"We will soon be arriving at Ninoy Aquino International Airport. Please fasten your seatbelts..." Anunsiyo ng kapitan ng eroplano.
Nang marinig iyon ni Sandra ay dali-dali niyang isinuot ang kaniyang seatbelt. Sinulyapan niya ang relo sa kaniya braso, limang minuto bago mag-alas dos ayon dito.
Sa wakas, nasa Pilipinas na siya. Sabik na sabik na siyang makita at makasama ang kaniyang mga magulang at mga kapatid.
Isinukbit na niya ang backpack niya. Kinuha niya mula sa kaniyang shoulder bag ang kaniyang cell phone at binuksan iyon. Nagchat siya sa kapatid na si Juvy at sinabing malapit nang lumapag ang eroplanong kaniyang sinasakyan. Agad naman itong nagreply sa kaniya na nakaabang na sila sa Waiting Area. Halatang sabik na sabik na ang mga ito na makita siya.
Naghanda na si Sandra para sa nalalapit nilang pagbaba sa eroplano. Tanaw na ng kaniyang paningin ang lalapagan ng kanilang sinasakyang eroplano.
Opisyal na silang nakalapag sa terminal airport. Kinalas na ni Sandra ang kaniyang seatbelt. Tumayo na siya at nakipila na sa pagbaba mula sa eroplanong sinasakyan.
Pagkababa ay lumipat sila sa shuttle na nag-aabang doon sa kanila upang ihatid sa arrival area kung saan naghihintay ang kaniyang pamilya.
Sa wakas ay nakapasok na siya sa gusali. Sunod niyang pinilahan ay ang pagkuha ng kaniyang mga maletang dala-dala mula pa sa L.A. Hindi nagtagal ay natanawan na niya ang kaniyang mga maleta. Agad niya iyong kinuha saka hinila ang mga iyon para simulan nang hanapin sina Juvy.
Hindi naman siya nahirapang hanapin ang mga ito. Agad niyang namataan ang mga ito na panay ang kaway sa kaniya. Hila ang kaniyang maleta at mabilis niyang tinungo ang kinaroroonan ng kaniyang pamilya. Buong pananabik niyang sinalubong ng yakap ang kaniyang ina, ang kaniyang ama at ang kaniyang dalawang kapatid.
"Salamat sa Diyos at ligtas kang nakarating anak." Sambit ng kaniyang ina habang mahigpit siyang yakap nito.
"Kumusta na po kayo, inay, itay?" Aniya habang may mga luhang nakasungaw sa kaniyang mga mata. Sobrang nakagagalak sa kaniyang pakiramdam na halos isang taon siyang nawalay sa mga ito at ngayon ay kapiling na niyang muli. Bigla niyang binalingan ang kaniyang mga kapatid.
"Ang laki na ni bunso ah, kumusta ang pag-aaral mo? Marami akong pasalubong sayo, may mga chocolates diyan." Turo niya sa dala niyang maleta.
"Talaga, ate? Naku, salamat po Ate Sandra." Masayang sagot ng kaniyang kapatid. "Mabuti naman po ang aking pag-aaral. Hindi ko po iyon pinababayaan."
Masayang ginulo ni Sandra ang buhok ng bunsong kapatid. Habang si Juvy naman ang kaniyang kinumusta.
"Naku, tayo na at sa byahe na natin ipagpatuloy ang ating kumustahan. Teka, ikaw ba'y kumain na anak?" Tanong ng kaniyang ama.
"Medyo busog pa naman po ako. Pero tara po at mamasyal muna tayo sa MOA at doon na po tayo kumain lahat." Nakangiting sabi ni Sandra.
Nang marinig iyon ng kapatid niyang si Lorenz ay napa-Yehey ito. Natutuwang inakbayan niya ito saka sinabayang lumakad palabas ng airport. Hinayaan niyang si Juvy ang maghila ng kaniyang maleta. Nang marating nila ang kinapaparadahan ng van n inarkila ng kaniyang ama ay isinakay na ng kaniyang ama ang mga bagahe niya. Nang masigurong okay na ang lahat ay sumakay na sila saka nagpahatid sa MOA sa Pasay sa inarkilang driver nila.
Nagpatuloy ang masasayang kumustahan nila hanggang sa loob ng sasakyan hanggang sa makarating sila sa MOA. Hindi maitago sa mga mukha ng kaniyang magulang ang matinding kasiyahan nang makita ng mga ito ang pinakamalaking mall sa buong Pilipinas. Alam niyang bihira makapasyal ang mga ito sa ganoong klaseng lugar kaya naman nais niyang bumawi sa mga ito. Ganoon din sa kaniyang mga kapatid.
Nang makahanap na ng mapagpaparadahan ng kanilang sasakyan ay sabay-sabay na silang pumasok sa malaking gusali. Napadpad sila sa food court. Humanap sila ng maaari nilang kainan. Pinila niya sa Cabalen dahil minsan na niyang natikman na masasarap ang pagkain doon. Napangiti pa si Sandra nang tanungin siya ng nanay niya kung mura lang daw ba doon.
"Huwag po kayo mag-alala, Inay. May pambayad po tayo kaya piliin niyo lang po lahat ng nais niyong kainin. Lahat ng masarap po ha. Promise, hindi ko po hahayaang maghugas paghugasin tayo dito ng pinggan kesyo wala tayong pambayad."
Bahagya namang nangiti ang kaniyang ina.l sa tinuran niya kahit pa nagbibiro lang naman siya.
Kasabay ng mag-anak ang kanilang inupahang driver ng van nang kaniya kaniya na silang kumuha ng kanilang pagkain sa buffet table doon. Eat-all-you can kasi ang sistema sa mamahaling restaurant na iyon. Pinili ni Sandra na kumuha ng kare-kare na kaniyang paborito, ganoon din ng fresh lumpia at saka lechon. Sabik na sabik siyang kumain ng mga Pinoy foods dahil halos gourmet ang kinakain nila sa barko. Bibihirang pagkakataon na makakain sila ng Filipino dish doon. Lalo pa't panay Italian foods yata ang palaging pinapakain sa kaniya ng kaniyang nobyo.
Nang maalala ang kaniyang nobyo ay bigla siyang natigilan. Hindi pa nga pala siya nakakapagchat dito para sabihing safe siyang nakarating sa Pilipinas. Mamaya na lang siya tatawag rito kapag nasa bahay na sila.
Naging abala na silang lahat sa masayang pagsasalo salo sa harap ng masasarap na pagkain. Walang katapusang pakikipagkumustahan at kuwentuhan ang namutawi sa pamilya Velasco. Masaya sila dahil ligtas na nakabalik ng bansa ang kanilang panganay na si Sandra.
Makalipas ang ilang oras ay nakatapos sila sa kanilang pagkain. Niyaya niya ang mga itong maglibot-libot doon sa mall. Dinala niya ang mga ito sa department store. Ang anumang nais ipabili sa kaniya ng mga kapatid ay buong pusong sinang-ayunan naman ng kanilang mabait na Ate Sandra.
Si Juvy ay nagpabili ng dalawang mamahaling dress nito at isang pares ng rubber shoes. Samantalang si Lorenz naman ay nagpabili ng bagong cell phone nito. Halos awatin na siya ng kaniyang ina na si Aling Martha sa paggasta ng kaniyang pera.
"Aba, anak baka maubos na agad ang iyong pera. Ang mahal na doon sa kinainan ntin kanina tapos ang mamahal pa niyang pinabili ng mga kapatid mo." Ani Aling Martha sa nag-aalalang tinig.
"Okay lang po iyon, Inay. May nakalaan po talaga akong budget para sa kanila. Kayo naman po ni Tatay ang pumili ng inyong magustuhan. Ako na pong bahalang magbayad niyon. Huwag po kayong mag-alala." Nakangiting sagot ni Sandra sa kaniyang ina.
"Sigurado ka ba, anak?" Paniniyak pa nito na parang nag-aalangan.
"Opo, Inay." Saka niya ito niyaya sa Foot Wears section doon sa department store. Pinagsukat niya ito ng mga flat sandals na naroon. Mukhang nahihiya pa itong pumili subalit tinulungan na ito ng kaniyang kapatid na si Juvy.
"'Nay, ito po oh. Bagay ito sa inyo, sukat mo na 'Nay." Isang pares ng brown sandals ang ipinasukat dito ng kaniyang kapatid. Habang ang kaniyang ama naman ang kaniyang tinulungan sa pagpili ng magustuhan nito. Dahil sa pagpipilit nilang magkakapatid ay napahinuhod nilang piliin ang gustong items ng kanilang mga magulang. Tig-dalawang pares din ng tsinelas ang binili ng mga ito. Sumunod na tinungo nila ang pagbili ng damit para sa mga ito. Isang couple shirt pa ang pinasukat niya sa mga ito. Tuwang-tuwa siyang makita na masaya ang kaniyang mga magulang.
Nagtagal pa sila sa pamimili. Hanggang sa umawat na ang kaniyang ina.
"Tara na, mga anak. Mauubos nang pera ng Ate ninyo."
"Oo nga, Sandra. Tayo nang umuwi, anak. Nangangalay na rin ang rayuma ko." Kunwari ay reklamo ng kaniyang ama. Pumayag na rin siya dahil nakakaramdam na rin siya ng pagod. Kailangan na talaga nilang umuwi para makapagpahinga na ang kaniyang katawan. Hindi niya kasi alintana ang pagod niya kanina nang makita ang sobrang kasiyahan sa mga mukha ng mga ito.
Inakay na niya ang mga itong lumabas ng gusali at kanilang tinungo ang parking na kinapaparadahan ng kanilang arkiladong van. Madilim na sa labas, ginabi na sila sa paglilibot ng mall. Matapos maisakay ang kanilang mga ipinamili ay sumakay na silang lahat.
Makalipas ang ilang sandali ay tinatahak na nila ang daan pauwi. Dala ng kaniyang matinding pagod ay nakatulog agad si Sandra sa kanilang byahe. May ngiti sa kaniyang mga labi nang siya ay makatulog.