Chapter One
“Karla gumising ka na nga diyan! Tanghali na! Hinihintay na ako ng kuya Blake mo. Sasama ka pala, eh bakit late ka na natulog? Isa pang katok ko rito at hindi ka pa gising sususian ko na itong pinto!” I tried to tune out my brother’s voice but I can’t. Kahit anong tapal ko ng unan sa tainga ko ay naririnig ko pa rin ang sigaw niya. Kalalaking tao ay bungangero! Masisisi ko ba ang sarili ko na napuyat ako dahil sa kakapanood ng mga KDrama? Mabuti pa sa KDrama may forever, may kilig, may love life. Ako, ano? Wala! Wala na akong pag-asang makilala ko pa ang Mr. Right ko, puro na lang Mr. Left ang nakakasalamuha ko.
“Eto na bumangon na. maliligo lang ako nang mabilis.” Wala na akong choice dahil narinig ko na ang pagsusi ni Kuya Kristoff sa pintuan. Nasa apartment man ako ng panganay kong kapatid ay wala siyang karapatan na susian ang kwarto ko. Lagot siya sakin paglabas ko.
“Bilisan mo! Ten minutes lang, ha.”
“Oo na!” Hindi pa talaga siya tumigil ng kakasigaw, asa naman siya na kaya kong maligo at mag-ayos in ten minutes time. Manigas siya!
Nang lumabas na ako ng kwarto forty-five minutes after. Nagpupuyos na sa galit ang kapatid ko.
“Nauna na si Blake sa restaurant. Karla naman! Hindi pwede rito ang asta mong parang lahat ng bagay ay naka-ayon sa Filipino time! Nasa Australia ka!”
“Bakit, Kuya? May Australian time ba? Hindi naman ako Australiano, dapat talaga pang Filipino time ang peg ko. Bakit ka ba nagmamadali? E, si Kuya Blake lang naman imi-meet natin at sanay na sa’kin ‘yon.” Naisipan ko pang magpalit ng sapatos, from sneakers to boots kaya lalo siyang naasar. Sinasadya ko naman talagang inisin siya. Ganti ko ito sa pagsubok niyang pasukin ang kwarto kong off limits.
“May kasama siyang kaibigan na ka-batch niya sa Med School. Nakakahiya na tayo pa ang na-late gayong tayo ang taga rito. Bilisan mo na nga! Naka sapatos ka na kanina bakit nagpalit ka pa?” Iritable na talaga siya. Dapat na siyang magka-lovelife. Kaso sa sobrang sungit niya malamang walang magkakagusto sa kaniya.
“Correction, hindi ako taga-rito. Ikaw lang dahil nagbabakasyon lang ako. Eto na! Kung makamadali ka, parang super VIP ang kikitain natin. Buti kung mapapangasawa ko in the future ang makikilala ko, e hindi naman,” pabulong kong sabi, kaso ay narinig niya pala.
“Anong mapapangasawa ka diyan! Hindi ka pa nga guma-graduate! Ayusin mo nga muna ‘yang buhay mo bago ka kumerengkeng. Karla ha sinasabi ko sa’yo kapag ikaw nabuntis nang maaga...”
“Wow, napaka-forward looking ng dialogue mo, Kuya. Paano? Explain in two brief sentences kung paano ako mabubuntis? Ano, immaculate concepcion?! Wala nga akong makilalang matinong taong papatol sa’kin pagpapabuntis kaagad ang nasa isip mo? Nakakasama ka ng loob. Parang wala ka pang tiwala sa’kin.” Hinawakan ko pa ang dibdib ko para kunwari ay hurt na hurt ako. Naging malumanay na ang mukha niya. Mukhang effective ang pagpapaawa effect ko.
“Siyempre may tiwala ako sa’yo. Sa ibang lalaki lang wala. O siya, halika na nga. Gutom lang iyan. Magugustuhan mo sa restaurant. Five star hotel ‘yon kaya siguradong magugustuhan mo ang pagkain.” At sa ganoon lang ay bumalik na ang kapatid kong simpatiko. Kailangan ko pang dramahan para lang tumigil nang katatalak.
Sakay ng bago niyang kotse, na isang puting SUV ay tinahak namin ang maluwag na kalye ng Sydney, Australia. Isang linggo na rin akong nagbabaksyon doon at dahil busy ang kapatid ko sa trabaho ay wala pa akong napasyalang lugar doon kahit isa. Sabi ni Kuya, hintayin ko na lang daw ang pagdalaw ni Kuya Blake Kendrick, ang bayaw ng pangalawa kong kapatid na si Ate Karen. Noong una ay tumutol pa ako, pero dahil wala naman akong magagawa kung hindi ang sumunod ay ibinaling ko ang atensiyon ko sa panonood ng maraming Korean Drama. Sa maghapon yata ay nakakaisa ako. Hindi na rin masama dahil halos hindi na rin ako kumakain kakapanood. Nakaka-hook ang mga tagpo roon, pakiramdam ko, kilig is life!
“We’re here.” Bumaba na si Kuya at inabot sa valet attendant ang susi. Hinintay ko namang pagbuksan ako ng attendant ng pintuan kagaya ng napapanood ko sa mga drama. Hindi naman siguro masamang magpa-bebe kung mukha naman akong maganda sa suot kong short na short red halter dress at ankle length boots, na sabi sa fashion magazines sa Australia ay isang trend daw ngayon.
“May scarf ka ba o shawl? Baka malamig sa loob,” pailing pang sabi ng kapatid ko.
“Wala. Bakit pa ako nag dress kung tatakpan ko din naman.” Inirapan ko na lang siya sa sobrang inis. Kahit kailan walang alam ang mga lalaki sa fashion.
Pagpasok namin sa loob ng five star hotel ay dumiretso kami sa restaurant sa ikalawang palapag nito. Kitang-kita ang lobby sa loob ng transparent glass ng elevator na sinakyan namin paakyat. Ang gaganda ng chandeliers. In contrast ito sa dark painted ceiling ng hotel. Nauna nang naglakad si Kuya. Itinuro niya sa akin kung saan pupunta kaya’t pinabayaan ko na siya sa mabilis niyang paglakad. Sa ikalawang palapag ay parang mezanine type ang hallway, pagdungaw sa balustre sa gitnang bahagi ay kita ang malawak na lobby ng hotel. Nakasabit ang ilang magagandang paintings paikot ng hallway na patungo sa five-star restaurant ng hotel. Dati ay nahiligan kong magpinta. Akala nga nila Mama noon ay Fine Arts ang kukuhanin kong kurso sa kolehiyo pero nawalan rin ako ng hilig dito. Sa kakatingin ko sa makukulay na abstract paintings, hindi ko napansin ang isang taong paparating. Solid ang pagkakabangga niya sa akin, dahilan para mapaupo ako sa carpeted floor ng hallway. Ihahanda ko na sana ang flying kick at upper cut punch ko nang magsalita siya.
“I’m sorry, I didn’t see you coming.” Tinulungan niya akong tumayo. Hindi ako nakapagsalita dahil para akong nakakita ng artista. Iyong mga bida sa Korean Drama na pinapanood ko, iyong mga boylet na walang pores at biniyayaan ng mapupulang labi at mamula-mulang pisngi? Ganoon ang tipo ng lalaking nakabunggo sa akin. Ang kamay niya ay parang mas malambot pa kaysa sa kamay ko.
“Are you okay, Miss? I’m really sorry. Can I get you a drink to prove how sorry I really am?” Bigla akong nahimasmasan. Okay na sana siya, pasado na sa kagwapuhan, kaso ay naging presko. Alam ko namang pick up lines ang pag-ayang uminom. Well, hindi niya ako mapi-pickup kahit mas gwapo pa siya sa lahat ng bida ng Korean dramang kinababaliwan ko.
“I’m fine, excuse me.” Tumalikod lang ako sa kaniya at may poise na lumakad papalayo. Nagkamali pa nga ako ng lakad dahil mas napalayo ako sa entrance ng restaurant. Imbis na malapit na ako sa pasukan ay inikot ko pa ulit ang buong hallway hanggang sa makabalik ako sa pinanggalingan ko. Hinanap ko ang gwapong lalaki, pero wala na ito. Pagpasok ko sa restaurant ay nakita ko kaagad si Kuya Blake.
“Nice of you to join us, Karla.” Biro pa ni Kuya Blake bago ako yakapin at magbeso sa akin. Sayang din itong doctor na bayaw ng kapatid ko, walang love life. Kaya yata sila magkasundo ni Kuya Kristoff ay dahil parehas silang single.
“Saan ka galing? Ang tagal mo.” Basag moment itong kapatid ko. Pinaalala pa ang dahilan kung bakit ako nahuli ng dating.
“May nakabangga kasi ako kanina, isang lalaking ang presko at ang hangin. Akala niya madadala ako sa pick-up lines niya. Sa kakaiwas ko, namali ako ng daan kaya mas tumagal ako pabalik.” Noon ko lang napansin ang isa pang lalaking kasama nila. Noong una ay nakayuko ito at hindi ko agad namukhaan dahil sa sa dalawang kuya ko lang ako nakatingin pero nang humarap ito at magsalita, halos huminto ang pagtibok ng puso ko.
“Baka naman hindi siya presko at mahangin at hindi pick-up lines ang sinabi niya sa’yo. He really wanted to apologize kahit na ikaw itong nakaharang sa daan.” Kung umiinom ako ng tubig, siguradong naibuga ko na ito dahil sa ang tinutukoy ko pala na presko at mahanging lalaki ay nasa lamesa namin.