Maaga akong naghanda. Inayos ko na rin ang mga dadalhin kong kasuotan. Gusto kong isuot ang sariling kong mga damit sa pagtungo ko sa isla. Alam ko rin naman na hindi ganon kabait si Judas upang ipagamit sa akin ang mga damit niya. Hindi naman na siguro iyon mapapansin ng asawa niya. Sanay na rin naman akong gamitin ang istilo ni Judas sa pananamit.
Pagkatapos ng almusal ay sinabi ni Ryuki na hihintayin lang namin ang helicopter dala si Judas at pagkatapos ay ako naman ang ihahatid nito sa isla. Tanging tango lang ang isinagot ko dahil kung tutuusin, ayoko sanang pumalit kay Judas doon. Wala lang talaga akong karapatang umayaw dahil parte iyon ng trabaho ko kay Judas. Pero gaya ng sinabi ko, gagawin kong makabuluhan ang pagpunta ko roon. Maaari kong i-brainwash si Sachi tungkol sa totoong pagkatao ni Judas gaya ng unang plano ko. Isa pa, curious talaga ako kung ano ang rason kung bakit obsessed na obsessed si Judas sa lalaking iyon. Sa pagpunta ko roon at pakikisama sa kanya, siguradong masasagot na ang mga tanong sa isipan ko.
Malapit ng magtanghalian nang dumating si Judas lulan ng helicopter. Sinalubong siya ng mga tauhan niya samantalang ako ay piniling hintayin siya sa kanyang opisina. Alam ko naman na kulang pa ang mga ibilin niya sa akin sa huling pag-uusap namin. Alam ko na marami pa siyang ibibilin at ipagbabawal sa akin dahil ako muna ang makakasama ng minamahal niyang asawa sa loob ng ilang araw. Maaari ding magtagal ang pananatili ko roon kung sakaling malala na ang lagay ng ina niya dahil sigurado ako na kahit gustuhin niyang balikan si Sachi sa isla ay pipigilan din siya ng kanyang ama at mga kapatid gaya ng ipinanakot sa akin ng ama niya noon. Hinding-hindi rin niya dadalhin ang asawa niya sa Japan dahil malalaman iyon ng pamilya ni Sachi. Matatapos na ang maliligayang araw niya kapag nagkataon.
Kinuha ko rin ang sariling laptop ko. Pinayagan naman ako ni Judas na magkaroon niyon bilang libangan ko. Sigurado akong walang sinomang makakagamit niyon kundi ako lang dahil naroroon ang mga personal businesses ko. Tiniyak kong walang sinong makaka-hack nito at makakagamit kundi ako lang.
Hindi nga nagtagal ay kasama ko na si Judas sa loob ng kanyang opisina. Pagkatapos niyang maglagay ng alak sa isang baso, sinenyasan niya akong tumayo at iyon ang ginawa ko. Matagal niyang pinagmasdan ang tayo at porma ko. Pagkatapos ay walang imik niya akong tinalikuran at saka siya umupo sa swivel chair niya. Umupo na rin ako upang hindi siya nakatingala habang nakikipag-usap sa akin.
"Pumayat ka," kaswal niyang simula pagkatapos sumimsim sa alak. Napatikhim naman ako.
"Hindi po ako masyadong nagkakakain, boss," pagpapaliwanag ko. Nakita kong sumulyap siya sa mga kalamnan ng braso ko at saka siya napailing.
"Hindi ka ba ipinaghahanda ng masasarap na pagkain ng mga tauhan ko? At hindi ba at sinabi kong dapat ay araw-araw kang nag-eehersisyo? Mas payat ka kesa sa akin! Hindi mo ba naiisip na maaaring iyang kapayatan mo pa ang dahilan para mabuko tayo ni Sachi?" may paninita niyang sabi sa akin.
Lihim akong nagngitngit. Ito ang isa sa kinaiinisan ko kay Judas dahil lahat na lang ay kailangan niyang idikta. Minamanipula niya ang lahat.
Ngunit natural, hindi ako sumagot. Hinayaan ko lang siyang manermon. Hinayaan kong isipin niya na kayang-kaya niya akong manipulahin at diktahan.
"Kapag nasa isla ka na, siguraduhin mong araw-araw ay may oras ka para magpunta at gamitin ang mga kagamitan sa loob ng gym. Magpalaki ka ng katawan para magkasinglaki tayo nang walang mahalata ang mga tao roon na magkaibang tao tayo lalong-lalo na si Sachi."
"Opo, boss," pormal kong sagot sa kanya.
"Malambing ako kay Sachi kaya kinakailangan na maging malambing ka rin sa kanya sa pananatili mo roon. Hanggang maaari pati pagkain niya ay naroroon ka para pagsilbihan siya. Sa gabi, gumawa ka ng mga rason para hindi kayo magtatabi sa pagtulog. Magkulong ka sa opisina at kunwari ay marami kang ginagawa. Ayoko man ngunit kung kinakailangang yakapin at halikan mo siya, gawin mo. Ngunit huwag na huwag mo siyang gagalawin, Yamashiro. Don't ever have s*x with my husband!"
Nagliliyab ang mga matang tumitig siya sa mga mata ko bilang matinding pagbabanta.
"You don't have to worry, boss. Susundin ko ang lahat ng bilin mo. Besides, hindi po ako nakikipag-s*x sa kapwa ko lalaki. Hindi po ako pumapatol," magalang kong sabi sa kanya.
Napapailing na ngumisi siya.
"Ganyan din ako noon, Yamashiro. Noong hindi ko pa nakikilala si Sachi ay wala sa isipan ko na papatol ako sa kapwa ko lalaki. But my Sachi is different. He can melt anyone just by his smile. Kaya ngayon pa lang ay nagbibigay na akong warning sa'yo."
"Boss, buong kumpiyansa kong sinasabi sa'yo ngayon, hinding-hindi ko po gagalawin ang Sachi n'yo. Kung hindi lang parte ng trabaho ko, ni yakapin o halikan siya ay hindi ko gagawin."
Matagal akong tinitigan ni Judas na tila pinag-aaralan ang katotohanan ng mga sinabi ko.
"Very well, mabuti kung ganon. Alam mo naman na kung hindi lang dahil sa aking ina na may sakit ay hindi ko iiwan si Sachi sa kahit na sino... Kahit na sa'yo. Wala lang akong pagpipilian dahil tama ka, iba ang lukso ng dugo ng isang ina. Mahal ko siya at ayokong dagdagan pa ang dinaramdam niya kapag nalaman niyang pekeng anak niya ang nasa tabi niya. But as soon as she gets better, uuwi ako sa isla."
"Yes, boss."
"At Yamashiro..."
Aba, sa dami na ng nasabi niya ay may pahabol pa talaga siya.
"Boss...?"
"Kahit anong gawing pakiusap ni Sachi sa'yo na ipasyal mo siya sa labas ng isla, huwag na huwag mong gagawin. Huwag na huwag kayong aalis doon. Kahit na magmakaawa siya sa'yo, huwag na huwag kang magdedesisyon para sa kanya. Sa isla ko siya iiwan kaya sa isla ko rin siya babalikan. Naiintindihan mo?"
"Opo, boss."
"Hindi pa rin tumitigil ang pamilya niya sa paghahanap sa kanya. Maging ang pamilya niya sa Pilipinas ay pinapahanap din siya. You have to know na hindi basta-basta ang pamilya niya pati na rin ang iba pang pamilya na kaibigan ng mga ito lalo na ang mga Martenei at ang mga Vladimier. Sila ang mga sakit sa ulo ko ngayon. Tiyak na kapag may nakakita kay Sachi sa mga kakilala nila ay makakarating agad ang balita kay Isly Kaide. At pare-pareho natin na hindi magugustuhan ang magaganap kapag nangyari iyon.
"Your only business there is to be with Sachi when he needs you. Wala kang pakialam sa ibang tao na naroroon, maging sa aking mga alipin lalo na iyong nakakulong sa attic."
Dahil sa sinabi niyang iyon ay pumasok sa isipan ko ang therapist ni Sachi na ikinulong ni Judas sa attic ng mansiyon niya sa isla. Kaya niya siguro sinasabi ito ngayon ay para hindi ko rin pakialaman ang ginawa niya sa taong iyon. Pero siguro naman ay may tauhan siyang inutusan para pakainin ito araw-araw.
"Opo, boss. Naiintindihan ko."
Tila nakontento na siya sa huling sagot ko kaya nag-relax na ang ekspresyon niya.
"Tawagan mo ako kaagad kapag may emergency. Darating ako kung kinakailangan."
"Yes, boss."
Inubos niya muna ang laman ng baso ng alak bago siya sunod na nag-utos,
"Makakaalis ka na."
...
Pagkatapos kong kunin sa aking kuwarto ang mga dadalhin ko ay sumakay na ako sa naghihintay na helicopter.
"Sir Judas," bati sa akin ng piloto. Hindi niya ako nakilala bilang ibang Judas. Iilan lang talaga sa mga tauhan niya ang nakakaalam ng sikteto naming dalawa lalo na iyong mga nakakasama sa mansiyon. Mas mabuti na rin iyon kung tutuusin. Magagamit ko sila kapag kailangan na.
"Let's go back to the island," utos ko rito gamit ang tono na palaging ginagamit ni Judas sa mga tauhan niya.
Lihim akong natuwa nang hindi nito mahalata na ibang tao na ang kausap niya. Magaling din talaga akong artista kung tutuusin.
Ilang sandali pa ay nasa himpapawid na kami. Ang totoo ay ngayon lang ako makakapunta sa isla kung nasaan si Sachi. Ngayon ko lang iyon mapupuntahan nang personal kaya kahit papaano excited ako. Pamilyar naman sa akin ang isla dahil na nakikita ko na ito sa mga cctv camera. Pero alam ko na iba pa rin kapag naroon na ako mismo dahil ibang tao na naman ang mga makakasalamuha ko roon.
Sana lang talaga ay walang makakahalata na hindi ako ang totoong si Judas lalong-lalo na ang kanyang asawa na si Sachi Kaide.