Chapter 2

1031 Words
Napabuntong-hininga si Daneris Jabillo nang mailapag niya ang headset. Hindi biro ang isang call center agent. Nakaka-burn out din. Kung nakapagtapos lang siya ng pag-aaral sa kolehiyo, baka naman ay hindi siya napunta sa trabahong palaging graveyard ang shift. Pero hindi rin siya sigurado dahil ang kaibigan niyang nakatapos ng pag-aaral ng Information Technology ay heto at kasama niya rin. “Break na tayo, Evie,” himok niya sa katabing kaibigan. Si Evie ang naghikayakat sa kanya sa trabahong ito nang mapagod na siyang maging saleslady sa isang department store. Mahirap din ang maghapong nakatayo suot ang hilya. Hindi rin madali ang makipaghalubilo sa mga kustomer kapag nagkataong masungit at bastos ito. Kung tatratuhin ang mga saleslady ay parang utusan na pinapakain ng mga ito nang libre. Paminsan-minsan talaga kailangan niyang mag-adjust sa mga walang modo na klase na mga tao. Ito na nga yata ang papel niya sa buhay. “Okay!” nakangiting ani Evie na tumayo mula sa computer chair nito. Agad din siyang tumayo at ini-lock ang kanilang monitor. “Hmm. Gusto ko ang bago mong suot, ah. Hindi ba mahal ‘to? Mukhang nakita ko ‘to sa boutique, ah. Ito ‘yong nakita natin no’ng nag-window shop tayo, ‘di ba?” pansin nito habang naglalakad na sila sa pasilyo patungong cafeteria. Napangiti siya at kumibit ng balikat. Hindi nagsalita. Mamahalin nga naman ang suot niyang pares na three-piece—ang blazer, blouse, at skirt. Isang set din iyon nang binili niya. Siguro ay isang linggong pagtatrabaho sa call center din ang katumbas ng halaga niyon. “Alam mo, Dani, nahihiwagaan ako sa ‘yo, ah,” ang dagdag ng kaibigan habang kumakain sila sa cafeteria. Medyo marami-rami ring mga tao ang nandoon dahil breaktime nila. “Huh? Bakit naman?” anang beinte y tres anyos na dalaga. “Napansin ko lang. Mamahalin ang mga suot mong damit, sapatos, at bag. Wala namang trabahong matino ang tatay mo.” “Ikaw naman, sa ukay-ukay lang ‘to!” palusot niya. “Huwag mo nang sabihin ‘yan sa ‘kin nang paulit-ulit. Alam kong ‘yan ang kulay at istilong nakita ko no’ng nag-window shop tayo, Dani. Meron ka bang sideline o may nagreregalo lang talaga sa ‘yo ng mga ‘yan?” Medyo sumimangot si Evie na nakatingin sa kanya. Napatawa siya nang marahan. Inirapan niya ito. “Ano’ng gusto mong ipalabas diyan? May sugar daddy ako? Gano’n? That’s gross, ah!” Ngumiwi pa siya. “Ano’ng gross? May mga hot sugar daddy naman, ah!” anito. Lalong nalukot ang mukha ni Daneris. “Basta, ayoko sa mga gano’n! Ano ka ba? Hindi naman ako desperada at papatol ako sa mga ganyan, ‘no?” Ngumisi rin ang kaibigan niya. “Eh, ano nga ang sideline mo kung hindi ‘yon, aber?” Itinikom niya ang bibig pero nangulit ang kaibigan. “Sige na nga. Kung sasabihin ko ba sa ‘yo, isisikreto mo lang?” Pinasingkit niya ang mga matang nakatitig sa kaibigan. Tinatantiya ito. Inilapit nito ang inupuang puting monobloc chair sa kinauupuan niya para makinig nang mabuti. Bahagya siyang umismid dito. “Hindi ko sasabihin sa ‘yo rito. Ano ka ba? Mamaya na sa bahay. May ipapakita ako sa ‘yo.” Ngumiti siya nang misteryosa sa kaibigan. Isinama niya ito sa kanyang bahay pag-uwi nila galing trabaho. Wala na roon ang ama dahil pumasok ito nang maaga sa talyer kung saan ito nagpa-part-time. Hindi kasi maka-afford ang may-ari na gawing full-timer ang ama niya. Kaya kung may maraming trabaho roon ay saka na ito ipinapatawag. Nanlaki ang mga mata ni Evie nang ipinakita ng dalaga ang kanyang mga sexy photos sa laptop. “As in? Simula noong nag-drop out ka sa college, ito na ang ginagawa mo?” Halos hindi ito makapaniwala. Nakanganga pa ring nagbo-browse sa kanyang account na puno ng sexy selfie photos. Tumango siya sa kaibigan. “Yup. Desperada kasi ako noon. Alam mo na. Noong… nagkaroon ng problema si Tatay at nawalan siya ng trabaho at pinaalis kami sa nirentahan naming bahay. Marami kaming utang para sa loans namin noong naospital at namatay si Nanay at… marami pang iba katulad na lang ng mga bills at pang-araw-araw na pagkain.” Bumuga siya ng hangin at kalungkutan ang nakasalamin sa kanyang mga mata. “Kung gano’n, nakayanan mong ipundar ang bahay na ‘to nang dahil sa sideline mo?” Kumurap-kurap si Evie na nakatingin kay Daneris. “Hinulog-hulugan ko pa ‘to.” Kumumpas siya sa ere at napabuntong-hininga. Napatingin sa paligid ng kanyang silid. Isang katamtamang laki na bungalow ang bahay na ito na nasa isang low-cost subdivision. “Pero may iniipon din ako sa bangko para pang-emergency. Walang alam si Tatay tungkol dito. Kapag nalaman niya ay lagot talaga ako!” tukoy niya sa kanyang sideline. Humaba ang nguso niya. “Hindi ba siya nagtataka? ‘Di ba saleslady ka lang noon? At saka, sino ba ang nag-refer sa ‘yo ng ganitong sideline, ha? Wala talaga akong alam kahit na mag-best friend tayo, ah. Grabe! Tagal mo nang itinatago sa ‘kin ‘to, ah.” “Sorry, ah. Ayoko kasing… i-judge mo ‘ko.” “Dani…” Lumambot ang paningin nitong nakatitig sa kanya. “Noong itinanong ito ni Tatay sa ‘kin noon, sinabi ko lang na inutang ko ang pera sa isang lending company. At ngayong nasa call center ako, sinasabi ko namang may bonus ako. Kaya hindi niya nahahalatang masyado na may extra talaga kaming pera. Nag-search lang ako sa internet ng trabaho noon at nadiskubre ko nga ‘to.” Napangiti pa siya nang maalala ang dise otso anyos na sarili na kahit nag-alangan at natakot na gawin ang bagay na ito ay ginawa pa rin niya na may buong determinasyon at kakapalan ng mukha. Sabagay, wala namang makakakilala sa kanya dahil hindi buong mukha niya ang in-upload at ipinost niya sa adult site. Namangha pa siya sa dami ng downloads ng kanyang photos kahit baguhan lang siya. Pinag-aralan niya talaga kung ano ang mas papatok kasi. “So, bakit hindi ka nagpatuloy sa pag-aaral mo kung ganitong may pera ka naman?” tanong ng kaibigan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD