Episode 09
“Nakapasa ka?” tanong sa akin ni Cana. Nagkibit-balikat ako. “Hindi ko alam kung nakapasa ako. Walang sinabi sa akin iyong mga tao sa loob. Pero ang sabi ay maghihintay ng isang linggo bago malaman ang resulta,” sagot ko sa kanya.
Bumuntong-hininga ako. Hindi ko alam kung nakapasa ako kasi pakiramdam ko ay ang pangit ng sagot ko. Ayoko kasi magsinungaling kung bakit ako sumali sa Love Line. Ayoko rin i-sugar coat kaya sinabi ko ang totoo sa kanila na hindi naman ‘love’ o ‘romance’ ang habol ko. Kundi iyong pera na papremyo.
Kaya pakiramdam ko ay hindi ako papasa dahil ginawa naman ang Love Line para maging match-maker sila ng mga taong nawalan na ng pag-asa sa pag-ibig. At katulad nga ng simabi ko noon ay wala ako roon sa pagpipilian na ‘yon.
“Bakit ba parang pinagbagsakan ka ng langit at lupa?” tanong sa akin ni Cana. “Hindi ba dapat ay masaya ka na ngayon ay natapos na ang interview mo? Alam ko na stress ka lately dahil dyan,” wika ni Cana. Tumango ako. Tama siya. Stress nga ako lately dahil dito sa Love Line. Gusto kong makapasa pero dahil ang pangit ng sagot ko sa mga tao kanina ay baka dapat ko na simulan talaga maghanap ng ibang trabaho at huwag umasa sa oportunidad na katulad nito.
“Magcelebrate na lang tayo. Makapasa ka man o hindi, hindi ka dapat maapektuhan sa result nito. Baka mamaya ay lalong magkaproblema sa pagsusulat mo kapag nagpaapekto ka pa.”
Tumango ako sa kanya. Napag-isipan naming dalawa na uminom sa bar tutal weekend naman bukas. Wala siyang trabaho at ganoon din ako. Hindi masama kung magpakalasing kami ngayon.
Pagkapunta namin sa Venus, sinalubong kami kaagad ng maraming tao na nagsasayaw at malakas na tugtugan. Naghalo na rin sa paligid ang amoy ng sigarilyo at alak sa loob.
Naghanap kami ng mauupuan at nag-order ng alak. Si Cana naman ay pumunta sa dance floor para magsayaw dahil may nagyaya rin sa kanya na kung sinong lalaki.
Hindi ako masyadong nag-alala dahil alam kong kaya naman niya ang sarili niya. At isa pa, malaki na siya para sumama sa kung sinong lalaki na hindi niya kakilala.
Sa nakalipas na isang oras ay nakakarami na rin ako ng inom. Hanggang ngayon ay hindi pa rin bumabalik si Cana. Dapat ko na siguro siyang hanapin dahil baka kung saan na nagsuot ang babaeng ‘yon.
Sinubukan kong tumayo pero bigla akong nahilo kung kaya’t muntik na ako bumagsak sa sahig. Mabuti na lang at napahawak ako sa may bar stool.
“Okay ka lang?” tanong sa akin ng lalaki. Sinubukan kong tumingala at tignan siya ng mabuti pero sobrang labo ng mukha niya sa akin. Naramdaman ko ang bahagyang paghawak niya sa bewang ko. Kaagad kong inalis iyon at naglakad. Pero dahil tinamaan na ako ng alak ay pasuray-suray akong naglakad.
Babagsak na naman ako sa sahig nang saluhin ako ng lalaki. “You’re a stubborn woman, huh?” mahinang wika sa akin ng lalaki.
IYON ang mga huling salitang narinig ko bago ako nawalan ng malay at nagising sa kuwarto. Mukhang may nagdala sa akin sa hotel dahil sa sobrang kalasingan ko kagabi. Hindi ko na rin nahanap si Cana dahil sa kalasingan. Paniguradong nag-aalala na ang babaeng iyon ngayon sa akin.
Ano bang mga ginawa ko kagabi? Wala akong maalala. Ang tanging naalala ko lang ay may tumulong sa akin na lalaki pero hindi ko siya hinayaang tulungan ako. Pagkatapos no’n ay wala na akong maalala. Anong sasabihin ko kay Cana kapag nalaman niyang nandito ako sa hotel? As if naman na makakapagsinungaling ako sa kanya.
Hay Avy! Bakit ba sunod-sunod ang kahihiyan mo ngayong araw? Noong una ay may nabangga ako sa mall at muntik pa akong lumagpak sa sahig kung hindi ako sinalo ng kung sinong lalaki roon. Imbes pa nga na magpasalamat ako ay tinakbuhan ko siya na naging sanhi ng pagbangga ko sa noo niya gamit ang noo ko. Hindi talaga maayos ang linggo ko ngayon.
Okay Avy! Wala ka na dapat kahihiyan ngayomg araw okay?
Nawala ako sa malalim kong iniisip nang tumunog ang cellphone ko. Lumabas doon ang pangalan ni Cana kaya lalo akong kinabahan. Nag-isip pa ako ng idadahilan sa kanya bago sagutin ang kanyang tawag.
“Avy!” sigaw niya sa akin.
“G-Good morning.”
“Nasaan ka ba? Hindi ka ba nagbabasa ng email mo ha? Umuwi ka na ngayon din!” wika ni Cana. Mukhang hindi naman siya galit base sa reaksyon niya dahil kung galit iyon ay alam kong sandamakmak ng sermon ang mga nakuha ko ngayon mula sa kanya. Pero bakit naman siya masaya ngayon?
May nangyari bas a kanya kagabi?
“Anong email?”
“My ghad sis! Nakapasa ka sa Love Line at ngayon sinusundo ka ng mga staff dahil ngayon ang punta niyong mga contestant sa lugar na pag-iistay-an niyo ng dalawang buwan!”
Nanlaki ang mata ko sa sinabi ni Cana at dali-daling umuwi. Hindi ko akalain na makakapasa ako kaya hanggang sap ag-uwi ko ay umaasa akong nagbibiro lamang si Cana pero totoo nga. Nandoon nga ang mga staff at sinisimulan na ilagay ang gamit ko sa sasakyan. Mga damit ko siguro iyon na hinanda ni Cana.
“Hello, Ms. Madrigal. We are going to take you today on the official venue of Love Line where the contest will take place. Wala kang dapat problemahin sa pagkain at sa mga personal needs mo dahil sagot iyon ng show.”
“S-Salamat. P-Pero hindi ko akalain na makakapasa ako.”
“We called you many times yesterday night but we can’t reach you out. Naisipan namin na puntahan ka na lang dito ng personal.”
“Ah. Ganoon po ba?”
Nagpaalam na muna ako kay Cana at sinabi ko na pagkatapos ng dalawang buwan na kami magkikita. Actually, matagal ko na ring alam na dalawang buwan ang variety show at dahil nga match-maker ang purpose ng Love Line ay malabong pauwiin kaagad ang mga contestants.
Pagkatapos ko magpaalam kay Cana ay pumasok na ako sa loob ng sasakyan. Hindi naman sinabi sa akin ng staff na may makakatabi pala ako sa loob. Akala ko ay ako lang dahil ako lang naman ang sinundo nila.
Medyo nabangga ko pa siya dahil sa pagkakaupo ko. Masikip kasi sa loob ng van gawa ng mga gamit. Sinubukan ko rin tignan iyong katabi ko pero hindi ko gaano nakita ang mukha niya dahil nakatakip ang bibig niya ng mask.
Naramdaman niya siguro ang pagkakatitig ko sa kanya kaya nagising siya at tumingin sa akin. Sa pagmulat ng kulay abo niyang mga mata ay may mga memoryang biglang bumalik sa aking isipan. Halos mamutla ako nang maalala ko ang mga ‘yon.
“Oh hello. We met again, stubborn woman.”