ONE

1586 Words
HIMAYA’S POV   “Inday, dalian mo riyan, dapat maayos at malinis na ang kwarto ni Senyorito pagdating niya mamaya,” natatarantang sigaw ni Aling Minda, ang Mayordoma rito sa Mansion ng mga de la Gracia.   Pinaikot ko ang aking mata bago ako sumagot, “Opo, Aling Minda, malapit na po akong matapos dito.”   Ilang araw na kaming naglilinis nitong pagkalaki-laking bahay na ito dahil darating ang tagapagmana ng Don, ang kanyang nag-iisang apo na si Senyorito Jude. Ang dinig namin ay pinatapon siya rito ng kanyang Mama dahil nahuli siyang nakikipagtalik sa kanyang sekretarya sa loob mismo ng kanyang opisina. Awtomatikong lumukot ang aking mukha ng maalala ko iyon.   Ang sabi ng mga katulong ditto sa Hacienda ay gwapo raw ang Senyorito. Hindi ito madalas na pumupunta rito dahil mas gusto raw nito sa siyudad kaysa rito sa probinsya na puro bukirin ang kanyang nakikita. Naalala ko pa noong kabataan ko ay nakita ko na siyang nagbakasyon dito. Dati rin kasing naninilbihan dito si Nanay at Tatay kaya naman sa tuwing bakasyon noon ay sumasama ako rito para tumulong, at para na rin magsanay. Si Tatay ay tumutulong sa pagsasaka, habang si Nanay naman ay naninilbihan sa bahay.   Mabait sina Don Julian at ang asawa nito na si Donya Florenciana, kaya naman nang mawala ito ay labis na nalungkot ang lahat, maging ang mga kasambahay. Hindi kasi ito matapobre katulad ng ibang mayayaman kaya mahal na mahal ito ng mga tao. Samantala, usap-usapan naman ang naging asawa ni Senyor Juan, ang ama ni Jude. Ang sabi kasi ng ilan ay hindi raw maganda ang ugali nito, masyado raw itong mapangmataas at laging nanghahamak, kaya naman kabado ang lahat kapag pumaparito siya.   “Inday, tapos ka na ba riyan? Tumulong ka muna sa kusina, kailangan nakahanda na ang mga pagkain mamaya. Siguradong gutom na gutom si Senyorito Jude sa biyahe,” sigaw ni Aling Minda mula sa labas.   Napabuntong-hininga ako at sinipat ko ang kabuuan ng kwarto. Ilang oras din namin itong nilinis simula pa kahapon upang masiguro na walang bakas ng alikabok o dumi ang mga kagamitan. Nang makuntento ay lumabas na rin ako at sinalubong ang natatarantang kasambahay.   “Nariyan na po, Aling Minda. Magpahinga po muna kayo at baka mahilo kayo,” saad ko, lalo na at nakita ko na bahagya na siyang namumutla.   “Naku, ikaw talagang bata ka. Huwag kang mag-alala, kaya ko ang sarili ko. Kailangan maayos ang lahat, nakakahiya naman sa Senyorito kung maabutan niya ang bahay na hindi maayos,” anito.   Inilibot ko ang aking paningin, at kapansin-pansin ang pagkinang ng mga kagamitan. Bagaman luma na ang bahay, ay bakas pa rin ang kagandahan nito. Ang mga muwebles at mga kagamitan na makikita rito ay pawang sumisigaw ng karangyaan.   “Aling Minda, maayos na ang lahat. Huwag kang mag-aalala, sigurado akong magugustuhan ng Senyorito ang ayos ng bahay,” pagpapakalma ko sa kanya.   Nakumbinse ko siyang magpahinga muna habang ako naman ay dumiretso sa kusina kung saan naroon ang iba pang mga katulong. Bago marating ang kusina ay napadaan pa ako sa sala at nakita ko ang malaking portrait ng buong pamilya. Sa larawan ay bata pa si Senyorito Jude, ngunit bakas na sa kanyang mukha ang taglay na gandang lalaki. Sino man na mapatingin sa kanyang litrato ay talagang mapapatigil upang pagmasdan siya.   “Hoy! Ano pa ang tinutunganga mo riyan? Siguro pinagpapantasyahan mo si Senyorito, ano?” nanunukso ang tinig ni Ella, isa sa mga kasambahay dito.   Mas bata lang siya sa akin ng isang taon, pero para na rin kaming magkapatid. Sabay na halos kaming lumaki at katulad ko, dati ring naninilbihan ang kanyang mga magulang dito. Namatay ang kanyang ama sa isang aksidente, habang ang kanyang ina naman ay mayroon nang sakit kaya naman napilitan na rin si Ella na magtrabaho upang maipagamot ang kanyang ina. Isa siya sa mga babaeng nahuhumaling sa kagwapohan ng Senyorito.   “Nako, hindi no. Saka dinig ko, babaero raw iyon kaya ekis na agad ‘yon,” sagot ko.   “Hala siya, para namang mapapansin ka no’n, Aya. Sigurado ako, pinag-aagawan ‘yon ng mga malulupit na chicks sa Maynila,” aniya.   “Malamang, kaya nga siguro ipinatapon dito para magbago na siya,” kibit-balikat na sagot ko.   “Alam mo, ang mabuti pa, magluto na lang tayo sa kusina. Baka mamaya, isumbong na naman tayo ni Isang kay Aling Minda, mapagalitan pa tayo,” aniya.   Si Isang ay kasama rin namin sa trabaho, ngunit hindi namin siya kasundo. Mataas ang pangarap ni Isang at palagi niyang sinasabi sa amin na kapag dumating ang Senyorito ay sisiguruhin niya na maiinlab ito sa kanya. Maganda si Isang, kumpara sa amin, mas mapusyaw ang kulay ng kanyang balat, matangos ang kanyang ilong at balingkinitan ang kanyang pangangatawan. Gusto niyang maging modelo, at makapag-asawa ng isang mayaman dahil sawa na raw siya sa buhay mahirap. Mapangmataas din siya at madalas niya kaming pagdiskitahan ni Ella kahit pa nga wala naman kaming ginagawa sa kanya.   “Mabuti naman at dumating kayo! Kanina pa kayo kailangan dito sa kusina. Ikaw Aya, ikaw na ang magluto nitong Sinigang na Hipon, hindi ba’t isfesyalte mo ito!” nakataas ang kilay niyang sabi sa amin.   “Specialty,” bulong ko sabay kuha ng sandok mula sa kanya.   “Ano’ng binubulong-bulong mo riyan, may angal ka ba?” tanong niya.   Umiling ako at mabilis na nagtungo sa harap ng stove kung saan nakasalang ang isang kaldero. Nang tikman ko ang sabaw ay halos madura ako sa lasa, masyadong mapait!   Dinagdagan ko ang sabaw at naglagay ako ng ibang pang-sahog. Nang muli kong tikman ang sabaw ay napangiti ko nang makuha ko na ang tamang timpla. Ito talagang si Isang, hindi talaga mapapakinabangan sa kusina. Palibhasa, puro pagpapaganda lang ang alam. Palihim ko siyang tiningnan at napailing na lang ako nang makita ko siyang nag-aayos. Mayroon kaming uniporme, pero ang kay Isang ay kakaiba as lahat. Ang haba ng kanyang uniporme ay nasa itaas ng kanyang tuhod, ang dibib niya ay halos lumuwa sa sobrang hapit nito sa kanyang katawan.   Ibinalik ko ang tingin ko sa niluluto ko. Nang masiguro kong maayos na ito ay sunod naman akong nag-ihaw ng malaking isda. Sa sobrang dami ng pagkain na inihanda namin ngayon, aakalain mong may fiesta. Mayroon pang lechon belly na in-order ni Don Julian.   Napaayos kami ng tayo nang bigla na lang sumulpot sa kusina si Don Julian.   “Handa na ba ang lahat? Nasa sasakyan na ang aking apo papunta rito,” anito. Maya-maya ay nagbaling siya sa akin ng tingin at ngumiti bago nagsalita, “Aya, ikaw ang sumalubong sa kanya mamaya ha.”   “Po?” hindi makapaniwalang sagot ko. Nakita ko pa ang pagtalim ng paningin ni Isang sa akin.   “Ikaw ang sasalubong sa apo ko. At habang nandito siya, ikaw ang sasama sa kanya. Alam kong marami siyang matututuhan sa’yo,” makahulugan nitong sambit.   Nang umalis ang Don ay agad na nagbaling ng tingin si Isang sa akin at tiningnan ako ng masama.   “Huwag kang ilusyunada, Aya, hindi pa rin ibig sabihin no’n na magugustuhan ka ni Senyorito Jude. Mabait ka lang, pero hindi ka maganda,” tuya nito bago nagmartsa palabas ng kusina.   “Ang kapal talaga ng mukha ng babaeng ‘yan. Akala mo kagandahan, bobo naman. Ang sarap niya talagang ilunod sa Sinigang,” nanggigigil na wika ni Ella.   “Hayaan mo na lang, huwag mo na lang patulan,” saway ko sa kanya.   Mainit na mainit talaga ang dugo ni Ella sa kanya. Ganoon din naman ako, pero ayaw ko ng gulo kaya hindi ko na lang pinapansin ang mga patutsada niya. Isa pa, alam ko naman na hindi totoo ang mga sinasabi niya. Baka nga naiinggit lang siya dahil ako ang pinagkatiwalaan ng Don sa apo nito. Hindi pa man, pero kinakabahan na ako. Lalo na at mukhang matinik itong apo ni Don.   Ibinalik ko ang atensyon ko sa iniihaw ko na isda. Nang maluto iyon ay agad namin na inayos ang lamesa at inihain doon ang mga pagkain. Nasa sasakyan na raw ang bisita namin kaya hindi malayong dumating na ito maya-maya.   Nang masiguro na maayos na ang lahat ay pumwesto na kaming lahat sa bukana ng mansyon. Aligaga kaming lahat habang nakatayo, lahat ay kinakabahan sa magiging reaksyon ng Senyorito. Ilang sandal pa ay tumigil ang kulay gray na Toyota Fortuner na sasakyan ng Don. Mula roon ay umibis ang isang napakagwapo at matangkad na lalaki. Matangos ang kanyang ilong, at may iilang balbas na tumutubo sa kanyang baba, ngunit lalo lamang itong dumagdag sa kanyang kagwapuhan. Pinigilan ko ang sarili ko na mapanganga, ngayon lang yata ako nakakita ng ganito ka gwapo na nilalang. Para siyang Diyos na bumaba mula sa kalangitan. Habang naglalakad siya ay nakasunod ang mga mata ko. Kita sa bawat galaw niya ang aristokrasya, na waring nagsasabi kung gaano siya ka-taas at ka-hirap na abutin. Nang tumigil siya sa harapan ko ay saglit na nagtama ang mga paningin namin. Sa sandaling iyon ay parang tumigil sa pag-ikot ang mundo habang nakatitig ang kanyang kulay-asul na mga mata sa akin. Ang titig niyang iyon ay sapat na upang makaramdam ako ng panghihina, pagkat parang hinihigop niya ang aking lakas. Isang pilyong ngisi ang gumuhit sa kanyang labi, dahilan upang magising ako sa pagkatulala. Tumikhim ako at agad na yumukod sa kanyang harapan, na sinundan ng mga kapwa ko kasambahay. “Magandang Araw. Welcome to Hacienda Florenciana, Senyorito Jude. Masaya po kami na nakarating kayo rito ng maayos at ligtas.”  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD