Seasons of Blooming (2)

2546 Words
THIS IS A WORK OF FICTION. -*- 2017. Tahimik ang hapag ng pamilya Delgado, ang pamilya ni Paul. Halos hindi galawin ni Paul ang kan'yang pagkain dahil sa nararamdamang pagkamuhi sa kan'yang ina. Hindi maalis sa kan'yang isipan ang sinabi ng kan'yang Mommy paggising niya kanina. “Paul, umayos ka. Hindi ka na bata para umasta nang ganyan.” ma-awtoridad na sambit ng kan'yang ama. Napaigtad ang kan'yang tahimik na ina nang ibinagsak ni Paul ang mga kubyertos na hawak niya. Bumuntong hininga siya at tinanggal ang sapin sa kan'yang mga hita para makatayo na. “Tapos na po akong kumain.” sambit niya at naglakad paalis. Kahit na sumisigaw pa ang kan'yang ama at tinatawag siya, hindi niya na ito nilingon pa at lumabas na ng kanilang bahay. Hindi niya matatanggap ang sinabi ng kan'yang ina. Sinabi nito na hindi raw totoo si Astraia! Sinong maniniwala roon? Nangako pa nga si Astraia sa kan'ya na magkikita silang muli ngayong taon. “Paul, Anak...” Napalingon siya sa kan'yang likod nang marinig ang boses ng kan'yang ina. Ngunit nag-iwas din agad siya ng tingin dahil ayaw niya munang makausap ito. “Kakausapin ko lang po kayo kung babawiin niyo ang sinabi niyo, Mommy.” sambit niya sa matigas na boses. Wala siyang tatanggapin sa lahat ng mga sinabi ng kan'yang ina. Hindi niya iyon nagustuhan kaya naman inis na inis siya ngayon at hindi alam ang gagawin. Gusto niya na lang na makita si Astraia ngayon para naman gumanda kahit papaano ang araw niya. “Sorry, Anak... Hindi na ulit iyon sasabihin ni Mommy.” sa huli, sumuko rin si Paulina. Unti-unting napangiti si Paul dahil doon. Hinarap niya ang kan'yang ina at niyakap ito. Habang malaki ang ngiti ni Paul, hindi naman maiwasan ni Paulina ang mapaluha. Hindi ganito ang inaasahan ni Paulina Kailangan niya nang ayusin ang lahat bago pa lumala ang nangyayari. Nakaramdam ng guilt si Paul habang yakap ang kan'yang ina. Pakiramdam niya tuloy ay mali ang inasta niya at nasaktan niya ang kan'yang ina. Ayon pa naman ang pinakaayaw niya, ang masaktan ang Mommy niya. “Mommy, sorry po sa sinabi ko kanina... Sorry din po kung nagalit po ako sa inyo.” Humiwalay si Paul sa kan'yang ina at ngumiti siya rito. Tumango si Paulina at niyakap siyang muli. “Paul!” Kumunot ang noo ni Paulina nang humiwalay sa kan'ya ang anak. Mas lalo pang kumunot ang noo niya nang masayang nagpaalam sa kan'ya ang anak. “Tinatawag na po ako ni Astraia, Mommy. Mauna na po ako, manonood po kami ng parada ngayon kagaya ng ginawa namin last year!” Nanlaki ang mga mata ni Paulina dahil sa sinabi ng anak. May itinuturo si Paul ngunit hindi niya makita ang itinuturo nito. Nag-panic si Paulina ngunit dahan-dahan niyang pinakalma ang isip dahil hindi ito makakatulong sa sitwasyon. Sa huli, tumango siya kay Paul at pinayagan na ito sa kung ano mang gusto niyang gawin. “S-Sige, Anak... Mag-ingat kayo ni A-Astraia...” sambit niya. Pinilit niyang ngumiti. Nang tumakbo na si Paul palabas ng kanilang gate ay doon lang siya bumuntong hininga at tumalikod para makapasok na sa loob ng kanilang bahay. Isa lang ang naisip niya. Pagbalik nila ng Maynila, kailangan niya nang aksyonan ang nangyayari sa kan'yang anak. “Astraia, ang ganda mo pa rin...” Unti-unting lumingon si Astraia