Chapter Two
Gusto kong magtulog-tulugan nang maramdaman kong pumasok ang kakambal ko sa silid namin ng anak ko. Sabado ngayon, walang pasok ang mga bata. Kasalukuyang nasa kusina ang mga ito kaya mag-isa ko sa silid.
"Andeng, nasa sala si Rojan. Haharapin mo ba?" tanong ni Anais sa akin. Ilang araw na simula nang katangahan ko. Halos araw-araw na narito si Rojan at paulit-ulit na ipinapaalala na kinuha ko raw ang puri n'ya. Sabihin na lang natin na one night stand lang iyon... hindi ba pwedeng kalimutan na lang n'ya? Bakit kailangan n'ya akong guluhin?
Lasing ako no'n! Saka pareho rin naman naming ginusto. Bakit pilit n'yang iginigiit na kailangan ko raw siyang pakasalan? Sumasakit ang ulo ko.
No'ng walang lalaki sa buhay ko ay tahimik naman ang buhay ko, eh. Pero ngayon na binigyan ako ng lalaki ay nagsabay pa. Hindi lang sila nagkakasabay nang punta. Pero halos araw-arawin nila ang pagbisita.
"Anais, sabihin mo wala." Mahinang sagot ko sa kapatid.
"Kausap na ng dalawang bata. Magsisinungaling pa ba naman kami?" sarcastic na tanong nito. Pero natawa pagkatapos.
Wala tuloy akong nagawa kung 'di bumangon para lang harapin ang lalaki.
Nang makarating ako sa sala ay masayang nakikipagkwentuhan ang dalawang bata sa lalaki.
"Hindi ikaw si Tito Rowan? Ikaw si Tito Rojan? Pogi ka rin. Pareho kayo ni Tito Rowan. Kambal kayo?" bakas sa tinig ng anak ko ang curiosity.
"Yes. Kambal kami." Dinig kong sagot ni Rojan sa anak ko.
"Gusto mo ba ang Mama Andeng ko? Single siya. Mukhang hindi n'ya gusto si Tito Rowan kaya pwedeng ikaw na lang. Pwede kitang maging papa. May dala ka pang flowers. Manliligaw ka ba?"
"Elio." Tawag ko sa anak ko. Buong buhay ng batang ito ay puro pag-unawa ang ginawa nito. Sa sitwasyon ng buhay namin, sa pagkamulat nito na walang ama sa tabi n'ya, kahit ngayon na naghahanap na siya nang tatayong ama.
"Mama, malakas na ang kutob ko na magkaka-papa na ako." Nakangising ani ng bata. "Tito, marunong ka bang mag-basketball? Pangarap ko kasing magkaroon ng papa tapos makakalaro ko sa basketball, eh."
Parang piniga ang puso ko sa sinabi ng anak ko. Kahit masaya nitong sinabi iyon ay masakit pa rin para sa akin na ina nito na marinig ang gano'ng bagay mula sa anak ko.
Masaya naman kami ni Elio. Pero sadyang may parte talaga sa batang lalaki na naghahanap ng taong pwedeng tumayong ama sa kanya.
"Magaling ako sa basketball. Sa susunod na punta ko rito ay maglalaro tayo, okay ba sa 'yo iyon?"
"Siyempre po! Okay na okay po sa akin iyon." Nakipag-high five pa ito sa lalaki.
"Elio, samahan mo si Tempepe. Tawag siya ng Mama n'ya."
"Okay po, mama. Kung may date po kayo ni Tito Rojan ay okay lang po sa akin na umalis ka."
"Taray ni Mama Andeng! Maglo-love life na talaga." Isa pa itong Tempepe na ito. Talagang kilig na kilig. Sinesenyasan ko na lang silang dalawa na magmadali. Nang maiwan kami ni Rojan ay seryosong tinitigan ko ito.
Wala akong ibang alam sa lalaking ito kung 'di ang pangalan nitong Rojan at kakambal nito si Rowan. Iyon lang ang alam ko sa lalaking ito. Pero suot ko na ang singsing na galing sa kanya, at halos araw-araw na narito para magdala ng bulaklak para sa akin.
"Can we talk?" seryosong ani ng lalaki. Tinitigan ko siya. Saglit na nag-isip kung dapat ko ba siyang pagbigyan. "Pag-usapan natin iyong tungkol sa atin, Andrea. Iniiwasan mo ako. Alam kong gano'n din ang ginagawa mo kay Rowan. Pero sa tingin mo ba sa ginagawa mong pag-iwas ay maaayos natin ito? Gusto mo bang kausapin ko si Elio para siya na ang tumulong sa akin na makausap ka nang maayos?"
"Huwag mong idamay ang anak ko, gago ka!" malutong na mura ko rito. Nagkibitbalikat lang ang lalaki.
"Try me, Andrea. Kapag hindi ko nakukuha ang gusto ko ay nagiging padalos-dalos ang kilos ko." Sabay kindat nito. Kumindat lang ito, pero parang ang gwapo na n'ya sa paningin ko.
Hoy! Hindi pwedeng gano'n.
"Sama ka sa akin. Huwag tayo rito. Pero kung gusto mong marinig nila ang pag-uusapan natin ay okay lang din naman. Pabor sa akin."
"Damn you." Kulang na lang ay mapapadyak ako sa labis na inis na nararamdaman ko.
Minamanipula ako nito. Hindi iyon nakakatuwa. "Magpapaalam lang ako saglit." Sabay irap at talikod. Nagmartiya ako pabalik sa silid. Inis na inis talaga ako.
"Anais," tawag ko sa kakambal na nakikipagkwentuhan kina Tempepe nang pumasok ako sa silid.
"Yes?"
"A-alis ako." Paalam ko rito.
"Go! Ako na ang bahala rito." Tinignan ko si Elio. Ang lawak talaga nang ngiti ng anak ko.
"Anong nginingiti-ngiti mo d'yan?" tanong ko sa batang lalaki.
"Masaya ako para sa 'yo, Mama Andeng." Diyos ko po. Mukhang umaasa na talaga ang anak ko na magkakapapa na siya.
"Aalis lang kami para mag-usap. Magpakabait kayo rito kay Mama Anais n'yo." Tinungo ko ang cabinet ko at nagsimula akong maghanap nang bihisan. Nang makakita ng simpleng pamalit ay agad na akong nagbihis sa banyo.
Tapos wisik-wisik lang ng pabango at nag-ipit ng buhok. Pagkatapos no'n ay tuluyan na akong nagpaalam.
Nakikitira kami ni Elio rito sa mansion sa hacienda ng mga Aiden.
Nang makasal si Anais kay Storm ay sila ang unang lumipat dito. Kami ni Elio ay nagpaiwan sa kubo. Pero nang mabuntis ulit si Anais ay pinakiusapan nila akong tumuloy na muna sa mansion kasama si Elio. Tumigil na rin ako sa trabaho dahil nais ko rin namang nasa tabi aki ng kakambal ko sa sitwasyon n'yang iyon.
Hanggang ngayon ay nakikitira pa rin kami rito. Nag-iipon din naman ako.
Ilang taon na simula nang mailagay sa pangalan ng mga tauhan sa hacienda ang mga loteng matagal nang tinirikan ng mga bahay. Nag-iipon ako para makapagpatayo na ng sariling bahay. Wala akong trabaho, pero may allowance ako sa magulang ko buwan-buwan.
Hindi ako magpapakaepokrita. Malaking tulong sa aming mag-ina ang allowance na ibinibigay. Tinatanggap ko iyon para sa anak ko. Si Storm at Anais ay nagbibigay rin ng allowance naming mag-ina. Hindi kailangan. Pero sabi ni Anais ay ipunin ko na lang din daw para kay Elio... para kay Elio ay pumayag na lang din ako.
"Saan tayo pupunta?" tanong ko sa lalaki. May nakasalubong pa kaming sasakyan na tiyak kong pag-aari ni Rowan.
"Sa apartment. Mag-uusap tayo roon."
"Mag-uusap lang tayo, Rojan. Hindi na mauulit iyong nangyari sa atin. One night stand nga lang iyon kung tutuusin."
"It's fine. Pero kung bigla mo akong kailanganin ay magsabi ka lang. Willing to serve you, ma'am."
Kumindat pa ito.
"Mag-focus ka na nga muna sa pagmamaneho." Pagtataray ko rito. "By the way, kapatid mo iyong nakasalubong natin."
"I don't care. Manliligaw rin sa 'yo iyon. I'm not going to give him a chance. Ako ang pakakasalan mo, Andrea. Hindi siya pwedeng umeksena." Seryosong ani ng lalaki.
"Rojan, alam mo ba ang one night stand? Tanggap ko na sa sarili ko na tatanda akong dalaga. Kaysa pumasok pa sa masalimuot na relasyon tapos makakaapekto lang sa anak ko. Masaya naman kami ni Elio na kami lang dalawa."
"Mas sasaya kayo kung mabibigyan mo siya ng papa na willing din namang tumayo bilang ama sa kanya." Nakarating kami sa apartment nito na iyon pa rin ang topic naming dalawa.
"Sabihin mo nga sa akin... ano ba talaga ang pakay mo sa akin?" deretsang tanong ko na rito. Nakapasok na rin naman kami rito sa apartment n'ya. "Kung asawa talaga ang kailangan mo ay pwede naman iyong mga single at walang sabit. Bakit ako ang ginugulo mo? May plus one ako, Rojan. Si Elio. Kung papasok ako sa isang relasyon ay kasama siya."
"I know, Andrea. Saka hindi kabawasan sa 'yo na may anak ka. I want to marry you. Bukod sa kailangan mo akong panagutan dahil kinuha mo ang puri ko---"
"Ulol! Hindi ka na virgin no'ng may nangyari sa atin. Huwag kang magsinungaling. Baka sa sobrang sinungaling mo ay kunin ka agad ni Lord."
"Ito naman... huwag mong ipagdasal. Baka mabyuda ka agad." Pinalo ko ang braso nito. Kahit nasaktan ito sa ginawa ko ay idinaan n'ya lang iyon sa pagtawa.
"Seryoso ako, Rojan. Ito na iyong singsing mo. Hindi talaga kita pakakasalan." Hinubad ko ang singsing saka iniabot iyon dito. Nakaupo na ito ngayon sa couch, habang ako'y nakatayo at iniaabot dito ang singsing na ibinigay nito sa akin.
Pero imbes na kunin nito ang singsing ay humawak ang kamay nito sa pulso ko. Saka n'ya ako hinila kaya bumagsak ako paupo sa couch. Sa tabi n'ya.
"Rojan!" reklamo ko sa lalaki. Pero iyong pagiging playful nito ay napalitan nang kaseryosohan.
"Mukha pa rin ba akong nakikipagbiruan sa 'yo, Andrea?" tanong ng lalaki sa akin. "Pakakasalan mo ako."
"Ayaw ko. Kahit isumbong mo pa ako sa tatay ko---"
"Sa tingin mo ba'y iyon lang ang kaya kong gawin?" natigilan ako. Parang nag-iba ang katauhan ng taong kaharap ko.
"A-nong ibig mong sabihin?" kumakabog na nang malakas ang dibdib ko. Parang bigla akong natakot.
"Marami pa akong kayang gawin, Andrea." Saka nito hinawakan muli ang kamay ko at ibinalik ang singsing na hinubad ko sa daliri ko.
"Anong ibig mo ngang sabihin? Sasaktan mo ako? Idadamay mo ang pamilya ko?"
"Oo, Andrea. Kapag sinuway mo ang gusto ko... damay pati ang buo mong pamilya." f**k it! Ano ba itong nasuungan ko? Dahil sa tama ng alak ay nasa ganitong posisyon tuloy ako. s**t!