaki sa akin. Nilingon ko siya at sinalubong naman ako ng isang ngisi mula sa kanya. Tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa at nang makita ko iyon ay hindi ko napigilan ang sarili ko at umirap na talaga sa kanya. Wala akong pakealam kung napansin niya iyon.
“This way, Sir.” Iginaya ko siya sa kanyang silid na hindi naman kalayuan sa kinaroroonan namin.
Naramdaman ko naman ang pagsunod niya. Hindi na ako lumingon pa sa kanya. He’s creeping me out! I can feel it to my bones that this guy is checking me out. Masyado nang maraming lalaki ang naging guest namin at halos manyakan ako kaya’t alam na alam ko ang mga ganoong titig.
“Here’s your room, Sir.” Magalang akong tumungo sa kanya nang madala ko siya sa kanyang kwarto. Gustong gusto ko nang umalis doon at sana ay hindi ko na siya makita kahit alam kong imposible dahil isa ako sa naka-assign ngayon sa Coasta del Sol habang naandito sila.
Nagmamadali akong tumalikod sa kanya at naglakad ng mabilis.
“Brie!” Napatigil ako sa sobrang pagkagulat nang tawagin niya ako sa palayaw ko. How did he know? Stalker!
Nilingon ko siya. Nakakunot ang aking noo ngunit bakas pa rin sa aking mukha ang pagkagulat. Paano niya nalaman ang palayaw ko? I want to know.
Lumapit siya sa kinatatayuan ko. Mabigat na ang aking paghinga at kung sakali mang may gawin siyang hindi maganda ay hindi ako magdadalawang isip sampalin siya o sumigaw dito para humigi ng tulong.
“How did you know my name?” Sana ay maramdaman niya ang pagkainis ko mula sa tono ng pananalita ko. Wala akong pakealam kung isipin niyang ang pangit ng ugali ko.
Itinuro niya iyong dibdib ko. Agad kong niyakap ang sarili ko na siya namang tinawanan niya.
“You’re funny. Joker ka?” Natatawang sabi niya sa akin na agad nagpainit ng ulo ko. Mukha ba akong nagpapatawa? Ano ba kasing itinuturo niya? “I was pointing at your nameplate. You’re asking me how did I know your name, right?” Iginilid niya ang kanyang ulo, may nakakainis na ngiti pa rin sa kanyang mga labi.
“Bakit?” Forget about the formality! Naiinis ako sa kanya. Hindi deserve ng mga manyak ang paggalang.
Muli niya ako tinawanan. Kinagat niya ang kanyang labi na para bang nagpipigil sa pagtawa. “Aren’t you too rude to your guest, Miss? Anyway, I just want to apologize for what Selina said earlier. She kind of insulted the villa. I know it’s offending on your part.”
Dahil sa sinabi niya ay gumaan kahit papaano ang loob ko sa kanya. Nice! He’s apologizing on her behalf? Oh well, what can you expect a boyfriend to do?
“Wala po iyon.” Wala na akong maisip na sasabihin sa kanya. Isa pa, bigla akong ginapangan ng hiya dahil sa kagaspangan ng ugaling ipinakita ko sa kanya. Hihingi lang naman pala siya ng paumanhin.
Natahimik kami matapos iyon. Iniisip ko na umalis na dahil mukhang wala na naman siyang sasabihin nang muli siyang magsalita.
“I—”
Naputol ang kanyang sasabihin nang may tumawag sa kanya. Napatingin kaming dalawa roon at nakita ko iyong Selina. Gusto ko sana ulit umirap ngunit huwag nalang. Sayang sa oras.
“Gio, ano pa ang ginagawa mo rito? Tara, let’s eat na.” Ipinulupot ni Selina ang kanyang kamay sa braso ng lalaki na nagngangalang Gio. Napatingin si Gio roon bago ibalik ang tingin sa akin at dahil ayoko namang magmukhang kontrabida sa kanilang “sweet moment” ay nagpaalam na ako sa kanila.
“Mauuna na po ako.” Pagpapaalam ko bago magalang na yumuko at tinalikuran na sila. Naglaho ang pilit na ngiting ipinakita ko sa kanila at naglakad na papalayo sa kanila.
Pumunta ako kung nasan sila Olive. Nag aayos na sila ng pagkain ng mga bisita. Tinulungan ko naman sila para mapabilis iyon.
“Hay nako! Basta at naaartehan ako roon sa babaeng maputi na nagsabi ng it’s not bad. Nakaukit sa mukha niya na parang hindi siya satisfied sa villa. For her information, ang dami kayang gustong makapunta rito ‘no. Hindi nga lang accessible sa lahat kasi kailangan member ka or may recommendation ka galing sa member. Arte arte niya. Pakain ko siya sa pating.” Napailing ako sa pagrereklamo ni Olive. Nakaramdam din naman ako ng pagkainis dahil para bang minamaliit niya kami kanina pero hindi ako ganito magalit sa kanya. Na kulang nalang magliyab ang buong kusina sa init ng ulo ni Olive.
“Huwag mo nang pansinin iyon. Ganoon talaga minsan kapag mayaman tapos spoiled brat pa.” Sabi naman ni Mila. Kinuha ko iyong isang tray kung saan may nakalagay na mga kubyertos at pinggan para dalhin sa malaking lamesa sa labas. Ano mang oras ay magdadatingan na iyong mga bisita para kumain.
“Brie, hiwalay daw ng lamesa iyong mga anak na kasama. Doon ata sila sa may terrace. Ikaw na mag asikaso roon, kami na rito.” Sabi ng isa sa mga kasamahan ko sa trabaho. Gusto ko mang magreklamo ay alam kong wala akong karapatang gawin iyon.
Dinala ko na iyong mga pagkain na para roon sa lamesa sa terrace. Naabutan kong may mga tao na roon. Apat sila. Isa na si Selina at iyong lalaki sa kanila at may dalawa pa silang kasamang babae.
“Thanks,” pasasalamat sa akin ng isang babae at nginitian ako. Ngumiti rin naman ako sa kanya bago magpatuloy sa paglalagay ng pagkain.
Nararamdaman ko ang paninitig ng isang lalaki sa akin ngunit hindi ko na siya nilingon pa. Bakit niya ba ako tinitingnan at para bang inoobserbahan? Mapatunayan ko lang talaga na minamanyak niya ako ay lalapat sa pisngi niya itong palad ko.
“Excuse me,” nilingon ako ni Selina. Tumaas ang isang kilay niya bago ipagpatuloy ang sasabihin niya. “I’m allergic to shrimps, eh. Pwedeng pakitanggal na ito rito?” Itinuro ni Selina iyong pinggan ng hipon sa may tapat niya. Gustuhin ko mang mainis sa kanya ay hindi ko na ginawa. Anong magagawa ko, allergic pala siya.
“Yes, Ma’am.” Sinunod ko nalang ang sinabi niya at tatangkain nang tanggalin iyon doon nang pigilan ako ng isang babae. Sa tingin ko ay mas matanda siya sa ibang naandito ng ilang taon.
“Miss, ilagay mo nalang dito sa may tapat namin ni Hara. We love shrimps!” Pumapalakpak na sabi ng babae. Tumango ako sa kanya at dinala na lang doon iyong pinggan na may lamang hipon. Nagpsalamat sa akin ang dalawang babae at ngumiti naman ako sa kanila.
“Hindi dahil ayaw mo ng isang pagkain or allegic ka, ipapatanggal mo na, Selina. Please consider the people you’re with.” Kung hindi ako nagkakamali ay Hara ang pangalan niya. Iyon ang itinawag sa kanya ng isang babae. Tiningnan niya si Selina, may pagkasarkastiko ang kanyang mga ngiti.
Napasinghap si Selina ngunit pinilit niya pa ring magbigay ng isang ngiti kahit halata namang hindi siya natutuwa sa sinabi ng babae.
Nasa isang gilid lang nila ako at naghihintay ng maaaring i-utos nila. Tumingin sa akin iyong lalaki kaya’t umirap na naman ako sa kanya. Can he stop looking at me? He’s really creeping me out!
“Have you eaten?” Narinig ko ang boses ng lalaki. Nang una ay hindi ako nagsalita dahil hindi ko naman inaasahan na para sa akin pala iyong tanong. Nakakunot noong nakatingin sa akin si Selina dahil sa pagtatanong na iyon ng lalaki.
“I prefer not to answer such question, Sir.” Iyon na lamang ang aking isinagot. Parang hindi tamang sabihin ko na hindi pa ako nakain at hindi rin naman magandang magsinungaling na kumain na ako.
“You should join us. Ang daming pagkain, hindi naman namin ito makakain lahat.” Nakangiting sabi sa akin ng isang babae na katabi ni Hara. Tumingin din sa akin si Hara at tumango siya sa sinabi ng babaeng katabi niya.
“Apology, Ma’am, but we can't eat with the guest po. Thank you.” Magalang na pagtanggi ko sa alok nila.
Binigyan nalang nila ako ng malungkot na ngiti at nagpatuloy na sa pagkain. Napatingin ako roon sa lalaki at pinanliitan siya ng mata. Ngumisi lamang naman siya dahil sa ginawa ko. What is he up to?
Nang matapos silang kumain ay tinulungan na ako ni Larry na mag imis ng pinagkainan nila. Hindi pa sila umaalis dito dahil pinagmamasdan nila ang labas ng villas. Patuloy naman na kumukuha ng litrato sila Hara at iyong isang babae na Sera ang pangalan. Narinig ko ang pangalan niya kanina.
“Gio, gusto mong maglakad-lakad sa seaside? Tara?” Rinig kong pag-aaya ni Selina kay Gio habang naglilinis kami. Hindi naman agad sumagot si Gio.
“Hey, are you okay? Ano bang tinitingnan mo—” hindi ko alam kung bakit napatigil si Selina sa kanyang sasabihin pero dahil tapos na ang trabaho ko rito ay aalis na ako.
“Wait.” Napatigil ako sa aking paglalakad nang hawakan ng Gio na iyon ang aking kamay. Napatingin ako sa kamay namin at kunot noo akong tumingin sa kanya. “Sorry, I just want to ask you something.” Agad niyang binatawan ang kamay ko nang mapansin niya ang pagtingin ko sa kanya ng masama.
Hindi ako nagsalita ngunit hinintay ko ang kanyang sasabihin. Narinig ko ang paghagigik nila Sera sa may likod niya habang tinitingnan kami at ang mataray na pagtingin naman sa akin ni Selina habang nakahalukipkip.
“Are you free later? We can hang out—”
“No, Sir.” Pagputol ko sa binabalak niyang sabihin. Wala na naman akong trabaho mamaya dahil tapos na ang shift ko pero hindi ako para gumimik kasama ang lalaking hindi ko kakilala.
“Okay, anong oras ang tapos ng shift mo? I’ll wait.” Nakangiting sabi niya sa akin. Ang buong aura niya ay sumisigaw ng pagiging playboy.
Huminga ako ng malalim. “Sorry, Sir, but I think it’s against our rule to be with the guest after our shift.” Malambing akong ngumiti sa kanya para asarin siya. Nakita ko ang pagkawala ng kanyang ngiti.
Tumawa sila Sera sa likod niya dahil sa sinabi ko. “Aww, did I just hear Gio being rejected? Damn, that’s a first.” Pumalakpak pa sila Sera. Ako naman ay magalang nang nagpaalam sa kanila at umalis doon.
Nagtungo na ako sa locker room namin upang makapagpalit. Kumain na rin ako. Makakapagpahinga na rin ako sa wakas dahil tapos na ang shift ko. Nagbihis na ako at kinuha ang ilang gamit ko. Pupunta muna ako sa opisina ng HR. Magbabakasakali kung makakakuha ako ng off para makauwi sa bayan namin.
Habang patungo sa may HR ay napadaan ako sa may harapan ng villa kung saan ay naroroon pa rin sila Gio at iyong tatlong babae. Sa ngayon ay may kinakausap at kasama na rin silang mga nakakatanda. Napatingin si Gio sa akin at tumaas ang kanyang kilay. Nagtataka siguro siyang makitang naka-kasyuwal na damit ako at hindi uniporme.
“Tapos na ang shift mo?” Tanong sa akin ni Mila. Tumingin ako sa kanya at tumango bago ngumiti. Mas mabuti na sigurong mag iwas ako ng tingin sa lalaking iyon dahil ang intense ng paninitig niya sa akin.
“Mauna na ako. Pupunta ba ako sa HR.” Kinawayan ako ni Mila. Napatingin din sa akin sila Sera at nginitian ako. Nagulat man sa ginawa nila ay ngumiti nalang din naman ako. Hindi ko pinansin si Selina dahil wala naman siyang ibang ginawa kung hindi patayin ako gamit ang nanlilisik niyang mga mata.
Nang makarating ako sa opisina ng HR ay agad ko siyang nilapitan.
“Miss H!” Pagbati ko sa kanya. Napatingin naman siya sa akin at para bang nagtaka pa bakit ako naandito.
“Oh, Brie,” bati niya sa akin. “Anong ginagawa mo rito? May kailangan ka?” Tanong niya sa akin na agad ko namang tinugunan.
“Oo sana. Kapag nagpasa ba ako ng application para sa day off, maaprubahan kaya?” Pagtatanong ko. Alam kong malayong mangyari iyon pero wala namang mawawala sa akin kung magbabakasakali ako, hindi ba?
“Nako, baka hindi.” Dismayadong sabi niya sa akin. “Kasi may nagpasa ng application kanina para sa vacation leave, hindi naaprubahan. Huwag daw muna ngayon. Kasi nga peak season at maraming bisita. Natatakot ang management na kulangin sa tao habang ang daming guest sa isla.” Pagpapaliwanag ng HR. Napanguso nalang ako at tumango. Hindi ko naman pwedeng ipilit ang gusto ko.
Umalis ako roon na bagsak ang aking balikat. Mas pinili ko nalang na maglakad lakad nalang muna bago bumalik sa dorm. Pakiramdam ko rin naman ay hindi agad ako makakatulog kahit na wala akong maayos na tulog kahapon dahil iisipin ko lang ang kalagayan ng aking ina.
Matapos ang naging pag-uusap namin ni Olive kanina ay nagsimula na akong mag-alala kay Inay. Natatakot ako na baka sinasaktan na naman siya ng aking stepfather.
Napatingin ako sa bughaw na kalangitan. Iniisip ang sinabi ni Olive sa akin kanina. Iwanan ang aking stepfather, ha? Sana ay kaya naming gawin. Sana ay ganoong kadali. Dahil kung madaling gawin iyon ay matagal na kaming umalis ng aking ina sa poder niya.