PROLOGO
Las Islas Filipinas (Taon ng 1909)
TUMIGIL ang karwahe sa tapat ng mansyon ng Alkalde Macapagal. Tinanaw ni Alena ang kalakihan ng mansyon at kahit dito sa labas ay nakikinita na niyang nagkakasiyahan ang mga taong bisita roon sa loob. Kaarawan ngayon ng Alkade ng Sitio Makalaya kaya naimbitahan silang magpamilya. Enggrande ang nasabing pagtitipon kaya alam niyang ang mga panauhin ay nanggaling din sa pamilyang maharlika o mayayaman.
Naagaw ang pansin niya ng kinakapatid na lalaki na siyang tumatayong panganay sa kanilang tatlong magkakapatid. Kay tikas nito sa suot na kulay gintong terno at kurbata.
Dinaanan lamang siya nito na parang hindi nakita at dumiretso saka tumigil sa tapat ng karwaheng sinakyan ng bunsong kapatid nilang si Marcela. Maginoong nilahad ni Diego ang palad dito para alalayan ito sa pagbaba ng sasakyan.
“Salamat, kuya Diego,” nakangiting pasalamat ni Marcela.
Tumugon din si Diego ng marahang ngiti.
Wala na ang ngiti nang sandali pa’y tumingin ito dito sa gawi ni Alena.
“Wala ka bang planong bumaba diyan sa karwaheng sinasakyan mo?” ang walang kaamor-amor pang tanong nito.
Bigla naman siyang tila binuhusan ng malamig na tubig at agaran na nga’ng kumilos saka bumaba. Ano bang inaakala niya? Ang magpapakamaginoo din ito sa kanya at aalalayan siya sa kanyang pagbaba?
Kasabay ng pagbaba niya ay ang pagbaba din ng Don Joaquin Chavez**** ama nila sa karwaheng sinakyan. Nakangiti ito at maaliwalas ang mukha, handang-handa sa pagdadalo nila ngayong gabi sa kaarawan ng kaibigang Alkalde ng kanilang bayan.
“Halika na, ate,” maligayang inakay siya ni Marcela nang makalapit siya sa mga ito at kumumyapit sa kanyang braso.
Nagpatangay si Alena sa bunsong kapatid nang tuluyan silang pumasok sa entrada at ramdam niya ang tahimik na pagsunod ng panganay at ng nakangiting ama nila.
Si Alena ay dalawampung-tatlong taong gulang samantalang si Marcela ay labing-siyam pa lamang, at ang panganay ay si Diego na tatlong taon ang tanda mula kay Alena.
“Magandang gabi, Don Felipe. Maligayang kaarawan, aking kaibigan,” pagbati ng ama nila sa nasabing nagse-selebra ng kaarawan.
Palakaibigang tumawa ang Alkalde sa pagtanggap sa pabati. “Maraming salamat, aking kaibigang Gobernador.”
Pati silang tatlong magkakapatid ay binati rin ang Alkalde.
Si Don Joaquin Chavez, na ama nila, ang kasalukuyang Gobernador ng kanilang bayan na Sitio Makalaya.
“Señorita Alena, dalawang taon na rin magmula nang kupkupin at ampunin ka ng Gobernador upang maging anak niya, hindi ba, hija?” ang maawra at nakataas ang kilay na tanong ni Donya Milagring na siyang asawa at maybahay ng Alkalde.
“Milagring!” ang marahang saway ng Alkalde sa matabas nitong pananalita at harap-harapang pangmamata.
Hindi lingid sa kaalaman ng mga tao sa paligid nila na ampon at kinupkop lamang si Alena ng butihing Don Joaquin at pinatira sa pamamahay nito saka ituring na ring isa sa mga anak nito.
Sandaling umiwas ang Señorita Alena at hindi nakapagsalita. Pinagtitinginan din siya ng mga mapagmataas na mga mata sa paligid.
