HIMAYA’S POV
Pakiramdam ko ay para bang tumigil ang mundo sa pag-ikot nang magtama ang mga mata namin ni Jude. Ramdam na ramdam ko ang biglang pagbilis ng t***k ng puso ko habang nakatitig sa kanyang kulay asul na mga mata. Ang paraan ng kanyang pagtitig ay nakakalunod, nakakahipnotismo. Sumikdo ang dibdib ko nang tumama ang mga mata niya sa labi ko na naka-awang.
“Uhm, J-Jude…”
“Oh, I’m so sorry. Here, let me help you,” saad ni Jude na mabilis na tumayo at saka ako inalalayan patayo.
Hindi ko maintindihan kung bakit ganoon na lamang ang kaba ko ngayong magkahawak ang aming mga kamay. Para bang may kuryenteng dumaan sa pagitan namin at parehas pa kaming napalingon sa isa’t isa nang maramdaman iyon.
Sumilip ang mapaglarong ngiti sa mga labi ni Jude at lalo niyang hinigpitan ang paghawak sa kamay ko.
“Jude… ang kamay ko,” mahina kong wika.
Hindi ako sanay na may humahawak sa kamay ko. Bagamat may mga nanliligaw din naman sa akin noon ay wala naman sa kanila ang may lakas ng loob na hawakan ang kamay ko, si Jude lang.
“Don’t. I like the feel of your hand on mine, Aya,” sagot niya.
Napalingon ako sa kanya nang magsalita siya, noon ko napagtanto na nakatingin din pala siya sa akin at may kung ano sa kanyang mga mata na hindi ko mabasa.
Hindi ako sumagot, bagkus ay tahimik kong hinila ang kamay ko mula sa kanya. Nagpatiuna akong naglakad patungo sa manggahan.
Habang papalapit kami ay dinig na dinig namin ang masayang kwentuhan at tawanan ng mga trabahador na kasalukuyang kumakain ng kanilang agahan. Dito kasi sa probinsya ay maaga pa silang nagsisimula sa trabaho. Kung minsan, alas tres y media pa lang ng umaga ay gising na ang mga tao rito upang magkape at maghanda ng almusal.
Sa umaga, kadalasan ay nagbabaon lang sila ng pagkain at nagsasalo, habang sa tanghalian naman ay hinahatiran sila ng kani-kanilang asawa o mga anak. Naabutan namin si Mang Simeon kasama ang ilang mga kalalakihan.
“Magandang umaga ho, Senyorito!” bati nito nang mamataan kami.
Agad na nagsitayuan ang iba pa niyang kasamahan at yumukod sa harap ni Jude.
“Magandang umaga ho, senyorito. Kain po kayo,” sabay-sabay na yaya nila sa amin.
“Maraming salamat po, pero katatapos lang din naming kumain,” nakangiting sagot ni Jude.
“Paano ho, Mang Simeon, maglilibot po muna kami rito sa farm,” paalam ko.
Tumango si Mang Simeon at ngumiti ng makahulugan, ngunit isinawalang-bahala ko iyon. Nauna na akong maglakad habang tinuturo kay Jude ang daan-daang puno ng mangga na nakahilera. Karamihan sa mga puno rito ay matatanda na, kaya naman mayroon ding nursery ditto.
“Itong mga punong ito, mahigit tatlong dekada na at nanggaling pa mismo sa Guimaras kaya naman masarap at garantisadong matatamis ang mga mangga rito sa Hacienda,” paliwanag ko.
Tumango-tango lang si Jude habang inililibot ang kanyang paningin sa malawak na lupa. Malilim ang parteng ito ng Hacienda dahil na rin sa mayayabong na dahon ng mga punong mangga. Sa ngayon ay wala pa itong bunga dahil pa season ng mga mangga.
“I didn’t know the Hacienda was this huge,” saad niya na para bang hindi siya makapaniwala sa lawak ng lupain.
“Naku, wala pa sa one fourth ng kabuuang lupain ng lolo mo ang nakikita mo ngayon. Mayroon pang tubuhan at mga sakahan. Isa ang Lolo mo sa mga supplier ng bigas at palay, maging ng asukal dito sa probinsya,” sagot ko.
“Really? Wow. I have no idea,” namumula niyang sagot sabay kamot sa kanyang ulo.
Napatingin ako sa kanyan at hindi ko maiwasang ngumiti sa sinabi niya. Para bang nahihiya siya na wala man lang siyang ideya kung paano tumatakbo ang negosyo ng kanyang Lolo. Sabagay, hindi ko rin naman siya masisisi. Lumaki si Jude sa siyudad at bihira lamang siyang umuwi rito sa probinsya kaya naman naiintindihan ko rin na wala siyang alam sa mga kalakaran dito.
“Hindi lang iyon. Mabait si Don Julian at halos lahat ng mga kababaryo at maging mga kababayan namin dito ay tinitingala siya. Likas na may mabuti siyang puso at hindi siya nagdadalawang isip na tumulong sa ibang tao, sa abot ng kanyang makakaya,” kumislap ang mga mata ko nang sabihin ko iyon.
Isa ako sa mga saksi at patunay kung gaano kabait ang Don. Noong inatake si Tatay ng High Blood at nagkaroon ng stroke, hindi siya nagdalawang isip na dalhin si Tatay sa ospital. Siya na rin ang nag-asikaso maging ng mga bayarin at mga gamot ni Tatay sa isang linggo na naroon siya sa ospital. Habang buhay kong tatanawin na utang na loob iyon.
Nang muli akong magbaling ng tingin kay Jude ay naroon na naman ang kakaibang kislap sa kanyang mga mata, hindi ko mabasa kung ano ang nais ipahiwatig niyon ngunit tila kay sarap niyang titigan.
“You seem really close with Lolo,” aniya.
Ngumiti ako bago magsalita, “Para ko na rin siyang Lolo. Kahit kailan, hindi ipinaramdam ng Don na magkaiba kami ng katayuan sa buhay.”
Hindi umimik si Jude, sa halip ay napatingin lamang siya sa malayo. Wala akong alam kung paano ang relasyon nilang magpamilya, pero kapag nasa mansion ay madalang ko ring makita si Jude na kausap ang kanyang abuelo.
“Halika Jude, nasa dako roon ang mga kubo at pati na rin ang Tree House,” yaya ko kay Jude.
Nauna akong naglakad, parang bata pa ako na patalon-talon at hindi ko maiwasang maalala ang kabataan ko sa lugar na ito. Itong lugar na ito ang naging saksi ng mga ngiti, tawa at maging ng mga iyak ko noon, kasama ang mga kaibigan ko.
“Itong mga kubo ay talagang pinagawa ng Don para mayroong pagpahingahan ang mga trabahador, lalo na pagkatapos ng tanghalian. Dito sa mga kubo ay pwede silang mag-siesta habang wala pa silang trabaho,” paliwanag ko.
Tumango-tango lang si Jude.
“Ayon naman sa taas ang Tree House. Ang alam ko, matagal na ang tree house na iyan, ilang dekada na rin iyan, ngunit sinisigurado ng Don na napapangalagaan ito. Mahalaga iyan sa kanila ng Lola mo, dahil dito raw sila madalas na mamasyal noong kapanahunan nila,” pagkukwento ko.
“How did you know all that?” tanong niya, bakas sa kanyang mukha ang pagtataka at pagkamangha. Marahil ay hindi niya alam ang kwentong pag-ibig ng kanyang Lolo at Lola.
“Naikwento lang din ni Don Julian. Madalas niyang ipabasa sa akin ang mga sulat nila ng Lola mo noong araw. At kahit hanggang ngayon, hindi ko maiwasang kiligin kapag naririnig ko ang kwento nila,” kinikilig kong saad.
“Wow, I don’t even have the slightest idea on how they met or how they fell in love,” aniya.
Nang lingunin ko siya ay seryoso lang siyang nakatingin sa akin. Mapakla ang kanyang mukha at para bang kahibangan ang umibig at magmahal.
“Hindi ka ba naniniwala sa pag-ibig?” tanong ko.
“Love? I don’t know, I have never experienced it. Hindi ko pa naranasan ang pagmamahal na sinasabi nila. I can’t even say if my parents love each other, or maybe they’re just staying for the sake of our so-called perfect family,” nailing niyang wika.
I wanted to comfort him, pero alam kong wala akong dahilan at lalong wala akong karapatan.
“Love exists. Siguro, hindi mo pa lang natatagpuan ang babaeng magpapatibok ng puso mo. Ang babaeng magmumulat sa’yo sa pagmamahal na totoo. Ang babaeng tunay na magpapasaya sa’yo, Jude.” Tumalikod ako at naglakad.
Hindi ko na hinintay pa na sumagot siya, hindi ko kayang tumitig sa kanyang mukha ng matagal. Dahil habang nakatitig ako sa kanya ay nagwawala ang sistema ko, at hindi ko iyon nagugustuhan.
Hindi naman ako ganoon ka inosente pagdating sa mga ganitong bagay. Kaya naman nababahala ako para sa sarili ko dahil alam kong mahirap pigilan ang damdamin na ito.
“Wait up! Saan tayo pupunta?” sigaw ni Jude habang naglalakad pasunod sa akin.
“Sa Tree House, magpahinga muna tayo roon. Maganda ang view mula roon sa itaas,” sagot ko.
Nauna akong umakyat sa hagdan, at nang marating ko ang itaas ng Tree House ay nahigit ko ang aking hininga. Katulad noong kabataan, narito na naman sa puso ko ang pamilyar na saya at kapayapaan na dulot nitong tree house.
Naglakad ako palapit sa bintana at saka dumungaw mula roon. Kitang-kitang ang malawak na tubuhan na pumapalibot sa buong Hacienda. Sa likurang bahagi naman ay ang palayan. Naramdaman ko ang presensya ni Jude sa tabi ko ngunit hindi ko siya nilingon. Sa halip ay dinama ko ang sariwang hangin na dumarampi sa balat ko.
“Ngayon ko lang nalaman na maganda rin pala rito. When I was a kid, I used to think this is a hella boring place. But now, the serenity makes me think how peaceful it is here. Unlike in Manila, pollution is everywhere,” bigla siyang nagsalita.
“Maliit man ang probinsya namin, at wala mang mga pasilidad dito na katulad ng nasa Maynila, pero masaya ang buhay sa probinsya. Payak pero ang bawat pamilya rito ay nagmamahalan,” sagot ko naman.
Dumaan ang mahabang katahimikan, walang nagsalita sa amin. Tahimik lang kaming nakamasid sa luntiang paligid.
“Bukod sa mga nakikita natin ngayon, ano pa ang magandang pasyalan dito sa Hacienda, Aya?” kapagkuwan ay binasag ni Jude ang katahimikan.
Saglit akong nag-isip, hanggang sa maalala ko ang talon. Medyo malayo iyon at matarik ang daan, pero worth it naman kapag narrating na ito.
“Ahm, mayroon pong talon dito sa Hacienda. Isa itong hidden falls, na naroon sa masukal na parte ng Hacienda. Malayo po iyon dito, at kakailanganin nating maglakad. Matarik din ang daan, ngunit sulit naman po ang pagod dahil maganda ang Luyagan Falls,” paliwanag ko.
“I want to go there, but maybe I’ll just reserve it for the next days,” makahulugan niyang sagot.
Tumango na lang ako sa kanya. Ilang sandal pa ay bumaba na rin kami sa tree house at muling naglibot sa manggahan. Kinausap ni Jude ang ibang mga trabahador at tinanong tungkol sa kani-kanilang trabaho. Mataman din siyang nakikinig sa bawat paliwanag at bakas din sa kanyang mukha ang interes.
Hindi lingid sa kaalaman ng lahat dito na hindi na gaanong kumikita ang Hacienda, gawa na rin ng mga bagong produkto na nanggaling sa ibang lugar. Mas gusto na kasi ng mga tao ang mga produktong imported, kaysa sa mga produktong lokal. Ngunit kahit ganoon, pinanindigan ni Don Julian na huwag magtanggal ng mga trabahador.
Hanga ako kay Don Julian sa pagiging mabait niya sa mga trabahador kaya naman mahal na mahal siya ng lahat. Sana sa pagdating ni Senyorito Jude ay matulungan niya ang Hacienda na muling makabangon.
“Hey, let’s go?” untag niya sa akin.
Napabalik ako sa kasalukuyan nang marinig ko ang boses niya. Hindi ko man lang napansin na tapos na pala siyang makipag-usap at nagsibalik na rin sa trabaho ang mga tao.
“Babalik na tayo?” wala sa sariling tanong ko.
Gusto kong tumakbo sa sobrang hiya lalo na nang makita ko ang pilyo at mapanuksong ngisi sa labi ni Jude.
“Why? Do you still want to have a date with me?”