I
"Hoy Rian! Kailan mo balak magbayad sa upa ng apartment niyo, aber? Aba, mag-aanim na buwan na 'yong utang na 'yon, a! Kapag umabot pa 'yang utang niyo ng anim na buwan, papalayasin ko na kayo!"
Walang imik si Rian habang nililitanyahan ni Aling Susan, ang may-ari ng apartment na tinitirahan nila ng kanyang dalawang nakababatang kapatid. Sanay na siya roon. Sa dami ba naman ng pinagkakautangan ng tatay niyang namayapa, isa lang si Aling Susan sa mga "bisita" niya araw-araw.
Labing-apat na taong gulang pa lang si Rian nang mamatay ang kanyang ina sa pangnganganak sa bunso niyang kapatid na si Ronnie. Nang mamatay ang kanyang ina ay doon nag-umpisa ang pagkalulong ng kanyang ama sa alak at sugal. Nasaid ang ipon nilang mag-anak hanggang sa pati ang pang-sugal ng kanyang ama ay inuutang na rin nito.
Dahil sa pagkabaon sa utang, kinailangan ni Rian na huminto sa pag-aaral at hindi na tumuloy ng kolehiyo para may maihain sila sa hapag-kainan. Ngunit hindi pa man siya nakakatagal sa trabaho niya ay nagkasakit ng liver cancer ang kanyang ama, dahilan para maratay ito sa ospital. Lalong lumaki ang problema ni Rian.
Hindi nagtagal ay pumanaw ang kanyang ama, pitong buwan na ang nakakalipas. Ang tanging iniwan sa kanila nito ay mahabang listahan ng utang at iba't ibang mga problemang dulot ng pagsusugal ng kanyang ama. Kabi-kabilang nagpapautang na humahabol sa kanila para maningil, at minsan pa nga ay sinasadya ng dalaga na hindi harapin ang mga iyon kapag kumakatok sa kanilang pintuan.
"Huwag po kayong mag-alala, Aling Susan. Makakabayad din po kami," mahinahon na sabi niya.
Tumaas ang kilay ng matrona. "Aba, baka tumirik at pumuti na ang mga mata ko bago pa mangyari 'yon! A, basta! Gumawa ka ng paraan!"
Naglakad palabas ng kanilang apartment ang landlady. Nasapo na lang ni Rian ang noo niya. Hindi na niya alam kung saang kamay ng Diyos siya kukuha ng ipangbabayad sa mga pinagkakautangan ng kanyang ama. Wala naman silang kamag-anak sa siyudad ng X kung saan sila kasalukuyang naninirahan at panigurado na kung meron man ay hindi gugustuhin ng mga ito na makipag-ugnayan sa kaniya. Sino ba namang gustong tumulong sa pagbabayad ng utang ng kanyang magaling na ama, hindi ba?
Imbes na magmukmok ay mabilis na tumayo ang dalaga at nagbihis. Maghahanda na sana sa pagpasok sa trabaho ang dalaga nang kumatok si Aling Susan. Nagmamadali na nag-ayos siya dahil hindi magandakung mahuhuli siya sa trabaho. Kailangan niyang ipakita sa mga boss niya na magaling siyang magtrabaho para naman kahit papa'no ay hindi maisipan ng mga ito na tanggalin siya.
Lahat na ata ng klase ng trabahong marangal napasok na ni Rian. Naging saleslady, waitress, at kung anu-ano pang trabahong tumatanggap ng isang highschool graduate na tulad niya. Sa hirap ng buhay sa loob ng siyudad ay hindi na niya magawang mamili ng trabaho. Basta may kuwarta at hindi illegal, papasukin niya. Wala siyang pakialam kung mahirap man o madali ang mga trabahong 'yon, ang mahalaga ay kumikita siya ng perang pangtustos.
"Aalis ka na, Ate Rian?" pupungas-pungas na tanong ng kapatid niyang lalaki na si Randal. Sampung taong gulang ito at naaasahan na ni Rian sa mga gawaing bahay at sa pag-aalaga sa bunso nilang si Ronnie, na ngayon ay anim na taong gulang na.
"Oo, Randall. Ikaw na muna bahala kay Ronnie, ha? Kailangan lang magtrabaho ni ate," saad niya. Marahan niyang hinaplos ang pisngi ng kapatid. Pinigilan niya ang sarili niya na mapaiyak sa harapan nito. 'Ni hindi niya man lang magawang bilhan ng bagong damit ang mga kapatid niya. Miski ang suot niyang mga damit ay luma na rin at kadalasan ay may maliliit na na butas na hindi niya magawang i-repair dahil sa pagiging abala sa pagtatrabaho.
Nang makalabas si Rian sa apartment na tinutuluyan nila ay nagpakawala siya ng malalim na buntong-hininga bago naglakad papalayo. Kailangan niyang magpakatatag para sa mga kapatid niya. Kung magmumukmok lang siya katulad ng ama niya ay baka pareho silang mamatay nang dilat sa gutom.
Sa ngayon ay waitress sa isang restaurant ang dalaga. Maganda sana ang sahod, kung 'di lang malaki ang utang nilang mag-anak. Kaya naman halos barya na lang ang natitira sa kanya pagkatapos magbayad ng mga utang at bumili ng mga kailangan ng mga kapatid niya sa eskwelahan. 'Ni hindi niya mabilhan ang sarili niya ng bagong sapatos.
Ang hirap ng buhay ay mabilis na nawaglit sa isip ng dalaga nang mag-umpisa na siyang magtrabaho sa restaurant. Kabi-kabila ang mga tables na kailangan niyang pagsilbihan. Gabundok ang mga hugasin. Wala nang oras si Rian para magmukmok. Ano ba naman kasing magagawa ng pagmumukmok niya? 'Yan ang madalas na paalala ng dalaga sa sarili. Hindi naman mababayaran ng pagmumukmok niya ang mga utang nila.
Mga bandang tanghali ay napansin ni Rian na may dumating na grupo ng mga lalaking nakasuot ng mamahaling suit and tie na dumiretso sa VIP area ng restaurant. Kasunod no'n ay ang pagpapatawag sa kanila ng manager nila. Dahil isa ang dalaga sa mga pinakabatikan na nilang serbidora ay siya ang inatasan na magsilbi sa mga ito.
Suot ang kanyang pinakamagandang ngiti ay kumatok muna ang dalaga bago pumasok sa loob ng kuwarto. Masaya ang loob ng VIP room dahil nagkukuwentuhan ang mga lalaki maliban sa isa na masyado yatang workaholic dahil nakatuon ang atensyon nito sa laptop na bitbit at hindi sa mga kasama.
Tinanong ni Rian kung ano ang order ng mga ito at nagsi-sagot ang mga ito ng mga pinakamahal na putahe na meron sila. Kampante naman si Rian na magbabayad ang mga iyon dahil mukha silang mayayaman. Nang untagin ng isa sa kanila ang workaholic nilang kasama ay sandali lang itong nag-angat ng tingin at um-order ng simpleng steak at wine.
Nang makalabas siya sa silid na 'yon ay parang nakahinga nang maluwag ang dalaga. Dali-dali siyang nagtungo sa kitchen upant ibigay ang order ng mga ito. Ilang sandali pa ang lumipas at pabalik na siya sa VIP room para ihain ang mga putaheng pinaluto ng mga ito.
Aalis na sana si Rian palabas ng silid nang pigilan siya ng isa sa mga lalaking nandodoon. Iba ang dating ng ngisi nito sa dalaga. Parang nakakaloko. Nag-umpisa mang tambulin ng kaba ang dibdib niya ay ngumiti pa rin ang dalaga at mahinahon na nakipag-usap.
"Where's our extra service?" malokong tanong nito.
Hindi nakahuma ang dalaga. Kunot-noo na sumagot ito. "Ano po, sir? Sa pagkakaalam ko po ay kumpleto na po ang mga in-order niyo."
Pumapalatak ito. "No, Miss. What I mean is..."
Lalong kinabahan ang dalaga nang maglandas ang tingin nito mula sa kanyang mukha pababa sa kanyang katawan. Suot ni Rian ang karaniwang uniporme ng restaurant na polo at pencil skirt na itim na may pagkahapit sa kanya.
"You know, you shouldn't be serving costumers. How about serving me in bed?"
Tumawa ang mga kasama ng lalaki maliban sa workaholic na lalaking nakatuon pa rin ang tingin sa laptop nito. Hindi man magaling sa Ingles si Rian ay alam niyang binabastos siya ng mga ito. Pilit niyang pinakalma ang sarili at magalang pa rin na sumagot.
"Sorry po, Sir, pero waitress lang po ako. Hindi po ako gano'ng babae."
Sumimangot ito. "Oh, come on. Don't be such a prude."
Nag-iba ang atmospera ng paligid. Dama ni Rian ang masamang balak ng kausap niya sa kanya. Tatalikod na sana siya at maglalakad palapit sa intercom upang tawagin ang guard ng restaurant ngunit mabilis siyang nahawakan sa pulso ng lalaki. Naghihiyawan ang iba nitong mga kasama. Halos maiyak na ang dalaga. Hindi niya alam kung anong gagawin niya.
"This is a restaurant, Mr. Balman. Not a strip club."
Napalingon ang lalaki sa nagsalita. 'Yong workaholic pala. Bahagyang nabuhayan ng loob ang dalaga. Kahit papaano naman pala ay may isang kasama ang mga ito na hindi bastos.
"Come on, Liam. Hindi naman tayo nagpunta dito para kumain lang. I mean, yes, we did. Pero puwede rin naman tayong kumain ng ibang putahe..." makahulugang sabi nito sabay tingin sa kanya.
Malamig ang titig na ibinigay nito sa kasama. "I'm not a pig. Let her go or I'll cancel the partnership between the Astoria Hotel and Balman Kitchenette."
Nagbago ang timpla ng mukha ng lalaki. Ngunit naging matigas pa rin ang hawak nito sa kanya. "Come on, Liam. Don't be such a killjoy."
Nagulat siya nang tumayo ito. Mas matangkad ito ng ilang pulgada sa lalaking kanina pa nangha-harass sa kanya. Kahit siguro sino ay tiyak na matatakot kapag nakaharap ito. Naglakad ang lalaki papalapit sa katabi niya. Walang buhay ang mga mata nito, ngunit tila tumatagos ang tingin ng itim na itim na mga mata nito sa kanyang katabi.
"Don't call me Liam, Mr. Balman. We're not friends. The partnership is over."
Magkahalong takot at inis ang rumehistro sa mukha ng kausap nito. Binitawan nito ang braso niya at hinawakan sa balikat ang tinatawag nitong 'Liam'.
"What? You know my father would definitely kill me if he—"
Ngumisi ang kausap nito na parang nakakaloko. Inalis nito ang kamay ng lalaki sa braso niya. "I don't deal with scums. Now, everyone, leave."
Lumipas ang ilang sandali at walang kumilos sa mga ito. Parang nagpapakiramdaman. Inulit ng lalaki ang sinabi niya. Mas malakas. Parang kulog ang boses nito sa loob ng silid. Nagkukumahog na lumabas ang mga ito, hatak-hatak ang lalaking nang-harass sa kanya.
Sa gulat ng dalaga ay hindi ito nakagalaw. Nanatili siyang nakatayo sa may gilid ng pinto, nakatingin sa likod ng lalaking naiwan na kanina lang ay ipinagtatanggol siya. Tumingin ito sa suot nitong mamahaling relo pagkatapos ay bumalik sa puwesto nito.
"Finally, peace."
Kukunin na sana nito ulit ang laptop na bitbit nito nang makuha niya ang atensyon nito. Nag-angat ng tingin ang lalaki. Sandaling rumehistro sa mukha nito ang gulat at pananabik na mabilis ding nawala. Tumayo ito at naglakad papalapit sa kanya. Napaatras ang dalaga. Huminto ito sa paghakbang.
"You're the waitress, right?" tanong nito. "Sorry for the mess."
Parang nakahinga nang maluwag ang dalaga. Pilit niyang iniiwas ang tingin niya dito. Pakiramdam niya kasi ay parang hinihigop nito ang kaluluwa niya.
"Pasensya na po Sir kung nakaabala ako sa meeting niyo," mahinahong sabi niya.
"No, not really. I was intending to ditch them, anyway. Where's the bill?"
Nang mag-angat ng tingin ang dalaga ay binati siya ng guwapong mukha nito. Parang may lahing Arabo pa ata ang kaharap niya dahil sa prominenteng panga nito at ilong na napakatangos at tila kaysarap halikan ng mga labi nito. Bahagyang tumubo na ang balbas nito ngunit mas lalo lang itong nakadagdag sa gandang-lalaki nito. Parang napahiya na nag-iwas ng tingin si Rian. Bakit parang pinagnanasaan niya ang kostumer nila?
"Sandali lang po, Sir."
Naglakad siya papalabas ng VIP room at kinuha ang bill nito. Ramdam niya ang pamumula ng tainga at pisngi niya. Ilang beses na nagpakawala ng buntong-hininga ang dalaga bago bumalik sa silid. Ibinigay niya ang bill dito. Pinabalik na siya nito sa labas bago ito tumayo at may tinawagan sa smartphone nitong mukhang mamahalin.
Pilit na kinalma ni Rian ang sarili niya habang naghahain sa ibang mga kostumers ng restaurant. Iwinawaksi sa isip ang mukha ng lalaki kanina. Hindi na niya dama ang kaba na kanina lang ay lumukob sa sistema niya dahil pakiramdam niya ay nakahanap siya ng tagapagtanggol.
Pagharap niya ay nagulat siya nang muntik na niyang mabangga ang pigura ng lalaking nasa VIP room lamang kanina. May nakasunod dito na isa pang lalaki na sa tingin niya ay nasa edad singkwenta na. Bahagya siyang nginitian nito.
"I already paid the bill. And also, be sure to get the food and the tip, okay? See you around."
Nalaglag ang panga ni Rian ng lampasan siya nito. Tip? Pagkain? Parang huminto ang takbo ng utak niya. Ilang sandali pa ang lumipas bago tuluyang nawala sa paningin niya ang dalawang lalaki. No'n lang siya nabunutan ng tinik sa lalamunan. Dali-dali siyang nagpunta sa kitchen at sinalubong siya ng tingin ng mga staff na takang-taka sa mga nangyari.
"Hoy, Rian, anong nangyari kanina? Sino 'yon? Bakit umalis mga kasama niya? Bakit binigyan ka ng tip at ng pagkain?" sunod-sunod na tanong ng mga ito sa kanya.
Naglakad siya papalapit sa manager nila at tinanong kung ano bang sinasabi ng mga ito. Mas lalong nalaglag ang panga niya nang malaman niya na iniwan siya ng sampung libong pisong tip ng lalaki kanina at ipinabalot nito lahat ng pagkaing hindi naman nagalaw at ipinapauwi sa kanya.