“So ano? Ex mo pala si Sir Dash, ni hindi mo man lang sinabi samin?” nakapamaywang na sabi ni Karen.
Napalunok ako, nakapalibot silang lahat sakin dito sa may garden. Sina Karen, maliban kay Aling Lorena na natutulog na.
“OMG! Kaya pala natatahimik ka kapag nababanggit namin si Ma'am Chiara kasi nagseselos ka. Sorry.” sabi ni Anna at hinawakanan ang kamay ko.
“H-Hindi gano'n 'yon. Hindi naman kami mag-ex, saka wala ng namamagitan samin ngayon.” sabi ko at pilit na ngumiti sa kanila.
Ang hirap magpaliwanag, kasi kahit ako hindi ko alam kung anong namamagitan samin ngayon. Ayokong umasa, baka talagang kaibigan na lang ang turing niya sakin, baka wala na talaga siyang nararamdaman para sakin.
“Weh? Eh bakit nakita ko kayo kanina? Sabi pa ni Sir Dash, ehem! ‘Nagseselos ka ba kay Chiara?’” sabi ni Jane at ginaya pa ang boses ni Dash.
Nagtilian sila sa sinabi ni Jane. Umakyat ang dugo sa mukha ko. Nakita niya 'yon?!
“Eto naman yung sagot ni Sir Dash, tandang tanda ko... ‘Whether you're jealous or not, I still want to say that Chiara is just a best friend to me ever since until now.’ Ganern!” pagtsismis pa ni Jane.
Napatakip na lang ako sa mukha ko. Si Jane ang may pinakamalakas na pangrinig samin, estudyante rin siya at pinapaaral ni Ma'am Shenna kagaya ko at law ang course niya kaya malakas ang memory niya.
“At ang gagang si Lovely, tumanggi pa. Pero alam niyo ito ang matindi, nakita kong ngumiti si Sir Dash. Ngumiti siya kay Lovely!”
“Aaah!” lalo silang nagtitili sa sinabi ni Jane.
“Ang gwapo niya lalo pag nangiti! Aaah!” kinikilig na sabi ni Jane.
“Nakakakilig naman kayong dalawa!” kinikilig na sabi ni Lea.
“W-Wala 'yon, ganon talaga si Dash.” sabi ko na lang at napaiwas ng tingin.
“Si Dash?” makahulugang tanong ni Anna na mah nanunuksong ngiti sa labi.
“E-Este Sir Dash pala.” napapikit ako ng mariin. Yung dila ko talaga, hindi ko makontrol.
“Pero alam niyo ba, hindi lang 'yon...” sabi ni Karen habang may kakaibang ngiti.
“Ano pa?” excited na tanong nila.
“Nakita kong pumasok si Sir Dash sa kwarto ni Lovely kagabi.” napasinghap sila sa sinabi ni Karen.
“Grabe, ang wild niyo naman.” sabi pa ni Lea.
“M-Mali kayo ng iniisip, n-nagpaturo lang siya sa paggawa ng keychain.” kanda-utal utal na sabi ko.
Mga loka loka talaga ang mga 'to. Nilalaglag pa ko.
“Ahh. Okay, pero bakit nayugyog yung kama mo?” tanong ni Karen at pinaningkitan ako ng mga mata.
“OMG! May nangyari sa inyo?” pabulong na tanong ni Anna sakin.
Napalunok ako at napakurap. Ano ng idadahilan ko ngayon.
“Eh kasi m-may ipis sa ilalim ng kama ko. Pinatay ni Dash--- ni Sir Dash, eh medyo malaking tao si Sir Dash kaya hindi siya masyadong magkasya sa ilalim ng kama ko, sabi ko nga ako na eh, kaso mapilit siya. Eh yung ipis, patakas takas kaya nahirapan si Sir Dash na patayin yung ipis. Tapos hindi pa siya magkasya sa ilalim ng kama ko kaya talagang hirap na hirap siya, yung yung dahilan kaya may narinig kang pagyugyog. Tapos nataranta siya ng konti kasi minadali ko siya, baka kasi hindi namin matapos yung keychain. Tapos nung napatay niya yung ipis, umalis agad siya sa ilalim ng kama pero nasanggi naman niya yung cabinet ko. 'Yon y-yung nangyari, ang dudumi ng utak niyo.” sabi ko at napaiwas ng tingin.
Nakatulala lang silang apat sakin. Hindi ko alam kung na-convinced ba sila o ano. Lagi talaga akong pangit magpalusot.
“Alam mo, pwede ka ng maging author.” napapailing na sabi ni Lea.
“Wait, kapag ba pumapatay ng ipis, kailangan rin naungol?” painosenteng tanong ni Karen.
Tuluyan na kong napatakip sa mukha ko. Wala akong mailihim sa mga lokang 'to.
“Akala ko nga minumulto ako kagabi eh.” natatawang sabi ni Karen.
“Grabe, wild rin pala si Sir Dash. Hindi ko inaasahan 'yon.” sabu naman ni Anna.
“H-Hindi gano'n 'yon, mali kayo ng---”
“Tama na ang palusot Lovely, 27 kana pero hindi ka pa rin marunong magpalusot ng ayos. Kung sakaling may kabit ka, malamang mahahalata agad.” napasimangot ako sa sinabi ni Lea
Wala naman akong kabit eh.
“Sabi na nga ba eh, wala talagang feelings si Sir Dash kay Ma'am Chiara. Best friends lang talaga sila.” sabi naman ni Karen at napasuntok pa sa hangin.
“Pinag-uusapan niyo ba ako?”
Nanghina ang mga tuhod ko sa boses na 'yon. Namutla rin sina Karen at natahimik.
“H-Hindi naman po sa ganon Ma'am Chiara...” nauutal na sabi ni Lea.
“What do you mean by that?” tanong ni Chiara.
Kitang kita ang kaba sa mga mukha nila. Napabuntong hininga ako.
“Wala naman kaming intensyon na masama. Ako na ang humihingi ng tawad sa mga nasabi at napag-usapan namin tungkol sayo.” nakatungong sabi ko.
“Sorry po Ma'am Chiara.” sabi nina Karen.
Natigilan ako at napatingin kay Dash na nasa likod lang ni Chiara.
“I'll let this slide, pero sana hindi na maulit.” sabi na lang ni Chiara.
“By the way, uuwi na ko Dash. Wag mo na kong ihatid.” sabi ni Chiara at ngumiti kay Dash.
“Okay, take care.” sabi ni Dash at tipid na ngumiti sa kanya.
“Sorry po Sir Dash.” sabi nila nang makaalis na si Chiara. Tumango na lang si Dash at binaling ang tingin sakin.
“Let's talk Lovely.” seryosong sabi niya.
Napalunok ako at binalingan ng tingin sina Karen. Tipid na ngumiti at tumango lang ako sa kanila.
“Sorry.” basa ko sa buka ng bibig nila. Tumango lang ako sa kanila at ngumiti.
Sinundan ko na si Dash. Nakarating kami sa bandang likod ng mansyon na may garden rin.
Napatungo ako habang pinaglalaruan ang mga kuko ko.
Galit siguro siya sakin dahil sa nangyari kanina.
“I'm sorry.” natigilan ako sa sinabi niya.
“B-Bakit ka nags-sorry?” nauutal na tanong ko.
Lumapit siya sakin at hinawakan ako sa magkabilang balikat. Napalunok ako at napatitig sa asul niyang mga mata.
“Hindi ko alam na napag-uusapan na tayo dahil sa kapabayaan ko.” seryosong sabi niya.
“H-Hindi na kailangan, nagpapalusot naman ako sa---” agad niyang pinutol ang sasabihin ko.
“Yung mga palusot mo ang naglalaglag sayo. Seriously? Ipis?” natatawang tanong niya.
Umakyat ang dugo sa mukha ko. Hiyang hiya ako sa kanya ngayon.
“N-Narinig mo 'yon?” tanong ko at napatakip sa mukha ko.
Natatawang tinanggal niya ang mga kamay ko na nakatakip sa mukha ko.
“Bakit ang cute cute mo magpalusot?” kinurot niya ang pisngi ko na para bang nanggigigil siya sakin.
“Aray.” sabi ko at tinanggal ang kamay niya.
“I'll be careful from now on. Promise.” sabi nito at hinawakan ang kamay ko.
“Dash.” sabi ko habang nakatitig sa gwapong mukha niya.
“Hmm?”
“B-Bakit mo ginagawa 'to?” tanong ko at napatungo.
Saglit siyang natahimik. Natigilan ako nang hawakan niya ang kamay ko at dalhin 'yon sa pisngi niya habang nakatitig siya sa mga mata ko.
“You know, I don't easily say what I feel to someone, especially when it comes to you. But I know you feel it, I don't need to say it right?” tanong niya. Napaiwas ako ng tingin.
Alam ko naman, naiintindihan ko na. Pero gusto ko pa ring marinig...
...kasi baka umaasa lang pala ako.
***
“Are sure you're okay? Mag-isa ka lang diyan sa Pilipinas.” nag-aalalang sabi ni Tita Claudette sakin.
Kapatid ni Mama si Tita Claudette. Siya ang nag-iisang kamag-anak namin na tumulong sakin kaya talagang malaki ang pasasalamat ko sa kanya.
Kagaya namin nina Papa, nagkanda letse rin ang buhay nila nang nagkasakit si Tita Claudette. Matagal na kasing patay ang asawa niya. Buti na lang at magaling na siya ngayon pero hindi na niya kayang pang magtrabaho. Marami akong pinagdaanan para mapagamot si Tita Claudette, at ayoko ng balikan pa ang mga alaalang 'yon.
“I'm fine Tita, just take care of yourself. Make sure na nakakapagpa-check up po kayo regularly. Okay?” sabi ko sa kanya.
Nagv-video call kami ngayon. Pinahiram sakin ni Dash ang laptop niya kanina.
“Hello ate Lovely!” sabi ni Lia na pinsan ko.
Si Adellia o Lia ang nag-iisang pinsan ko sa side ni Mama. 25 years old na siya at civil engineer na ngayon.
“Nga po pala Tita, k-kamusta na po si Mama?” nag-aalalang tanong ko.
Nagbago ang timpla ng mukha nila. Mukhang hindi pa rin gumagaling si Mama.
“Gano'n pa rin, alam mo na.” sagot ni Lia.
“Konti na lang makakapagtapos na ko, babalik ako diyan para alagaan si Mama.” sabi ko binigyan sila malungkot na ngiti.
“Just come back here ate Lovely, ako na ang magpapaaral sayo. Malaki naman ang kinikita ko eh.” sabi ni Lia sakin.
“Okay lang, matatapos na rin naman ako.” nakangiting sabi ko.
Natigilan ako nang biglang sumeryoso ang mga mukha nila.
“Nakakausap mo ba si Yvo?” tanong ni Tita.
Nanghina ang mga tuhod ko at napahigpit ang kapit ko sa bedsheets nang marinig ko ang pagbanggit nila sa pangalan niya.
“Hindi po, at wala po akong balak maski ang makita ang pagmumukha niya.” nagbago ang mood ko.
“Pumunta kasi siya dito kahapon, hinahanap ka niya.” napalunok ako sa sinabi ni Lia.
“Ano namang kailangan ng lalaking 'yon?” galit na tanong ko.
Nag-iinit ang dugo ko. Ayokong makita ang mukha ng lalaking 'yon, pati marinig ang boses niya o maramdaman man lang ang presensya niya. Kinamumuhian ko ang taong 'yon.
“Gustuhin ko man na itaboy ang lalaking 'yon, hindi ko magawa. Madami siyang kayang gawin.” seryosong sabi ni Tita.
“Basta mag-ingat kana lang ate. Sagutin mo na si Farthon para hindi kana malapitan ni Yvo.” sabi ni Lia.
“Baliw ka, hindi nanliligaw 'yon. Sige na, magpapahinga na ko. Ingatan mo si Tita, wag mong hayaan na kumilos ng kumilos. Okay Adellia?” pang-aasar ko kay Lia.
Ayaw na ayaw niyang nababanggit ang buong pangalan niya, makaluma daw.
“Ate naman eh!” maktol niya. Napangiti na lang ako.
“Sorry, Lia pala. Sige, bye! Mwah!”
“Bye!”
Napabuntong hininga na lang ako at sinara ang laptop pagkatapos naming mag-usap.
Nanghihinang umupo ako sa kama at niyakap ang unan ko.
Yvo...
Ano na naman kaya ang kailangan niya? Ang alam ko, wala na kaming dapat pag-usapan pa.
Naiinis na napapadyak ako. Naiinis talaga ako! Ayoko siyang makita, wag na wag siyang magpapakita sakin.
Natigilan ako nang magring ang cellphone ko. Naiinis na kinuha ko 'yon sa bedside table at sinagot ang tawag kahit hindi ko pa nakikita kung sino ang tumatawag.
“Ano?!”
Natigilan ako nang makarinig ako ng mahinang pagtawa sa kabilang linya. Lalaking lalaki ang tawa nito at ang sarap pakinggan.
Napasinghap ako nang makita ko kung sino ang tumawag.
“Galit ka ba?” tanong niya.
Nawala ang pagka-badtrip ko nang marinig ko ang boses niya, nawala ang lahat ng inis ko.
“S-Sorry Dash.” nahihiyang sabi ko.
“What are you doing?” tanong niya.
Kinikilig na napakagat ako sa ibabang labi ko at niyakap ng mahigpit ang unan ko.
“W-Wala, nakaupo lang.” sabi ko habang pinaglalaruan ang dulo ng buhok ko.
“Gusto kitang makita.”
Pakiramdam ko pulang pula na ang mukha ko ngayon dahil sa sobrang kilig.
“Magkikita naman tayo bukas eh.” kinikilig na sabi ko.
“Open your window.”
Natigilan ako sa sinabi niya. Agad akong tumayo at binuksan ang bintana.
“Ay kabayo!” nagulat ako nang makita ko siyang nakatayo malapit sa bintana ko.
“Shh...” sabi niya at inilagay ang hintuturo niya sa labi na para bang sinasabi na wag akong maingay.
“B-Bakit ka nandyan?” tanong ko.
Hindi niya ko sinagot. Lumapit siya sa bintana ng kwarto ko at tinitigan ang mukha ko.
“Kasya ka dito diba?” tanong niya. Napakunot ang noo ko.
“Saan?” nagtatakang tanong ko.
“Sa bintana, labas tayo.” nakangiting sabi niya. Kinikilig na napakagat ako sa ibabang labi ko.
“Para naman tayong teenager nito eh.” nakatungong sabi ko.
“Sige na, kapag hindi ka lumabas ako ang papasok sa kwarto mo. Maririnig na naman nila yung pagyugyog ng---”
Hindi ko na siya pinatapos. Agad akong sumampa sa bintana. Napatingin ako sa baba. Lupa ang aapakan ko.
“Wala akong tsinelas, teka kukunin ko lang.” agad niya kong pinigilan.
“Wag na, pumasan kana lang sakin.” sabi nito at tumalikod.
Napalunok ako habang nakatingin sa likod niya hanggang sa matipunong mga braso niya. Nakasando lang siya kaya lantad na lantad ang mga braso niya.
“Come on Lovely. You know I'm impatient.” sabi nito.
Kahit nag-aalangan ay pumasan na lang ako sa likod niya. Hinawakan niya ang mga hita ko at pinulupot 'yon sa baywang niya. Napakapit ako sa leeg niya.
“Saan ba tayo pupunta?” tanong ko sa kanya.
“Kahit saan.” sabi niya at naglakad na.
“Dash, mabigat ba ako?” tanong ko at sinandal ang baba ko sa balikat niya.
“Hindi, mas mabigat pa si Snow sayo. Nakain ka pa ba?” napasimangot ako sa tanong niya.
“Grabe ka sakin.”
Hindi na siya nagsalita. Agad na binuksan ng guard ang maliit na gate pagkakita samin. Agad kong tinakpan ang mukha ko.
“Wag ka ng magtago Lovely. Investment rin para sa GDF empire ang kapalit ng pag-gwardya ko sa mansyon ngayong gabi.”
Napasinghap ako sa pamilyar na boses na narinig ko.
“Eion?” gulat na tanong ko.
“At your sevice.” nakangising sabi nito.
“Just shut the fvck up Fernandez.” masungit na sabi ni Dash kay Eion at lumabas na.
“Naghihirap na ba sina Eion?” tanong ko kay Dash habang naglalakad siya na pasan pasan pa rin ako.
“That will never happen. Malakas lang talaga ang trip ni Eion.” sabi nito. Napatango na lang ako.
Tahimik kaming parehas. Hindi ko na alam ang io-open na topic eh.
“We're here.” sabi niya.
Napaawang ang labi ko nang makita ang treehouse na tambayan naming dalawa dati.
“Buhay pa pala ang treehouse natin.” nakangiting sabi ko.
“Of course.” sabi na lang nito.
Nagsimula na siyang umakyat ng puno habang nakapasan pa rin ako sa kanya. May hagdan na kahoy rin naman kaya medyo madali.
Agad niyang binuksan ang pinto ng treehouse. Dahan dahan niya kong ibinaba at pinagsuot ng pares na tsinelas na nakalagay sa gilid ng pinto.
Napangiti ako habang nililibot ng tingin ang treehouse. Parang walang pinagbago. Malinis pa rin at nandito pa rin ang mga gamit sa loob.
Umupo ako sa maliit na kama. Binuksan ni Dash ang electric fan at umupo sa tabi ko.
“Namiss ko ang treehouse na 'to.” sabi ko at tumayo saka sumilip sa bintana.
Kitang kita ang mga bituin at ang buwan mula dito. Ang ganda sa paningin.
Natigilan ako nang maramdaman kong niyakap niya ko mula sa likod. Isinandal niya ang baba sa balikat ko.
“Naalala mo pa nung unang beses kang nakapunta dito?” napangiti ako sa tanong niya.
“Hindi ko makakalimutan 'yon.”
“Hiningi nga niya ang number ko, pero hindi naman siya natawag o nagt-text man lang.” nakasimangot na sabi ko sa sarili ko.
Napatingin sakin yung mga nakakasabay kong maglakad. Para silang nawiwirdohan sakin na ewan. Hindi ko naman sila pinansin.
Dapat talaga hiningi ko na rin ang number ni Dash eh. Tatlong araw na ang nakakalipas simula nung hingiin niya ang number ko at wala pa rin siyang paramdamam hanggang ngayon
Para nga akong ewan na paikot ikot malapit dito sa mansyon nila eh.
Umupo ako at sumandal sa malaking puno. Nakakastress si Dash.
Baka naman hindi talaga ako maganda sa paningin niya, o baka naman pustahan lang ng Danger Zone na lapitan niya ko.
Ouch! Ang sakit.
Natigilan ako nang maramdaman akong kakaiba sa likod ko. Ano ba 'to?
Tiningnan ko ang magaspang na bagay sa likod ko. Napakunot ang noo ko. Kahoy na hagdan?
Umangat ang tingin ko. Agad na nanlaki ang mga mata ko sa pagkamangha.
Treehouse!
Agad kong inakyat ang hagdan. Anak mayaman ako pero mahilig akong umakyat sa mga puno nung bata ako. Gusgusin rin naman ako dati.
Agad kong binuksan ang pinto ng treehouse nang makaakyat ako.
“Who are you?” nagulat ako nang may magsalita.
“Ay kabayo!”
Gulat na napatingin ako kay Dash na nakaupo sa may kaliitang kama. Halatang nagulat rin siya pagkakita sakin.
“Lovely?” nakakunot noong tanong niya.
Natigilan ako nang mahinang natawa siya at sinampal sampal ang sarili. Napakunot ang noo ko.
“Damn, I'm imagining her again. I'm really out of my mind.” napapailing na sabi nito.
Anong sinasabi niya?
Muli niyang ibinaling ang tingin sa phone niya.
“Pwede ba tayong magkita?” sabi nito habang nagt-type sa phone niya.
“Fvck, ang panget. Parang kidnapper ang dating ko.”
Ako ba ang kinakausap niya o yung phone niya?
Dahan dahan akong lumapit sa kanya at sinilip ang pinagkakaabalahan niya.
To: Lovely Farthon
Napatakip ako sa bibig ko. Itetext niya ko?! Eh nandito lang naman ako sa harapan niya.
Pero teka, Lovely Farthon ang pangalan ko sa contacts niya?! OMG!
“Hmm, hello na lang kaya?” sabi nito.
Nagtype siya ng hello pero agad niya ring binura.
“Too plain, baka hindi siya magreply.” napapailing na sabi niya. Napakagat siya sa kuko niya na para bang stress na stress siya.
Nagulat siya nang hinablot ko ang phone niya.
“Ganito ang sabihin mo, I love you Lovely.” sabi ko habang tinatype 'yon at agad ko ring sinend.
Napatulala siya sakin. Para siyang nawalan ng kulay sa mukha.
“Damn, you're not an imagination. I'm fvcking stupid.” sabi nito at napasanunot sa sariling buhok.
“Hindi mo ko tinawagan o tinext ng tatlong araw dahil iniisip mo pa ang sasabihin mo? Grabe, ang cute mo.” natatawang sabi ko.
Namula ang magkabilang tainga niya, napaiwas siya ng tingin sakin.
“S-Sorry, I just don't know what to say.” nahihiyang sabi niya.
“Bakit naman?” tanong ko at napakagat sa labi ko dahil sa sobrang kilig.
“May gusto ka sakin noh?” natigilan siya sa tanong ko.
Napatitig siya sa mga mata ko, napangiti siya at nakagat ang ibabang labi niya.
“Pa'no mo nalaman?” nakangiting tanong niya habang nakatitig sa mga mata ko.
Salamat talaga at nakita ko ang treehouse na 'to.
“Ang cute mo ng mga panahong 'yon.” natatawang sabi ko.
Natigilan ako nang mapansin kong hindi siya nagsasalita. Napakunot ang noo ko at nilingon siya.
Seryosong nakatitig siya sa mga mata ko.
“B-Bakit Dash?” tanong ko sa kanya.
Hindi siya sumagot. Lumapit siya sakin at dinampian ng banayad na halik ang labi ko.
Hanggang ngayon hindi pa rin siya nagsasabi ng nararamdaman niya...
...pero pinaparamdam niya.