AZUL
“WALA ka na ba talagang balak gawin sa buhay mo at maglaro na lang nang maglaro?” Nakakunot-noong bungad ng ama ko.
Hindi ko siya nilingon at nakafocus lang ang mata ko sa nilalaro kong online. Naramdaman ko ang pagpasok nito sa loob ng kwarto ko. Oo, sa kabila ng edad kong trenta’y dos, hindi ako proud na sabihin na hanggang ngayon ay dakilang palamunin pa rin ako ng magulang ko at hindi pa rin ako nakabukod ng bahay.
“Hindi ka pa ba nagsasawa sa ganitong buhay, hah, Azul? Ganito na lang ba tayo araw-araw? Hindi ko alam kung saan ba kami ng mama mo nagkulang sa pagpapalaki sayo at bakit ganyan ka. Kita mo ang mga pinsan mo, ang mga kapatid mo—”
Hindi ko na pinagpatuloy pa ang gustong sabihin ng ama ko. “Successful, may direksyon ang buhay at mabuting ehemplo. Alam ko na dad ang sasabihin mo. Sa totoo lang, memorize na ng utak ko,” singit ko.
Nag-igting ang panga ng ama ko. “Ayun naman pala, alam mo naman pala. Bakit wala ka pa rin ginagawa hanggang ngayon? Anong edad mo na, Azul? Trenta’y dos! At ang ganyan edad ay dapat nasa tahimik na at may magandang kinabukasan na. Pero heto ka, at naglalaro ng walang ka-kwenta kwentang laro. Pang bata lang ‘yan, Azul. At hindi ka na bata!” malakas na sigaw nito na nag-echo pa sa loob ng kwarto ko.
Napatiim-bagang na rin ako, pero sinikap kong hindi sumagot. Palamunin lang ako at walang direksyon ang buhay ko, pero hindi pa naman ako bastos na anak.
Napundi na nang tuluyan ang matanda at hinugot sa saksakan ang cord ng computer ko. Awtomatikong namatay monitor ko. Huminga ako nang malalim at gusto kong magalit. “Dad, bakit mo naman ginawa ‘yon?” pilit akong nagpapakahinahon.
“Ano? Magagalit ka dahil sa ginawa ko? Pasalamat ka nga, ‘yan lang ang ginawa ko, kapag ako tuluyan mo pang ginalit, hindi lang ‘yan ang gagawin ko, Azul! Sisirain at dudurugin ko pa ‘yang computer mo!”
Gusto kong manumbat. Wala naman itong karapatan gawin ‘yon sa gamit ko. Isa pa, hindi ako humingi ng pera pangbili ng computer set ko. Ako rin naman ang nagbabayad ng monthly internet at kuryente ko.
“Dad, hindi mo gagawin ‘yan,”
Tumaas ang isang kilay nito. “Gagawin ko, try me, Azul,” hamon nito.
Ang hindi ko maintindihan kung bakit nagagalit silang lahat sa bagay sa kung saan ako mahilig at masaya. Hindi nila maintindihan na ang paglalaro ng online games ang nagpapanatili sa akin sa katinuan. Ito ang puntahan ko tuwing gusto kong makatakas sa mapait na reyalidad. May iba ngang milyon ang kinikita sa paglalaro eh.
Noong mga panahong depressed din ako dahil nalugi ang tinayo kong negosyo, ang online games ang umaliw sa akin. Ang nand’yan, para hindi ako kainin ng insecurities at lungkot. First time ko na nga lang kasing magtatag ng negosyo, minalas pa. Gustong gusto ko pa naman patunayan sa pamilya ko na kaya kong tumayo sa sariling paa ko at magiging successful ang pinili kong desisyon.
Mayaman ang pamilya namin. Kilala ang mga Falcon bilang isa sa mga respetadong pamilya sa lugar namin. Karamihan kasi sa pamilya ko ay kundi mga Doctor, mga abogado naman. ‘Yung iba ay may magaganda ring trabaho. Walang tulak-kabigin. Kaya naman lahat ay nag-eexpect sa akin na ganoong landas din ang tatahakin ko.
Pero ayaw ko sa buhay namin. Sobrang sosyal kung umarte ang mga ito na parang hindi nakatapak sa lupa. At bawal kang magkamali sa mga ito. Kapag nagkamali ka, talunan ka agad. Kaya hindi ako sumasama sa mga reunion dahil magyayabangan lang naman ang mga ito sa achievements.
Hindi ako nakapagtapos ng college hindi dahil sa walang kakayahan ang magulang ko. Hindi ako nakapagtapos kasi bulakbol ako at laging nagcu-cutting classes. Hindi talaga ako mahilig mag-aral, at para sa akin, hindi sukatan ang college diploma para lang respetuhin ka ng ibang tao at umasenso ka sa paraang gusto mo.
Para sa akin, sikap at tiyaga ang sagot para maabot ang pangarap. Add-ons lang ang college diploma at dagdag kaalaman. Ngunit kapag nasa delikadong sitwasyon na ang isang tao, hindi na magagamit nito ang college diploma. Iyon ang hindi maintindihan ng mga ito. Kaya naman nagsikap talaga ako at nagtayo ako ng collection shop. Bata pa lang ako, pangarap ko nang makahawak ng isang katana. At iba’t-ibang klaseng armas. Mahilig ako sa cartoons at anime noong bata pa ako, marahil ay impluwensya n’yon.
Noong una, maayos ang takbo ng business ko. Maraming mga private collectors ang dumadagsa ng shop ko. Pero nagkamali ako sa taong pinagkatiwalaan nang may gustong makipagbusiness partner sa akin. Tinakbo nito ang pera ng shop at hindi na nakita pa ng pulisya. Sinubukan ko naming i-ahon uli ang shop ko, pero huli na ang lahat, sobrang lugi na at wala na akong choice kundi magfile ng bankruptcy.
Dahil doon ay lumamig sa akin ang ex-girlfriend ko. Nag-iba na ang trato nito sa akin at huli ko na lang nalaman na nakikipagrelasyon na pala ito sa mismong pinsan ko pa!
Pakiramdam ko ay pinagbagsakan ako ng langit at lupa. Kaya naman talagang sobrang down na down ako ngayon. Pakiramdam ko ay wala akong kakwenta-kwenta.
Idagdag pang sinabi sa akin ng ex-girlfriend ko na wala raw akong pangarap at ambisyon sa buhay.
Kung alam lang nito… marami akong pangarap. Pero magkaiba ang pangarap namin.
Nararamdaman ko rin mismo sa pamilya ko na tinuturing nila akong loser. Ang mas kinasasama pa ng loob ko ay parang wala lang sa mga ito na ex-girlfriend ko ang current girlfriend ng pinsan ko ngayon. Hindi man lang ito pinagsabihan dahil “may masasabi” ito sa buhay. Hindi tulad ko na parang hindi nag-e-exist at dakilang palamunin.
Nadepressed ako at tanging online games lang ang nagbibigay sa akin ngayon ng sigla. Pero alam kong hinding hindi ‘yon maiintindihan ng ama ko o pamilya ko.
Sisisihin pa ako ng mga ito. “Walang problema sa akin kung hindi niyo na akong ituring na anak o parang hangin na lang dito. Pero hindi naman kalabisan dad kung hihingiin ko ang kaunting respeto kahit bilang tao na lang,” mabigat ang loob na sabi ko at iniwan ito sa kwarto ko.
***