LUMIPAS PA ANG mga araw, laking pasasalamat ni Rosallia dahil hindi na siya ginagalaw ni Don Arturo. Mabuti na nga lang at tinigilan siya nito dahil kung nagpatuloy pa ito, baka nagsumbong na siya sa mga pulis. Hanggang ngayon ay medyo nakakaramdam pa rin siya ng sakit sa kaniyang p********e dahil noong gabing pinagsamantalahan siya ng Don, iyon ang una niyang beses. Masakit pero kaya naman niyang gumalaw. Pero iyong masasamang mga kapatid nito, hindi pa rin natigil sa pang-aapi sa kanila.
"Anong tinutunga-tunganga mo riyan? Kung ayaw mong umalis sa mansiyong ito, maglinis ka na lang at huwag kang tutunganga. Hindi ka sinisiwelduhan para lang tumambay dito. Get out and clean the garden!" medyo may kalakasang ani Nadia, ang isa pang kapatid ni Don Arturo at ito rin iyong nadali ni Ebet nitong nakaraan.
"S-sorry po, Ma'am Nadia, h-hindi na po mauulit," aniya saka nakayukong umalis sa sala.
Ayaw niyang makipag-areglo sa mga taong naririto dahil iisa lang naman ang mga ugali— puro masasama. Lahat na yata ng mga kapatid ni Don Arturo ay katulad na rin niyang sinaniban ng mga demonyo dahil sa kasamaan. Huwag naman madamay ang mga batang nandito na mga apo ng mga kapatid ni Don Arturo.
Nang makalabas sa garden, napahinga siya nang malalim saka nagsimulang maglinis. Iyong totoo ay malinis naman ang garden at mga dahon lang ang sinisimot niya. Kakalinis lang kasi nito kanina— nilinisan nina Ebet. Nang mapuno ang kaniyang kamay, naglakad siya sa basurahan at tinapon doon ang mga maliit na basurang napulot niya sa malaking hardin ng Mansión del Valle.
Nang mapagdesisyunan na niyang bumalik sa loob para makapagluto ng pananghalian ng mga Del Valle, naglakad na siya papasok. Nang makapasok ay nakita niya si Ebet na kausap si Ma'am Nadia. Binalingan niya ang kamay ng kaibigan ay mula roon ay may hawak itong isang bag— ang bag na dala nito noon.
"Sigurado ka na rito? Kung oo, wala akong paki kung aalis ka na. That's okay for me dahil mababawasan na ang mga salot sa bahay na ito. Go away, ayaw kong makipag-usap sa dukhang kagaya mo," ani Ma'am Nadia at nakatirik ang mga matang iniwan si Ebet.
Dahil sa pagtataka, nilapitan niya ang nakayukong si Ebet. "Saan ka pupunta, Ebet?" naguguluhan niyang tanong dito at hinawakan ang balikat nito.
Nag-angat ng mukha sa kaniya ang kaibigan at mula sa mga mata nito, kita niya ang labis na takot doon. Halata ring umiyak ito dahil mamasa-masa pa ang mga mata nito. Ano naman kaya ang nangyari rito? Maayos naman ito kanina, e.
"Uuwi na ako, Rosallia," sagot nito saka naglakad na na kaagad naman niyang sinundan.
"B-bakit? Bakit uuwi ka na kaagad?" gulong-gulong tanong niya at mahigpit na hinawakan ang braso ni Ebet pero isang segundo pa lang ang nakakalipas ay nabawi nito ang sariling braso— medyo pagalit na ikinaamang niya.
"Puwede bang huwag mo na akong kulitin, Rosallia? Aalis na ako kaya huwag mo na akong kausapin pa. At may sakit ang nanay ko kaya ako uuwi at hindi na rin pala ako magtatrabaho rito. Sige na, aalis na ako," medyo may kainisang wika nito saka umalis na.
Napatingin na lang siya sa bulto nitong papalayo. Pakiramdam niya'y may hindi magandang nangyari. Pakiramdam niya'y may mali sa mga sinasabi nito. Sa pagkakaalam niya kasi ay wala na itong nanay. Pero bakit sinabi nitong may sakit ang nanay niya? Isa pa'y kung may sakit ang nanay niya, hindi ba ito gagaling para hindi na siya bumalik o magtrabaho rito? Biglang kinabahan si Rosallia, parang may mali talaga. At kung ano man iyon, problema na iyon ni Ebet.
Nang mawala na ito sa kaniyang paningin, wala sa sarili siyang naglakad papunta sa kusina. Ang mga nangyari kanina ay hindi maalis sa utak niya. Bakit ganoon bigla ang inakto nit Ebet? May mali talaga. Nang makapasok na siya sa kusina, naghahanda na ang tatlo niyang kasamahan ng pananghalian. Tumulong na siya para mapabilis ang pagtatrabaho nila.
ILANG ORAS PA ang nakalipas, natapos na sila at nakahanda na ang mga pagkain ng mga nasa bahay. Akala mo'y may piyestahan araw-araw dahil halos mapuno na ang lamesa sa dami ng mga pagkain. Marami kasi ang pamilyang nakatira rito. Mga kapatid ni Don Arturo at mga pamilya ng mga ito. Mahirap para sa kaniya ang magtrabaho ng ganito. Wala na yata silang pahinga dahil palagi silang inuutusan at kung mayroon man, iyon ay ang pagtulog nila sa gabi.
Mayamaya pa ay unti-unti nang dumadating ang mga tao sa loob ng kusina. Sila namang apat ay prenteng nakatayo para maging alerto kung may iuutos ang mga ito. At nang dumako ang tingin ng Ma'am Madett niya, kaagad siyang umiwas dito dahil sa takot.
"Rosallia, tawagin mo na si Kuya Arturo," utos ng isang pamilyar na boses— si Ma'am Nadia.
Nakangiti siyang bumaling dito. "Sige po..." saad niya saka naglakad na palabas ng kusina.
Si Don Arturo na lang pala ang kulang. Minsan kasi ito ang nauuna sa lamesa kaya medyo nanibago siya at hindi niya napansing wala pa pala ito.
Nang makarating sa harap ng kuwarto ni Don Arturo, kaagad niyang kinatok ang pinto nito. "Don Arturo..." aniya.
Oo, galit siya rito pero hindi pa rin niya papalampasin ang ginawa nito sa kaniya. Alam naman niyang magbabayad ang matandang iyon. Darating din ang panahon. Sinusubukan lamang niyang maging mabait dito at ayaw niyang ipakitang galit siya rito. Isa pa'y natakot siya dahil sa banta nito... na idadamay ang pamilya niya kaya kung ano ang inaakto niya noon, ginagawa pa rin niya ngayon kahit na ginawan siya ng masama ni Don Arturo.
Ilang segundo na siyang kumakatok pero wala namang umiimik sa loob. Tulog pa ba ito? Sa pagkakaalam niya'y gising na ito ng mga ganitong oras kaya medyo kinabahan siya. Kumatok pa siya, wala talaga. Tinawag na niya ito pero wala talagang tumugon sa loob. Malalim siyang huminga saka hinawakan ang seradura at marahan iyong pinihit. Nang bumukas iyon, itinulak na niya ang pinto at mula sa kama, nakita niya ang Don na prenteng nakahiga sa kama. Tulog pa ba ito?
Naiiling na lang siyang naglakad patungo rito upang gisingin na. "Don Arturo, h-handa na po ang pananghalian n—"
Natigilan na lang siya dahil sa kaniyang nasaksihan. Nakapikit ito habang nakalabas ang dila— nakalawit. Napahawak si Rosallia sa kaniyang dibdib dahil doon at ilang segundo pa ang nakalipas, malakas siyang napasigaw— malakas na malakas upang marinig ng mga taong nasa mansiyon.
"ANO BA TALAGA ang nangyari?"
Napatingin si Rosallia kay Annie, ang isa sa tatlo niyang mga kasamahan. Nakaupo ito sa harap niya habang ang dalawa naman ay nasa magkabilang gilid niya. Nasa kusina silang apat. Bago ito sinagot, inubos na muna niya ang tubig na nasa basong nasa harap niya. Nang matapos, lumunok siya ng laway at ibinuka ang bibig para magsalita.
"I-Ilang beses akong kumatok pero walang tumutugon s-sa loob..." nahihirapan niyang sagot kapagkuwan ay nagpatuloy. "Ilang b-beses din akong tumawag p-pero walang sumasagot. T-Tapos napagdesisyunan ko nang pumasok at nakita ko si Don Arturo na nakahiga sa kama. Akala ko'y natutulog lang siya pero hindi... hindi ko alam," aniya saka sinundan nang pag-iyak.
Nang makita niya si Don Arturo sa ganoong ayos, animo'y nawala siya sa sarili. Hindi niya alam kung ano ang nangyari rito at kanina pa silang apat sa kusina. Dumating na siyang ganoon ang ayos ng matanda at sa mata ng Diyos ay wala siyang kasalanan. Gusto niyang malaman kung ano ang nangyari rito dahil kahit pinagsamantalahan siya nito, malaki pa rin ang utang na loob niya rito.
"Huwag kang umiyak, Rosallia," pag-aalo ni Mean na nasa kaliwang gawi niya.
"Kaya nga, bakit ka iiyak, may ginawa ka bang mali? Alam naming wala kaya itigil mo na iyang pag-iyak mo. At kung ano man ang nangyari sa matandang iyon... sa tingin ko'y deserve niya iyon," saad naman ni Janine na nasa kanang gawi niya.
Tumigil siya sa pag-iyak ay nagpapantastikuhang binalingan ito. "A-Anong ibig mong sabihin?" naiiling niyang tanong dito kapagkuwan.
Tumayo si Janine at magkakrus ang mga brasong humarap sa kanila. "Huwag kayong maingay, ha. Atin-atin lang ito. Sa tingin ko'y kayo rin naranasan ito. Deserve niyang mamatay dahil sa panggagahasa niya sa akin. At alam kong ginahasa rin kayo ng matandang iyon. Nga ba? Ginawa rin sa inyo iyon ni Don Arturo? Mukhang mali ang sinabi mo sa amin noon, Rosallia. Na mabait siya at babagsak siya kapag may ginawa siyang mali. Heto, may ginawa na siyang mali, bumagsak ba siya?" lintaya nito na ikinatayo niya sa kaniyang kinauupuan.
"P-Pinagsamantalahan ka rin niya?" seryoso niyang tanong.
Tumango ito. "Oo... ilang beses na," sagot nito.
"Ako rin." Si Mean at tumayo rin sa sariling kinauupuan.
"Hindi lang kayo, maski ako, ginahasa ng matandang iyon," wika ni Annie at tumayo rin sa kinauupuan.
"Ginahasa kayong lahat ni Don Arturo? P-Pare-parehas niya tayong ginahasa," maluha-luha niyang sabi saka bumalik sa kinauupuan at ipinatong ang siko sa lamesa at mariing sinabunutan ang sarili. Iyong takot, muling bumalik sa kalooban niya.
"Pati ikaw, Rosallia?" Si Janine.
Tumango lang siya bilang sagot dito. Sising-sisi siyang pinagkatiwalaan niya ito. Nagsisisi siyang sinabihan niya ito ng mabait at walang masamang gagawin sa kanila. Kung patay nga ito, baka nga tama si Janine, deserve ng halimaw na ito ang mamatay dahil sa ginawa sa kanilang apat. Ginahasa sila... napakawalang puso.
"Hoy, kayong apat, come here!" biglang sigaw ng isang pamilyar na boses.
Nang tingnan niya iyon, nakita niya ang Ma'am Madett niya. Niyakag na siya ng tatlo kaya sumunod na siya sa mga ito.
"Bakit po, Ma'am Madett?" tanong ni Mean sa matandang babae.
"Linisin niyo ang kuwarto ni Kuya Arturo. Lahat ng gamit niya roon ay itapon niyo... sunugin niyo. Kahit ano, basta lahat... basta't mawala ang mga kagamitan ng Kuya Arturo ko roon," sagot nito.
"Bakit po?" Si Annie.
"Patay na siya. Ano pa bang gagawin sa mga gamit ng wala na? All you could do is clean his mess. Hulong na, magtrabaho na kayo!" medyo may kalakasang sabi nito saka pagalit na umalis sa harap nila.
Tama ba ang narinig niya? Patay na si Don Arturo? Baka iyon na ang hinihintay niyang karma nito!
———