Chapter 6

1209 Words
Chrylei Criox's Pov Dalawang linggo na ang nakalipas mula nang maganap ang pagtanggap sa akin ng buong Holy Class. Wala namang pagbabago sa bawat araw. May mga nagtatangka pa ding mambully tuwing ako ay mag-iisa pero hindi sila nagtatagumpay dahil sa singsing na bigay ni Zenia. Maayos ang pag-aaral ko at nakakasabay na ako sa bawat asignatura sa klase. Nakakasanayan ko na din ang pagta-trabaho sa Sai Cafe at nagsisimula na akong mapalapit sa mga katrabaho ko doon. At idagdag pa ang karagdagang pag-aaral ko tungkol sa kasaysayan ng Attila sa tulong ni Red na madalas kong makasama sa garden ng HKU. Nakakamangha syang magturo dahil detalyado ang bawat paksang ikinu-kwento nya sa akin na para bang naroon sya nang mangyari iyon. Pero imposible naman iyon dahil sinabi nyang hindi nalalayo ang edad namin. "Maaari mo bang ikwento ang tungkol sa kanya?" Itinuro ko ang estatwa na nasa fountain. "Hindi ko alam pero pamilyar kasi sya sa akin." Tumingin sya sa estatwa. "Her name is Snow White from the Ancient Family." "Ancient Family?" Tumango sya at bumaling sa'kin. "Ang kasalukuyang 13 royal family ay nabuo lamang nang mawala ang ancient family na itinalaga ng langit na mangalaga sa buong Attila." "Itinalaga talaga ng langit?" "That's why their family holds the strongest power in Attila's history." sabi nya. "They are the one who protects the whole world." "Ah. Ang shield ang sinasabi ni Cali na pinakamalakas na kapangyarihan na galing sa Ancient family." sabi ko. "Dahil kahit hindi ito sanayin ay walang anumang kapangyarihan ang maaaring makatalo dito." "Yup," pagsang-ayon nya. "Pero may paraan pa din para matalo ito." "Eh?" "At iyon ang ginamit ng kalaban para wasakin ang buong pamilya nila." Nakita ko ang pagdaan ng lungkot sa mga mata nya ngunit mabilis din iyong nawala nang tumingin sya sa akin. "At si Snow White ang huling kabilang sa pamilyang iyon." "Hindi ba sya nagkaroon ng pamilya?" Umiling sya. "Hindi dahil ginamit ng kalaban ang pinakamamahal nya para makuha ang kapangyarihan nya at masira ang nag-iisang lugar na itinuring nyang tahanan." "Ibig sabihin ay nawala na ang kapangyarihan ng shield." Nagkibit-balikat sya. "Iyon ang hindi malinaw sa panahon ngayon dahil maraming sabi-sabi na bago mamatay si Snow White ay naipasa na nya sa mapagkakatiwalaang nilalang ang kanyang kapangyarihan." Tumingin syang muli sa estatwa. "Hindi kasi sya mamamatay kung nasa kanya pa ang kapangyarihang iyon." At muli kong nakita ang lungkot na iyon. Hindi lang basta lungkot. May halo iyong pangungulila na nagpapagulo sa'king isip gayong noong unang panahon pa nabuhay ang babae. "Si Snow White ba ang dahilan kung bakit nagkasundo ang dalawang kaharian na nag-aagawan sa pamumuno ng Attila noon?" Napalingon sya sa akin. "Iyon ang paksa ng pag-aaral namin kanina at sinabi ng aming guro na isang nilalang ang naging dahilan kaya natapos ang digmaan sa pagitan ng Unmei at Mirai Kingdom para sa pamumuno sa mundo." kwento ko. "Na ito ang nagsakripisyo para matapos ang gulo?" Tinitigan nya ako pagkuwa'y tumango. "Kung ganoon ay bakit hindi binabanggit ang pangalan nya sa anumang libro tungkol sa kasaysayan?" Mapait syang ngumiti at ginulo ang buhok. "Tulad ng sinabi ko, habang lumilipas ang panahon ay sinisimulan na syang alisin sa kasaysayan ng mundong ito. Marahil ay ayaw nilang malaman ng lahat kung ano talaga ang nangyari noon para matapos ang gulong sila din ang may gawa." "Ano ba talaga ang nangyari noon?" tanong ko na ikinatigil nya. Pero ilang sandali ay tumayo sya at nag-inat. "Hindi na siguro mahalaga kung ano ang nangyari noon. Ilang dekada na ang nakalipas kaya kahit malinawan pa ang lahat ay wala na ding magbabago. Ang dapat nating pagtuunan ng pansin ay ang kasalukuyan upang maiwasan ang anumang pagkakamali sa nakaraan at hindi na iyon maulit pa." "Chrylei?" Napalingon ako sa entrance ng garden at nakita ko ang nakakunot noong si Faero. Mukhang kanina pa ako nito hinahanap. Agad syang lumapit sa akin. "Anong ginagawa mo dito?" "Ah—" Bumaling ako kay Red pero paglingon ko sa kinatatayuan nya ay wala na sya doon. Saan nagpunta iyon? Ni hindi man lang nagpaalam at bigla na lamang nawala. Hindi ko tuloy sya maipapakilala kay Faero. "May kasama ka ba dito?" muling tanong ni Faero. Tumango ako at bumaling sa kanya. "Iyong sinasabi ko na nagtuturo sa akin ng ibang tungkol sa kasaysayan. Pero hindi ko napansing nakaalis na pala sya." Iniligpit ko ang mga pinaglagyan ng pagkaing dinala ko para kay Red tsaka tumayo. "Sayang at hindi ko sya naipakilala sayo." Tumangu-tango lang si Faero habang inililibot ang tingin sa paligid. "Kanina mo pa ba ako hinahanap?" Kumapit sya sa braso ko at hinila na ako paalis ng hardin. "Oo. Kanina pa tapos ang training kaya hinanap kita nang makitang wala ka sa room." Pagtapos kasi ng aming klase ay mayroon silang sari-sariling klase para sa pagsasanay ng kanilang kapangyarihan. At dahil wala naman akong kapangyarihan ay wala akong ganoon. "Alam mo namang tuwing nasa pagsasanay ka ay dito ako pumupunta para magkaroon ng dagdag kaalaman tungkol sa kasaysayan." "Marami ka naman bang natutunan?" tanong nya na tinanguan ko. "Oo. At ang pinakahuli kong nalaman ay ang tungkol kay Snow White." Natigilan sa paglalakad si Faero kaya napatingin ako sa kanya at bakas ang gulat sa kanyang mukha. "Faero?" Tumingin sya sa akin at hinawakan ang balikat ko. "Anong pangalan ang binanggit mo? Ulitin mo nga?" "Snow White. Ang naging daan upang matapos ang digmaan sa pagitan ng Unmei at Mirai Kingdom noong unang panahon." sabi ko. "Bakit? May problema ba doon?" "Chrylei." Humigpit ang hawak nya sa balikat ko at base sa kanyang reaksyon ay may hindi ako magandang nasabi. "Alam kong gusto mo lang matutunan ang history ng Attila pero huwag mong babanggitin ang pangalang iyan sa kahit sino. Lalo na sa klase natin, okay?" "Bakit?" Huminga sya ng malalim at hinila ako pabalik ng garden. "Hindi ko akalain na mararating mo agad ang tungkol sa babaeng iyon kaya hindi ko ito sinabi noon pero mukhang kailangan mo nang malaman." sabi nya. "As you can see, malaki ang nagawa nya sa kaayusan ng mundo natin pero sinasabi ng mga Elders na ang pagbanggit sa pangalan nya ay may kaakibat na sumpa." "Eh?" Tumangu-tango sya. "Ang sinumang magbabanggit sa pangalan nito ng higit sa sampung beses ay malalagay sa panganib. Kaya huwag mo na uling babanggitin ang pangalan nito." "May sumpa ang kanyang pangalan?" "Hindi nilinaw ng mga Elders ang proseso ng sumpa pero ang sabi nila ay ang babaeng iyon ang nagbigay ng sumpa dahil hindi nya matanggap ang kamatayang sinapit para lamang matapos ang gulo sa mundong ito." paliwanag nya. "Kaya please, don't say her name ever again, okay?" Tumango ako kahit ang totoo ay hindi ako kumbinsido sa sinasabi nya. "Tara na nga. Siguradong kanina pa tayo hinihintay nila Aimur." At muli syang kumapit sa braso ko at hinila ako paalis ng garden.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD