HE Chapter 1

3000 Words
Chapter 1 Bella's POV "Ate, kain tayo," aya sa akin ni Iza. Kagigising at kalalabas ko lang ng kuwarto ko. Napahaba ang tulog ko dahil sa sandamakmak kong mga trabaho kahapon. Sobrang napagod ako. "Iyong dalawang bata?" "Pumasok na sila, Ate," sagot naman niya. "Hinatid mo ba sila?" "Oo naman, Ate! Ako pa! Alam ko namang magagalit ka sa akin kapag hindi." "Mabuti naman. Salamat dahil hindi ka nakalilimot." Lumapit ako sa kaniya para maupo sa tabi niya. "Sobrang dali kaya, Ate. Kumpara naman sa pagtatrabaho mo para sa amin..." Kumuha ako ng pinggan ko saka ko ito nilagyan ng kanin at isang pirasong tinapa. Napatingin ako sa may kisame namin. May tumutulo na naman kasing tubig mula roon. Rinig na rinig ko ang bawat pagtagaktak ng tubig na tumutulo sa timbang nakalagay sa tapat ng butas sa itaas. Nakatira kami sa lumang bahay namin dito sa Mandaluyong City. Ito lang ang tanging pamana sa amin ng aming mga magulang. May dalawang palapag ito at medyo sira-sira na ang ilang parte. Pinagtitiisan na lang namin dahil wala naman kaming ibang matutuluyan. Wala kasi kaming malalapitan na kamag-anak. Lahat sila ay pinagdadamutan kami. Hindi kasi kami mayaman katulad nila. "Ate, exam na namin next week. Gusto ko lang ipaalala sa 'yo baka kasi makalimutan mo," sabi ni Iza habang kumakain siya. "Ate, hindi ka pa pala nakababayad sa project namin sa anatomy." Tumitig siya sa akin habang ngumunguya. "Iyong sa intramural pa pala namin, Ate. Utang ka pa 'yong pinambili ko ng T-shirt kay Janine." Napahawak na lang ako sa noo ko habang hinihilot ng isa ko pang kamay ito. Sumasakit na naman ang ulo ko. Ang dami ko kasing problema ngayon. Tatlo silang pinag-aaral ko. Si Iza ay first year college na at kumukuha ng kursong Nursing sa isang pribadong Unibersidad. Sina Abby at Nathan naman ay parehong nasa elementary level, grade three. Mabuti na lang dahil medyo mga babies pa lang sila. Hindi kasi ganoon kalakihan ang mga tuition nila. Kay Iza ako nahihirapan, ang mahal kasi ng tuition niya. Laging butas ang bulsa ko kapag nanghingi na siya. Wala rin naman akong permanenteng trabaho dahil hindi ako nakapagtapos ng kolehiyo. Maaga kasi kaming naulila sa ama at ina kaya ako na ang nag-iisang nagtataguyod sa mga kapatid ko. Sa isang araw, lima-lima ang trabaho ko. Minsan ay kulang pa ang kinikita ko para sa aming apat. Kahit yata magkandakuba na ako sa pagtatrabaho ay wala pa ring magbabago sa sitwasyon namin. "Ate, okay ka lang?" Nagising ako nang sikuin ako ni Iza. "Oo... Ganito na lang, ilista mo lahat ng mga babayaran ko. Ako ang bahala sa lahat. Alam mo naman ang sitwasyon natin, 'di ba? Magtipid ka muna." Tumayo ako para kumuha ng tubig sa ref. Napailing ako dahil wala na namang laman ang ref. namin. Taghirap na naman. "Ate, lagi naman akong nagtitipid, eh," apela niya. "Tsaka, ano naman ang titipirin ko minsan kung sakto lang naman 'yong ibinibigay mo." Tama siya sa tinuran niya. Bumalik ako sa mesa dala-dala ang tubig na nakalagay pa sa nest tea bottle. "Pasensiya ka na, Iza. Ginagawa ko naman lahat, 'di ba? Alam n'yo naman 'yan. Hindi lang talaga sapat ang kinikita ko." "Dapat kasi hindi na lang ako pumasok sa private school. Ang sabi ko naman kasi sa 'yo noon ay okay lang kahit sa public lang. Nahihirapan ka tuloy..." Ngumiti lang ako nang tipid sa kaniya. Gusto niya talagang sa public dati pero hindi ako pumayag. Dati kasi ay malaki pa ang kinikita ko pero ngayon ay nagbago na. Nagtrabaho ako sa isang kompanya bilang isang janitress. May umupong bagong may-ari kaya pati ang mga dating empleyado na katulad ko ay napatalsik. Maganda ang sahod doon. Ilang oras mo lang na pagma-map ng sahig, magkakaroon ka na ng 500 pesos. Suwerte mo pa kung mabait ang Boss mo. Talagang bibigyan ka ng malaking tip. Isinusumpa ko talaga 'yong bagong Boss nila roon. Dahil sa kaniya, nawalan kami ng trabaho. "Alam mo naman ang nangyari, 'di ba? Tungkol sa dati kong pinagtatrabahuan... Basta mag-aral ka lang nang mabuti. Makauusad din tayo." Napabuntong-hininga ako nang malalim. Naaawa na rin talaga ako sa mga kapatid ko. Nangako ako sa DSWD na bubuhayin ko sila. Ayaw ko rin namang kunin nila sa akin ang mga kapatid ko. "Gagawan ko ng paraan. Umutang ka muna kung kailangan. Babayaran din naman natin kapag dumating na ang sahod ko." "Opo, Ate. Mabuti na lang dahil mayayaman ang mga kaklase ko. Pinapahiraman nila ako minsan," nakangiting aniya. "Makipagkaibigan ka lang sa mga mababait na mayaman, ha? May mga mayayaman kasing arogante," bilin ko sa kaniya. "Lagi mo namang sinasabi 'yan, Ate. Memorized ko na yata 'yan," natatawang sabi niya. "Totoo 'yon kaya 'wag mo akong tawanan. Sa pinagtatrabahuan ko rati, maraming ganiyan kaya mag-ingat ka. Gagamitin nila ang pera nila para makuha nila ang mga gusto nila. Binabalaan lang kita." Inabot ko ang pack bag ko saka ako dumukot ng bente pesos. "Ito ang pamasahe mo. Maglakad ka na lang pauwi para makatipid ka." "Salamat, Ate," nakangiting wika niya. "Basta kapag umutang ka, bayaran mo rin agad para pautangin ka rin nila ulit. Mayayaman 'yang mga 'yan baka kung ano pa ang isipin nila sa ating mga mahihirap. Ang gusto ko, kahit mahirap lang tayo, hindi tayo katulad ng iba na abusado," bilin at pangaral ko sa kaniya. "Oo naman, Ate. Hindi ko naman kinakalimutan lahat ng mga pangaral mo sa akin. Alam ko na lahat 'yan." "Dapat lang," seryosong agap ko. "Ako ba ang susundo sa mga bulunggit mamaya o ikaw na?" "Ikaw na lang, Iza, kaya dapat pagkatapos ng klase mo, umuwi ka agad. Iyan din ang gusto ko sanang sabihin sa 'yo. 'Wag mong hahayaang umuwi sila nang sila lang." "Okay, Ate," sang-ayon naman niya. "Kumusta ang pag-aaral mo?" pag-iiba ko ng usapan. "Maayos naman, Ate, kaso aaminin ko na medyo nahihirapan ako. Carry ko 'yon, Ate. Mag-aaral ako nang mabuti para hindi masayang ang mga sakripisyo mo sa amin." Tumango lang ako sa kaniya. "Mabuti naman. Ikaw ang pag-asa namin kaya pagbutihin mo. Gusto ko rin mag-aral pero kayo muna ang uunahin ko." "Opo, Ate. 'Wag kang mag-alala. Iniisip ko rin naman kayo." Agad niyang ininom ang tubig niya saka nagmamadaling dinampot ang bag niya. "Male-late na ako, Ate. Mauna na ako sa 'yo, Ate. Bye na!" Kinurot niya ako sa pisngi bago siya tuluyang lumabas ng bahay. Inayos ko ang mga pinagkainan namin. Naglinis ako ng buong bahay bago ako pumasok ng trabaho. Sobrang hirap talagang maulila sa mga magulang. Araw-araw kong napatutunayan iyon. Ang babata pa ng mga kapatid ko. Nakapanghihina kung minsan pero isa lang ang alam ko, kailangan nila ako kaya dapat kong kayanin ang lahat. Dumiretso na ako rito sa School nila Nathan. Kaharap ko na ngayon ang Teacher nila. Pareho silang nasa grade three level. Mas matanda si Abby ng isang taon kay Nathan. Tumigil lang si Abby ng isang taon dahil nagkasakit siya noon kaya magkaklase na sila ngayon. "Ma'am, nandito ako para makiusap sana. Puwede po bang sa susunod na buwan na lang ako magbabayad? Gipit kasi ako ngayon pero sinisigurado ko namang makapagbabayad din ako sa inyo kapag mayroon na. Please po," pakiusap ko. "Bella, naiintindihan ko naman ang sitwasyon mo dahil 'yan naman ang lagi mong sinasabi sa mga teachers dito taon-taon." Ngumiti siya sa akin. "Basta bayaran mo ako kapag nakaraos ka na. Ang mahalaga ay hindi mo pinapatigil ang mga kapatid mo sa pag-aaral." Nakahinga ako nang maayos sa sinabi niya. "Salamat po, Ma'am. Pangako ko po, babayaran ko rin po kayo agad." "Sige na. Wala 'yon... Siguro unahin mo na lang ang gamot ni Abby." Natigilan ako sa sinabi niya. "Po? Gamot ni Abby? B-Bakit p-po?" nauutal kong tanong. Bigla akong nanlamig dahil sa kabang umusbong dito sa loob ko. "Hindi mo ba alam?" nagtatakang balik na tanong naman niya. "Ang alin po?" kinakabahan kong tanong. "Nawalan ng malay si Abby noong isang araw habang nasa klase... Akala ko ay alam mo na kasi nasabi na raw sa 'yo ni Nathan ang nangyari." Napatutop na lang ako sa bibig ko. Biglang sumikip ang dibdib ko. Natatakot ako dahil baka bumalik na naman ang sakit niya. Nanlulumo ako dahil wala silang nabanggit sa akin. Lublob kasi ako sa trabaho kaya hindi ko na sila masyadong naaasikaso. Huminga ako nang malalim para mapakalma ko ang sarili ko. Hindi naman siguro... Dala lang siguro ng pagod kaya nahimatay siya. Mahilig kasi si Abby na maglaro. "Kakausapin ko na lang po sila sa bahay. May trabaho na po kasi ako. Maraming salamat po talaga, Ma'am." Ngumiti ako sa kaniya. "Sige... Mag-ingat ka." Nagtungo na ako rito sa Mall pagkatapos naming mag-usap. Nagtatrabaho ako rito bilang isang sale's lady. Lima ang trabaho ko araw-araw. Ito ang una kong trabaho sa umaga. Pagkatapos kong mag-ayos ay nagtungo na ako agad sa area ko. Nasa hilera ako ng mga signature briefs, boxers at iba't iba pang gamit panlalaki. "Nandito ka na pala, Bella!" Ngumiti ako nang tipid kay Cassie. Isa siya sa mga katrabaho ko rito at isa sa pinaka-close ko rin. "Bakit ganiyan ang mukha mo?" usisa niya sa akin. "Ha?" maang ko namang sambit. Napahawak na rin ako sa mukha ko. "Chos! Para kasing nabagsakan ka ng tone-toneladang cactus, my friend!" malakas niyang sabi sabay puwesto sa tabi ko. Napapikit na lang ako nang mariin. "Problema ko kasi 'yong kay Iza," mahinang sabi ko. "Kailangan ko ng malaking pera para sa tuition niya. Pati si Abby ay sumabay rin. Bumalik na naman yata 'yong sakit niya. Hindi ko na alam ang gagawin ko..." Nang imulat ko ang mga mata ko ay imahe ng isang lalaki ang sumalubong sa akin. Every one month ay nagpapalit sila ng mga posters sa main billboard namin dito sa loob. Napataas ako ng kilay nang mapansin kong bago na naman ang image nito. May bago na naman bang endorser ang Clevin? Isa itong brand ng mga mamahaling gamit panlalaki, katulad na lamang ng mga perfumes, boxers, briefs at madami pa. Napakagat ng labi ako dahil ang guwapo ng bagong endorser. Naka-brief lang siya sa poster kaya kitang-kita ang makising nitong katawan. Mas guwapo siya kumpara sa dating model na nakapaskil noon. Naka-pose siya habang nakangisi. Bahagyang nakaawang ang mga labi niya na siyang nagpadagdag pa ng hotness niya. Bumaba pa ang tingin ko sa dibdib niya. May abs siya, walong naglalakihang pandesal. Napalunok ako nang dumako pa ang tingin ko sa kaniyang ipinagmamalaki. Medyo nakaumbok ito kaya hindi ko na napigil ang mapalunok muli. "Kawawa ka naman, my friend. Gusto kitang tulungan pero wala rin akong pera." Napakurap ako sabay tingin kay Cassie. Mabuti na lang at nagsalita siya. Kung hindi ay baka tumulo na ang laway ko dahil sa lalaking nasa poster. "Huwag kang mag-alala, makahahanap ka rin ng pera. Marami ka namang raket, eh. Dagdagan mo na lang para mas dumami pa." Bumalik na naman ang lungkot na nadarama ko kanina. "Sana nga, Cassie," halos pabulong kong sambit. "Huwag kang malungkot, my friend. Ikaw ang pag-asa ng mga kapatid mo kaya 'wag kang nega riyan! Hayaan mo, pahihiraman kita kapag may pera na ako." Tinapik-tapik niya ako sa balikat bago siya lumayo sa akin. "Magtrabaho na tayo. Mahirap na kapag nakita pa nila tayong nagchi-chismisan dito." May mga customers na nagpunta sa may hilera ng mga 50% discounted na mga briefs. Nagpunta kaming dalawa ni Cassie roon. "Ang laki naman nito!" natatawa na sabi ni Cassie. Ang tinutukoy niya ay ang boxer na hawak niya. "Pang-american size na yata ito," sambit niya. Tinutulungan kasi niya ang mga customers na maghanap ng magandang brief. Napailing na lang ako habang nakangiti. "Ikaw talaga!" natatawa na ani ko. "Ah... Sir, ano po ang hinahanap ninyo? Ano'ng kulay po para matulungan namin kayo?" magalang kong tanong sa kanila. "Wala, Miss. Wala akong mapili. Babalik na lang kami mamaya," sagot naman ng isa sa kanila. "Okay po, Sir," nakangiting tugon ko naman. Umalis din sila agad kaya kami na lang ni Cassie ang naiwan. "May naalala ako, my friend! Sana inagahan mo ang pagpunta rito! Alam mo bang nandito si Mr. Calvin kanina!" kinikilig niyang kwento. "Calvin?" kunot ang noo kong tanong habang inaayos ko ang mga boxers na nagulo kanina. "Oo, friend! 'Yong bagong model ng Clevin! Pumunta siya kanina rito," bulong niya sa akin habang panay sa pagpapadyak sa sahig. Parang siyang naiihi na ewan. "Bella! Sobrang guwapo niya! Kung nakita mo lang sana siya!" "Lumayo ka nang kaunti sa akin baka mahuli pa tayong nagchichikahan dito," bulong kong babala sa kaniya. Medyo lumayo naman siya kaunti. Nasa hilera na siya ng mga mamahaling sando ngayon. "Friend! Alam mo bang nahawakan ko siya sa tainga niya? Kyah!" kinikilig niyang tili. "Iyon lang ang nahawakan ko sa sobrang dami ng mga tao kanina," pagpapatuloy niyang kuwento. Napailing na lang ako. Wala akong interes sa mga lalaki. Nagkakagusto rin naman ako pero hanggang sa loob ko lang. Mas pinagtutuunan ko kasi ng pansin ang mga kapatid ko bago ang sarili ko. Wala akong planong magkaroon ng sariling pamilya hangga't hindi ko pa nabibigyan nang magandang buhay ang mga kapatid ko. Iyon ang dahilan kaya umiiwas ako sa mga lalaki. Nagkaroon na rin ako ng mga boyfriends noon pero halos hindi rin nagtagal. Hindi ko mapagsabay ang trabaho, mga kapatid ko at buhay pag-ibig ko. "Ano naman ang ginawa niya rito? Gusto ko rin sana siyang makita kaso pumunta pa ako sa school ng mga kapatid ko," paliwanag ko. Ipinaparating kong parang interesado ako kahit hindi naman talaga. Nakikinig din kasi siya sa akin kapag may mga problema ako kaya dapat makinig din ako sa kaniya. Sa tuwing may ganap lang naman siya nagiging madaldal, eh. "Sayang! Nagpunta siya rito para mag-promote! Tatay kasi niya ang may-ari ng Clevin Company," nagniningning ang mga matang paliwanag niya. "Pag-aari pala nila itong mga produktong ibinebenta natin," usal ko. "Tumpak! Wise nga 'yong pinaka-boss natin dahil nakatipid siya. Imbes na magbayad siya ng sikat na model or artista na magdadala ng pangalan ng Clevin, anak na lang niya ang ginawa niyang modelo. Patok naman, friend, kasi ang laki ng kita mula noong lumabas ang anak ni Boss." Napahawak siya sa tapat ng puso niya. "Paanong hindi? Ang guwapo-guwapo kaya ng anak niya! Para siyang Prinsipe!" Napangiti na lang ako sa kaibigan ko. May boyfriend na kasi siya pero wagas pa ring magkagusto at kiligin sa iba. "Baka naman may prinsesa na 'yang tinatawag mong prinsipe," natatawang sabi ko. Bigla naman siyang napabusangot. "Oo nga, eh! Kasama niya ang girlfriend niya kanina. Si Solenn... Iyong isang model din nila. Ang suwerte kaya niya. Akalain mo, nakabingwit siya ng gintong tao!" Natawa ako nang mapakla sa huling sinabi niya. "Gintong tao? Baka naman wala lang pera 'yong anak ni Boss kaya napilitan siyang magtrabaho sa Tatay niya. 'Di ba karamihan naman sa mga anak ng mga mayayaman ay mga tamad at umaasa lang sa mga magulang nila? Halos, ah, hindi ko sinabing lahat," paglilinaw kong sabi. Naglakad na ako papunta sa hilera ng mga medyas. Ang mga ito naman ang isinunod kong inaayos. Naramdaman kong sumunod naman sa akin si Cassie. "Diyan ka nagkakamali, friend! Mayaman din si Sir Kael! May sarili na nga siyang pinapatakbong kompanya ngayon. Iyan ang balita ko. Hindi ko lang alam kung bakit siya pumayag maging modelo ng mga produkto nila." "Kael ang pangalan niya," mahina ang pagkakasabi ko kaya 'di ko alam kung narinig niya. Ngumiti naman siya sa akin nang makahulugan. Narinig nga niya. "Oo, friend! Pangalan pa lang ay guwapo na!" Napatango na lang ako sa kaniya. Wala naman kasi akong interes sa mga sinasabi niya. "Ganoon ba? Hindi na siya babalik dito kasi hindi naman pala siya nagtatrabaho rito," sabi ko na lang para masabayan ko siya. Sa totoo lang ay nauubusan na ako ng panggatong para masabayan siya. Ayaw ko lang kasing ma-boring siyang kausap ako kaya ine-entertain ko na lang 'yong mga sinasabi niya. "Hindi ko lang alam," malungkot niyang turan. "Sa Daddy niya naman kasi ito kaya siguro hindi na. Alam ko naman kung nasaan ang kompanya niya," nakangising wika niya. "Ay nako, Cassie. May boyfriend ka na nga, 'di ba?" Umiling-iling lang ako sa kaniya. Lumapit ako sa kaniya para kunin ang brief sa kamay niya. Nasa tapat kasi ito ng puso niya. Hindi na niya namalayan dahil sa sobrang kilig. Pinagtitinginan tuloy siya ng mga customers dito. Gulat naman siyang napatingin sa brief na kalalapag ko lang. Ngumiti na lang ako sa mga customers. "Phew!" Nagbuga siya ng hangin. "Nakahihiya 'yon, ah!" natatawang saad niya. "Nakaloloka naman! Nasobrahan ko yata!" "Sinabi mo pa," natatawang balik na sabi ko naman. Makalipas ang dalawang oras, lumapit sa akin ang Assistant Manager namin. Tinaasan niya ako ng kilay saka niya inilapit ang mukha niya sa mukha ko. Ganito talaga siya sa akin simula noong magtrabaho ako rito. Hindi ko rin alam kung bakit lagi niya akong pinag-iinitan kahit wala naman akong ginagawang masama. Ang lapit-lapit niya sa akin. Nakikita ko na tuloy ang malalaking butas ng mga skin pores niya. End of Bella's POV
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD