TPOV :
"DALAWANG linya!"
Natutop ko ang bibig na tumulo ang luhang tama nga ang hinala ko. Buntis ako! Napasandal akong nanghihinang napadausdos ng dingding habang nakamata sa pregnancy test kit na hawak kong may dalawang pulang linyang resulta.
Napapahid ako ng luha na pilit tumayo. Napahaplos ako sa impis ko pang tyan at napangiti.
"Anak, patawarin mo si Nanay, huh? Kung itatago kita sa iyong ama. Ayokong kunin ka niya sa akin dahil napaka-imposible namang. . . panindigan ako ng ama mong bilyonaryo at kilalang tao," pagkausap ko sa tyan ko habang marahang hinahaplos-haplos ito.
Mabilis kong isinilid lahat ng damit ko sa dalawang maleta ko at nilisan ang apartment ko. Hindi na ako pwedeng magtagal dito. Alam ni Sir Axelle ang apartment ko at natatakot akong matuklasan niyang nagdadalangtao ako.
Panay ang pahid ko ng luha habang nakasakay sa taxi at hindi alam kung saan patungo. Pero para namang nagliwanag ang paligid ko na may madaanan kaming bakeshop na may karatulang naghahanap sila ng katulong.
"Manong, para ho!" mabilis kong baling sa driver na napahinto naman sa gilid.
Hirap na hirap pa akong inilabas sa taxi nito ang dalawang maleta ko dahil hindi manlang ito bumaba para tulungan ako!
Kabado akong lumapit sa bakeshop at iniwan saglit sa gilid ang dalawang maleta ko. Naabutan ko naman ang isang babaeng kaedaran ko lang na abala sa pagpupunas ng mga stands.
"Excuse me, Mis?" magalang agaw attention ko dito.
"Misis na," may kasungitang sagot nitong pilit kong ikinangiti dito.
"Ah, okay po."
"Ano ba 'yon?" nakataas kilay nitong tanong.
"Ahem, naghahanap kayo ng katulong?" alanganing tanong ko.
Tinitigan naman ako nito mula ulo hanggang paa na tila sinusuri ako.
"Marunong ka ba sa gawaing bahay? Baka naman mamaya eh, maging kirida ka pa ng asawa ko?" anito na nanunuri ang mata at tono.
Namilog ang mga mata kong kaagad na napailing-iling dito.
"Naku, hindi po! Ang totoo niyan naghahanap ako ng matutuluyan at trabaho kasi. . . b-buntis ako," pagtatapat kong ikinatigil nito.
"B-buntis ka?" paniniguro nitong lumabas ng counter at tinitigan ako sa tyan kong ikinangiwi kong napahaplos sa puson ko.
"O-oo. Magdadalawang buwan pa lang siya," sagot ko.
Napaangat ito ng tingin sa akin na umaliwalas na ang kanyang mukha. May ngiti sa mga labi at nagniningning na ang kanyang mga mata.
"Sige pwede ka dito!"
"Talaga po!?" bulalas kong ikinatango-tango nito.
"Thank you po, Ma'am! Salamat po talaga. Hulog po kayo ng langit sa amin ng baby ko!" maluha-luhang bulalas ko.
"Pero may kapalit ang pagtatrabaho mo dito."
Ngumiti akong umayos ng pagkakatayo. Hinihintay ang kondisyon nito.
"Aampunin ko. . . ang baby mo."
"Po!?"
Natulala akong paulit-ulit nire-replay sa utak ko ang sinaad nito.
"Manatili ka dito sa bahay hangga't gusto mo. Malaya mong makakasama ang anak mo pero. . . " lumapit itong hinaplos ako sa buhok na may ngiti sa mga labi.
"Ako at ang asawa ko ang kikilalanin niyang magulang. At ikaw. . . bilang Yaya niya. Ano, deal?" anito na bakas ang tuwa sa boses.
Napatitig ako sa kamay nitong nakalahad na napapalunok. Wala naman akong ibang mapuntahan. Hindi naman ako pwedeng magpasaklolo kay Rain na bestfriend ko dahil may pamilya na ito. At kung babalik ako sa apartment ay matutuklasan ni Sir Axelle na nabuntis niya ako. Na hindi ko sinunod ang habilin niyang uminom ako ng birth control pills. Baka kunin pa niya ang anak ko pagluwal ko dito. O sapilitan itong ipa-abort.
Mariin akong napapikit na tinanggap ang pakikipagkamay nitong napatiling niyakap ako ng mahigpit!
Mapait akong napangiting tumulo ang luha.
"I'm sorry, anak. Patawarin mo si Nanay. Pero pinapangako ko sa'yo. . . hinding-hindi kita iiwan ano man ang mangyari sa hinaharap. Mahal na mahal kita, anak."
20 YEARS LATER
ROSELLE POV:
TAHIMIK AKONG naghuhugas ng mga pinagkainan ng pamilya ko dito sa kusina. Nasa sala na silang masayang nagkukwentuhan habang nanonood ng teleserye sa tv.
"Roselle, kumain ka na, anak."
Napalingon ako kay Manang Karen sa pagtawag nito sa akin. Ang nag-iisang katulong namin.
"Tapusin ko lang po ito, Yaya." Nakangiting sagot ko.
Napangiti naman itong nilinisan na ang kitchen.
May katandaan na si Manang Karen at halos dito na siya tumanda sa amin. Nakasanayan ko na rin namang tinutulungan ito sa gawain dito sa bahay dahil mula pagkabata ko ay iba na ang pakikisama ng pamilya ko sa akin. Hindi ko alam kung anong mali o kulang sa akin pero napakalayo kasi ng loob nila Mommy at Daddy sa akin. Na parang hindi nila ako anak kumpara kay Raquel na kapatid ko.
Hindi ko naman kinukwestyon ang pagpapahalaga nila sa aming dalawa ni Raquel pero nakakasama pa rin ng loob na ito lang ang tinuturing nilang anak sa aming dalawa.
Nakababatang kapatid ko si Raquel. At bestfriend ko na rin dahil hindi naman ito katulad nila Mommy at Daddy na malayo ang loob sa akin kundi napakalapit nito.
Magkasangga kami sa lahat ng bagay. At kapag may nangbu-bully sa akin sa school ay ito ang nakikipag-away para sa akin.
Tahimik lang kasi ako. Mahina, ika nga nila. Dahil hindi ako mapagmataas. Hindi rin palaaway o pumapatol sa mga bullies. Ayoko sa gulo dahil naka-focus ako sa pag-aaral ko. Lalo na't graduating na ako sa kurso kong HRM. Habang si Raquel naman ay nursing at katulad ko'y graduating na rin ito. Mahigit isang taon lang kasi ang age gap namin.
"Kumusta ka naman sa school niyo, Roselle?" nakangiting tanong nito habang magkaharap kaming naghahapunan.
"Maayos naman po, Ya. Wala namang bago."
Napapatango itong matamang nakatitig sa akin.
"Kayo po, Yaya. Wala na ba kayong planong mag-asawa pa?"
Nasamid itong sunod-sunod na napaubong mabilis napainom ng tubig.
"Pambihira kang bata ka. Sa tanda ko ng ito eh, wala ng maliligaw magkagusto sa Yaya mo," anito na natatawa.
Napatitig ako dito. May itsura naman si Yaya Karen kung tutuusin. Kahit hindi siya nag-aayos ay kung tititigan mo lang maigi? Makikita mo ang natural niyang angking ganda.
"Dito na kayo tumandang dalaga, Yaya. Magmula magka-isip ko ay kasa-kasama ko na po kayo. Ayaw niyo po bang bumuo ng pamilya?" muling tanong ko.
Ngumiti itong inabot ang kamay ko at marahang pinisil iyon.
Napatitig ako sa kamay naming magkahawak. Sa tuwing nagkakalapat kasi ang balat namin ni Yaya Karen ay may kakaiba akong nararamdaman na ikinabubuhay ng dugo ko! Magaan din ang loob ko sa kanya na para ko na siyang ina kung ituring. Kaya nga tinutulungan ko siya madalas sa mga gawain dito sa bahay dahil mag-isa lang siyang katulong namin pero ginagawa niya lahat.
"Kasi nandidito ang pamilya ko."
Napabalik ang ulirat ko na napatitig dito. Kimi itong ngumiti na binitawan na ang kamay ko at nagpatuloy kumain.
"Ano pong ibig niyong sabihing nandidito ang pamilya niyo, Yaya?" tanong ko habang kumakain.
"Ikaw."
Natigilan akong nangunot ang noo sa isinagot nito.
"Po?" naguguluhang tanong ko.
Kimi itong ngumiti na nag-iwas na ng tingin sa mga mata ko.
"Ibig kong sabihin, kayo na ang tinuturing kong pamilya ko. At ikaw, Roselle. Para na kitang anak ko kaya bakit pa ako aalis at maghahanap ng mapapangasawa? Masaya ako dito at masasabi ko namang may pamilya ako dito," makahulugang sagot nitong ikinangiti at tango ko na lamang.
Hindi naman ako makaramdam ng kakaiba o pagkailang dito. Sabi ko nga, magaan ang loob ko sa Yaya Karen kong siyang nagpalaki sa kin.
"Pamilya din po namin kayo dito, Yaya. Para ko na nga po kayong Nanay," anikong ikinangiti nitong matamang nakatitig sa akin.
Hindi ko maipaliwanag pero sa tuwing napapatitig ako sa mga mata ni manang ay parang ang dami-daming misteryong nagtatago doon. Parang ang dami niyang gustong sabihin na hindi naman niya nailalabas.
"Salamat, Roselle. Malaking bagay na sa aking marinig mula sa'yo na tinuturing mo akong. . . ina mo."
"Kayo pa ba? Hindi na po kayo iba sa akin, Yaya. Kung tutuusin nga ay mas naging ina pa kayo sa akin kaysa sa sarili kong Mommy," saad kong ikinangiti nito na nangingilid ang luha.
Nagkangitian kami nitong matiim na nakatitig sa isa't-isa. At heto na naman ang bugso ng damdamin kong hindi ko maipaliwanag habang nakatitig sa kanya. Dinig na dinig ko ang malakas na kabog ng dibdib ko sa hindi ko malamang dahilan!
MATAPOS kong matulungan si Yaya sa gawaing bahay ay umakyat na rin ako ng silid ko. Kailangan ko pang mag-review. Kahit naman mataas lagi ang grades ko ay nagsusunog pa rin ako ng kilay. Ayokong bumaba ang grado ko sa pag-aaral dahil dito lang ako napapansin nila Mommy at Daddy.
Pero hindi naman ako manhid na 'di mapansing mas binibigyan nila ng importansya ang nakababatang kapatid ko. Si Raquel. Minsan ay iniisip ko na lamang na dahil bunso ito at ako ang Ate kaya mas pabor sila Mommy dito. Na tipong kahit maliit na achievement nito kumpara sa mga nakakamit ko ay pinagdidiwang ng mga magulang namin. Samantalang ako, kahit nangunguna ako sa klase ko at kabilang ako sa mga top students ay wala manlang matanggap na papuri mula sa kanila. Mabuti na lang at nandidito si Yaya Karen na siyang nagchi-cheer sa akin. Sa bawat panalo at tagumpay ko sa buhay ay nandidito itong masayang-masaya para sa akin. Na dinaig pa ang pagmamahal ng tunay kong ina.