“Ah, pasensya na, kumpadre, sa pagiging matabas ng bibig ng aking maybahay—“
“Wala ho kayong dapat na ikahingi ng pasensya, Don Felipe. Huwag po kayong mag-alala at wala lang naman po sa akin ang sinabi ni Donya Milagring sapagkat tama naman ho siya, hindi lingid sa kaalaman ng nakararami na nabubuhay ako ngayon nang dahil sa kabaitan ni Don Joaquin sa pagkupkop sa akin at itinuring na rin akong parang tunay niyang anak,” salita ni Alena habang nawala na ang pagkailang sa harap-harapang pagtatangka ng Donya sa pamamahiya sa kanya.
Narinig niya ang marahang pagngiti ng kapatid na si Marcela sa kanyang tabi at natutuwa sa kanyang sinabi at matapang na pagsagot. “Tama ang ate Alena. Bakit naman niya ikahihiyang kinupkop siya ng pamilya namin gayong itinuturing na rin naming siyang opisyal nang parte ng pamilya at hindi na naiiba sa amin,” ang sabi pa nito na sinuportahan siya.
Si Diego ay palihim ding ngumiti at humanga. Ang Don Joaquin ay marahang tumawa.
“Tingnan ninyo ang aking mga anak. Kahit hindi magkakadugo, may malasakit at malalapit ang loob sa isa’t-isa, kaya ‘yan ang labis na ipinagmamalaki ko bilang ama nila.”
Umiwas at palihim na lamang na umismid ang Donya dahil imbes na manghiya ay tila ito pa ang napahiya. Ang Alkalde nama’y pinanatili ang kaswal na ngiti upang matakpan ang kahihiyang ginawa ng mapagmatang maybahay.
Totoo ang sinabi ni Don Joaquin na hindi sila magkakadugong magkakapatid. Si Marcela—ang bunso sa kanila—ang siya lamang tanging anak na dugo’t-laman ng pumanaw na asawa ng ama-amahan nila. Si Diego, bata pa lamang nang mapaslang ang mga magulang ay kinupkop at pinatuloy na ng Don sa bahay nito upang ituring na ring parang totoong anak. Ang panghuli ay si Alena. Dalawang taon na magmula nang sumunod ang kanyang kapatid sa mga magulang sa kabilang buhay kaya nagmabait din ang Don nang mabalitaan nito ang tungkol sa masalimoot na nangyari sa kanya at kinupkop na rin siya upang maging anak nito.
Ang pagkakaiba nga lang, si Diego ay legal na inampon dahil dala-dala at taglay na nito ang pangalang Chavez, kaya marami sa mga tao hindi alam na ampon lang din ang panganay. Si Alena ay nanatiling Alena Franciso dahil sapat na sa kanya at kuntento na siya na pinatuloy siya at binigyan ng panibagong tahanan at pamilya ni Don Joaquin at kailanma’y hindi na niya hiniling pa rito na ipagamit din sa kanya ang apelyido na kagaya ng sa kanyang mga kapatid.
Pinanuod niya ang ama at si Marcela sa paglapit ng mga ito sa kaibigan ng kanyang ama. Si Diego nama’y naroon na rin sa grupo ng mga kabinataan at nakikipag-interak, marahil ay mga kakilala at kaibigan din nito ang mga ‘yon. Si Alena namang narito lamang sa gilid ay tahimik na umiinom ng tsaa habang sa totoo lang ay naiinip na siya. Hindi kasi niya ugali ang magsaya sa ganitong mga enggrandeng pagdadalo, mas nais niyang magkulong lamang sa kanyang silid o pumunta sa paborito niyang lugar at magbasa ng mga librong may nakatutuwang mga kuwento o yaong ma’y kapupulutan siya ng mga aral.
Hindi niya pansin ang karamihan sa mga ginoo na nakatingin at pinagmamasdan siya dahil sa kanyang taglay na kagandahan. Si Alena ay natural na may kaputiang kinis ng balat, katamtamang katangkaran, payat na pangangatawan, at napakaamong malaanghel na mukha. Naghahalo sa kanyang dugo ang pagiging Filipina at pagiging mestizo, kaya may matangos na ilong, perpektong kurba ng malarosas na labi, at medyo singkit na mga mata.
“Señorita Alena, nag-iisa ka yata? Gusto mo ba ng kasama at makakausap?” nakangiting tanong bigla sa kanya ng isang binatang lumapit upang magbaka sakali.
Pamilyar ito sa kanya at nare-rekognisa niyang isa ito sa mga pinakamayayamang negosyante ng mga first class na alak dito sa kanilang bayan.
“Maayos at komportable ako sa pag-iisa, Señor, kaya wala kang dapat na ikabahala. Hindi ko rin kailangan ng makakausap sa mga sandaling ito,” nakangiti at bagama’y magalang na pagtaboy niya rito.
Hindi na ito nagsalita bagkus ay pinanatili ang kompusyur na naglakad palayo.
Nang dumapo ang kanyang mga mata sa banda kung saan naroon ang kinakapatid, nakita niyang matamang nakatitig ito dito sa kanyang gawi habang hindi maitatatanggi ang paghanga sa mata ng kapwa mga binatang kasama nito na nakatingin din sa kanya, ngunit umiwas din kaagad si Diego at bagkus ay inilihis ang kuwentuhan sa mga kasama para ilayo ang mga mata nito mula sa pagtingin sa kanya. Balewalang nagkibit na lamang ang dalaga.
Sa totoo lang ay may pinagsamahan naman talaga silang dalawa dati pa bago siya kupkupin ng Gobernador Joaquin. Hindi nga niya alam kung bakit bigla itong nagbago at naging malamig ang pakikitungo sa kanya magmula nang tumira siya sa mansyon ng mga Chavez.
Sa muling pagsulyap niya sa gawi nito ay nakita niyang nagkanya-kanya na ang mga kasama nito at si Diego ay naroon na sa sayawan, nagsasayaw kasama ng babaeng mukhang desperadang nag-imbita rito para isayaw nito. Napakaganda at mestiza din ang kasalukuyang kasayaw nito.
“Señorita Alena?”
Napatingin siya sa lumapit sa kanya. Kilala niya ito. Si Simeon Macapagal. Ang tangi at nag-iisang anak ng Alkalde Felipe at Donya Milagring.
“Señor Simeon!” nakangiti at magalang niyang bati rito.
Kung susuriin ay magkaedad lamang sila ng ginoong ito. Makisig ito sa kulay bughaw na terno at kurbata.
“Magandang gabi, Señorita. Bakit nag-iisa at tila nagmumukmok ka rito? Narinig ko ang tungkol sa ginawa kanina ng mama at nais kong humingi ng paumanhin sa ‘yo sa ginawa niyang ‘yon. Kung ‘yon ang dahilan kung bakit nag-iisa at nagmumukmok ka’y pasensya ka na, Señorita—“
Agarang umiling si Alena upang putulin ito sa paghingi ng despensa. “Walang anuman iyon sa akin, Señor, at hindi ko naman dinidibdib kaya huwag kang mag-alala, walang kinalaman doon kung bakit gusto kong nag-iisa dito sa sulok.”
“Oo nga pala,” marahang ngumiti ito na wala nang ilangan sa pagitan nila. “Ikaw nga pala ang anak ng Gobernador Joaquin na hindi mahilig sa ganitong mga pagdadalo dahil ayon sa kuwento ng ama mo, mas gusto mo ang nag-iisa at nagbabasa ng mga libro.”
Simpleng ngiti lamang ang kanyang tinugon saka tumango. Tama ito.
“Maiba ako, maari ba kitang maisayaw, Señorita?” tanong nito saka naglahad ng kamay sa kanya.
Sandali siyang nag-isip at nang ibibigay na sana niya ang kanyang kamay upang paunlakan ang imbitasyon nito ay pumagitna si Diego sa pagitan nilang dalawa.
Pareho sila ni Simeon na nabigla sa ginawa ng kanyang kinakapatid. Taas ang noo nito habang nakaharap sa kanyang kausap. Arogante ang ginawa nito, sa totoo lang.
“Pasensya na, Señor, ngunit pinatatawag na si Señorita Alena ng aming papa dahil uuwi na kami.”
Nilingon siya ni Diego pagkatapos ng sinabi nito kay Simeon. Tinging-malalim ang ipinupukol nito sa kanya at mariin ang seryoso ngunit mapanghamon nitong mukha.
“Ah, ganoon ba? Naiintindihan ko. Walang problema, Heneral.”
Heneral Diego o Heneral Chavez ang tawag ng karamihan kay Diego dahil Heneral ito at pinuno ng Hukbong Lakas ng bayan nila at iginagalang ng lahat.
“Tayo na, Señorita,” ang walang kaamor-amor na sinabi nito sa kanya.
Yumuko siya para magpaalam kay Simeon at ngumiti saka tumango naman ito. Sumunod na siya kay Diego nang humakbang na ito palabas.
“Sandali, Heneral.”
Kapwa silang napalingon kay Simeon nang magsalita ulit ito.
“Mahal na mahal mo malamang ang kapatid mo kaya nahahalata ko sa ‘yo na masyado mo siyang pinoprotektahan lalo na sa mga kapwa mo kabinataan tulad ko. Hindi ba, Heneral?” Nasa tono ng ginoo ang panghahamon, naninimbang at nanunuya.
Ilang sandaling hindi nagsalita si Diego ngunit kalauna’y gumaganting nanunutya ring ngumiti at mahigpit pang inakbayan si Alena na lalong ikinabigla ng dalaga. Napatingala na lang siya sa gwapong mukha ng naninimbang ding kinakapatid.
“Sina Alena at Marcela ay mga kapatid ko kaya obligasyon ko bilang pinakanakatatandang kapatid nila na protektahan sila kahit na kanino, kahit pa sa anak ng Alkalde ng Sitio Makalaya.”
Pagkatapos nu’n ay binitawan na siya ni Diego at nagmartsa na ito paalis. Tahimik na sumunod na lamang siya rito.
Pagkabalik sa kanilang mansyon, matapos na bumaba si Marcela sa karwaheng sinakyan nito at inalalayan ni Diego, tahimik na bababa na rin sana si Alena nang magsalita ang kanyang ama.
“Diego, hindi ba dapat ay maging maginoo ka rin sa isa mo pang kapatid na si Alena at alalayan din siya sa pagbaba niya sa karwaheng sinakyan?”
Pareho silang nabigla sa sinabi ng Don Joaquin bagaman ay magiliw itong nakangiti.
“Ah, hindi na ho, papa. Kaya ko naman ho ang sarili ko, eh—“
Naputol siya sa pagtanggi nang nasa harapan na niya si Diego at nakalahad na ang palad nito sa kanya upang alalayan siya. Napilitan tuloy siyang tanggapin ang kamay nito at hayaan siyang tulungan at alalayan siya nito sa simpleng pagbaba na kayang-kaya naman na niya kahit na hindi na nito ito gawin. Ngunit siyempre, dahil inutos ng ama nila, talagang napipilitan na lamang itong gawin.
Sa paglalapat ng mga palad nila’y ramdam niya ang pamilyar na kuryenteng hatid ng mahigpit na paghawak nito sa kanyang kamay… tulad ng dati… ng noon… na imposible na yatang maibalik pang muli ngayon dahil marami nang nagbago.
“Ganyan nga, hijo. Maging patas ka sa iyong mga kapatid at maging maginoo ka rin kay Alena.”
Matikas na tumango si Diego habang malayo ang tingin. “Opo, papa.”
“Tayo na.” Sumunod na rin sila nang pumasok na ito sa loob ng bahay.
Napahingang-malalim na lamang si Alena…
-----
Ang mga pangalan, tauhan, negosyo, lugar, kaganapan at insidente ay alinman sa mga produkto ng imahinasyon ng may akda o ginamit sa isang kathang-isip na pamamaraan. Ang anumang pagkakahawig sa aktwal na mga tao, buhay o patay, o tunay na mga kaganapan ay pulos nagkataon.
Walang bahagi ng aklat na ito ang maaaring kopyahin, ipamahagi, o mailipat sa anumang anyo o sa anumang paraan nang walang paunang pahintulot ng may-akda.