Chapter 5 - Workaholic

1617 Words
Sanay na si Samuel sa walang puknat na interogasyon ng kanyang ina at mga auntie niya sa tuwing nakakusap niya ang mga ito. Patunay roon ang pag-e-enjoy niya sa pagkukwento sa mga ito habang salo-salo silang kumakain ng pananghalian. Ang ina niya at mga tiyahin ang nagluto ng mga pagkain kaya ganadong kumain si Samuel. “Kaidad mo lang kamo ang boss mo,”ani ng Auntie Fely niya habang sumasandok ng ulam na minudo. Panganay na kapatid ito ng kanyang ina. “Opo, Auntie. Ilang araw lang din ang pagitan ng karawan naming dalawa. Binilhan ko nga siya ng cake noon bilang regalo. Nagpasalamat siya pero hindi man lang ngumiti,” k’wento pa ni Samuel. “Naku, baka hindi masarap ang cake na ibinigay mo. Teka, ang boss mo binilhan mo ng cake pero ang mama mo hindi?” ani pa ng Auntie Fely niya. “Naku, imposibleng makalimutan ko ang mama ko. Syempre meron ding cake ang mahal kong Mama.” Kinuha niya ang cake na binili niya kanina sa nadaanang bake shop habang pauwi siya. Idineretso niya ito sa ref kayat hindi kaagad nakita ng ina. Ang regalo naman niyang damit na binili niya sa isang sikat na boutique ay naiabot na niya kanina kasama na rin ang pabangong ibinigay ni Shalanie. Kitang-kita ang kaligayaan sa mukha ng kanyang ina. “Salamat, anak. Hala, kumuha ka pa ng kanin. Nangangayayat ka na kakatrabaho. Baka puro instant noodles lang ang kinakain mo,” pag-aalala naman ng kanyang ina. Natawa siya sa sinabi ng ina. Ganoon na ba talaga siya kapayat ngayon at naisip nito na instant noodles lang ang kinakain niya. Kumakain pa rin naman siya ng masarap na pagkain pero iba pa rin ang luto ng kanyang ina kaya hindi siya ganoon kaganang kumain nang mapunta siya sa Canada. “Hindi naman po, Ma. Tingnan mo ang laki pa rin ng mga muscles ko,” pagtangi niya at ipinakita pa niya sa ina ang namumutok niyang mga muscles. Nagkatawanan sila. Nagulat sila ng may malakas na bumati sa ina ni Samuel mula sa pinto ng dining. It was Amara a former flame of his. Hindi niya inaasahan ang pagdating nito. Napakalayo kasi ng Pilipinas to Canada para lang puntahan sila nito. Bigla naman niyang naalala na baka may business trip ito. “Happy birthday po, Tita.” Lumapit ito at kaagad na nagbeso sa ina ni Samuel. May iniabot din itong paper bag na siguro ay naglalaman ng regalo para sa kanyang ina. Malapit ito sa nanay niya kahit matagal ng tapos ang relasyon nila. Malamang ang ina niya ang nagsabi ng address nila dito sa Toronto. Nag-beso din ito sa dalawa pa niyang tiyahin bago siya naman ang pinansin. “Kumusta naman ang Canada boy natin?” paunang bati naman nito kay Samuel. “Syempre guwapo pa rin,” pagmamayabang niya at ngumiti ng malapad dito. Hinagod siya nito ng tingin. “Mukhang tama ka. Mas lalo ka yatang gumuwapo. Mukhang hiyang na hiyang ka dito.” “Ang ibig mo bang sabihin nakakaguwapo ang sobrang puyat sa trabaho?” sabad ng Auntie Fely niya. “Parang ganoon nga po, Tita,” sagot ni Amara. Nagkatawanan silang lahat. Pinaupo na ng ina ni Samuel si Amara upang makasabay na nila ito sa pagkain. Naupo ito sa katabing upuan ni Samuel. Nasa first year college siya ng maging nobya niya si Amara. Tumagal ng tatlong taon ang relasyon nila. Naghiwalay sila dahil nawalan sila ng oras para sa isa’t isa. Marami na kasi silang mga aralin noon at pareho silang naging busy. At isa pa ay magkaiba sila ng skwelahan kaya bihira lang silang magkitang dalawa. Sa kabila niyon ay naging magkaibigan pa rin silang dalawa. Kung minsan ay tinutukso sila ng mga tiyahin na magbalikan na lang daw silang dalawa total ay pareho naman silang single. Ngunit Malabo na atang mangyari iyon. Ramdam ni Samuel na may pagtingin pa rin sa kanya si Amara ngunit si Samual naman ay tanging kaibigan na lang ang turing niya rito at wala ng kahit anong special feelings na nararamdaman. Sa kalagitnaan ng kwentuhan ay nabalik siya sa hot seat at naulit na naman ang usapan tungkol sa trabaho niya. Nagtanong uli ang ina niya tungkol sa estado niya sa MWSI at ang madalas na pag-o-overtime niya. Pati ang tungkol sa boss niya. Ganoon ka kulit ang ina niya at mga tiyahin. “Baka naman kailangan lang mag-asawa ng boss mo, anak, para bumait na siya,” wika ng kanyang ina. “Naku, malabo pa sa sabaw ng pusit iyon, Ma. Sino naman ang magtatangkang magyaya roon na magpakasal? Wala nga yatang nanliligaw doon. Terror ‘yon, e.” “Ligawan mo kaya.” Suhestiyon ng Auntie Lydia niya. Ang bunso namang kapatid ng kanyang ina. Bahagyang nasamid si Samuel kayat kaagad siyang uminom ng tubig. Si Amara naman ay nanahimik. Tiningnan nito si Samuel at hinintay ang magiging sagot nito. “Malabo po, Auntie. ‘Pag ginawa ko ‘yon para akong kumuha ng malaking batong ipupukpok ko sa ulo ko. Literally speaking.” Natawa ang mga tiyahin niya. Hindi naman kumbinsido roon si Amara dahil iba ang pakiramdam nito roon. Iba ang nakikita nito sa mga mata ni Samuel habang sinasabi iyon. Pakiramdam tuloy nito may mga maliliit na karayom na tumutusok sa dibdib nito. Wala namang reaksyon ang kanyang ina. Tahimik lang ito. Nakita na kasi nito si Shalanie sa picture na nasa cell phone ni Samuel. Kuha iyon nang birthday ni Shalanie na nagbigay si Samuel ng cake. Ang sabi ng ina ni Samuel ay bagay daw sila ng boss niya. Hindi naman niya sineryoso iyon. Malabong magustuhan siya ni Shalanie. Alam niyang mataas ang standards nito sa lahat ng bagay lalo na siguro pagdating sa lalaking gugustuhin nito. Nang matapos silang kumain ay lumipat sila sa sala at doon itinuloy ang masayang kwentuhan nila habang mga prenteng nakaupo sa sofa. Naiba na ang paksa ng usapan nila ngunit si Samuel pa rin ang puntirya. Paminsan-minsan naman ay si Amara ang tinutukso ng mga ito. Ibang klase talaga kung makapanukso ang mga tiyahin ni Samuel. “Kailan ka ba kasi lalagay sa tahimik, Sam? Hindi ka na bata. Huwag mong sabihin na balak mong gayahin kami ng Auntie Lydia mo,” ani ng Auntie Fely niya. Matandang dalaga kasi ang dalawaang tiyahin niya. Nasa edad fourties na ang mga ito. Pihikan kasi ang mga ito kayat hindi na nakapag-asawa pa. “Darating din tayo d’yan, Auntie. Si Amara ang dapat na binubuyo ninyo na mag-asawa na. Matanda na ang isang ito.” “Excuse me, mas matanda ka sa akin ng isang taon,” pagmamaktol naman ni Amara. “Maraming manliligaw itong si Amara. Ikaw itong walang nililigawan. Akala ko ba maraming may crush sa iyo doon sa Manila. Wala ka bang nagugustuhang babae roon? Baka naman foreigner ang type mo. Aba, e bumuo ka na ng anak habang kaya pa naming mag-alaga ng apo,” pambubuyo pa ng Auntie Fely niya na sinang-ayunan naman ng Auntie Lydia niya. Tinawanan na lang niya ang mga ito. Nakahinga siya ng maluwag nang mawala sa kanya ang atensiyon ng lahat nang ibida ng kanyang ina ang inerigalong pabango ng boss niya rito. “Mabait naman pala, e. Tamo nga at naisip niyang regaluhan ang mama mo ng mamahaling pabango,” komento ng Auntie Lydia niya. “Normal lang naman ang ganoon, Auntie,” wika niya. “Magluluto ako ng special na kaldereta at dalhan mo ang boss mo, anak. Gustong-gusto ko ang amoy ng pabango na ibinigay niya. Amoy dalaga na ulit ang mama mo,” masayang ani ng kanyang ina. Mukhang hindi lang ang pabango ang nagustuhan ng ina niya, mukhang nagugustuhan din nito ang boss niya. Natawa na lamang siya at napailing. Kahit makulit ang mga meyembro ng pamilya niya, it was the family he would never trade for any wealth in the world. Kahit lumaki siyang walang ama. Bawing-bawi naman siya sa pagkakaroon ng mapagmahal na ina at mababait na tiyahin. Ang isa pa niyang ipinagpapasalamat ay ang pagkakakilala nila ng matalik na kaibigan ng kanyang yumaong ama. Utang niya kay Julio Enrique ang kung anong mayroon siya ngayon. Ito ang nagpaaral sa kanya sa Pilipinas at maging sa ibang bansa. Ito rin ang naging susi para makilala niya ang kanyang ama kahit patay na ito, pati na rin ang pamilya nito. Nakita niya ang kanyang ama sa unang pagkakataon kahit sa larawan lang noong magpunta siya sa bahay ni Mr. Enrique. Natuwa siya ng maalala ang sinabi ng kanyang ina na para silang pinagbiyak na bunga ng kanyang ama. Talagang magkamukha sila at hindi maipagkakaila na sila ay mag-ama. “Sam, si Julio ba, e, pinuntahan ka na niya dito?” bigla ring naitanong ng kanyang ina. Walong buwan na siya sa Toronto ay hindi pa siya napupuntahan nito. Marahil ay abala ito sa trabaho. Isa rin kasi si Mr. Enrique sa company lawyer ng MWSI at maging ng pamilyang Mattsons na may ari ng MWSI. “Hindi pa po, Ma. Ang alam ko po ay naririto rin siya ngayon sa Toronto pero hindi pa po niya ako tinatawagan,” nakangiting sagot niya sa kanyang ina. “Sana ay dumalaw siya rito bago kami makabalik ng Pilipinas.” “Oo nga po, Ma.” Maya-maya ay tumunog ang cell phone niya. Madali niya itong dinukot sa bulsa ng suot niyang pantalon. Binuksan niya ito at tiningnan. May mensahe galing kay Shalanie. Kaagad niya rin itong binasa. Nagpadala raw ito ng ilang dokumento sa e-mail niya na kailangang i-edit ang wordings. Napailing na lamang siya sa mensahe nito. Napakaworkaholic talaga nito. Kailan kaya ito mag-e-enjoy sa buhay at hindi iisipin ang trabaho?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD