Episode 4

1373 Words
IKALAWANG ARAW ko sa panggabing schedule. Katulad ng dati ay ganoon pa rin ang dami ng tao na pumapasok sa shop sa buong oras ko ng duty. Matapos kong gawin ang huling order na natanggap ko mula sa counter ay agad ko itong inilapag sa tray. “Double expresso, out.” Iniwan ko sa countertop ang order at hinayaang si Jerico ang magbigay nito sa customer. Nagpalit kasi kami ng area, siya ang nasa counter at ako naman ang nasa kitchen. Sinimulan ko nang linisin ang mga equipment sa loob ng kitchen. Malapit na mag-ala singko ng umaga at malapit na akong mag-out sa trabaho. “Shet! Ang ganda niya.” Narinig ko ang mahinang sinabi ni Jerico habang nakangiting nakasandal sa pader, malapit sa pintuan. Katabi lang nito ang counter kaya naman sigurado akong hindi niya makaliligtaan ang area niya kung may lumapit man na customer. Lumapit ako sa kaniya. “Anong meron?” “Pakiramdam ko nahanap ko na ang forever ko.” Humawak pa sa dibdib niya si Jerico at animo’y nabihag ng isang babae habang nakasandal sa pader at nagpadausdos paibaba. May sira na ‘to sa ulo. “Ayos ka lang ba? Mukha kang may sakit sa utak.” Napailing ako at sinimulang punasan ang ilang istante na pinaglalagyan ng mga paper cup at ilan pang accessories ng store. “Akala ko ba si Leo ang papasok sa schedule mo ngayon?” tanong ko nang maalalang sinabi niya sa akin kahapon na hindi siya makapapasok dahil sa ilang problemang aayusin niya sa bahay nila. Alam kong personal na issue kaya naman hindi ko na inungkat pa. “Nahanap ko na ang babaeng pakakasalan ko, Ken,” tugon niya at umayos ng tayo habang yakap-yakap pa ang isang tray. “Nahanap ko na siya.” “Sino?” Huminto ako sa ginagawa at tumingin sa kaniya. “Ang forever ko.” Natawa ako sa sinabi niya. “Paniguradong customer nanaman ‘yan, sa tuwing ikaw ang counter, palagi mong sinasabi na nahanap mo na ang forever mo.” Mahina akong natawa matapos ang tinuran ko. Ibinalik ko ang basahan sa isang baldeng may lamang tubig at sanitizer. “Hindi na bago sa akin ang ganiyang pakulo mo, halos lahat ng babae na customer natin forever niyo ni Leo,” dugtong ko pa sa pang-aasar sa kaniya, datapwat totoo ang tinuran ko. Ganiyan ang gawain nilang dalawa ni Leo lalo na kung sila ang nasa counter at dining. “Hindi, this time iba na talaga.” Natawa rin siya sa sariling kalokohan at umiling-iling. “Pero walang halong biro, ang ganda niya talaga. Paano ko kaya makukuha ang pangalan niya? Matutulungan mo kaya ako?” Nagkibit-balikat ako nang bumaling sa akin ang tingin niya. “Sa tingin ko matutulungan mo ako, Ken.” Napakunot ang noo ko sa sinabi niya. “Ano naman ang maitutulong ko sa‘yo?” I chuckled. Loko-loko talaga itong si Jerico. Tumingin ako sa orasan, kaunting minuto na lamang kaya naisipan kong lumabas ng kitchen at maglinis sa dining. Abala na si Jerico sa pagbibilang ng pera sa kaha nang lumabas ako upang iligpit ang ilang kalat na nasa mga lamesa. Napahinto ako sa ginagawa nang makita ang isang babaeng naka-brown na hoodie sa parehong puwesto kung nasaan ito kagabi. Naalala kong ganitong oras din nang siya ay pumasok dito sa coffee shop kahapon. Matamlay ang mukha nito habang pinaiikot ang hintuturo sa bibig ng tasa ng kaniyang inumin. Nasamid ako ng sariling laway nang mapansin kong bumaling ang tingin niya sa akin at napalitan ng malapad na ngiti ang kaniyang malungkot na mukha kanina lamang. Nag-iwas ako ng tingin at bumalik sa pagliligpit ng ilang kalat sa lamesa. Ngayon ko lang napansin na siya nalang ulit ang natitirang customer namin sa mga oras na ito, sigurado akong siya ang may order ng double expresso na huli kong ginawa. Napansin ko ang pagtayo niya, datapwat hindi ako direktang nakatingin sa gawi kung nasaan siya. Naaaninag ko lamang sa peripheral vision ko ang ginagawa niya. Nagtungo siya sa gawi kung nasaan ang air condition. Dahil doon ay nilingon ko na siya. “Ang lamig,” sambit pa nito habang nakatalikod sa akin at hinihinaan ang level ng lamig na inilalabas ng air con. Hindi ko alam bakit hindi niya man lang ako tinawag para ako na ang naghina ng air conditioner. Nang humarap siya upang bumalik sa kinauupuan ay agad akong tumalikod at minarapat nang bumalik sa kitchen bitbit ang mga kalat na kinuha ko sa mga lamesa. “Ken,” tawag niya sa pangalan ko, dahil sa pagkabigla ay nahulog ang mga kalat na hawak ko kaya naman napakamot ako sa batok at mariing pumikit. Isang buntong hininga ang pinakawalan ko at muling humarap sa gawi kung nasaan siya. Ang totoo ay iniiwasan kong tawagin niya ako o mapansin ngunit wala akong magagawa dahil naisipan kong lumabas ng kusina sa hindi malamang dahilan. “May kailangan po sila Ma’am?” tanong ko, mabigat ang mga paa kong hindi kumilos kung saan ako nakatayo. Lumapit si Jerico sa amin at nagtatakang tumingin sa akin. “Anong meron?” Hinawakan niya ako sa balikat. “Nakuha mo ba?” tanong pa nito at ngumiti nang malapad. Umiling ako, batid ko kung ano ang tinutukoy niya. “Hindi,” tugon ko, “May kailangan pa ho ba sila?” Ibinaling kong muli ang tingin ko sa nag-iisa naming customer. “Gusto ko sanang manghingi ng tubig.” Seryoso na ang mukha nito at tinungga ang inumin. “Ako na ang kukuha.” Nagsimulang maglakad si Jerico ngunit napahinto nang hatakin ko siya. “Bakit?” takhang tanong niya sa akin. “A-ako na ang kukuha.” Ginamit ko ang pagkakataong iyon upang tuluyang bumalik sa kitchen. Malalim akong bumuntong hininga at umupo sa isang stool. Ano ba namang kahihiyan ang ginagawa ko sa harap ng isang customer? Tsk! Tumayo ako at nagtungo sa utility area upang kunin mop. Tatapusin ko na lamang ang mga gawain ko nang makauwi na kaagad. Habang nagma-mop sa kitchen area ay pumasok si Jerico. “‘Wag kang pumasok, basa.” “Ken, ayos ka lang ba? Kanina pa kami nag-aantay sa labas, akala ko ikaw ang kukuha ng tubig ni Ma'am Barbie,” bungad na tanong sa akin ni Jerico habang nakatingin sa akin. Huminto ako sa ginagawa at hindi ko malaman ang sunod na gagawin, nakalimutan kong kumuha ng tubig, ngunit hindi iyon ang talagang tumatak sa isip ko kundi ang pangalan na itinawag ni Jerico sa nag-iisang customer namin ngayong madaling araw. “M-Ma'am Barbie?” tanong ko. Tumayo ako nang diretso at itinabi ang mop sa gilid. “Oo nakuha ko na ang pangalan niya, ang bait nga niya. Ang ganda-ganda pa ngumiti.” Humawak si Jerico sa dibdib katulad na lamang kanina kung paano siya nagpadausdos sa pader. “Nahanap ko na siya Ken, ang cute niya talaga. Parang gusto kong maging-regular night shift.” Ito na ang kumuha ng tubig at lumabas ulit habang may malapad na ngiti sa labi. Lumapit ako sa may pintuan at sinilip ang dalawa. Pareho silang nakangiti at nag-uusap. Talaga itong si Jerico, napakagaling mambola ng babae. Biruin mong nakuha agad nito ang pangalan ng bago naming customer sa unang araw na nakita niya ito. Nagkagusto pa kaagad ang loko. Tumikhim na lamang ako at tuluyang tinapos ang gawain matapos ay nag-out na nang dumating ang kapalitan ko. Nang makauwi ako sa bahay ay dumiretso na ako sa kwarto. Maagang umaalis si Nanang at Kate, upang magtungo sa palengke at pumasok naman sa eskwelahan si Kate. Sandali lamang akong nagpalit ng damit matapos ay pabagsak na akong humiga sa kama. Maliit lamang ang kama ko ngunit matibay naman, ako mismo ang bumuo nito at talagang may kakaibang desenyo na nakaukit sa headboard. Isang puting sando lamang ang sinuot ko at malambot na short pambahay na hanggang tuhod ko. Binalot ko ng kumot ang sarili ko at humarap sa gawing kanan, binalak ko nang pumikit ngunit hindi ko naituloy nang may pumasok sa aking isip. Naalala ko ang kakaibang babaeng iyon, ikalawang araw ko pa lamang siyang nakikita ngunit talaga nakuha niya ang atensyon ko. Who are you?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD