Prologue

1664 Words
Nanlamig ang buong katawan ko nang iabot sa akin ng isang lalaki ang isang sobre galing sa Municipal Trial Court. Nanginginig ang kamay kong pumirma sa logbook na nagpapatunay na natanggap ko ang sulat. Wala sa sariling pumasok ako sa munti naming bahay tangan ang sobreng iyon. Ni hindi ko na napansin ang pagpapaalam ang lalaki para umalis. Halos manlupasay ako sa sahig nang mabasa ko ang sulat na nilalaman ng sobre.  Petition For Annulment. Tumulo ang mga luha ko. Tinotoo talaga niya ang kanyang sinabi noong nakaraang buwan nang huli kaming nag-usap. Akala ko ay nagbibiro lang siya noong sinabi niyang may tutupad na sa mga pangarap niya. Akala ko ay china-challenge niya lang ako para mas magtrabaho pa. Akala ko ay tutuparin niya lahat ng pangako niya noon na ako lang ang mamahalin niya at hindi niya kami iiwan ng mga bata. Pero nagkamali ako. Maling-mali. Paano niya ako nagawang ipagpalit sa isang babae na ni hindi niya nakikita ng personal at nakakasama? Paano niya kaming naipagpalit sa ambisyon niya at sa perang ipinapangako ng ka-chat mate niya na sa f*******: niya lang nakilala?  Limang taon. Limang taon kaming nagsama sa iisang bubong na puno ng pagmamahalan. Kung may munting away man o hindi pagkakaintindihan, agad naman namin iyong naayos. Pareho kaming nagtratrabaho at ‘yung problema sa pera ay nagagawan naman namin ng paraan kahit papano. Pero sa isang iglap lang, nawasak ang pamilyang binuo namin. Bakit ganon? Masaya at kontento naman kami rati. Ngayon ko napagtanton na lahat pala ng kasiyahang nararamdaman namin ay hindi sapat sa kanya. Isang araw bigla na lang niyang sinabing hindi na siya masaya. Na pagod na siya sa pagtratrabaho para kami mabuhay, para may ipambili ng pagkain at ng gatas ng mga anak niya. Na gusto niya na ng buhay na marangya. Na gusto niyang makapag-abroad. Sa sobrang taas ng ambisyon niya para sa sarili niya ay magagawa pala niya kaming iwan. Magagawa niya kaming ipagpalit sa dolyar. Magagagawa niya kaming ipagbili kapalit ng pangako ng babaeng iyon na dadalhin siya sa Canada. "’Yan na nga ang sinasabi ko. Sana kasi noong una pa lang ay nakinig ka na sa payo ng mga nakakakilala sa kanya. Sinabi na nga nila na tamad siya, hindi ka pa rin nakinig! Anong magandang buhay ba ang inasahan mo sa isang high school graduate? Oo, may itsura siya pero hanggang doon lang siya! ‘Di ka palang nakakatapos ng pag-aaral mo ay binuntis ka na. Pagkatapos kang anakan nang anakan, pagkatapos mong magtrabaho para lang may katulong siya sa pagbuhay sa  pamilya n’yo ay ano ang isusukli niya? Ayun ang lintek! Ipinagpalit ka sa isang domestic helper sa Canada! Kalanding babae! Sobrang tanga! Hindi ba siya makakita roon ng lalakeng lalandiin niya at isang pamilyadong lalaki pa ang ginusto niya? Nanira na siya ng pamilya, ginawa ka pang biyuda ng buhay at ulila sa amang buhay ang mga anak n’yo. Walang hiya siya! Handa pa niyang gastusan ang annulment n’yong mag-asawa kundi ba naman talagang atat siya sa asawa mo! Kasumpa-sumpang babae," litanya ang tiyahin ko nang malaman nito ang tungkol sa sulat. "Ano ang plano mo ngayon?" mahinahong tanong ng nanay ko sa akin. Katatapos ko lang punasan ang mag pisngi kong basang-basa dahil sa kaiiyak ko. "Tatanggapin ko na lang po tutal ay mas magiging kaawa-awa lang kami ng mga bata kung maghahabol pa ako. Ibibigay ko na lang po ‘yung hinihiling niya tutal siya na mismo ang gumawa ng paraan para magkahiwalay kami," lumuluhang na naman na sagot ko sa katanungan ng aking ina. Nakita ko ang pagtitinginan ni Nanay at ng tiyahin ko at halos ang sabay nilang pag-iling. Napabuntong-hininga na lamang sila sa akin habang pinanapanuod ang pag-iyak ko. "Ang hirap kasi sa’yo ay masiyado kang mabait. Hinahayaan mong apihin ka ng sarili mong asawa. Professional ka pa naman pero ang hina ng loob mo." "Auntie, ayokong lumabas na naghahabol sa taong ayaw na sa akin. Minsan, hindi sukatan ng tapang ang hindi paglaban. Sa ginawa niya sa amin, alam kong matututo akong maging mas matatag para sa amin ng mga bata. Andyan na sila para sa akin. Mas mabuti na ang mawalan ako ng asawa kesa mawalan ako ng anak. Hayaan na lang po natin siya. Tama na po ‘yung pagwasak niya sa puso ko. Hindi ko hahayaang pati pagkatao ko ay tuluyan niya na ring mawasak. Isa pa po, naniniwala naman ako sa karma. Sige po at patutulugin ko na po ang mga bata." Pilit akong nagpapakita ng katatagan sa harap nila kahit na pakiramdam ko'y nagkakapira-piraso ang puso at pagkatao ko sa bawat salitang sinasabi nila tungkol sa asawa ko at sa babaeng ipagpapalit niya sa akin. Umakyat na ako sa ikalawang palapag ng bahay at pumasok sa kuwartong kasalukuyan naming tinutulugan ng mga bata. Naabutan kong nagising ang panganay ko na apat na taong gulang lamang. Tulog na tulog naman ang kapatid niyang nasa isa ang edad. "Mama, nasaan si Papa? Bakit antagal niya nang hindi umuuwi?" tanong sa akin ni Athan. Nahiga na ako sa tabi niya at niyakap siya bago ko sinagot ang tanong niya. "Ahh. N--nag-abroad na kasi si Papa n’yo kaya hindi na siya nakakadalaw. Malayo kasi ‘yung pinuntahan niya." Hinagkan ko siya sa noo at saka muling niyakap. "Pero bakit ‘di niya tayo isinama, Mama kung pumunta siya sa malayo?" pangungulit nito. Muli namang nanhapdi ang dibdib ko dahil sa katanungang iyon ng anak ko. "H-hayaan mo kapag umuwi na siya, magkikita rin kayo. Tulog ka na, anak, para lumaki ka agad. Tignan mo si Liam tulog na. Mauunahan ka na niyang tumangkad niyan." Sabay naming tinignan ang bunso niyang kapatid na himbing na himbing. "Okay. Tutulog na ako, Mama. Labyu." Humalik siya sa pisngi ko pagktapos niyang sabihin na mahal niya ako. Hindi ko tuloy napigilan ang mga luha kong nag-uunahan sa pagtulo. "Ay! Bakit iyak ka, Mama?" takang tanong ng anak ko. Sinubukan pa niyang punasan ang mga luhang dumadaloy mula sa mga mata ko. "Ha? Ah. Masakit kasi ‘yung ngipin ni Mama anak, kaya ako napaiyak," pagsisinungaling ko sa kanya. "Inom ka gamot, Mama." Napaka-sweet ng anak ko kaya lalo tuloy akong napaiyak. Tinakpan ko ang bibig ko para hindi ako tuluyang mapahagulgol. Pinilit kong pakalmahin ang loob ko para hindi lalong mag-alala ang anak ko. Nang kalmado na ako ay muli akong ngumiti sa kanya. "Oo, anak. Bukas ipapabunot ko na ‘yung masakit para hindi na iiyak si Mama, okay? Sige na, tulog ka na. Good night, anak." Muli ko siyang hinagkan. Bahagya pa akong natawa dahil naghikab na siya. Alam kong inaantok na siya ngunit nagpipilit lang na hindi makatulog dadhil kausap pa niya ako. "Goodnight, Mama." Pagkasabi ng mga katagang iyon ay pumikit na siya. … Tiniis ko lahat ng sakit sa aking dibdib sa pagdaan ng mga araw at buwan. Kapag kaharap ang ibang tao ay pinipilit kong magpakatatag. Ipinapakita kong kaya ko kahit wala si Jonathan. Pero tuwing nag-iisa ako, kahit nasaan ako ay bigla na lang tumutulo ang mga luha ko. Nagtanong-tanong na rin ako sa ilang kakilala kong abugado kung ano ang dapat kong gawin. Marami silang ini-advise. Kesyo pwede ko raw itanggi ang mga nasa petisyon niya. Pwede rin daw akong magdemanda dahil alam naman ng lahat na may babae siyang nasa abroad. Pero ang mas tumimo sa isip ko ay ang sinabi nilang kung gusto kong mas mapabilis ang pagproprpseso ng annulment namin ay hindi ako dapat sumiipot sa mga hearing at hahayaan na lang ang pagtakbo ng kaso. Tama naman. Kung ayaw kong problemahin ang gastos sa abogado para sa annulment na iyan na wala rin naman akong mahihita, bakit pa ako lalaban? Alam ko namang wala akong malaking pera pambayad sa abogado at sapat lang ang sahod ko para sa gastusin namin ng mga bata. Ang ending naman ay maghihiwalay rin naman kami kaya bakit ko pa pahihirapan ang sarili ko, hindi ba? ‘Yung tungkol sa sustento ng mga bata na sinasabi nilang karapatan nilang makuha? Kanyang-kanya na. Baka maging utang na loob ko pa iyon sa kanya. At iyon nga ang nangyari. Sa loob ng isa at kalahating taon ay natapos ang annulment case namin. Wala na rin akong naging balita sa kanya. Nang matanggap ko ang katibayan ng annulment namin ay aminado akong nakaramdam ako ng kahungkagan. Pero ganiyan talaga ang buhay. Minsan masaya. Minsan mabibigo ka. Mabilis lumipas ang mga araw, buwan at taon. Sinong mag-aakalang nakaya kong mag-isang buhayin ang mga anak ko dalawang taon pagkatapos akong maging legally single ulit? Pinilit kong buhayin ang mga anak ko kahit gaano kahirap lalo na sa tuwing nagkakasakit sila at sa tuwing hinahanap nila ang kanilang ama. Isinubsob ko ang sarili ko sa pagtratrabaho at sa pag-aalaga sa mga bata. Pinilit kong kalimutan lahat ng sakit at sama ng loob na naranasan ko sa buhay pag-ibig at buhay pamilya ko. Hanggang isang araw... "Anak, dumating na ang suwerte mo!" excited na salubong sa akin ng nanay ko na siyang nag-aalaga sa mga anak ko tuwing nasa trabaho ako. "Bakit po, ‘Nay? ‘Wag n’yong sabihing nanalo na tayo sa lotto?" pagbibiro kong kantiyaw sa kanya. "Tama ka, anak! Nanalo tayo!" nagtatatalong sigaw niya. "Nay, ‘wag ka namang magbiro nang ganiyan at baka maniwala ako," tatawa-tawa ko nang sabi sa kanya. Ibinaba ko ang mga dala ko sa isang mesa saka pinanuod ang nanay ko na halos mangiyak-ngiyak na sa kaka-sign of the cross. Nang Makita niyang tila pinagtatawanan ko siya ay lumapit siya sa akin at iniabot ang isang lotto ticket. Napatitig naman ako roon. "Luka-luka! Bakit ko naman gagawing kalokohan ang 197 Million pesos na napanalunan natin?" Nanlalaki ang mga matang ibinaling ko ang mga ito sa kanya. "Po?!" "Congrats, anak! Milyonaryo na tayo! Salamat po, Diyos ko!" Lumuluha na siyang yumakap sa akin habang ako naman ay nakanganga dala ng sobra kong pagkabigla.    
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD