Prologue
Tuluyan nang lumubog ang araw at madilim na ang paligid. Napakalakas din ng hangin at tila nagbabadya ang isang malakas na bagyo. Pero hindi iyon inalintana ni Al. Mabilis siyang tumakbo upang makita ang kaibigan sa huling pagkakataon. Baon ang sama ng loob nang marinig ang balita na umalis na ito papuntang abroad ng hindi man lang nagpaalam.
Kahit hinihingal pa at hinahabol ang hininga ay agad na isinigaw ni Al ang pangalan ng kaibigan nang dumating siya sa harap ng bakuran nito. Ngunit walang sumagot. Maging ang mga aso na kadalasang tumatahol kaagad kahit sa simpleng kaluskos ay wala rin. Pilit niyang itinitingkayad ang mga paa at sumisilip sa itaas ng bakod, umaasang mayroon pang tao sa loob habang mas malakas na tinatawag ang kaibigan. Pero wala talagang sumasagot, ang tanging naririnig lang niya ay ang tunog ng malakas na hangin na humahampas sa mga punong kahoy. Madilim ang loob ng bahay at ang tanging nagpapaliwanag lang sa bakuran ay ang nagpapatay-sinding ilaw ng kalsada sa tapat nito. Napasandal si Al sa bakod, napayuko na lang habang hinahabol pa rin ang hininga. Iniisip kung bakit hindi man lang nagpaalam ang kaibigan.
“Sa tambayan! Tama!” tila nabuhayan siya nang maisip ang puno ng narra kung saan sila madalas na tumatambay at nagkakantahan. Ang lugar kung saan nabuo ang kanilang pagkakaibigan, isang lugar na puno ng magagandang ala-ala at ang lugar kung saan sila nagbitaw ng mga pangako sa isa’t-isa.
Muling kumaripas ng takbo si Al. Nagsimula nang bumuhos ang ulan at tila nagagalit ang langit sa lakas ng kulog at kidlat. Pero hindi iyon pinansin ni Al. Mas binilisan niya ang pagtakbo, umaasa na sa lugar na ‘yon ay makikita pa niya ang kaibigan. Naniniwala siya na hindi siya iiwanan nito ng hindi man lang nagpapaalam.
Nakarating si Al sa lugar pero napakadilim na at halos wala na siyang makita. Mabuti na lang at may iniwan silang posporo at gasera doon sa kubo-kubong ginawa nila sa ilalim ng puno. Kinapakapa ni Al ang posporo, at nang makita ito ay agad niyang sinindihan ang gasera. Halos mapatay ng malakas na hangin ang apoy pero sapat na ang liwanag noon para makita ni Al ang paligid. At sa isang upuang gawa sa isang tabla ay nakita niya ang isang bagay na hindi niya inaasahang nandoon. Ang gitara ng kaibigan, ang gitarang madalas niyang tinutugtog saliw sa napakagandang boses nito. Nilapitan ni Al ang upuan at agad niyang napansin ang isang sobre na nakasiksik sa pagitan ng mga kwerdas ng pulang gitara. Selyado ito ng isang hugis puso na selyo at nakasulat ang pangalan niya sa harapan nito. Lumingon-lingon siya, nagbabakasakaling naroon pa ang kaibigan. Pero wala, wala ni anino nito.
Kinuha ni Al ang sobre at dahan-dahan itong binuksan. Isang larawan ang nasa loob nito. Ang huling larawan nilang dalawa na magkasama. Napangiti si Al pero agad ding napalitan ang ekspresyon ng mukha niya nang mapansing may mensahe sa likod nito. Lumapit siya sa gasera upang basahin ang mensahe habang pinipigilan niya ang pagtulo ng kanyang mga luha.
Ingatan mo itong picture natin at gitara ko. Pagbalik ko gusto ko, tugtugan mo uli ako ng mga kantang madalas nating kinakanta. Pasensya ka na, hindi ko na napigilan si mama. Pasensya na din kung hindi na ako nakapagpaalam ng personal sa’yo. Ayaw ko kasing makitang malungkot ka. Pero ‘wag kang mag-alala, tutuparin ko ang pangako ko. Bok, Mamimiss kita. Lalo na ‘yong mga patawa mo, yung pang-aasar mo, yung boses mo at syempre ‘yong pag-aalaga mo sa akin. Pangako, babalik ako. Babalik ako para sa’yo. Sana hintayin mo ko.
- LingLing
Muling tinitigan ni Al ang larawan. Nais niyang ngumiti kagaya ng masayang ala-ala na nakikita n’ya sa larawan pero kahit anong pilit niya ay hindi niyang kayang gawin iyon. Hindi niya alam kung ano ang kanyang nararamdaman. Pakiramdam niya ay labis siyang nalulungkot na may kasamang inis pero sa kabila noon ay nakakaramdam din siya ng kaunting pag-asa. Pag-asang kahit suntok sa buwan ay magkikita silang muli ng kaibigan.
Umupo si Al sa tabi ng gitara, kinuha niya ito at tinugtog ang paborito nilang kanta ng kaibigan. Ang kantang madalas niyang inaawit sa harap ng minamahal at ang kantang inialay niya rito. Hindi na napigilan pa ni Al ang mga luha habang naaalala ang iniirog at iniisip na baka hindi na talaga sila muling magkikita. Pagkatapos ay umihip ang napakalakas na hangin, tuluyan na nitong pinatay ang apoy ng gasera at kasunod n’on ay bumagsak ang mapakalakas na ulan.