BANGS Tinulungan kami ng mga tambay sa tindahan ni Aling Kayang at nadala namin si Nanay sa hospital. Hindi ko alintana na basa ang tshirt ko at kupas na short. Hinablot ko lang ang bag ko habang buhat nila si Nanay at sinuwerte pa rin na may dumaan na tricycle. Walang tigil ang agos ng luha ko sa pag-aalala kay Nanay. Maingay ang hospital mula sa mga pasyenteng dumadaing hanggang sa mga nagmamadaling yabag ng mga medical staff. Ang tunog ng call bells mula sa mga pasyenteng kailangan ng tulong at wang-wang ng ambulans'ya. Habang ginagawa nila ang lahat para mailigtas si Nanay, hindi ko alam kung gusto ko bang pumikit o tingnan si Nanay ng walang kurap. Ayaw kong makita na nahihirapan s'ya pero sa isang banda ay ayaw kong mawala s'ya sa paningin ko dahil baka mamaya ay wala na s'ya.