Seasons of Blooming (1)

3227 Words
THIS IS A WORK OF FICTION. -*- 2015. Labing tatlong taon siya nang makilala niya ang babaeng makakapagpabago sa kan'yang mundo. Halos kasing-edad niya lamang ito kaya naman magaan agad ang pakiramdam niya para rito. “Anong pangalan mo?” ito ang pinakaunang tanong ng batang babae sa kan'ya. Hindi niya maiwasang mapangiti. Naglahad siya ng kamay bago magsalita. “Ako si Paul. Ikaw, anong pangalan mo?” Ngumiti ang batang babae. “Ako si Astraia.” Simula no'n, hindi na maalis sa isipan ni Paul ang batang babae na nagngangalang Astraia. Hindi niya maintindihan kung bakit para bang may kakaiba siyang nararamdaman para sa batang babae. Kinabukasan, pumunta siyang muli sa lugar kung saan niya nakita si Astraia. Nagningning ang kan'yang mga mata at pakiramdam niya ay umaliwalas ang buong paligid nang makita niya ito, nakangiti habang dinidiligan ang mga bulaklak sa hardin. Mahilig sa mga bulaklak ang kan'yang ina kaya maraming bulaklak dito sa kanilang vacation house. Nasa Baguio ang pamilya ni Paul upang ipagdiwang ang Panagbenga Festival na gaganapin sa susunod na Linggo. Hindi iyon pinapalampas ng kan'yang ina dahil iyon ang tradisyon ng kanilang pamilya na hindi p'wedeng mabali. Ayos lang naman iyon kay Paul dahil wala rin naman siyang gagawin sa kanilang bahay sa Manila. Hindi naman kasi siya nag-aaral sa isang regular school, homeschooling lang ang ginagawa simula no'ng mag-high school siya. Kumunot ang noo ni Paul. Bakit nagdidilig ng halaman si Astraia sa loob ng kanilang hardin? Katulong ba siya rito sa kanila? Ngunit kahapon ay hindi niya naman ito ginagawa. Isa pa, masyado pang bata si Astraia para maging katulong nila! “Astraia!” tawag niya sa batang babae. Dahan-dahang lumingon si Astraia sa kan'ya. Hindi maiwasan ng batang si Paul na mabighani sa kagandahan ng babaeng nasa harapan niya ngayon. Ngumiti ito sa kan'ya at sinenyasan siyang lumapit. “Bakit ka nagdidilig ng mga bulaklak sa garden namin? Ikaw ba ang bagong caretaker?” kunot ang noo ni Paul. Maliit na tumawa si Astraia at umiling. “Hindi ako caretaker, 'no! Ang bata ko pa para maging gano'n...” ngumiti siya. “Nakita ko kasi na nakapatong 'yung sprinkler diyan sa tabi kaya diniligan ko na 'tong mga bulaklak niyo.” Tumango-tango si Paul habang pinapanood ang pagdidilig ni Astraia. Sa huli ay napatanong siya. “Mahilig ka rin ba sa bulaklak, Astraia?” Masayang tumango si Astraia at ibinaba ang sprinkler sa lapag. “Oo! Sino bang hindi magugustuhan ang mga bulaklak?” Hindi nakasagot si Paul. Hindi naman kasi siya mahilig sa mga bulaklak. Lalaki siya, hindi ba't parang nakakaasiwa naman kung mahihilig siya sa mga bulaklak? “Ito ang paborito ko...” sambit pa ni Astraia. Itinuro niya ang kulay pink na bulaklak. Napatingin si Paul doon at tumango-tango. Naisip niya na mukhang iyon na rin ang paborito niya sa lahat ng mga bulaklak ng kan'yang ina. “Pink Tulips ang tawag dito. Alam mo ba kung bakit ito ang paborito ko?” nakangiting tanong ni Astraia. “Bakit?” Ngumiti muna si Astraia bago sumagot. Mukhang mahilig talagang ngumiti si Astraia. “Kasi Pink Tulips symbolizes happiness and confidence... Kaya siguro masaya ako kapag nakikita ko ang mga Pink Tulips dahil iyon ang simbolo nila.” Bumilog ang bibig ni Paul dahil sa narinig. Mukhang marami talagang alam si Astraia pagdating sa mga bulaklak. Napaisip tuloy siya, ipakilala niya kaya ito sa kanyang ina? “Oh, anong iniisip mo? Bakit hindi ka na nakasagot?” nakangiti pa rin si Astraia nang tanungin siya nito. Umiling lang si Paul at nginitian din siya. “Ang dami mong alam pagdating sa mga bulaklak.” “S'yempre! Hindi naman p'wedeng hilig ko lang ang mga bulaklak pero hindi ko alam ang mga sinisimbolo nila...” Sa bagay, tama naman ang punto ni Astraia. Kung gusto mo ang isang bagay, hindi naman p'wedeng hindi mo alamin kung anong meron sa bagay na ito, hindi ba? “Oo nga pala, Paul... Dito ba kayo nakatira?” Umiling si Paul. “Vacation house lang namin 'to. Sa Manila talaga kami nakatira.” Tumango-tango si Astraia at inilagay ang hintuturo sa kan'yang baba at nag-angat ng tingin sa kalangitan na para bang may iniisip. Nabibighani na naman ang puso ni Paul dahil sa nakikita niyang kagandahan. “Bakit nandito kayo ngayon?” tanong ni Astraia. “Para mag-celebrate ng Panagbenga Festival. Every year nandito kami kasi iyon ang gusto ni Mommy...” napahinto siya. “Ikaw? Dito ka ba nakatira?” Ngumisi si Astraia at matagal na tinitigan si Paul. Kumunot ang noo ni Paul dahil hindi niya maintindihan kung bakit at para saan ang mga titig na iyon ng batang babae. Iniisip niya tuloy na baliw na ang babaeng nada harap niya. Sa huli, malakas na tumawa si Astraia. “Hulaan mo!” sigaw niya at tumakbo. Napatakbo rin tuloy si Paul. Tuwang-tuwa siya dahil kahit pangalawang araw pa lang nilang magkakilala, magaan na agad ang kanilang loob sa isa't-isa. Pakiramdam ni Paul, nakahanap siya ng bagong kaibigan kung saan tahimik at payapa ang puso niya. Masyadong mabilis tumakbo si Astraia. Hindi niya ito mahabol kahit na anong gawin niya. Paikot-ikot lang silang dalawa sa malawak na hardin. Sa huli ay sumuko rin si Paul dahil kahit anong gawin niya, hindi niya pa rin ito maabutan. “Tama na, ayoko na! Hindi kita maabutan!” sigaw ni Paul. Hinihingal siyang napahinto at napahawak sa kan'yang dibdib. Pinunasan niya ang kan'yang noo na tagagtak na ang pawis dahil sa ginawang pagtakbo. Aaminin niyang napagod siya sa ginawa nila. Patawa-tawang lumapit si Astraia sa p'westo niya. Tinitigan niya ang batang babae habang papalapit ito sa kan'ya. “Suko ka na agad?” hagikgik ni Astraia. Hindi maiwasang mapangiti ni Paul nang marinig ang tawa ng batang babae. Ang sarap nitong pakinggan. Tinitigan niya ang babae at napansing may pawis din ito sa kan'yang noo. “Pinagpapawisan ka...” sambit ni Paul. Itinuro ni Paul ang kan'yang noo at dali-dali naman itong pinunasan ni Astraia. Tumango siya at nagpasalamat kay Paul sa pagpuna nito sa kan'yang pawisan na noo. “Ay, Paul, may k'wento pala ako.” biglang sambit ni Astraia. Napalingon sa kan'ya si Paul at naghintay ng kan'yang sasabihin. Nakaupo na sila ngayon sa damuhan at sa harap nila ay ang napakaraming bulaklak sa hardin ng vacation house nila Paul. “Alam mo ba kung saan nagmula ang Panagbenga Festival?” nilingon siya ni Astraia. Dahan-dahang umiling si Paul. Hindi niya alam. Kahit na taon-taon ay lagi silang narito para sa Festival na iyon, hindi niya alam kung saan nagmula ang Festival. Hindi naman din kasi siya interesadong alamin. Hindi naman sa hindi niya gustong pumunta rito sa kanilang vacation house. Maganda ang Baguio City kaya wala siyang reklamo, ngunit hindi lang talaga niya forte ang alamin ang kung anong mayroon sa Festival ng Baguio City dahil hindi naman niya hilig ang mga ganito. Tahimik na tao si Paul. Wala siyang masyadong kaibigan dahil hindi naman siya nakakalabas ng bahay. Noong elementary siya, lagi siyang binu-bully ng mga kaklase niya kaya naman pinag-homeschool na lamang siya ng kan'yang mga magulang. Wala namang masama roon dahil mas pabor pa iyon kay Paul. Loner kung tawagin ng mga tao si Paul. Hindi kasi siya umiimik at hindi rin siya mahilig makipag-usap. Minsan nga ay sinasabihan na siyang baliw dahil mas okay pa sa kan'ya ang mag-isa kaysa sa magkaroon ng kaibigan na ang gusto lang sa kan'ya ay ang pera at ang mga pagkain niya. Hindi sa pagmamayabang ngunit mayaman ang pamilya ni Paul. May flower plantation ang kan'yang ina habang ang kan'yang ama naman ay isang Doktor. No'ng elementary siya, kapag nalalaman ito ng mga kaklase niya ay ka-kaibiganin siya ng mga ito at sa huli ay hihingian lang siya ng pera o kaya nama'y magpapalibre ang mga ito sa kan'ya. Ang akala ni Paul noon ay nakahanap na siya ng mga totoong kaibigan. Ngunit nang mapagtantong iyon lang ang pakay ng mga ito sa kan'ya nilayuan niya ang mga ito at doon na nag-umpisa ang pambu-bully sa kan'ya. Kung si Paul ang tatanungin, gusto niya lang ng simpleng pamumuhay. Hindi niya hinangad ang malaking bahay na parang mansion ngunit iyon ang nakatakda para sa kan'ya. Hindi naman siya nagrereklamo sa buhay niya ngayon ngunit simpleng buhay lang ang gusto niya. Iyon ang balak niya kapag nagkaroon na siya ng sariling pamilya. Sariling pamilya, kasama ang babaeng mahal niya. Napangiti si Paul, mukhang kilala niya na kung sino ang gusto niyang makasama habang buhay. “Ang sabi nila, mayroong batang babae raw noon na sobrang hilig sa mga bulaklak...” panimula ni Astraia. Seryosong-seryoso namang nakikinig si Paul sa kan'ya. “Iyong bahay daw ng batang babae, sobrang aliwalas dahil sa dami ng bulaklak sa kanilang hardin. Pero hindi ganito kalaki ang bahay no'ng batang babae na 'yon, ah! Pero may hardin pa rin sila kasi iyon ang gusto no'ng batang babae.” Napangiti si Paul nang humagikgik si Astraia. Tumango-tango siya at muling nakinig sa k'wento ng kan'yang bagong kaibigan. “Walang kaibigan 'yung batang babae. 'Yung mga bulaklak lang sa hardin nila ang mga kaibigan niya. Lagi niya raw 'yon kinakausap. Araw-araw, walang palya.” Kumunot ang noo ni Paul. “Hindi naman sasagot sa kan'ya ang mga bulaklak, bakit niya kailangang kausapin?” Tumawa si Astraia at inilingan siya. “Hindi naman 'yon gano'n, Paul. May nakapagsabi kasi sa kan'ya na kapag kinakausap ang mga bulaklak, mas magb-bloom daw iyon at mas magiging maganda ang mga bulaklak.” Tumango si Paul ngunit kunot ang kan'yang noo. Totoo naman kaya iyon? “Oh, anong nangyari sa mga bulaklak?” tanong ni Paul. “S'yempre, nag-bloom 'yung mga bulaklak ng sobra! Kasi nga, kinakausap niya ang mga ito...” Tumango-tango si Paul at hinintay pa ang mga sasabihin ni Astraia. “Maraming matatanda ang nahuhumaling sa maamong mukha no'ng batang babae. Mabait din ito at hilig niyang batiin ang mga matatanda ng magandang umaga o kaya naman ay magandang gabi. Mas lalo siyang nagustuhan ng mga matatanda dahil doon. Isa pa, marunong din siyang gumalang...” “Hindi man pala-kaibigan ang batang babae sa mga kapwa niya bata, marami naman siyang kaibigan na mga matatanda. Ayaw kasi sa kan'ya ng mga batang babae sa baryo nila dahil naiinggit ito sa taglay niyang kagandahan.” Kumunot ang noo ni Paul. Medyo naninibago siya sa istilo ng pagsasalita ni Astraia. Hindi naman ganito magsalita ang mga ibang bata. Ganito ba talaga kapag sa Baguio nakatira ang mga bata? Kahit kasi siya, hindi naman ganito ang pananalita. “Teka, may happy ending ba ang k'wento mo?” Malungkot lamang na tumingin si Astraia kay Paul. Mas lalong kumunot ang noo ni Paul at parang ayaw niya nang pakinggan pa iyon. “Hm, parang ayaw ko na pakinggan 'yan... Ayaw ko sa mga sad ending!” reklamo ni Paul kay Astraia. Nagreklamo rin si Astraia. “Aish! Pakinggan mo muna kasi! Maganda naman 'to. Origin kaya 'to ng Panagbenga Festival!” “Hays, sige na nga!” Wala nang nagawa si Paul at nakinig nang muli sa k'wento ni Astraia. “Isang gabi, tinupok ng apoy ang hardin ng batang babae... Iyak nang iyak 'yung babae dahil doon. Hindi alam ng kan'yang mga magulang kung anong gagawin. Mahal na mahal no'ng babae ang mga bulaklak sa hardin nila. Alagang-alaga niya iyon.” “Isang linggo ang lumipas ngunit walang pagbabago roon sa batang babae. Iyak pa rin ito nang iyak. Isang matanda ang pumunta sa bahay nila para sabihin na 'yung mga bata raw na naiinggit sa kan'ya ang gumawa no'n. Dahil doon, mas lalong nagalit ang batang babae. P'wede naman kasing iba na lang ang pagdiskitahan nila at hindi 'yung mga bulaklak niya, 'di ba? Pero iyon pa talaga ang napili nila...” Tumango-tango si Paul. “Oo nga! Bakit kailangan nilang gawin 'yon sa mga bulaklak? Kawawa naman ang mga iyon...” “Hindi inaway ng batang babae ang gumawa no'n sa kanilang hardin. Sa halip ay ipinagdasal niya na sana ay maraming bulaklak ang tumubo sa buong baryo nila. Iyon ang igaganti niya sa mga sumunog sa kan'yang mga bulaklak. Nalaman niya kasing ayaw ng mga ito sa bulaklak...” “Maraming tao ang nagustuhan ang pagtubo ng mga bulaklak sa kanilang baryo. Pero ang hindi nila alam, nagkaroon pala ng sandamakmak na bulaklak sa buong siyudad kaya nagsagawa sila ng isang Festival na tinawag na Panagbenga.” “Oh, happy ending naman pala ang k'wento mo, eh. Bakit sumimangot ka kanina?” kumunot ang noo ni Paul. Ngumisi si Astraia. “Gusto ko lang!” Nagtawanan silang dalawa ngunit natahimik din kinalaunan. Tahimik nilang pinagmasdan ang mga bulaklak sa hardin nila Paul. “Paul? Nasaan ka?” Napalingon si Paul nang marinig niya iyon. Hinahanap na siya ng kan'yang ina. Tumayo siya at pinagpagan ang sarili bago tumingin kay Astraia na ngayon ay nakatingin na rin sa kan'ya. “Uuwi na muna ako, Astraia. Ikaw? Saan ka ba nakatira?” paalam ni Paul. Umiling lamang si Astraia at ngumiti. “Huwag mo na akong alalahanin. Sige na, umuwi ka na muna. Hinahanap ka na ng Mama mo.” Tumango si Paul at nag-umpisa nang maglakad papasok ng kanilang bahay ngunit may naalala siya. Muli siyang lumingon sa p'westo nilang dalawa ni Astraia kanina ngunit wala na ang batang babae roon. Kumunot ang kan'yang noo at naisip na baka nakaalis na ito. Pagpasok niya sa kanilang bahay, masaya niyang sinalubong ang kan'yang ina na naghihintay sa kan'ya sa kanilang sala. Nakakunot ang noo nito ngunit nagbago rin ang ekspresyon nang makita siya. “Saan ka galing, Anak?” nakangiting tanong ng kan'yang ina. Masayang umupo si Paul sofa. “Mommy, buti na lang po at p'wedeng pumasok ang mga tao sa garden natin, 'no?” Kumunot ang noo ng ina ni Paul ngunit tumango rin hindi kalaunan. Nakita niya ngang nagsasalita kanina si Paul sa kanilang hardin. “Bakit naman, Anak?” “Kasi po, Mommy... May nakilala po akong babae! Astraia po 'yung pangalan niya. Kaso hindi ko po natanong kung saan siya nakatira, eh.” malaki ang ngiti ni Paul sa kan'yang ina. “Mommy, huwag niyo pong pagbawalan si Astraia na pumunta sa garden niyo kapag nakita niyo siya, ah? Saka ipapakilala ko po siya sa inyo!” Bumuntong hininga ang kan'yang ina. Unti-unti ay tumango ito at hinaplos ang kan'yang pisngi. Niyakap niya si Paul nang mahigpit at isang butil ng luha ang nakatakas sa kan'yang mata. “Gagawin ni Mommy ang lahat para sa'yo, Anak...” 2016. Isang taon na ang lumipas simula nang magkita at magkakilala si Astraia at Paul. Buwan na naman ng Pebrero at nasa Baguio muli ang pamilya ni Paul para ipagdiwang ang Panagbenga Festival. Masayang-masaya si Paul dahil magkikita na naman silang muli ni Astraia. Ngayon, hindi na sila sa hardin ng bahay nila Paul magkikita. Manonood kasi sila ngayon ng parada dahil Grand Opening ng Panagbenga Festival. Sa Panagbenga Park sila magkikita ni Astraia. Maraming tao sa parke dahil magsisimula na ang parada. Palinga-linga si Paul dahil hindi pa niya nakikita ang dalaga, limang minuto na rin siguro siyang naghahanap kay Astraia. Nagpaalam si Paul sa kan'yang ina na manonood ng parade kasama si Astraia. Hindi naman tumutol si Paulina, ang Mommy ni Paul dahil ito lang ang tanging nakapagpasaya sa kan'yang anak sa loob ng maraming taon. “Nasaan na ba 'yon?” kunot ang noo ni Paul habang tinatanong ang kan'yang sarili. “Paul!” Napahinto siya at napalingon sa kan'yang likod nang marinig ang pangalan niya. Malaki ang ngiti niya nang makita kung sino ang tumawag sa kan'ya. “Astraia!” masaya niyang sambit. “Nandito ka lang pala, kanina pa kita hinahanap.” “Kanina pa rin kita hinahanap,” nagpalinga-linga si Astraia. Maraming tao ang nakaharang at nag-aabang din sa parada. “Tara, huwag tayo rito sa likod. Hindi natin makikita 'yung parada kapag nandito lang tayo.” Parang nakuryente ang pakiramdam ni Paul nang magdikit ang kanilang mga daliri. Hindi niya namalayang hila-hila na pala siya ni Astraia at nakikipagsiksikan na sila ngayon sa dagat ng mga tao para lang makapunta sa pinaka harapan. “Excuse me po, excuse me po!” sambit ni Astraia habang hinahawi ang mga tao upang makadaan silang dalawa ni Paul. Napangiti na lang si Paul habang masuyong tinitignan ang likod ni Astraia. Bumaba ang kan'yang tingin sa magkahawak nilang mga kamay at doon, sa dagat ng mga tao na hinahawi ni Astraia, napagtanto niyang may nararamdaman siya para sa babae. Bata pa siya at alam niyang hindi pa niya dapat isipin ang kung ano mang pakiramdam na iyon. Ngunit sa kauna-unahang pagkakataon, ngayon lang bumilis ang pagtibok ng puso niya na para bang nakikipag habulan siya sa isang kabayo o sa isang kotse. Hindi kaba ang kan'yang nararamdaman, ibang klase iyon. Parang may kakaiba rin siyang nararamdaman sa kan'yang tiyan. Pakiramdam niya ay may mga paru-paro sa loob nito. Ngayon lang niya naramdaman ang lahat ng ito. Kahit na isa, dalawa o tatlong linggo lang silang nagkikita ni Astraia sa loob ng isang taon, hindi niya ito nagawang kalimutan. Alam ni Paul na ganito lang ang mangyayari sa kanila ngayon. Hindi sila magkikita araw-araw dahil nasa Maynila ang buhay niya. Wala namang problema roon dahil atleast, nagkikita pa rin sila. Siguro, kapag maayos na ang lahat at kaya na ni Paul ang kan'yang sarili, siya na mismo ang pupunta rito. Masayang-masaya si Paul na makasama ang babae. Ngunit mayroon lang siyang isang ipinagtataka, bakit parang hindi man lang nagbago ang itsura ni Astraia? Hindi rin siya tumangkad. Ang laki kasi ng itinangkad ni Paul sa nagdaang isang taon. Pero si Astraia, hindi man lang nagbago ang lahat sa kan'ya. Napansin din ni Paul na ang damit na suot ni Astraia noong nakaraang taon nang magkakilala sila, iyon pa rin ang kan'yang suot ngayon. “Ayan na Paul! Magsisimula na 'yung parada!” masayang sambit ni Astraia. Naiwala sa isipan ni Paul ang lahat ng pagtataka niya nang magsalita ang kan'yang katabi. Tumango siya at ngumiti rito. Masaya nilang pinanood ang parada kasama ang ibang mga tao na narito sa Panagbenga Park. Samantala, sa vacation house nila Paul, pabalik-balik ang lakad ni Paulina habang nakatingin sa labas ng kanilang bahay. Kinagat niya ang kan'yang daliri habang nakakunot ang mga noo. Bumuntong hininga ang kan'yang asawa na si Ernesto at ibinaba ang hawak na diyaryo. Tinanggal niya rin ang kan'yang salamin at pinunasan ito. Nag-angat siya ng tingin sa kan'yang asawa na pabalik-balik pa ring naglalakad sa kan'yang harapan. “Hindi mo na sana pinayagan ang anak mo na lumabas ng bahay kung patuloy ka rin namang mag-aalala...” sambit ni Ernesto. Napahinto si Paulina at napatingin sa kan'yang asawa. Ang nag-aalala niyang mukha ay mas lalo pang nag-alala. Naupo siya sa katapat na sofa at napabuntong hininga. “Ayaw ko naman siyang sakalin... Baka isipin niyang pinagbabawalan ko na naman siya at lumayo na naman ang loob niya sa akin.” bumuntong hininga muli si Paulina. Kumunot ang noo ni Ernesto. “Oh, anong problema mo ngayon? Malaki na si Paul, kaya na niya ang sarili niya at nagpaalam naman siya sa'yo, hindi ba...” Tumango si Paulina ngunit hindi pa rin mawala ang pag-aalala at kaba sa kan'yang dibdib. Nilaro niya ang kan'yang mga daliri bago magsalita. “Hindi ko naman inaalala na baka mapahamak si Paul, alam kong kaya na niya ang sarili niya...” napahinto siya at nagdalawang-isip kung sasabihin niya ba ang bumabagabag sa kan'yang isipan. “Naaalala mo ba 'yung sinabi ko sa'yo na may nakilala siyang babae sa hardin natin?” Kumunot ang noo ng kan'yang asawa. “Bakit? Anong meron sa kan'ya?” “Iyon daw ang kasama niya ngayon na manood ng parada. Astraia raw ang pangalan. Pero, Ernesto... Walang nagngangalang Astraia sa lugar natin. Nagtanong ako sa mga kapit bahay kahapon...”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD