Chapter 1

2283 Words
STAY #Starlight tears: The brightest tears Pagmulat ko ng aking mga mata, puro kalungkutan ang sumalubong sa akin at nabuo sa aking isipan ang napakaraming katanungan na kahit ang sarili ko ay hindi alam ang kasagutan. "Nasaan ako?” Naitanong ko na lang sa aking sarili habang mababakas pa sa aking mukha ang pagtataka. Inikot ko ang aking mata ngunit ni-isang tao ay walang naligaw sa aking paningin, tila yata napunta ako sa gubat ng kawalan na ang tanging makikita lang ay ang malalaking puno, nagtataasang iba’t ibang uri ng damo at makapal na usok na bumabalot sa lamig ng buong paligid. Nanatili ako sa kinatatayuan ko at tumingala sa langit upang sulyapan ang buwan na tanging nagbibigay liwanag sa gabing nababalot ng dilim at puno ng hiwaga ang paligid. Nang sandaling nanatili ako sa kinalulugaran ko, isang bagay lang ang napansin ko sa kapaligiran ng ito ay una kong masaksihan at tiyak akong nararapat lang ang salitang "inabanduna" upang masabi ko ang aking nakita at naramdaman ng ito ay una kong masilayan. “inabanduna ito sa kalungkutan ng mahabang panahon" ‘yan ang tanging masasabi ko nang makita at maramdaman ko kung gaano kalungkot ang lugar na ito. Napakatahimik ng paligid sa sobrang katahimikan ay nakabibingi rin at masnakapagpangamba sa akin dahil ni-huni ng mga hayop ay wala akong marinig gayong batid kong ako ay nasa gitna ng isang kagubatan. Naglakad ako sa lugar na ngayon ko lang napuntahan ng sa gayon ay masagot na ang mga katanungang kanina pa gumugulo sa aking isipan. Humakbang ako na walang ibang bit-bit sa aking sarili kun'di panghawakan na lang ang gabay ng liwanag ng buwan patungo sa hindi ko alam na distinasyon. Walang kahit na anong palatandaan o kasiguraduhan kung ako ba ay magiging ligtas dito o may nagaabang sa akin na kapahamakan sa sandaling makalayo ako. Kasabay ng aking paghakbang, masugid ko ding iniikot ang aking paningin sa paligid upang makakahanap ng kahit konting kasagutan kung nasaan ako at bakit ako napadpad sa ganitong klase ng lugar. *Lakad* *Lakad* Hindi nagtagal, huminto ako sa aking paglalakad at hindi na muling humakbang pa. Nanatili ako sa kinatatayuan ko at patuloy na nagmamasid sa paligid hanggang sa… “Mommy”- May tinig na bigla na lang lumitaw at bumasag sa katahimikan ng buong paligid. Tinig na tila nagmula sa isang batang lalaki na tinatawag ang kanyang Ina. "Mommy"- Malinaw at buo ang boses na narinig ko kaya batid kong hindi nalalayo sa akin ang kinaroroonan kung saan nagmumula ang tinig kung kaya’t sinubukan ko itong hanapin. "Mommy!"- "Mommy"- Mga ilang sandali lang, ang kaninang normal na pagtawag ng bata sa kanyang Ina ay napalitan nang iyak. Iyak na biglang humaplos sa aking puso sa hindi ko alam na dahilan. “Mommy! Mommy"- Sa pagkakataong ito’y narinig kong muli ang hikbi ng batang hindi ko alam kung saan nanggagaling. Lumingon ako sa kaliwang bahagi kung saan doon ko narinig ang iyak na paulit-ulit na sinasambit ang katagang "Ina". Hindi naman ako binigo ng aking paningin. Sa aking paghahanap, nakita ko ang isang batang lalaki na nag-iwan sa akin ng malaking katanungan at pagtataka kung saan ito nanggaling at bakit bigla itong lumabas mula sa kung saan. Nang makita ko ang batang lalaki, masasabi kong ito ay nasa edad lima hanggang pitong taong gulang pa lang. Nakasuot ng kulay punting damit at may saktong pangangatawan, may itim na kulay ng buhok at dahil sa kadiliman ay hindi ko makita ang kanyang mukha. Nang lalapitan ko na ang bata, bigla na lamang itong naglalakad habang paulit-ulit na binibigkas ang pangalang kanina pa niya tinatawag habang umiiyak. Hindi ako nakita nito kaya tumakbo ito palayo patungo sa isang kakahuyan, sa masukal na parti ng gubat kung saan hindi ko tiyak kung may nagaabang bang panganib doon. Sinundan ko ito sa pagaalala na baka ito ay mapahamak. *Lakad* *Lakad* Sa aking pagsunod ay buong tapang kong hinahawi ang matatalas na damong nakakasagabal sa aking paglalakad upang hindi mawala sa saking paningin ang batang sinusundan ko. *Lakad* *Lakad* Mga ilang minuto lang napansin kong huminto ito sa kanyang paglalakad sa hindi ko alam na dahilan. Mula sa aking puwesto ay natanaw kong wala ng mga damo sa paligid, patag na ang lupa at hawan na ang parti ng gubat na kanyang tinigilan. Umupo itong bigla habang patuloy na umiiyak. May kalayuan ang aming distansya sa isa’t isa kaya nang huminto siya ay patuloy pa rin ako sa paglakad at sa paghahawi ng masukal na daan patungo sa kinalulugaran niya. Nakarating ako sa hawan at patag na parti ng gubat, ngunit sampong hakbang ang namamagitan sa amin ng ako'y huminto. Nanlambot bigla ang aking mga tuhod at nanginig ang aking buong kalamnan sa pagkagulat sa aking nadatnan. Sumalubong sa aking paningin ang isang babaing nakahiga sa lupa habang umiiyak sa tabi nito ang batang kanina ay sinusundan ko lang. Ang babaing tinutukoy ko ay duguang nakahandusay at tila wala ng buhay. Nababalot ng dugo ang puting kasuotan nito at ang dugong lumalabas mula sa kanyang katawan ay mabilis na umagos sa lupa. Nakaramdam ako ng biglang takot at ang gabing puno ng katahimikan ay nabalot nang pangingilabot. Nagtayuan ang mga balahibo ko sa aking balat. Sa sobrang pagkatakot ko ay gugustuhin ko na lang na pumikit at gumising mula sa bangongot na kinahaharap ko ngayon. Ipinikit ko na lamang ang aking mga mata ng sa gayon ay baka sakaling magising na akong muli. "Mommy! Mommy!"- Ngunit kahit tanggalin ko pa sila sa aking paningin, nagmistulang parang karayum na tumutusok sa aking katawan ang idinudulot sa tuwing maririnig ko ang boses nang umiiyak na bata. Wala na akong ibang nagawa kun'di ang imulat na lang muli ang aking mga mata. Takot ang aking nararamdaman sa tuwing pumapasok sa aking taenga ang paulit-ulit niyang sinasambit. Sa mga sandaling ito’y gusto ko nang tumalikod at tumakbo palayo ngunit, sa sobrang takot ko pati ang igalaw ang aking mga paa ay hindi ko magawa. Natulala na lang ako at hindi ko na magawang kumilos pa, naging para akong isang tuod na hindi makagalaw. Hindi ko magawang humakbang kahit gustong-gusto ko ng gawin. Gusto ko na lang tumakbo ng sa gayon ay makalayo ako sa kanila kahit alam kong mali 'yon at hindi ako patutulugin ng konsensya ko pero sa mga oras na ito, takot ang mas nananaig sa aking sarili. Nakaramdam ako ng bigat sa aking mga paa at pakiramdam ko'y may semento o ugat na pumipigil sa akin upang hindi makaalis dito. Minuto na ang lumipas. Huminto na rin sa pag-iyak ang bata at wala na akong narinig na kahit hikbi mula sa kanya. Muling tumahik ang buong paligid at katahimikan na naman ang siyang nanaig. Pinunasan ng bata ang munting luhang pumatak sa kanyang pisngi. Tumayo ito, tumalikod at muling naglakad. Sa hindi ko maipaliwanag na dahilan, kusang humakbang ang aking mga paa na para bang may sarili itong isip at alam kung saan ito pupunta. Sa pagkakataong ito, para na lang akong naglalakad sa hangin dahil sa gaan ng aking mga paa sa bawat pagtapak nito sa lupa. Sa bawat paghakbang ng bata ay siya namang paghakbang din ng aking mga paa upang sundan ito. *Lakad* *Lakad* *Lakad* Tanging takot lang ang emosyong mas nangingibabaw sa aking pakiramdam sa tuwing hahakbang ng kusa ang mga paa ko. Hindi ko alam kung saan ako balak dalhin ng aking sarili basta ang tanging gusto lang gawin ng aking katawan ay sumunod na para bang may naguutos sa akin na gawin ‘yon. *Lakad* *Lakad* *Lakad* Mga ilang minuto rin akong sumusunod sa batang papalayo sa aking pinanggalingan, papalayo sa lugar na aking pinagmulan at tinahak ang panibagong daan. Hindi nagtagal, tumigil ito sa paglalakad at nang huminto ito ay kusa na din huminto ang aking mga paa ng kami ay kasalukuyang magkatabi na at kaunting distansya na lang ang pagitan sa isa’t isa. Muli akong tumingin sa paligid, napansin kong tulad lang din ito ng lugar na tinahak ko kanina at walang kahit na anong pinagbago. Gusto kong malaman kung bakit dito niya ako dinala, wala namang kakaiba o kahit na anong espesyal sa lugar na ito sa halip ay matatalas, matataas at matitinik na damo lang din naman ang nasa paligid. Humarap at tumingin ako sa bata, doon ko nakita ang mala-anghel niyang mukha at ang isa pang bagay na pumukaw agad sa aking paningin ay ang kwentas na suot-suot niya na ang pendant ay isang sing-sing. Wala akong alam kung bakit doon ako agad napatingin pero iba ang naramdaman ko nang makita iyon, kakaiba ang naging dating noon para sa akin at alam kung may kakaiba doon. Inangat niya ang kanyang kamay na kumuha naman sa atensyon ko saka niya tinuro ang dereksyon sa may bandang unahan namin. Wala ni-isang salita o letrang lumabas mula sa kanyang bibig ngunit batid ko ang ipinahihiwatig niya nang ituro n’ya iyon sa akin. Gusto n’yang tinginan ko ang bagay na tinuturo niya subalit, ako'y nangangamba, nagdadalwang isip sa walang kasiguraduhan bagay o sitwasyon na naman ang maaring bumulaga sa akin sa oras na tumingin ako doon. Kusang bumaling ang aking katawan sa harap upang tumingin sa tinuro ng bata. Hindi mabilang na mga hakbang mula sa amin nang sumulpot naman sa aking harapan ang isang lalaki na katulad ng bata at ng babae ay hindi ko rin alam kung saan nagmula. Lalaking doon ay nakahandusay sa lupa at tila wala ng hangin na dumadaloy sa kanyang murang katawan at wala ng buhay pang natitira. Sa aking pagtingin, napansin ko ang dugo na tumatagos sa kaliwang bahagi ng kanyang dibdib na wari mo’y sanhi ng tama ng isang baril * dugss dugss...dugss* Nakaramdam ako ng biglang kaba. Kaba ang tanging nanaig sa aking pakiramdam at tinalo ang takot na kanina ay 'mas nanaig sa aking sarili. Walang pagaalinlangang humakbang ako patungo sa kanya. Dahan-dahan *Hakbang* *Hakbang* Habang hinahakbang ko ang aking mga paa sa lupang may bahid ng dugong nagmula sa kanya. Pakiramdam ko ay may sumaksak ng malalim sa puso ko. Sa bawat pag apak ng aking mga paa'y bumibigat nang bumibigat ang aking pakiramdam. Kumikirot ang puso ko nang makita ko ang lalaking iyon. “Mahal ko”- Natatanging salitang nasambit ng aking bibig na kahit ako ay nagulat at naguluhan dahil hindi ko alam kung bakit ko iyon nasabi. Hindi ko maipaliwanag kung anong mayroon sa akin. Nanlamig ang aking pakiramdam, nanindig ang aking mga balahibo, nagdilim ang aking paningin at kahit ang paligid ay nagluluksa at naki-isa sa sakit na nararamdaman ko. Habang palapit ako nang palapit ay ganoon na lamang kabilis na pumapatak ang aking mga luha, na sa bawat pagpatak nito ay ramdam na ramdam ko ang bigat at sakit. Nanlalabo na aking paningin dahil sa luhang patuloy na bumabalong sa aking mga mata na halos hindi na ako makakita ng malinaw. Ang sakit! ang sakit! Sakit! Bakit bigla akong naging ganito? Bakit nasasaktan ako ng sobra? Pakiramdam ko nawalan ako, nawalan ng isang taong importante gayong hindi ko alam kung sino ang taong tinatangisan ko ngayon. Hindi pa ako nakakarating sa kanya ng nawalan ako ng lakas. Nanginig ang aking mga tuhod at kusang bumigay ang aking katawan na tanging pundasyon ko upang makarating ako sa kanya. Bumagsak ako at napaupo. Tanging hikbi at pag-iyak lang ang aking nagawa. Sobrang sakit! Habang tinitingnan ko ang lalaking ngayon ko lang nakita, halos ikaguho ng mundo ko, lubhang mas masakit pa ito kaysa sa makita ang sarili kong kamatayan. Bumigay na ang lahat ng lakas ko, kung may natitira man ay utay-utay na yung nauubos. Gusto ko siyang mahawakan, gusto ko s’yang mayakap, gusto ko siyang lapitan gayong batid kung para na akong lantang gulay na nanghihina at konting sandali na lang ay bibigay na rin ako ng tuluyan. Sa aking pagnanais na gawin iyon kahit malapit nang bumigay ang aking katawa'y ibinuhos ko ang natitirang lakas ko, gumapang ako patungo sa kanya, nasa bawat pagtuon at pagdikit ng aking mga kamay ay matatalas na tinik ang tumuturok sa aking mga palad. Patuloy kong tinahak ang landas patungo sa kanya at hindi ininda ang pisikal na sakit na idinudulot sa akin ng mga damong kay lupit. Kahit paulit-ulit kong maranasan ito ay wala pa rin tutumbas sa sakit na aking nararamdaman nang makitang nakahimlay ang lalaking aking minamahal. Tila napaka lupit ng gabing ito. “Wala ng mas sasakit pa sa makitang nakahimlay ang taong iyong minamahal”- Paguulit ko sa aking isipan. Sapat na ang mga salitang ‘yan upang masabi ko kung gaano kasakit ang aking nararamdaman sa mga oras na ito. Nang ako'y makarating sa kaniyang kinalulugaran. Dahan-dahan kong inangat ang aking kamay at hinawakan ang kanyang mukha, hinaplos ko ito ng aking mga palad kasabay ng pagpatak ng aking mga luha. Habang tinitingnan at hinahawakan ko ang kanyang mukha ganoon na lang katindi ang sakit na ibinigay nito, hindi lang doble kun'di pakiramdam ko ay paulit-ulit na dinudurog at sinasaksak ang puso ko. Kahit isang salita ay wala nang lumabas sa aking bibig. Ang tanging nagagawa ko na lang ay ang umiyak, na kahit sumigaw ako sa gubat na ito ay walang kahit na sino ang makakarinig kung gaano kasakit ang aking nararamdaman. Naging saksi ang langit, buwan at kapaligiran sa aking pagdadalamhati, na kulang na lang ay hilingin ko na sana ay muling bigyang buhay ang aking minamahal. Kasabay ng aking pagtangis ay naramdaman ko ang biglang malakas na pagbuhos ng ulan kasabay ng biglang paglamig nang ihip ng hangin na para bang may yumakap sa akin. Sa gitna ng ulan ay niyakap ko siya at sa sobrang pangungulila na aking nararamdaman ay pati ang sarili kong buhay ay nais ko na ring kitilin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD