Palabas ako ng quarters namin bitbit ang mga regalong nadatnan ko na lang sa lamesa ko kaninang umaga. Hindi ako magkandaugaga sa pagbitbit dahil marami akong dala. Bukod pa sa malaki ang bouquet na hawak ko ay marami pa akong tsokolate na bitbit na ewan kung iuuwi ko ba o ipamimigay na lang sa mga kasamahan ko sa dami nito.
"Ang dami naman niyan, Nurse Helena. Baka pwedeng makahingi kahit isang box lang ng chocolates," biro ni Nurse Grace sa akin habang nakatingin siya sa hawak kong bouquet ng bulaklak at boxes ng chocolate na alam ko kung kanino galing.
Galing na naman ang mga ito kay Dr. Lopez at hindi ko na naman alam kung paano bibitbitin ang mga ito na hindi mapapansin ng mga kasamahan ko sa trabaho na masyadong maintriga sa buhay nang may buhay. Kahit naman kasi hindi ako magsabi ay alam kong alam nila kung kanino na naman galing ang mga bitbit kong regalo.
Sinabihan ko na siya na tigilan na niya ang pagbibigay niya sa akin ng kung ano-ano. Hindi niya ako madadala sa pagreregalo ng mga mamahaling bulaklak, chocolates, bags, sapatos, alahas, at kung ano-ano pa na siyang paborito ko. Kaya ko itong bilhin na hindi ko kailangan tumanggap mula sa iba.
Alam kong alam niya na weakness ko ang mga ito. Hindi na ako nagtataka dahil alam ko naman na nagtanong siya sa aking kapatid.
Madali na lang sa kanya na malaman ang mga favorites ko at ilang hilig ko sa buhay lalo na at desidido siya na makuha ang atensyon ko at puso ko.
Pwes! Mahihirapan siyang kunin ang atensyon ko especially my heart.
My wrong impression of him is still on my mind. Hindi na magbabago ito kahit ilang beses pa niyang ipakita sa akin na nagbago na siya. Na ako na lang ang priority niya at hindi na siya titingin sa ibang babae. Na kahit buksan niya ang puso niya at ipakita niyang ako lang ang tinitibok nito ay hindi pa rin ako magkakagusto sa kanya.
At isa pa, sinabi ko ng tigilan na niya ako. Ilang beses ko na siyang sinabihan na wala siyang aasahan sa akin kahit ilang taon pa siyang manligaw sa akin. Pero ang kulit lang ni Dr. Lopez at ayaw niyang sumuko. Ang kapal pa ng kanyang mukha dahil kahit ilang beses ko na siyang binasted ay patuloy pa rin siya sa pagsuyo sa akin.
"Kuha ka lang, Nurse Grace." nakangiti kong alok sa head nurse namin habang nilalahad sa kanya ang mga hawak kong tsokolate. Iba't ibang klase ang mga ito at hindi ko alam kung ilang libo na naman ang ginastos dito ni Dr. Lopez para lang regaluhan ako.
"Naku! Charot lang, Nurse Helena. Alam mo namang bawal na sa akin ang matatamis dahil sa aking sakit na diabetes," bawi naman ng matanda sabay tawa. Ako naman ay napangiti lang at hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko. Magbibigay naman ako kung gusto niya talaga. May dalawa siyang anak na maliliit pa at alam kong magugustuhan ng mga ito ang tsokolate.
"Ganoon po ba? Pero pwede niyo naman pong ibigay sa dalawa ninyong anak kung gusto niyo," ani ko sabay abot ng isang mahabang bar ng tsokolate na laging present sa mga hawak ko.
Umiling ang matandang nurse sabay tingin sa loob ng quarters namin. Napatingin din ako sa tinitingnan niya at napakagat-labi na lang ako nang makita kong kandahaba na naman ang leeg ng mga tsismosang nurse sa loob ng quarters namin. Nakatingin sila sa amin ni Nurse Grace at kaagad na bumalik sa kani-kanilang ginagawa nang makita nilang napatingin kami ng matanda.
Nakatanggap pa nga ako ng matinding irap kay Nurse Mildred bago siya naupo at muling nagsulat sa kanyang record notebook. Siya ang napapabalitang ex-girlfriend ni Dr. Lopez at siyang tumagal sa kanya ng ilang buwan. Na kahit wala na sila ay patuloy pa rin siyang dinadalaw ni Dr. Lopez sa condo niya!
Hay naku!
I don't know if the rumors are true. Totoo man o hindi ay wala na akong pakialam. Buhay nila iyon at wala akong karapatan magalit at sumbatan si Dr. Lopez tungkol sa mga ginagawa niya.
Kaya ayaw kong magtiwala sa mga pangako ni Dr. Lopez sa akin. Isa rin ito sa dahilan kung bakit pilit kong iniiwasan si Dr. Lopez.
Ang hindi niya alam ay may mga balitang nakakarating sa akin na sumisira sa mga diskarte niya. Mabuti na rin at nalalaman ko para mas lalong hindi ako magtiwala sa kaniya. Ayaw kong dumating ako sa point na tiwalang-tiwala na ako sa kanya at hulog na masyado. Ako ang masasaktan sa huli lalo na kapag nalaman kong nagpursige lang siya dahil na-challenge lang siya sa akin. But in the end, nagsawa rin siya at humanap pa rin ng iba pagkatapos.
"Binibiro lang kita, Nurse Helena. Baka magalit pa sa iyo si Dr. Justin kapag nakita niyang ibinigay mo sa iba ang regalo niyang ibinigay sa iyo," wika ni Nurse Grace na siyang dahilan kung bakit naputol ako sa pagmumuni-muni habang nakatanaw sa loob ng nurses quarter. Wala na sa pwesto niya si Nurse Mildred at malamang lumabas na iyon para mag-rounds sa kanyang mga pasyente. Samantalang ang ibang kasamahan namin ay nanatili sa loob at alam kong pinag-uusapan na naman ang mga tangan kong mga regalo.
Hindi ko naman kasi maitatago ito sa kanila lalo na at araw-araw naman akong pinapadalhan ni Dr. Justin ng kung ano-ano. 'Di bale, magsasawa rin siya sa kakabigay sa akin ng mga regalo lalo na at wala namang improvement ang panliligaw na ginagawa niya sa akin. Paulit-ulit lang siyang mababasted at hindi ko na kasalanan kung mamulubi na siya in the end. Tapos wala pa ring improvement ang lahat ng pagod niya dahil hindi ko pa rin siya papatulan.
"Hindi naman po siguro, Nurse Grace. Marami naman po ito at prinoproblema ko nga po kung paano ko uubusin," nakangiti kong saad habang nakatingin sa mga hawak ko.
"Sagutin mo na kasi, Nurse Helena. Tatlong buwan na siyang nanliligaw at sapat na siguro iyon para patunayan niya sa iyo na malinis ang hangarin niya."
Umiling ako sa sinabi ng matanda. Kahit abutin pa ng isang taon o sampung taon si Dr. Lopez sa panliligaw sa akin ay hindi ko pa rin siya sasagutin. Hindi sapat ang haba ng panahong iyon para patunayan niya sa akin na nagbago na siya.
Once a playboy, always a playboy sabi nga nila. Maniwala kung hindi niya matitiis na tumikim ng iba kapag sawa na siya sa akin.
"Ay…hindi pa rin pasado sa iyo kahit todo effort na siya at nagbago na?"
Tumango ako sa sinabi ng matanda. Tsaka nagbago? Naku! Walang alam ang matanda sa mga rumors na naririnig ko sa paligid. Kaya paanong sasagutin ko kung hindi pa rin naman siya nagbabago ng hilig at palihim pa yata siyang gumagawa ng katarantaduhan.
"Mahal ka niya, Nurse Helena at alam kong seryoso na sa iyo si Dr. Lopez this time..."
Napamaang ako sa sinabi ng matanda.
Ako mahal niya?
Masyadong pinapangunahan ni Nurse Grace si Dr. Lopez. Wala pa siyang nababanggit sa akin na ganito kaya mahirap paniwalaan na mahal niya ako.
"Sa iyo lang siya nag-effort ng todo. Ikaw lang ang ginastusan niya ng ganiyan."
Mas lalong nalaglag ang aking panga.
Bakit? Sa iba ba hindi siya gumastos ng mga bulaklak at tsokolate? Sapatos, alahas, at bag para makuha niya ang loob ng natitipuhan niyang nurse? Hindi ako makapaniwala dahil ang akala ko, lahat ng nurse na nakuha niya ay binigyan niya ng kung ano-anong regalo para mas lalong mahumaling sa kanya ang mga ito.
"A-ano pong ibig ninyong sabihin?"
"Hindi siya gumastos ng kahit isang kusing kahit kanino. Sa iyo lang siya nag-effort na magregalo ng ganyan karami araw-araw," masayang sabi ng matanda na tila tuwang-tuwa na ibalita sa akin ang lahat ng ito.
Nahulog ako sa malalim na pag-iisip dahil sa sinabi niya.
So? He is serious? Hmn...really?
Lutang ang isip ko habang pauwi ako ng mansion. Tulala lang ako sa labas habang iniisip ko kung totoo ba ang mga sinabi ni Nurse Grace sa akin. Well, hindi naman siguro siya gagawa ng kwento para lang gumawa ng pabor sa kanyang amo.
Hanggang sa makarating ako ng mansion ay ito pa rin ang laman ng aking isip.
"Little sis!"
Nilingon ko kaagad si Kuya Storm na tumawag sa pangalan ko pagkasungaw ko pa lang ng main door. Nadatnan ko sila ng mga kaibigan niya na nanonood ng baskteball. Mas nauna siyang umuwi this time at tila naghahanda na naman sila sa pag-inom ng mga kaibigan niya. Sabado bukas at alam kong mag-ha-happy happy na naman sila ngayong gabi.
"Oh, Kuya?" sabi ko at saka binati ang mga kaibigan niya na sabay-sabay na nag-hi sa akin at binati ako ng magandang gabi.
"Hindi kayo nagsabay ni Justin?" Panunundyo ni Kuya Storm habang tumitingin ng lampas sa likod ko.
"No way!" Kaagad ko namang tanggi habang umiiling at nanghahaba ang nguso ko sa simangot. "Bakit naman ako sasabay sa kanya, Kuya?"
"Akala ko sabay kayong umuwi. Sabi kasi niya ay isasabay ka niya."
"Hindi. Tsaka ayaw ko siyang kasabay," irap ko sabay martsa palapit sa kanila.
"Ay, mahinang nilalang!" ani ni Kuya Blue sabay hagalpak niya ng tawa. Tawanan din ang iba nilang kasama na parang hindi makapaniwala na mabagal kumilos ang kaibigan nila.
Hindi lang talaga makaporma si Dr. Lopez sa akin dahil iniiwasan ko siya at lagi akong nakasinghal sa kanya kapag lumalapit siya sa akin.
"Kawawa naman si Justin, pare." Ani ni Kuya Sky na hindi mapalis ang ngiti sa kanyang labi. "Mukhang mahihirapan siya rito kay Helena," dagdag pa nito habang naglalaro sa mukha ko ang mga mata niya.
"Talaga!" nais ko sanang ibulala subalit hindi na ako nagkomento dahil ayaw ko namang gawin nilang katatawanan iyong tao na wala rito.
"Ayos lang 'yon, pare. Ayaw ko rin naman na madali niyang makuha ang kapatid ko. Maghirap muna siya dahil iba si Helena. Huwag niyang igaya ang kapatid ko sa mga babaeng na-link sa kanya."
Napangiti ako sa sinabi ng Kuya Storm ko..Ganitomg mindset ang gusto kong matutunan ni Dr. Lopez. Ibahin niya ako dahil hindi ako basta-basta. Talagang mahihirapan siya sa akin lalo na at may relasyon pala sila ng Nurse Mildred na iyon. Hindi ko pa nakumpirma pero sapat na iyong tsismis na kumakalat para paniwalaan ko ito.
"Yeah, correct. Kahit ako rin, kung kapatid ko ang niligawan ni Justin, uutusan ko na pahirapan muna ang kaibigan natin bago sagutin," singit ni Captain Erwin na nakatitig sa screen ng tv pero nagawa pang magkomento.
Napangiti ako ng palihim. Naku! Pinagtutulungan nila si Dr. Lopez. Kawawa naman siya, pero deserve niyang maranasan ito. Lesson na ito sa kanya para isipin niya na hindi lahat ng natitipuhan niya na babae ay madali niyang makuha.
Nakinig lang ako sa pag-uusap nilang magkakaibigan habang nasa tabi ako ng Kuya Storm ko at nakatayo sa gilid niya. Pinapahinga ko lang saglit ang sarili ko dahil mamaya lang ay aakyat na ako para magpalit ng damit at baba para kumain pagkatapos.
Mga ilang minuto lang ay may narinig kaming sasakyan sa labas na dumating.
"Si Justin na 'yan!" bulalas ni Kuya Devin na tumingin pa sa akin saglit bago sila tumayo ni Kuya Storm para salubungin ang kanilang kaibigan.
Ako naman ay tahimik lang na nakatingin sa telebisyon habang iniisip ko kung aakyat na ba ako mananatili na muna rito.
Sa huli ay naisip kong magpaalam na sa kanila at umakyat na muna para magpahinga. Ayaw kong isipin nila na naghihintay ako rito para makita ang kinaiinisan kong doktor.
Wala namang pumigil sa akin para hindi umalis. Akala ko ay bibiruin ako nina Kuya Blue at Kuya Devin subalit nanahimi lang sila habang naghihintay sa pagdating ng kanilang kaibigan.
Nahiga ako saglit sa aking kama at umidlip. Siguro dahil sa pagod at pag-iisip ko ay hindi ko namalayan na nakatulog na ako.
Naalimpungatan na lang ako nang maramdaman kong may basa at mainit na bagay na dumampi sa bibig ko.
Hindi ko na sana ito papansinin dahil akala ko ay nanaginip lang ako. Subalit dumiin ang bagay na iyon at kinuyumos ako ng halik sa labi ko.
"Anong---" tili ko sa utak ko sabay mulat ng aking mga mata.