Pagkatapos ng mahaba-habang biyahe ay nakarating rin sa wakas sina Andrew at Akie sa Bolinao, Pangasinan. Ipinarada ni Andrew ang kotse niya sa ilalim ng isang malaking puno dahil hindi iyon makapasok sa daan na patungo sa bahay ni Akie. The place is breathtakingly beautiful, tahimik at buhay na buhay dahil sa luntiang paligid, at sagana ito sa magagandang tanawin. Preska rin ang hangin. Well, isa lang naman ang Pangasinan sa pinakamagandang lugar sa Pilipinas.
"Ando!"
Napabaling si Andrew sa lalaking tinawag ni Akie. Nakangiti ito at patakbong sinalubong ang dalaga. Magkamukha ang dalawa kaya sa tantiya ni Andrew ay kapatid ito ng dalaga.
"Ading!"
Nagyakapan ang dalawa at bakas ang pagka-miss sa isa't isa.
"Tara sa bahay, Ading. Kanina ka pa hinihintay ni Inang!" anang lalaki at inakbayan si Akie. Tumalikod ang mga ito at naglakad.
Naiwan si Andrew na napasimangot, mukhang nakalimutan yata ng dalaga na kasama siyang pumunta sa lugar na ito. Tiningnan na lang niya ang mga ito na masayang naglalakad, sumandal siya sa kotse niya habang nakahalukipkip at nakasimangot ang guwapong mukha.
Medyo malayo-layo na ang nalakad nina Akie at ng kapatid nito ng maalala nito ang amo. Nataranta at napatakbo ito pabalik sa kinaroroonan ng amo at nakita nitong hindi na maipinta ang mukha ng binata.
"Sir, pasensya na po at nakalimutan kita," napapakamot sa ulo na wika ng dalaga. Inutusan nito ang kapatid na kunin ang mga bagahe. Nginitian rin ng kapatid nito si Andrew, mukhang alam nito na amo siya ng dalaga. Tinagoan lang niya ito pagkatapos ay binalingan niya si Akie.
"Talaga lang, huh?" nakasimangot pa rin na turan ni Andrew. Halatang ang pagkadisgusto nito sa sinabi ng dalaga.
Ngumiti si Akie, at dahil sa ngiti nito ay tila nawala ang pagkasimangot ni Andrew. Hinawakan siya ng dalaga sa braso at inakay, napatingin siya sa kamay ng dalaga na nakahawak sa braso niya. Pigil niya ang sarili na huwag ngumiti. Pakiramdam niya tuloy ay kinikilig ang mga bulate niya sa katawan.
"Huwag ka ng magtampo, Sir. Lalo ka po pumapanget eh,"
"What?" Lukot ang noo na sambit niya.
Ngunit hindi na nagsalita pa ang dalaga. Hinila siya nito
at nagpatangay nalang din siya.
Hindi naman malayo ang kanilang nilakad, sa katunayan ay ilang metro lang naman ang layo niyon sa kotse niyang nakaparada. Medyo pasokin nga lang ang daan patungo sa bahay nina Akie. Pagkarating nila sa bahay ay kaagad na lumabas ang isang Ginang, naluluha ito nang makita ang dalaga.
"Inang!"
"Ading!"
Nagyakapan ang dalawa. Tahimik lang si Andrew sa isang tabi. Pinagmamasdan na lamang niya ang ilan pang kapatid ni Akie na lumabas rin sa bahay at sinalubong ang kapatid.
"Kumusta po kayo, Inang?" Naluluha na tanong ng dalaga sa ina.
"Maayos lang anak. Masaya ako at nakapasyal kayo rito," Binalingan siya ng ginang. Ngumiti ito sa kaniya at nagbigay ng paggalang. "Magandang araw po, Sir Andrew. Salamat po sa pagsama niyo kay Akie sa pag-uwi." magalang na pahayag ng ginang sa kaniya.
Tumango siya at ngumiti sa ginang. "Magandang araw rin po," magalang niyang sagot.
Nagsikaway naman sa kaniya ang mga kapatid ni Akie. Nginitian niya ang mga ito, kapagkuwan ay kinuha niya ang isang maleta at inilabas roon ang maraming chocolates na binili nila. "For you all," aniya sabay abot niyon sa mga kapatid ni Akie.
Tuwang-tuwa naman ang mga ito sa pasalubong niya.
"Thank you po!"
Inaya siya ng ina ni Akie na si Analou na pumasok sa loob ng bahay. Tumalima naman siya. Ang bahay ay hindi gaanong malaki, simple iyon ngunit may mga kagamitan naman sa loob.
Naupo si Andrew sa isang pahabang sofa na gawa sa kawayan at pinagmasdan ang paligid. Isa lang ang masasabi niya, presko ang lugar. Pinaghanda rin sila ng makakain ng ina ni Akie, tamang-tama dahil nakakaramdam na rin siya ng gutom. Mabait ang ina nito, at ganoon rin ang mga kapatid nito. Hindi siya nakaramdam ng pagkailang sa mga ito.
Kumain sila ng sabay-sabay, inasikaso rin siya ng ina ni Akie, at habang kumakain ay tahimik lamang siya habang nakikinig sa usapin ng pamilya. Pinakilala rin sa kaniya ng dalaga ang apat nitong kapatid na puro lalaki. Si Akiel na sumunod rito at nag-aaral sa kolehiyo, si Amiel na nag-aaral sa highschool, at sina Andy at Alexis na parehong elementary students.
Napangiti siya dahil halos lahat sila sa loob ng bahay na iyon ay nagsisimula sa letter A ang pangalan.
"Unija hija talaga namin itong si Akie, Sir. Mabuti nga at hindi pa siya nag-aasawa e, ewan ko nga sa batang ito kung ano ang plano nila ng nobyo niyang si Eliseo." Tila nawalan siya ng ganang kumain dahil sa binanggit ng ginang.
Napatingin siya kay Akie, pangiti-ngiti naman ang dalaga at talagang namumula pa ang magkabilang pisngi.
Kinikilig pa yata siya? Tsk! Inis na komento niya sa isipan.
"Inang, hindi pa naman po kasi nag-aya si Eliseo, malay mo po pagbaba niya alukin akong magpakasal. Alam mo namang hindi ko siya tatanggihan dahil siya ang first love ko,"
Tuluyan na nga siyang nawalan ng gana kumain dahil sa sinabi ng dalaga. Nabitawan niya ang kubyertos at nagpaalam sa mga ito na lalabas siya muna.
Samantalang nasundan na lamang ng tingin ni Akie ang papalayong likod ng amo. Napailing siya. Minsan talaga hindi niya maintindihan ang ugali ng amo, bigla-bigla na lang kasi nagbabago. Mabilis rin uminit ang ulo na hindi naman niya malaman kung ano ang dahilan.
"Baka hindi masarap ang luto ko, Ading, kaya hindi naubos ni Sir Andrew ang pagkain niya?" nag-aalalang wika ng ina ni Akie sa dalaga.
"Naku, Inang, ganiyan po talaga si Sir, kaya huwag niyo na pong pansinin. Minsan kasi ay may sapi iyan." wika niya at binuntutan pa iyon ng paghagikhik. Natawa na lang din ang ina niya at mga kapatid niya sa kaniyang sinabi.
"Hala, Ading, saan pala matutulog si Sir? Magho-hotel ba siya?" Kapagkuwan ay tanong ng ina ni Akie.
Nagkibit ng balikat si Akie, wala naman kasing sinabi ang amo niya kung saan ito matutulog. Kung dito naman ito sa bahay nila matutulog ay baka hindi ito maging komportable. Dalawa ang silid nila, isa sa nanay niya at ang isa ay sa mga kapatid niya. Bale naglalagay lamang sila ng foam sa sahig dahil wala silang katre. At dahil narito siya ngayon ay sa tabi siya ng ina matutulog.
"Tanongin ko po si Sir, Inang. Pero bago po iyon," Kinuha niya ang mga kahon at binuksan iyon. "Tingnan niyo po muna ang mga pinamili namin ni Sir para sa inyo," nakangiti niyang wika sa ina.
"Ang dami naman nito, Ading! Salamat ha," Niyakap siya ng ina. Tinapik-tapik naman niya ang likuran nito.
"Walang anuman po, Inang."
Tinulungan niya rin ito sa pagkuha ng mga groceries sa kahon.
Masaya si Akie dahil masaya ang kaniyang pamilya. Malaki ang pasasalamat niya kay Andrew dahil binigyan siya nito ng trabaho kaya nagawa niyang ipaayos ang kanilang bahay. Dati kasi ay maliit iyon at parang kubo lang, ngayon kahit papano ay napalitan na iyon ng semento. Masaya rin siya dahil nakikita niya ang mga pinaghirapan niya, kahit paano ay may mga gamit na rin sila sa loob ng bahay. Nabibili niya rin ang mga pangangailangan ng mga kapatid niya. Ang lahat ng ito ay hindi mangyayari kung hindi siya ipinasok ng Tiyang Melba niya kay Andrew. Kaya pagbubutihin pa niya ang pagtatrabaho para sa pamilya niya.
"Sir, saan po kayo mag-i-stay? Two days po ang bakasyon ko e, mahihintay niyo po ba ako? O mauuna ka po pabalik ng Manila?" tanong niya sa binata nang puntahan niya ito.
Nakaupo ang binata sa likuran ng kotse nito at may beer na hawak habang nakatingin sa kawalan. Naupo rin si Akie sa tabi nito.
"Sir?" untag pa niya sa lalaki ng hindi ito sumagot.
Dahan-dahan itong lumingon sa kaniya. Napa-iwas ng tingin si Akie nang kakaibang tingin ang ibigay sa kaniya ng amo. Nabuhay na naman ang takot niya rito pero hindi niya iyon pinahalata.
"Hindi ba ako puwede sa bahay niyo?" tanong nito sa kaniya.
Kaagad siyang umiling, "Naku, hindi po sa ganoon, Sir. Baka po kasi hindi lang kayo maging komportable sa magiging higaan niyo," pahayag niya.
Mahina itong natawa at napailing-iling. "Sanay ako sa hirap, Akie. Naranasan kong matulog sa sahig na walang sapin, at lalo na sa gilid ng kalsada."
Napabaling siya sa amo. "Totoo po?"
Tumango ito, "Oo. Bago ako pulutin ni Daddy Romano sa kalye ay marami akong naranasan. Kaya malaki ang utang na loob ko kay Dad dahil kung hindi nang dahil sa kaniya, baka walang Andrew Sebastian ngayon." Napasinghap si Akie sa narinig. Titig na titig siya sa amo.
Ramdam ni Akie ang lungkot sa tono ng boses ng amo. Wala siyang alam sa mga pinagdaanan ng amo niya noon, ang alam lamang niya ay anak ito sa labas ni Daniel Greyson. Hindi rin naman kasi niya ugaling magtanong sa Tiyang Melba niya, saka hindi niya rin masyadong nakasama ang Tiyang niya dahil nasa ibang bahay siya nakatira kasama si Jenny.
"Marami pala akong hindi alam sayo, Sir." sambit niya.
Natawa lang ang lalaki. "Bakit, may balak ka bang alamin?" baling nito sa kaniya at pinagkatitigan siya ng mariin sa mga mata.
Umiling siya, "Wala po, Sir!"
Sa sinabi niya ay umiba na naman ang itsura ng lalaki. Umiwas ito ng tingin at sunod-sunod na ininom ang can beer.
"Mauna ka ng umuwi. Susunod nalang ako. Saka, sa sahig na lang ako hihiga mamaya." walang gana na saad nito.
Napabuntonghininga si Akie. Tumango na rin siya sa amo.
"Sige po," Tumayo si Akie at tumalikod upang maglakad. Ngunit napatigil siya nang hawakan ni Andrew ang braso niya.
"Get ready tomorrow. We're going to visit Bolinao falls and Cape Bolinao lighthouse." wika nito sabay bitaw sa braso niya.
Napangiti si Akie. Miss na rin kasi niya ang maglibot sa lugar, lalo na ang maligo sa falls. Nakaramdam tuloy siya excitement.
"Yes, Sir!" sagot niya sa amo. Iniwan niya ito at bumalik siya sa bahay nila.
Kinagabihan ay sa kawayan na sofa nahiga si Andrew. Nilagyan iyon ng ina ni Akie ng comforter kaya kahit papano ay may sapin ang likuran niya.
Binigyan rin siya ng kumot panlaban sa lamig.
"Good night po, Sir." sambit ng dalaga nang mapadaan ito sa kinahihigaan niya. Sa banyo ito galing at basa pa ang buhok.
Nakahiga na siya nang dumaan si Akie sa maliit na sala. Napalunok siya dahil amoy na amoy niya ang dalaga. Kaagad na nag-init ang pakiramdam niya. Bumangon siya at sinundan ng tingin ang dalaga. Gusto niya itong takbuhin at hilain palapit sa katawan niya, pero pinigil niya ang sarili.
Hangga't kaya niya ay magpipigil siya, pero kapag hindi na. Bahala na si Batman.