CHAPTER TWO
SAKAY ng sariling lumang motor ni Martina nakarating siya sa Villa ng mga Monterde. Tama nga ang sinabi sa kaniya ni Cora na hindi siya basta-basta makakapasok ng villa sa dami ng mga bantay sa gate pa lang.
Sinubukan niyang tawagan si Lucas sa cellphone nito, ngunit busy tone lang ang naririnig niya.
Sa labas ng mansyon, nandoon lang si Martina naki-umpok din siya sa tabi ng mga constituents ng lolo ni Lucas na naghihintay din sa resulta ng eleksyon.
Pasado alas dos na ng tanghali. Nakaramdam na rin siya ng gutom at init sa katawan; turon lang kasi ang kinain niya kanina.
Hindi naman siguro siya nagmumukhang tanga d'on sa labas ng bakod ng pamilya at napakarami naman ng mga taong nandoon.
Sabik din siguro ang mga ito sa resulta ng botohan— ang hindi nila alam kung gaano kagaspang ang ugali ng isang Don Lucas Monterde Sr.
Kilalang-kilala ito ni Martina, kaya hindi siya pweding pagsinungalingan ng kahit sino pa man.
Mula noong bata pa siya nakakaharap niya na 'to. Nasaksihan niya ang pang-iinsulto ng matanda sa mga tauhan ng Villa.
Paismid na ngumiti si Martina, masyadong nabulag ang mga tao sa mga pangako nito— ang hindi alam ng lahat may tinatagong masamang dyablo sa katauhan ni Don Lucas.
Mabuti na nga lang at malayong-malayo ito kay Lucas na katipan niya; mabait naman kahit papano si Lucas 'yon nga lang duwag lang talaga 'to pagdating sa pamilya nito.
Walang binatbat ang mga nais nito pagdating sa batas ng pamilyang kinalakhan niya.
Doon sumasama ang loob ni Martina kay Lucas, ilang taon na rin 'tong halos tinatago ang relasyon nilang dalawa sa lahat.
Napasinghap si Martina.
Wala pa rin si Lucas, hindi niya pa rin natatanaw ang anino nito o kahit sinong kakilala niya sa malaking bahay.
Napahawak siya sa barandilya ng malaki at magarang bakod.
Halos maputol ang ugat niya sa leeg sa kakatingala para lang matanaw si Lucas.
Imposible talagang kahit na sino hindi lumalabas— kakilala niya ang mga pinsan ni Lucas kahit sana si Lara na lang na amo niya sa plantasyon ng tuna ang makita niya— d'on sa tulong nito makakapasok na siya sa loob.
Mailap lang talaga kay Martina ang lahat, kaya heto at wala siyang magawa kundi ang maghintay na may lalabas para maging daan at makapasok siya sa loob para makausap si Lucas at madamayan ito sa kabang nararamdama hanggang sa lumabas ang opisyal na resulta.
•••
HALOS trenta minutos na ring nakatayo si Martina sa labas ng Villa. Inabot na siya ng dapit-hapon at mukhang wala na yatang pag-asa pang lumabas mula sa malaking bahay si Lucas— hanggang sa nalowbat na rin siya at wala man lang kahit na anong mensahe siyang natanggap mula sa lalaki.
Nakaramdam na siya ng inis dito. Anong klaseng katipan ito? Hinayaan lang siyang mag-isip nito at mag-alala sa nangyayari. Baka nga heto siya't hindi mapakali pero ang lalaki pala ay nagsasaya sa loob.
Hindi malabo ang naiisip niya lalo pa't baka kasama nito ang tatlong pinsan nitong si Lara at Antonina. Malalapit ang dalawang 'yon kay Lucas at sigurado siyang walang aatupagin ang dalawang 'yon kun 'di alak.
Gusto na rin tawagan ni Martina si Lara, pero ano naman ang idadahilan niya rito? Wala siyang naiisip— hanggang sa susunod na linggo pa sila walang pasok dahil nga sa eleksyon na 'to.
Halos isang linggo niya na ring hindi nakikita si Lucas at ang pagtawag nito sa kaniya ay manaka-naka na lamang.
Ang madalas nitong dahilan ay ang pagiging abala nito sa villa at laging nakasunod dito ang mga magulang niya maging ang lolo nito.
Pilit 'yong inintindi ni Martina, wala naman siyang dapat ikabahala mahal siya ni Lucas at alam niya 'yon.
Nagpasya siyang maghintay pa ng ilang oras. Siguro naman may lalabas din, kahit na ang ilan sa katiwala nitong kakilala na siya. Gusto niya lang naman malaman kung kamusta ba ang nobyo niya. Hanggang d'on lang kahit na hindi siya makapasok sa loob ayos lang— magkikita at magkikita pa rin naman sila ni Lucas.
Iyon na lamang ang hinahawakan sa ngayon ni Martina.
••
HALOS naubos na ni Lucas kasama si Lara at Antonina ang isang Brandy na dala ni Lara mula sa maaga nitong pagluwas kanina sa bayan.
Nasa lanai silang tatlo sa likod ng villa— hinihintay ang resulta ng lolo niya kung panalo na ba ito sa laban nito sa pagtakbo bilang Alkalde sa lugar nila.
Ang sabi ng sekretarya ng lolo niya, leading na raw ang bilang nito. May ilan pang precint ang hindi nabibilang pero malaki na ang lamang ng Lolo Lucas nila.
Tiwala naman ang buong pamilya Monterde na mananalo ito. Hindi biro ang pinakawalan nilang pera para sa pagbili ng boto ng mga nasasakupang bayan at ilang barangay.
"Shot..." alok sa kaniya ni Antonina. Binigyan siya nito ng isa pang shot glass na halos mapuno sa bagong bote ng wine na binuksan nito.
"Nakakarami na yata tayo," sabat naman ni Lara.
Nakaupo ito sa humba-humba ng Lola Miranda nilang naka-base na sa Amerika. Hindi ito nag-aksaya ng panahon para makauwi sa kanila sa Quezon, ang dahilan nito wala naman daw itong maitutulong dahil sa matanda na ito.
Natawa na lamang sila sa lola nila.
"Panalo na si lolo wala na tayong dapat pang ikabahala. Gumagalaw na ang mga tao sa kaniya-kaniyang presinto. Sure win na raw," sambit pa ni Lara.
Nabuhayan ng loob si Lucas. Masaya siya para sa lolo niya at malaking bagay ito sa pamilya nila— kapag nangyari 'yon mas lalong makikilala ang Monterde Tuna Manufacturing sa buong lugar ng Quezon maging sa kalakhang sakop ng bansa.
Mas magiging makapangyarihan ang pamilya nila hindi lang sa politika kun 'di sa negosyong pinamamahalaan niya.
Nakangiting nilagok ni Lucas ang wine sa shot glass na hawak niya, hindi inda na may isang taong nag-aalala sa kaniya ang kaniyang nobyang si Martina.
•