SABADO. Ito ang araw ng pamamasyal ko para aliwin ang sarili ko. Alas diyes na ng umaga oras na para umalis. Mata-traffic kasi ako kung mamaya pa ako aalis. Ayokong tumatagal sa byahe dahil naipit na sa traffic. Ang init pa naman.
“Nay, aalis na po ako.” Paalam ko sa Nanay kong may rollers pa sa buong ulo niya. Nakasuot ng duster na bulaklakan. Tumaas ang isang kilay ng Nanay kong napatingin sa akin.
“Aalis ka?” ako naman ang tumaas ng isang kilay dahil sa sinabi ni Nanay.
“Ah, hindi po, Nay. Matutulog na po ako. Kaya nga po ako nakabihis,” biro kong sabi sa Nanay ko kung makatanong akala mo hindi niya alam na aalis ako. Minsan hindi ko maintindihan si Nanay. Nagbubulagbulagan ba siya o nagdu-joke lang siya.
Napayuko ako nang dumapo ang palad ni Nanay sa batok ko. Napahimas na lang ako doon.
“Ikaw na bata ka kung makasagot sa akin parang hindi mo ako Nanay. Huwag mo akong pinagloloko, ha?” sermon nito sa akin. Hindi ko naman siya pinagloloko. Siya nga itong niloloko ako. Obvious naman na aalis ako. Bakit kailangan niya pang tanunging kung aalis ba ako?
Bago pa bumuga ng apoy si mader at maglilitanya na naman, mabilis kong hinagkan ang kanyang pisngi at umalis agad ako. Hindi na nakapagsalita si Nanay nang makalabas ako sa bahay namin. Agad akong pumara ng tricycle at sumakay nang huminto ito sa harapan ko.
NARATING ko ang mall kalahating oras na byahe sa jeep. Accesible sa lahat ang lugar kung saan ako nakatira. May malapit din ditong ospital ng mayayaman. Nasa malayo palang ako nakita ko na ang kaibigan ko sa bungad palang ng entrance ng mall. Kinawayan ko siya upang mapansin niya ako. Napangiti naman ang gaga nang mapansin niya ako.
“Mabuti na lang at maaga ka. Akala ko mamaya ka pa darating!” bungad na sabi nito nang makalapit ako sa kinatatayuan niya. Napairap ako sa kanya. Mukhang baliktad yata ang sinabi niya. Parang sarili niya ang pinatutungkulan niya at hindi ako.
Ako ang madalas na naghihintay sa tuwing may usapan kaming magmo-mall. Palagi itong late sa usapan namin. Nagtataka naman ako dahil maaga siya sa napag-usapan namin. Ang akala ko ako ang maghihintay sa kanya dito.
“Tsura naman nito. Hoy. Makasabi nang mabuti at maaga ako. Linya ko kaya iyan.”
“Tseh!” mataray na tugon nito. “Halika ka na at nang makapamasyal tayo.” Dagdag pa nito at hinila niya ako. Napasunod na lang ako sa kanya.
Una naming destination ay ang Bookstore. Kahit loka-loka ang kaibigan ko may pagkakapareho kami sa mga gusto kagaya ng pagbabasa ng romance book. Tinagurian kaming hopeless romantic noong high school palang kami. Manang pa kasi kami noon.
“Oh my god! May nakita akong kabayo!” malakas na sabi ng kaibigan ko. Napatingin pa ang mga tao sa loob ng bookstore dahil sa lakas ng boses nito. May kabayong nakapasok sa mall? Grabe namang kabayo iyon. Napagkamalan pang kulungang ang mall!
Kunot noong napasunod ang tingin ko sa tinitingnan niya. Nanlaki ang mga mata ko dahil may kabayo nga! At take note may kasamang babae ang kabayo!
Inakbayan ako ng kaibigan ko. “Diyos ko mas maganda ka pa sa ipinalit ng kabayo mong ex-dyowawer. Although hindi ka namang kagandahan sa paningin ko, pero mas lumutang ang beauty mo sa babae.” Pang-iinsulto ng kaibigan ko. Naningkit ang mga mata ko. Siniko ko siya.
“Aray!” reklamo nito at napalayo sa akin.
“Yabang mo, no? Magka-level lang ang beauty natin. Mas angat pa nga ang kagandahan mong nakasasawa!” Naningkit ang mga mata ng kaibigan ko. Natawa ako. Siya itong nagbibiro sa akin pero mas pikon pa siya sa akin.
“Wala na akong pakialam sa lalaking iyon. Masaya na akong mag-isa at malaya akong pasayahin ang sarili ko. Natutunan ko ding mahalin ang sarili ko. Hindi dapat ako dumedepende sa lalaki para lang maging masaya. Maraming bagay na pwede akong maging masaya. Sabi nga sa kasabihan na Love yourself first and everything else will fall into line.”
“Well, tama ka naman diyan. Pero para sa akin sa tamang tao at tamang pagmamahal. Minsan kasi nagiging tanga tayo sa pag-ibig. Nakalilimutan na natin ang sarili. Ang akala natin kapag nagmahal tayo akala natin pati ang sarili natin mahal na din natin.” Mahabang sabi ni Georgina.
“Kaya nga sa ngayon ayoko munang mag-entertain ng manliligaw. Nasa stage palang ako ng healing at acceptance,” seryoso kong sabi.
“Aminin mo nga sa akin. Anong naramdaman mo nang makita mo ang ex mong nuknukan ng kaguwapuhan,” anito at saka natawa.
Pinakiramdaman ko ang sarili ko. Ano nga bang naramdaman ko kanina nang makit ako ang lalaking iyon?!
“I think galit na lang at wala ng pagmamahal.” Pag-amin ko. Totoo naman ang sinabi ko.
“Really? I want to test you if you were telling the truth.” Napakunot noo ako sa sinabi niya. Napangisi ang kaibigan ko. Napatingin ang kaibigan ko sa entrance ng bookstore. Napasunod ang tingin ko sa kanya. Nanlaki ang mga mata ko nang makita ko ang ex-boyfriend ko kasama ang asawa nito.
Bigla niya akong hinila at mukhang gusto niyang lumapit kami sa dalawa. Hinila ko ang kamay ko ngunit hinigpitan nito ang pagkakahawak.
“Hi, newly weds,” bati ng kaibigan ko sa dalawa. Sabay pang napatingin ang dalawa sa amin. Medyo nagulat pa ang ex-boyfriend ko nang makita niya ako. Alanganing ngiti ang nagawa ko. Gusto ko sanang ikaway ang isang palad ko nang mapadako ang tingin ko sa kasama nitong babae. Masamang tingin ang ipinukol niya sa akin. Kaya naibaba ko na lang ang kamay ko.
“Kayo pala,” sabi ng ex-boyfriend kong mukhang kabayo pa din.” Nagsimulang tumambol ng mabilis ang t***k ng puso ko. At nagsisimula na namang maramdaman ko ang galit sa dibdib ko. Hindi ko pa kasi nagagawa ang gusto kong gawin noong mga panahon na niloko niya ako.
“Trina, dapat pakawalan mo na,” makahulugang wika ng kaibigan ko. Napatingin ako sa kanya, kunot noo. Nagtatakang tingin ang ipinukol ko sa kanya. Pinandilatan niya ako ng mga mata. May sinasabi siya ngunit hindi ko maintindihan.
“Ano ba ito?” tanong ng kabayo kong ex-boyfriend. Napasulyap siya sa akin. “Kung guguluhin mo lang ako para magkasira kami ng asawa ko. Uunahan na kita, Trina dahil wala na akong nararamdamang pagmamahal sa iyo. Kaya pakiusap back off!” anito na ikinalaki ng mga mata ko. Napakuyom ako ng kamao ko.
Ang kapal ng mukha ng mukhang kabayo na ito! Tingin niya ba na maghahabol pa ako? Sa ganyang mukha? My god! Saan kumuha ng kapal ng mukha ang lalaking ito?!
Gusto ko siyang suntukin at sipain. Gusto kong durugin ang mukha niya gamit ng kamao ko. Ngunit wala akong lakas ng loob. Bumalik muli ang alaala nang makita kong may kalampungang iba ang ex-boyfriend ko.
“Hoy, ikaw pa ang may ganang magsalita ng ganyan sa kaibigan ko. Dapat siya itong magalit sa iyo. Ang kapal ng apog mong gago ka.”
Nagulat ako nang ipagtanggol ako ng kaibigan ko. Kahit bully minsan ito maasahan ito pagdating sa pagtatanggol sa akin sa tuwing napapaaway ako.
“Ikaw itong nagloko at nakipagchorba habang kayo pa ng kaibigan ko. Gagong ito!” inis na sabi ng kaibigan ko.
“Wala kang karapatang murahin ang asawa ko!” sabat ng babae at akmang sasampalin ang kaibigan ko. Mabilis kong hinawakan ang braso nito. Mahigpit kong hinawakan iyon at gusto kong durugin.
“Don’t lay your hands on my friend or else you’ll know how I get revenge!” pagbabanta ko sa babae.
“Huwag mong pagbantaan ang asawa ko kung hindi masasaktan ka,” pagbabanta naman ng ex-boyfriend ko. Naningkit ang mga mata ko. Binitawan ko ang kamay ng babae at mabilis kong ipinadapo sa pisngi ng ex-boyfriend ko. Isa pang sampal ang iginawad ko at isa pa. Sasampalin ko uli siya nang pigilan niya ang kamay ko at saka itinulak. Napaupo ako. Gulat na gulat ako sa ginawa niya. Hindi ako nakagalaw.
“Matagal ko ng gustong sabihin ito sa iyo. Hindi kita minahal at ginamit lang kita. Naiintindihan mo ba ang sinabi ko? Hindi kita mahal!” sigaw nito sa harapan ko.
Nag-init ang sulok ng mga mata ko. Pakiramdam ko namanhid ang buo kong katawan. Hindi ako nakagalaw at nakatitig lang ako sa kanyang mukha. Ngayon ko lang na-realized kung gaano kapangit ng ugali niya at kung gaano kapangit ang mukha niya.
“Ang sama ng ugali mong kabayo ka! Sa palagay mo minahal ka ng kaibigan ko? Nagsisisi nga siyang nagustuhan niya ang ganyang klase ng pagmumukha! Tsura nito akala mo ke-gwapo. Ang pangit mo!” galit na sigaw ng kaibigan ko.
Hindi ko na alintana ang sagutan ng dalawa. Tila nawala ang sounds at tanging t***k ng puso ko ang naririnig ko at ang paghikbi ko. Tumayo ako at iniwan sila. Naglakad lang ako na parang walang patutunguhan. Walang katapusan ang pagpatak ng luha ko. Ni hindi ko na pinapansin ang mapanuri nilang mga tingin. Ang tanging nasa isip ko ay makalayo -malayong-malayo sa taong nanakit at nanloko sa akin.