( Chapter 9 - Ang pasabog ni Pinky )
Red's POV
“May sala, bedroom, banyo at garden ang tutuluyan mo,” sabi ko sa kanya habang tinatanggal ko na ang kandado ng gate namin.
“Maganda na rin pala, Ate Ganda. Mas malawak pa ata iyang sinasabi mo kaysa sa bahay namin dati.” Halatang excited ang mukha nito. Nawala na ang kunot ng noo niya dahil hindi na niya pinoproblema ang maghanap pa ng bahay niya dahil sinagot ko na.
“Ito ang bahay namin,” turo ko sa mas malaking bahay namin nang makapasok na kami sa loob ng garden namin.
“Ang ganda. Mayaman ka pala,” puri pa niya sa akin kaya napataas ang kilay ko.
“Hindi pa kami mayaman, may kaya lang,” sagot ko sa kanya kaya tumawa ito. Lumiko ako para ihatid na siya sa dati naming bahay. Ilang hakbang lang ang layo nito sa bahay namin.
“Heto na ang magiging bahay mo,” turo ko sa dati naming bahay. Medyo maalikabok ang pinto at bintana nito dahil mahigit isang buwan ko na itong hindi naasikaso. Palagi kasi akong busy sa beauty parlor. Kinuha ko ang susi sa may wallet ko dahil ako ang nagtatago ng susi nito. Nilinis ko na muna ang suksukan ng susi ng pinto dahil medyo kinakawalang na iyon. Nababasa kasi minsan kapag malakas ang ulan.
“Sa labas pa lang ay kita ko nang malaki ‘yang magiging bahay ko,” masaya niyang sabi. Hindi na mawala sa labi niya ang mga ngiti nito.
“Oo, dati kasi kaming natira riyan kaya malaki-laki na rin. By the way, kanina pa tayo magkasama, pero hindi ko pa rin alam ang pangalan mo?” tanong ko habang sinusuksok ko na ang susi sa pintuan. Matagal-tagal naming hindi nabuksan ito kaya mukhang inalikabukan na ang loob. Ang hirap tuloy buksan.
“Ako si Waldo Fuentabella, 18 years old, at dating nakatira sa Manila,” pakilala niya kaya nangiti ako. Maganda ang pangalan niya. Tunog pang mayaman.
“I’m Red Ortega naman, 20 years old,” pakilala ko naman sa kanya.
Nang sa wakas ay mabuksan ko na ang pinto ay nakapasok na rin kami sa loob ng magiging bahay niya. Sinalubong kami roon ng maalikabok na hangin. Amoy kulob din sa loob kaya maubo-ubo pa kami.
“Yehey! May bahay na ako! Nagpapasalamat ako sa diyos at sa mabuting tao niya ako dinala. Maraming salamat, Ate Red,” sabi niya at muli na naman niya akong binigyan ng yakap. Kainis. Pinipigilan ko na ngang hindi ma-in-love, siya naman itong parang nang-aakit.
“Oh, siya, maglinis-linis ka na lang muna rito at marami-rami ka pang alikabok na tatanggalin,” utos ko sa kanya kaya bumaklas na ito ng yakap sa akin.
“Bale ganito na lang po, Ate Red. Bill ng kuryente at tubig na lang ang babayaran ko, pero mag-aabot pa rin ako ng limang-daang piso para sa renta ng bahay na ito kada-buwan,” sabi niya sa akin pero tumanggi ako.
“Naku, kahit iyong tubig at kuryente na lang. Huwag ka ng magbayad ng rent dito,” pagtatanggi ko sa kanya.
“Hayaan mo na po. Nakakahiya kasi sa mga magulang ninyo.”
“Huwag kang mag-alala, batas ako rito. Saka, akin na talaga ang bahay na ‘yan. Ako ang nagpapaupa riyan, pero dahil malaki naman na ang kinikita ko sa beauty parlor ay hindi ko na kailangang pagkakitaan pa ‘yan. Tulong ko na lang sa ‘yon ‘yan kaya maging masaya ka na lang,” sabi ko sa kanya kaya nakita kong maluha-luha siyang napaupo sa luma naming sofa roon.
“Napakabait mo talaga, Ate Red. Sana, ganiyan mag-isip at ganiyan ang ugali ang mayroon ang pamilya ko. Kung kagaya ka lang sana nila ay masaya dapat kaming buong pamilya eh, hindi, bugbugan at gutuman ang mayroon sa bahay namin. Walang anak na tumagal sa kanila. Lahat kaming magkakapatid ay lumayas na para maiwasang hindi magutom at mabugbog ni papa. Sa totoo lang ay ako lang ang nagtiis ng matagal na panahon sa pudir nila, kaya lang ay napuno na rin ako kaya lumayas na rin ako. Hiling ko lang na gaya ko ay sana napunta rin sa ligtas at magandang buhay ang mga kapatid ko.”
Nagpapasalamat ako sa itaas at sa akin napunta ang lalaking ito. Nakakaawa talaga siya. Pure na pure ang pinapakita niyang lungkot sa akin. Nakikita ko na malayo ang mararating ng batang ito.
Lumabas na muna ako sa bahay niya. Hindi ko kinaya ang lungkot na dala niya. Nakakahawa siya. Naiyak tuloy ako. Habang binubuksan ko na ang pinto ng bahay namin ay ayaw tumigil ng luha ko. Para akong nahilam bigla ng hinihiwa na sibuyas. Grabe ang pinagdaanan ni Waldo. Pinapangako ko talaga na hinding-hindi ko pababayaan ang isang ‘yan. Dalawa na sila ngayon ni Pinky na aalagaan ko.
Pagbukas ng pinto ng bahay namin ay tumuloy agad ako kusina namin. Full stock kami ngayon. Kumuha ako ng ilang pagkain doon para magkaroon manlang ng stock ng pagkain si Waldo kahit kaunti. Sinupot ko ang mga pagkain na ‘yon. Kumuha na rin ako ng mga gamit na maari niyang gamitin na hindi na namin ginagamit.
Pagbalik ko sa bahay niya ay nadatnan kong nagpapagpag siya ng sofa sa may garden niya. “Oh, dinalhan kita ng mga need mo,” sabi ko sa kanya.
“Wow! Nakakahiya na, tama na po, ako na pong bahala sa sarili ko,” sabi niya habang nagpapagpag pa rin ng sofa. Binaba ko sa isang tabi ang dala kong supot. Tinulungan ko na rin siyang maglinis ng sofa niya. “Dapat dito, labhan mo para mas maging malinis,” suggest ko sa kanya.
“Mas maganda nga siguro ‘yon. Kaya lang ay wala akong panlinis at sabon,” nahihiya niyang sabi kaya ako na rin ang kumuha niyon para sa kanya. Tinulungan ko na rin siyang maglinis ng sofa. Nakakatuwa nga dahil parehas kaming basang-basa ngayon dito sa tapat ng garden niya habang naglilinis ng sofa. Sa nakikita ko ay lumiliwanag naman na ang kulay ng sofa. Nakakadiri nga dahil ang libag-libag na ng katas niyon habang binabanlawan kanina ng tubig. Sabagay, limang taon na ito sa amin kaya hindi na ako magtataka pa.
“Ang libag na ng puti kong t-shirt. Hubarin ko na nga para hindi na lalong malibagan. Ang hirap pa namang maglaba ng puting t-shirt.” Napakagat labi na lang ako nang mag-topless na nga ito sa harap ko. Napa-wow ako sa nakita kong bycep at abs niya. Galit na galit ang mga ugat ng katawan niya.
“Nice body,” puri ko sa kanya.
“Gusto mo bang subukan ako, later?” alok na naman niya kaya tumanggi agad ako.
“Tumigil ka, Waldo. Pamilya na ang turing ko sa ‘yo ngayon, kaya wala nang ganiyanan,” saway ko sa kanya kaya tumigil naman agad ito.
“Sorry po,” sagot niya at saka na lang nito pinag-igihan ang paglilinis ng sofa.
Saktong pagdating ng pamilya ko ay tapos na kaming maglinis. Natutulog si Waldo nang kausapin ko ang mama, papa at ang kapatid kong si Pinky.
“Ano na naman ‘yan? Nag-uwi ka na ba ng asawa mo rito?” tanong agad ni mama habang nakapamaywang sa akin.
“Oo nga, ako itong palagi mong pinagsasabihan, ikaw pala ang unang mag-aasawa,” sabi naman ni Pinky na nakataas ang isang kilay.
“Anak, masyado ka atang mabilis,” wika naman ni papa.
“Ayan tayo, eh, husga agad! Hindi manlang akong pagsalitain muna bago kayo mag-inaso!” inis kong sabi at saka ako naupo sa sofa namin. Agad naman silang lumapit sa akin. Nakatayo silang tatlo sa tapat ko habang pare-parehong nakapamaywang.
Kinuwento ko sa kanila ang nangyari kay Waldo. Lahat-lahat simula una hanggang sa dulo. Sa narinig nila ay agad naman silang nahabag. Pare-pareho kaming malalambot ang puso kaya iyakin talaga kami kapag nakakarinig kami ng mga nakakalungkot na karanasan ng isang tao.
“Tama ang ginawa mo, anak, kupkupin na lang natin siya,” sabi ni mama na namumula pa rin ang mata.
“Kawawa naman pala. Sige, dito na nga lang siya,” sabi naman ni Pinky na humahagulgol pa rin.
“Maganda na rin ‘yan para dalawa na kaming lalaki dito,” sabi naman ni papa na pilit na pinipigil ang pagluha niya.
“Tulungan natin siya. Ipapasok ko na lang siya sa restaurant ni mama para may pagkakitaan siya,” sabi ko na siya namang sinang-ayunan agad ni mama.
“Pabor sa akin ‘yan dahil palaging absent ang mga tauhan ko. Sa akin na nga lang siya pumasok para makakuha siya ng pambayad ng kuryente at tubig," sabi pa niya.
“Pero sigurado ka ba na parang kapatid na ang turing mo sa kanya? Hindi ba paglalandi lang?” paninigurado pa ni papa.
“Oo nga po, ang kulit niyo naman!” inis kong sabi kaya tumawa silang tatlo.
“Hayaan mo, honey, kapag nalaman natin na may relasyon sila, ako mismo ang magpapalayas sa Waldo na ‘yan," sabi pa ni mama kaya kinurot ko na ito sa tagiliran niya para tumigil na siya.
Sobrang bait ng pamilya ko. Isa-isa silang lumapit sa akin para bigyan ng gamit si Waldo. Si Pinky, kumuha siya ng mga kumot, damit na malalaki, upuan at mga lamesa na hindi na niya ginagamit sa kuwarto niya. Pinadala niya iyon sa akin kay Waldo. Si mama naman ay nagpaabot ng mga tira-tirang ulam, damit na alam niyang pang-unisex at kaunting pera na pandagdag kay Waldo. Habang si papa naman ay pinaabutan ito ng mga bagong underwear na hindi niya nasuot noong payat pa siya. Nang operahan kasi siya ay tumaba na ng tumaba ang katawan niya kaya hindi na niya nasuot ang mga underwear niya na madalas niyang bilhin noong malakas-lakas pa siya.
“Nakakatuwa ang pamilya niyo, Ate Red. Gusto ko na namang maiyak sa mga binigay ninyo,” sabi niya nang magising na ito. Nakatulog siya sa hirap na inabot sa paglilinis ng bahay niya. Ang sipag at ang bilis niya dahil sa ilang oras lang na nagdaan ay naayos at nalinis na agad niya ang bahay niya.
“Tama na, tigil na ang pag-iyak! Nawawala ang pagiging cute mo eh,” sabi ko sa kanya.
“Talaga? Cute ako?” tanong pa niya na tila hindi makapaniwala.
“Oo, hindi mo ba alam?” Umiling siya.
“Hindi, pangit daw kasi ako sabi ng mga tao sa amin. Dahil doon ay wala tuloy akong confident na manligaw ng babae. Sa bakla lang ako malakas kaya madalas na bakla ang jowa ko sa amin noon,” pag-aamin niya kaya napailing ako.
“Ibig sabihin ay marami ka nang karanasan sa mga gay?” tanong ko tuloy.
Nahihiya siyang tumango. “Oo, marami na akong winasak na tahanan ng mga binabae, lahat sila ay hindi na umulit nang makipagtalik sa akin. Hindi sa pagmamayabang, malaki kasi ang talong ko,” pag-aamin niya kaya medyo nadismaya ako.
“Ibig sabihin ay naging trabaho mo rin dati ang pamamakla?” tanong ko ulit. Nakikita niya siguro na nalulungkot ako sa nalaman ko sa kanya.
“Kailangan eh, wala kasi akong pera minsan kapag nakukuha ni papa ang buong pera ko. Sa mga bakla na lang ako kumakapit noon kaya nasanay na lang din ako,” sagot niya.
Hindi sa pagmamalinis, mataas kasi ang tingin ko sa kanya kanina nang hindi ko pa nalalaman na may mga bakla na pala siyang nagalaw. Wala lang, nakakatawa lang isipin na ang mukhang inosente nitong mukha ay gumagalaw pala ng mga bakla para magkapera. Hindi bale, itatama ko na ang landas niya ngayon. Ngayong nasa pudir ko na siya ay aayusin ko ang buhay niya.
“Bukas na bukas ay magpapa-check ka. Baka positive ka na sa nakakatakot na sakit na nakukuha sa pakikipagtalik sa iba't ibang tao,” sabi ko sa kanya.
“Don’t worry, kakapa-test ko pa lang po. Negative pa rin ako. Saka, hindi porket hindi ako nag-aral ay ibig sabihin ay wala na akong alam. Siyempre, kapag nakikipagtalik ako sa kanila ay may condom akong suot. Bago ko pinasok ang ganoong trabaho ay inalam ko na muna ang mga maaring mangyari sa akin kaya nag-ingat din ako,” sabi pa niya kaya natuwa na rin ako.
Natigil kami sa paghuhunta nang may magsisigaw na babae sa labas ng gate namin.
“Lumabas ka, Pinky!” sigaw ng isang dalagitang babae kaya napalabas kami bigla ni Waldo.
“Anong problema mo?” Si mama ang unang humarap sa kanya.
“Nasaan po ang anak ninyong malandi?1” sigaw nito kay mama kaya agad na nag-init ang ulo ko.
“Huwag kang bastos, iha!” sigaw ko na rin sa kanya.
“Shut up, bakla!” sigaw din nito sa akin. Parang lasing siya dahil amoy chico ito. Sa inis ko ay sinugod ko siya para sampalin. “Pumunta ka rito kapag hindi ka na lasing, iha!” bulyaw ko sa kanya. Nang makatanggap siya nang sampal sa akin ay nag-iiyak ito bigla. Natakot na siguro sa akin.
“Eh, ‘yan kasing kapatid mong si Pinky, nakikipag-s*x pala ng palihim sa boyfriend ko. Malandi siya at mang-aagaw!” sabi pa niya kaya nanlaki ang mata ko. Saktong paglabas ni Pinky ay narinig niya ang sinabi ng babaeng iyon. Lahat kami ay natulala. Hindi namin inaasahan na ganoon ang malalaman namin.
Ibig sabihin pala ay nakikipag-s*x na ang princessa ko? Hindi na siya Virgin? Hindi na bata ang bunso kong kapatid na si Princess? Parang gumuho ang mundo ko sa nalaman ko. Mahal na mahal ko ang kapatid kong si Pinky. Iniingatan ko siyang mabuti para hindi mapariwara ang buhay niya, pero wala pala kaming kaalam-alam na kakaiba na pala ang mga pinaggagagawa niya. Nakakadismaya talaga. Mahal ko si Pinky, pero bigla ko itong napagbuhatan ng kamay dahil sa nalaman ko. Isang lumalagapak na sampal tuloy ang naibigay ko sa kanya.