kay Paul nang sabihin niya ito sa kan'ya. Dahan-dahang ngumiti si Astraia at tumagal ang kan'yang tingin sa lalaki. Ang nakaangat na labi ni Paul ay unti-unting bumaba at napalitan ito ng pagiging seryoso. Hindi na siya nakangiti ngayon. Heto na naman at parang hinahabol na naman siya ng mga kabayo. “Thank you, Paul...” ngumiti si Astraia. Nagbago na ang itsura ni Astraia sa paningin ni Paul. Hindi man malaki ang itinangkad nito, nag-mature naman ang itsura niya. Ngunit ang suot niyang damit, ganoon pa rin. Iyong damit na suot niya noong una silang nagkita. Wala pa ring problema iyon para kay Paul. Ayos lang, gustong-gusto pa rin ni Paul ang kahit anong suotin ni Astraia. Hindi siya magrereklamo dahil hindi na iyon mahalaga. Minsan na nga lang sila magkita, irereklamo pa ba niya iyon? Pero sa ngayon, kailangan niya munang alamin kung bakit lumalapit ang mukha ni Astraia sa kan'yang mukha. Nanlaki ang mga mata niya at hinayaan lang ang ginagawa ni Astraia. “A-Astraia...” halos walang boses niyang sambit. Alam niyang bata pa siya... Pero bakit nagugustuhan niya ang paglapit sa kan'ya ni Astraia nang ganito? Nakaupo sila ngayon sa bakanteng bench.  Napagpasyahan nilang tumambay na lang muna at hintayin ang simula ng parada dahil masyado pang maaga. Hindi talaga maintindihan ni Paul kung bakit nasabi ng kan'yang ina na hindi totoo si Astraia. Dahil kung hindi nga ito totoo, bakit nakalapat na ang mga labi nito ngayon sa kan'ya? Doon niya lang napagtanto ang lahat, hinahalikan na siya ni Astraia! Nakapikit ito habang magkalapat ang kanilang mga labi. Ngunit si Paul, nakatingin lamang siya kay Astraia, nanlalaki ang mga mata at hinihintay na maghiwalay ang kanilang mga labi! Nang dumilat si Astraia at humiwalay sa kan'ya, napahawak siya sa kan'yang labi habang nakatingin pa rin dito. “B-Bakit m-mo 'y-yon g-ginawa?” hindi maintindihan ni Paul ang sinasabi niya dahil sa pagkautal. Ngumisi lang si Astraia sa kan'ya. “Gusto ko lang...” Humagikgik ito pagkatapos. Hindi na nasundan ang tanong ni Paul kahit na marami pa siyang mga tanong sa kan'yang isip bukod sa, bakit niya iyon ginawa? Gusto ba siya nito? Kasi kung hindi ang sagot niya? Bakit niya hahalikan si Paul? Kung ikaw ba, hahalikan mo ba ang taong hindi mo gusto? Nagulat na lamang siya nang isinandal ni Astraia ang ulo nito sa kan'yang balikat. Ilang segundo siyang nanigas sa kan'yang kinauupuan dahil sa gulat ngunit nakabawi rin 'di kalaunan. Nang silipin niya ang babae, nakapikit ito ngunit nakangiti. Napangiti rin si Paul. Kay Astraia lang niya nahahanap ang kagandahan ng sarili niyang mundo. Sa Maynila, madilim at halos walang liwanag ang buong paligid niya. Pero kapag nandito siya sa Baguio, ang lahat ay kaya niyang gawin basta nariyan sa kan'yang tabi si Astraia. “Alam mo ba, Astraia... Ikaw ang pinakamagandang babae na nakilala ko.” sambit ni Paul. Naramdaman niya ang pagtango ni Astraia sa kan'yang balikat. Kahit hindi niya ito silipin, alam niyang nakangiti ito. “Salamat naman kung ganoon.” humagikgik si Astraia. Mas lalong lumaki ang ngiti ni Paul dahil doon. Iyon ang pinakapaborito niya, ang tawa ni Astraia na palagi niyang naririnig.  Wala na siyang mahihiling pa bukod kay Astraia. Hihintayin lang ni Paul na tumanda sila nang kaunti at liligawan niya na ito. Si Astraia ang babaeng gusto niya. Hindi dahil hinalikan siya nito ngunit dahil binibigyang kulay nito ang buong buhay niya. “Sana palagi kang nasa tabi ko, Astraia...” 2020. Limang taon. Limang taon na ang lumipas simula nang unang magkakilala si Astraia at Paul. Buwan na naman ng Pebrero at nasa Baguio muli ang pamilya ni Paul para ipagdiwang ang Panagbenga Festival. “Ano, Paul, masaya ka ba sa regalo namin sa'yo?” tanong ng kan'yang ina. Tumango si Paul at tinapik ang harapan ng kan'yang kotse. Dala niya ito ngayon sa Baguio dahil balak niyang isakay si Astraia 'pag nagkita na silang muli. Labing walong taong gulang na ngayon si Paul kaya naman ito ang regalo sa kan'ya ng kan'yang ama. Masaya rin siya dahil maisasakay niya na si Astraia rito. Naisip niya na kailangan niya nang puntahan si Astraia kahit na sobrang aga pa. “Opo, Dad! Salamat po!” ngiting-ngiti si Paul nang nilingon niya ang kan'yang ama. Tumango ang nakangiting si Ernesto. “Sige na, mamasyal ka na muna. Dalhin mo ang kotse para makapunta ka kahit saan mo gusto.” Gusto sanang pigilan ni Paulina si Paul ngunit alam niyang nasa tamang edad na ito at mas matured na siya ngayon kung ikukumpara noong mga nakaraang taon. Maayos na rin siya ngayon at mayroon na rin siyang ibang kaibigan sa Maynila. College na si Paul ngayong taon. Nakapasok siya sa isa sa pinakasikat na Unibersidad sa Maynila. Iskolar siya roon. Sa totoo nga lang, nakapasa siya sa iba't-ibang malalaking Unibersidad sa Manila ngunit ang eskwelahan na iyon ang napili niya. Libre at walang bayad ang Unibersidad na iyon kahit na p'wede naman niyang piliin ang mga pribadong Unibersidad dahil kaya naman nilang magbayad. Pinanood ni Paulina at Ernesto na umalis ang kotse ni Paul. Napabuntong hininga si Paulina at tinignan ang kan'yang asawa. “Sa tingin mo, okay na siya ngayon, Dad?” tanong ni Paulina sa kan'yang asawa. Napabuntong hininga si Ernesto. “Tignan na lang natin pag-uwi niya mamaya.” Ngiting-ngiti si Paul habang nagd-drive ng kan'yang kotse. Panay ang tingin niya sa magkabilang bahagi ng kalsada dahil baka sakaling makita niya rito si Astraia. Sa mga nagdaang taon, alam niyang may kung anong espesyal ang namamagitan sa kanilang dalawa. “Nasaan na kaya siya... Sabi niya rito raw kami magkikita, eh...” bulong ni Paul. Umabot na ng tanghali ngunit hindi niya pa rin nakikita si Astraia. Kanina pa siya paikot-ikot sa Panagbenga Park. Dito kasi ang napag-usapan nilang lugar kung saan sila dapat magkita. Dito na rin talaga sila nagkikita sa loob ng tatlong taon. Hindi na nakapanood ng parada si Paul dahil sa kakahanap kay Astraia ngunit sadyang hindi lang talaga nagpapakita ang babae. Malungkot siyang umuwi sa kanilang vacation house ngunit nagulat siya nang ikasaya ito ng kan'yang mga magulang. “H-Hindi mo nakita si Astraia ngayong araw, Anak?” sambit ng kan'yang ina. Umiling siya. “Hindi po, Mommy. Bakit kaya gano'n? Eh, sa unang araw ko rito taon-taon, nagkikita na kaagad kami, eh...” Tumungo si Paul at napabuntong-hininga. Gusto niya pang hanapin si Astraia ngunit alam niyang hindi na siya papayagan. Naisip niyang may bukas pa naman at baka sakaling magkita na sila bukas. “Thank you, God...” Nagulat si Paul nang bigla na lamang siyang yakapin ng kan'yang ina. Ngiting-ngiti naman ang kan'yang ama habang tinitignan siya. “The mental therapy is worth it. It's worth the wait... I should thank your therapist.” Hindi maintindihan ni Paul ang sinasabi ng kan'yang ina ngunit hindi niya na iyon pinansin dahil hindi naman nagpaliwanag ang kan'yang ina sa kung ano man ang ibig sabihin ng mga sinasabi nito. Kinabukasan, maagang nagising si Paul para abangan muli si Astraia. Nagtataka na siya dahil hindi talaga ito nagpapakita sa kan'ya. Sa huli, napagdesisyunan niya nang magtanong-tanong sa mga taong nakatira malapit sa kanilang vacation house. “Hello po...” Napalingon sa kan'ya ang matandang babae binati niya. Nagdidilig ito ng mga bulaklak ngunit tinigil muna nito ang ginagawa nang lumapit siya. Napatingin si Paul sa mga bulaklak at naalala na naman niya si Astraia dahil Pink Tulips ang dinidiligan ng matanda. “Oh, hijo... Nandito ka na pala ulit. Magdidiwang ulit kayo ng Festival?” Tumango si Paul, ngunit hindi iyon ang pakay niya. “Opo... Uh, magtatanong lang po ako kung nakita niyo po ba si Astraia?” Napahinto ang matanda at kumunot ang noo nito. Hindi niya alam kung ano ang sinasabi ni Paul. Sinong Astraia? “Astraia? Apo, walang babae na nagngangalang Astraia sa baryo natin...” “P-Po? Pero...” nalilitong tinignan ni Paul ang matanda. Sa huli, napabuntong hininga na lamang siya at nagpasalamat sa matanda. Baka hindi lang nito kilala si Astraia dahil matanda na ito. Sa iba na lamang siya magtatanong. “Hijo, walang Astraia rito sa baryo. Hindi ko kilala kung sino ang sinasabi mo.” Iyon ang sagot sa kan'yang katanungan. Lahat ng mga punagtanungan niya, iyon lang ang sagot. Matanda man o bata, walang nakapagturo sa kan'ya kung nasaan si Astraia. Sinipa niya ang kan'yang kotse bago sumakay doon. Bakit iyon ang sinasabi ng mga tao sa kan'ya? Totoo si Astraia! Hindi p'wedeng hindi dahil apat na taon niya na itong kilala! Paanong hindi kilala ng mga tao rito sa kanilang baryo si Astraia kung dito siya nakatira? “Oh, Anak... Ang aga mo nakauwi?” nakangiting tanong ng kan'yang ina. Dire-diretso ang lakad niya papalapit dito. Niyaya siya ng kan'yang ina na umupo na ngunit tumayo lang siya sa gilid nito. Wala ang kan'yang ama dahil may trabaho ito. “My... Hindi ba totoo si Astraia?!” Hindi alam ni Paul kung ano ang nararamdaman niya. Galit, lungkot at pagkamuhi sa kan'yang sarili. Hindi niya maintindihan kung bakit ganoon ang nararamdaman niya. Gusto niya si Astraia ngunit hindi na niya ito makikita. Ayaw niya mang paniwalaan noon ang kan'yang ina, ngayon, nagdadalawang-isip na siya kung totoo nga ba si Astraia. Napatayo si Paulina at hinaplos ang mga pisngi ng kan'yang anak. Alam niyang hindi sapat ang ginawa niya noon. Sinabihan niya ang kan'yang anak na si Paul na hindi totoo si Astraia ngunit isang beses lang iyon at hindi niya na inulit pang muli sa kadahilanang ayaw niya ngang magalit si Paul sa kan'ya. “A-Anak... N-Natatandaan mo ba ang s-sinabi ko sa'yo noon, na hindi totoo si Astraia?” Unti-unting nanghina si Paul dahil sa narinig. Ibig sabihin... Totoo nga ang lahat ng mga sinasabi ng pinagtanungan niya? Hindi totoo si Astraia? Pero... Sigurado siyang nakita niya ito! “My...” Bumuntong hininga si Paul para pigilan ang pagluha. Pulang-pula na ang kan'yang mga mata dahil sa pagpipigil. Niyakap na lamang siya ng kan'yang ina. “Hindi totoo si Astraia, anak... Produkto lang siya lahat ng imahinasyon mo. Dito mo lang siya nakikita sa Baguio dahil iyon lamang ang gusto mo, iyon ang itinatak mo sa isipan mo...” Natulala si Paul. Naisip niya na ito noon ngunit hindi niya pinaniwalaan ang kan'yang sarili dahil mas gusto niyang maniwala na totoo si Astraia. Ayaw niyang mawala ito sa kan'ya ngunit ngayon, alam niyang nabitawan niya na ito. “Alam mo ba kung bakit hindi mo na nakikita si Astraia ngayon, Paul?” ngumiti ang kan'yang ina. “Dahil magaling ka na. Recovered ka na mula sa depresyon. At masaya ako na nilabanan mo ito sa loob ng ilang taon...” Oo, simula nang ma-diagnose si Paul na may depresyon siya, roon din siya nagsimulang makita si Astraia. Ito ang nagsilbing kaibigan niya sa buong madilim niyang paligid na kung tawagin ay depresyon. Masaya siya kapag nariyan si Astraia dahil itinatak ni Paul sa kan'yang isipan na si Astraia ang magpapaliwanag sa kan'yang mundo. Ngunit hindi ito ang totoong makakatulong sa kan'ya. Hindi si Astraia, kung hindi ang proper therapy para sa kan'yang depresyon. Masaya siya na nakilala niya si Astraia dahil ginawa niya ito sa kan'yang imahinasyon at tinulungan siya nitong makita ang kagandahan ng mundo. Pero ngayon, hindi niya na ito kakailanganin pa dahil totoong magaling na siya. Sa mundong ito, tayo lang din ang makakatulong sa ating mga sarili. Ang sarili lang din natin ang ating magiging karamay sa bandang huli. Maraming taon ang lumipas ngunit hindi kinalimutan ni Paul si Astraia. Pinili niyang huwag itong alisin sa kan'yang isipan dahil siya rin naman ang may gawa sa babae. Kaya naman pala hindi nagbabago ang damit na suot nito sa t'wing nagkikita sila dahil hindi naman pala talaga ito totoo. Sa tulong ng therapy na tatlong taong isinagawa ni Paul, nakayanan niya ang depresyon at ngayon nga ay magaling na siya. Salamat na rin kay Astraia na binigyan ng kulay ang kan'yang mundo noong inaaatake pa siya ng kan'yang depresyon. Sa totoo nga lang, hindi alam ni Paul na kapag may homeschool siya noon, iyon na pala ang therapy niya. Hindi iyon pinaalam ng kan'yang mga magulang dahil ayaw nilang magalit siya sa mga ito. Alam nila kung gaano niya kagustong makita at makasama si Astraia ngunit kapag gumaling na siya, hindi niya na ito makikita. Napangiti si Paul habang inaalala ang lahat. Tinignan niya ang mga pink Tulips sa kanilang hardin at muling inalala ang babaeng may paborito nito sa kan'yang isipan nang may umupo sa kan'yang tabi. Nilingon niya ito at nakitang sumasandal na ito sa kan'yang balikat. “Astraia!” sigaw ni Paul. Lumingon sa kan'ya ang batang babae na dinidiligan ang mga pink Tulips. Tumigil ito sa ginagawa at tumakbo papalapit sa kanilang dalawa. “Ang ganda ng pangalan ng anak natin, Mahal...” Nilingon niya ang babaeng nakasandal sa kan'ya ngayon. Ngumiti si Paul at tumango. Hindi niya na kailangang kalimutan si Astraia. Dahil ito na ang ipinangalan niya sa anak niya. Fin.

Great novels start here

Download by scanning the QR code to get countless free stories and daily updated books

Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD