CHAPTER 1

3093 Words
"Paano na ito Gregor? Dalawang araw na lang ang binigay na palugit sa atin" "Hindi ko pa alam mahal. Nalugi ang palayan dahil tagtuyot ngayon. Hindi ko na alam ang gagawin" "Nakiusap na ako ngunit ayaw ng bigyan pa ng palugit ni Señor ang utang natin sa kaniya. Paano na ito Gregor? Mawawala ang arian natin!" "Bahala na Mahal. Bahala na.." Ramdam na ramdam ni Rima ang bigat sa kaniyang puso habang naririnig ang lungkot sa mga boses ng kaniyang magulang na namomroblema sa pagbabayad ng malaking utang dahil sa kapakanan niya. Oo, siya ang may kagagawan ng lahat ng ito. Kaya sila nagkanda hirap ngayon ay dahil sa kaniya. Dahil sa pagiging sakitin niya ay nalulustay na lang sa pampaospital at mga gamot ang kanilang panggastos. "Oh anak...kanina ka pa ba diyan?" Mapait na ngumiti si Rima habang pinapanood ang mabilis na pagbabago ng ekspresyon ng kanilang mukha. Mula sa pagiging problemado ay nakuha pa nilang magpanggap na ayos lang ang lahat para lang hindi siya mag-alala. "Nakapagluto na po ako. Tara na po at kumain" binigyan niya ng isang maganda at mahinhin na ngiti ang mga magulang at hindi pinahalata na narinig niya ang usapan nila. Ayaw rin ni Rima na pag-aalalahanin ang magulang niya. "Ikaw na muna anak. Mamaya na kami. Sige na pumasok ka na" ngumiti sila ngunit halatang pilit. Hindi na kinulit pa ni Rima ang magulang. Masiyado silang maraming iniisip kaya hindi na niya sila kukulitin. Pagpasok niya sa kanilang bahay ay kaagad na sumalubong si Rhea, ang ate ni Rima. Masama ang mga titig na pinupokol sa kaniya nito. Kahit gano'n, sinuklian niya pa rin ng isang ngiti ang kapatid. "Ate kain na po tayo" "Ano? May munti ka bang konsensyang natitira sa isip mo?" Kaagad na nalusaw na parang isang bula ang ngiti niya. Alam na alam niya ang ibig sabihin ng kaniyang ate. Paniguradong narinig rin nito ang usapan nina nanay sa labas. Humakbang palapit sa kaniya si Rhea at bakas ang sama ng loob sa paraan ng kaniyang pagtingin. Hindi iyon masikmura ni Rima kaya mas pinili niyang yumuko. "Narinig mo naman siguro kung gaano ka problemado ang mga magulang natin dahil sa'yo!" May panggigil siya nitong hinablot at hinawakan sa balikat. "Tangina! Dahil sa'yo kinailangan kong tumigil ng pag-aaral at kailangan magtrabaho!" Hindi maramdaman ni Rima ang pagbaon ng kuko ng kaniyang kapatid sa kaniyang balikat. Namamanhid ito dahil mas nangingibabaw ang sakit ng kaniyang puso dahil mas lalo lamang pinamukha ni Rhea na siya ang dahilan ng walang katapusang paghihirap ng pamilyang ito. "Ano?! Yuyuko ka lang ba diyan?! Naghihirap kami dito tapos ikaw kakain at hihiga dahil hindi ka pwedeng mapagod?!" Umiling si Rima. Gusto niya sabihin na ginagawa niya naman 'yong kaya niya. Gusto niyang magsalita at ipagtanggol ang sarili ngunit paano? Totoo naman ang sinasabi ng ate niya sa kaniya. Wala siyang silbi at pabigat. Hindi siya pwedeng magpagod dahil mabilis siyang hikain. Kaya niya lang magluto at maglinis ng bahay pero wala na. Isa lamang siyang palamunin at sakitin sa pamilya. Puro gastos lang ang dulot niya. "Bakit pa dumating ang isang mahinang tulad mo sa pamilya natin? Dapat ikaw ang pinangbabayad sa lahat ng utang natin dahil ikaw naman ang may kagagawan ng pagkalubog natin sa utang!" Mas lalong bumigat ang nararamdaman ni Rima. Parang tinutusok ang kaniyang puso sa sobrang sakit dahilan para may bumara sa kaniyang lalamunan. Sumikip ang daluyan ng kaniyang hangin dahilan para kapusin siya ng hininga. Kaagad na nataranta ang kaniyang sistema. Inaatake na naman siya ng kaniyang hika. "H-hindi a-ko..makahing-a" Inilapat ni Rima ang mga palad sa kaniyang dibdib, pilit na hinampas ito. Natauhan naman si Rhea na kaagad ding nakaramdam ng kaba sa kapatid at kaagad na tinawag ang magulang. "Ma! Pa! Si Rima!" Gusto niyang pigilan si Rhea sa pagsigaw pero hindi siya makapagsalita. Napahawak na lang siya sa kahoy na mesa para isuporta ang katawan niyang namumutla habang kumukuha ng hangin. Rinig ang bawat pagsinghap niya sa sobrang hirap huminga. Pakiramdam ni Rima walang hangin sa paligid. "Anong nangyayare--Jusko! Rima! Anak!!" Nakita niya ang pagpasok ng magulang niya. Dinaluhan kaagad siya ng kaniyang ama at natataranta namang pumasok si Rhea sa maliit nilang kwarto at hinanap ang inhaler niya habang pinapaypayan naman siya ng ina. Heto na naman at nasasaksihan ang kanilang pag-aalala sa kaniya. Nakikita na naman ni Rima ang mga magulang na nasasaktan at natataranta. Gusto niya mag-sorry pero walang lumalabas sa bibig niya. Gusto niya sabihing okay lang siya pero halos mamatay na siya sa kakulangan ng hangin. Nagtutubig ang kaniyang mata at sapo-sapo pa rin niya ang kaniyang dibdib nang dumating si Rhea hawak ang inhaler. Kaagad iyong kinuha ni Rima at kaagad na inilagay sa kaniyang bibig. At mabilis na guminhawa ang pakiramdam ni Rima. Sa isang iglap ay naramdaman niya ulit ang hangin sa paligid. Nakahinga ng maluwag ang mga magulang ni Rima, ganoon din si Rhea nang makita ang pagluwag ng paghinga niya. Pakiramdam ni Rima ay nawala ang buong porsyento ng kaniyang lakas at napasandal na lang sa kaniyang ama na mabilis na dumalo at binuhat siya. "Ano bang ginawa mo Rhea?! Anong nangyare!?" Rinig niyang sambit ng kaniyang ina sa kaniyang ate. Napayuko na lang si Rhea at walang masabi. "Tama na 'yan. Halika na at dalhin na natin si Ri-" Kaagad na pinigilan ni Rima ang ama. "Okay lang po ako. A-ayos na p-po ako. M-magpapahinga na lang p-po a-ako" Kapag dinala na naman siya hospital, magkakaroon na naman sila ng panibagong utang at ayaw iyon ni Rima. Binuhat na siya ng tatay papuntang kwarto habang naririnig niya ang sermon ng ina sa kapatid. Pagkagising ni Rima ay mabuti na ang pakiramdam niya ngunit ramdam pa rin niya ang sakit sa kaniyang puso. Tila tumatak kay Rima ang mga sinabi ng ate niya sa kaniya. "Bakit pa dumating ang isang mahinang tulad mo sa pamilya natin? Dapat ikaw ang pinangbabayad sa lahat ng utang natin dahil ikaw naman ang may kagagawan ng pagkalubog natin sa utang!" "Bakit pa dumating ang isang mahinang tulad mo sa pamilya natin? Dapat ikaw ang pinangbabayad sa lahat ng utang natin dahil ikaw naman ang may kagagawan ng pagkalubog natin sa utang!" "Dapat ikaw ang pinangbabayad sa lahat ng utang natin dahil ikaw naman ang may kagagawan ng pagkalubog natin sa utang!" "Dapat ikaw ang pinangbabayad..." Sandali siyang pumikit bago inilibot ang tingin sa maliit na kwarto. Nakita niya ang ina at ang kaniyang ate Rhea sa lapag, mahimbing na natutulog habang magkayakap. At nang pagmasdan niya ang dalawa, kita kaagad ang mabilis na pagtanda ng kaniyang ina at pagiging pagod ng kaniyang ate. 'Patawad at dahil sa akin naghihirap kayo ng ganito' sabi niya sa kaniyang isipan. Naramdaman niya ang pag-agos ng luha sa kaniyang mata na kaagad niyang tinuyo. Dahan-dahan siyang tumayo, pilit na hindi gumawa ng kahit anong ingay. Nagtungo siya sa kanilang lumang kabinet at kinuha ang isang maliit na bayong. Kumuha siya ng ilang damit at kumuha ng kaunting pera mula sa wallet ng kaniyang ate. Hindi niya alam kung tama ba ang gagawin niya pero napag-isip isip niya na hindi pwedeng maging pabigat na lang siya. Tama ang kaniyang Ate Rhea. Kailangan niyang gumawa ng paraan. Ginagawa nila ang lahat para sa kaniya at ito na ang oras para siya naman ang may gawin. Sapat na damit lang ang dinala ni Rima bago kumuha ng papel at lapis para magsulat. Hindi niya mapigil ang luha habang nagsusulat dahil paniguradong mami-miss niya ang pamilya. Ito ang makakabuti sa lahat. Iniwan niya ang papel sa salamin ng lumang kabinet bago lumabas ng kwarto. Nakita naman niya ang ama na nakahiga sa kanilang mahabang upuan at doon natutulog. "Sa paggising niyo tay, mawawala na ang problema niyo." muling tinig ni Rima bago muling tumulo ang butil sa kaniyang mata. Minabuti ni Rima na hindi lumapit sa kanila kaya kahit gusto niyang halikan at yakapin sila sa huling sandali ay hindi niya ginawa dahil ayaw niya na magising ang mga ito. Binigyan ng maikling oras ang sarili para pagmasdan ang kaniyang pamilya bago niya naisipang magtungo sa pinto at kahit labag sa kaniyang looban ay lumabas na siya dala ang bayong at flashlight ng ama. Madilim pa at sobrang lamig ng simoy ng hangin nang lumabas siya. Naglakad siya hanggang sa paradahan ng mga tricycle at doon kumuha ng sasakyan para sa lugar na pupuntahan niya. "Saan ka ineng?" Tumingin si Rima sa tricycle driver. Huminga siya ng malalim dahil hanggang ngayon ay hindi siya sigurado sa kaniyang gagawin. "Sa bahay po kung saan nakatira si Señor Dela Vega." ________ Isang napakalaking mansyon na.....pangit. Iyon ang bumungad sa mata ni Rima nang ibaba siya ng tricycle driver. Akala pa ni Rima ay kung saan na siya dinadala ng driver dahil masiyadong liblib. Natakot siya na baka may gawing masama ang driver sa kaniya ngunit ito talaga ang bahay kung saan siya binaba. Parang isang abandonado ang puting mansyon na wala man lang kakulay-kulay. Ni puno ng alikabok at dumi ang mga dingding, ang mga tuyong dahon ay nagkalat sa sahig at parang walang naglilinis. Kahit ang mga puno ay wala na ring mga dahon. Napakalungkot na lugar. Tanging kulilig lang ang naririnig ni Rima. Hindi tuloy alam ni Rima kung tama ba ang pinagbabaan niya. Niloko ba siya ng tricycle driver? Parang walang tao dito eh. Natatakot man ay hinanap pa rin ni Rima ang doorbell. Natatabunan iyon ng vines kaya kinailangan niya pang hawiin para mapindot iyon ngunit parang sira na iyon sa katagalan ng hindi ginagamit kung kaya't lumapit siya sa matayog na gate, kumapit siya sa bakal at sumilip. "Tao po?" Sambit niya sa mahinang boses kaya naman muli siyang umubo at bumwelo. "Tao po!" Sigaw niya ngunit tanging mga huni ng tuko at kuliglig ang kaniyang narinig. Sinubukan ni Rima na sipain ang gate upang mag-ani ng tunog ngunit wala pa ring lumalabas na tao. Hanggang sa may tumapat sa kaniyang flashlight dahilan para mapikit si Rima. Iniharang niya ang mga kamay para hindi masilaw. "At sino naman itong magandang dilag na nasa harapan ko sa gitna ng kadiliman?" Unti-unting nawala ang nakakasilaw na ilaw. Doon lang muli binukas ni Rima ang mata at gamit ang flashlight niya, naaninag niya ang mukha ni Carpio, ang kanang kamay ni Señor Dela Vega. Siya ang nangongolekta ng utang sa kanila. Kaagad na guminhawa ang pakiramdam ni Rima sapagkat alam niyang tama ang pinagbabaan niya. "Anong ginagawa mo dito?" Muling tanong ni Carpio na salubong ang kilay habang nakatingin kay Rima. "Kailangan ko pong makausap si Señor Dela Vega" Kaagad na sagot ni Rima. "Aba'y sino ka ba ineng? Ikaw ba ay kasintahan ni Señor?" Nanlalaki ang mata ni Rima sa katanungan ng matanda ngunit mabilis din siyang umiling. "Hindi ho" Natawa naman si Carpio sa naging reaksyon niya. "Alam ko naman iyon ineng. Biro lang 'yon. Imposibleng makagusto ka sa Señor ko" Naguguluhan man ay pinili na lang ni Rima na hindi iyon pansinin. "Ahm...dito po ba nakatira si Señor?" Tanong ulit ni Rima. "Oo nga ito nga Ineng. Anong pakay mo ba sa aking Señor?" Bahagyang ibubuka ni Rima ang bibig para sumagot ngunit kaagad ding itong tumikom dahil sa reyalisasyong nakakahiya pala ang pakay niya. "Pwedeng si Señor na lang po ang kausapin ko?" Mabilis naman iyon naintindihan ng matanda. "Sige, pero wala ngayon si Señor at may inasikaso. Kung gusto mo ay patuluyin na lang kita para makapagpalipas ng gabi." "Diyaan ho?" Nanginginig na tinuro ni Rima ang mansyon na parang haunted house sa dilim at dumi. Muling natawa si Carpio. Mukha nga namang nakakatakot ang mansyon ng kaniyang señor. "Oo naman. Huwag kang mag-alala, walang multo diyan. November lang kasi a paborito na buwan ng aking Señor kaya ganiyan" Ilang beses na lumunok si Rima at walang nagawa kung hindi tumango. Hindi na rin naman siya makakauwi at kailangan niyang kausapin si Señor kaya magtitiis na lang siya. Pumasok na sila sa gate na ang sakit ng tunog kapag binubuksan. Nakakapanindig balahibo din ang bawat tapak dahil sa mga tuyong dahon na aapakan mo ay naglilikha ng tunog crispy kada apak mo. At kahit wala naman talaga, feeling ni Rima ay puro apog sa paligid na parang sa mga horror movies. "Sigurado kayong walang multo dito?" Muling tanong ni Rima, naninigurado. "Oo naman ineng. Pero monster meron" "Po?!" Nagtago si Rima kay Carpio dahil sinabi nito. "Joke lang ineng!" Nagpeace sign ang matanda na ginagawa na siyang katawa-tawa. Ngumuso na lang si Rima at tumahimik hanggang makapasok sila sa bahay. Mabuti at hindi naman gaanong nakakatakot sa loob. Pwera na lang sa ilang alikabok sa mataas na ceiling ay hindi naman ito nakakatakot. Wala nga lang buhay ang paligid dahil sa makakapal na kurtina at hindi rin ganoong kaliwanag ang ilaw. Nakakuha naman ng atensyon ni Rima ang isang malaking picture frame na isang portrait ng isang lalaking makisig ang katawan at may mahabang maalon na buhok. Nakaupo ito sa isang magandang parang trono ng hari ang upuan. May hawak itong kopita ng mamahaling alak habang ang kalahati ng kaniyang mukha ay nakamaskarang itim. Ngunit gano'n pa man ay hindi nawala ang intensidad at kagwapuhan ng lalaking nasa larawan. Lalo na ang mata nito na parang sisindakin ka sa kaniyang titig. "Sino ho ang nasa larawan?" "Si Señor" "Po?" Napaawang ang bibig ni Rima. Hindi niya akalaing mas bata pa sa inaakala niya ang Señor. "Ang gwapo noh?" "Ahm.." nag-init ang pisngi ni Rima. "Opo. Makisig ho siya at may itsura" "Scam 'yan" bulong ni Carpio pagkatapos ay tumawa. "Halika na sa taas. Dadalhin kita sa pagtutulugan mo" Ilang segundo ni Rima pang tiningnan ang larawan bago sumunod kay Carpio. "Ano ang iyong pangalan?" Umaakyat na sila papuntang pangalawang palapag at sinalubong siya ng maraming pinto sa magkabilang gilid. "Rimacon Bonado po pero pwede niyo akong tawaging Rima" Tumigil sila sa ikalawang pintuan. Binuksan iyon ni Carpio bago gumilid. "Sige Ineng. Dito ka muna sa aking kwarto. Madumi pa kasi ang mga kwarto dito." Tumango na lang si Rima at nagpasalamat kay Carpio at pumasok na ng kwarto para magpahinga dahil nanghihina pa rin siya ng kaunti. Habang nakatingin sa kisame ng kwarto ay bumugso na naman ang kaba at takot sa puso ni Rima. Hanggang ngayon ay may pag-aalinlangan pa rin siya pero kung hindi niya ito gagawin, paano naman ang mga magulang niya? ang ate niya. Inisip na lang ni Rima na bubuti na ang pamumuhay ng kaniyang magulang at makakabalik na ang kaniyang Ate Rhea sa pag-aaral hanggang sa muli siyang makatulog. Pagkagising niya ay naramdaman niyang may yumuyugyog sa kaniya kaya naman mabilis siyang naalimpungatan at nagmulat ng mata. Sumalubong sa kaniyang mukha si Carpio, ang matandang kanang kamay ni Señor. "Gumising ka na. Kanina pa nakauwi ang señor at nasabi ko na naandito ka para kausapin siya" Mabilis pa siya sa segundong bumangon sa sinabi ng matanda. Kinakabahan na naman siya habang inaayos ang kaniyang mahaba at unat na unat na buhok na umabot hanggang kaniyang bewang. May maliit na banyo sa loob ng kwarto kaya naman malaya siyang nakapaghilamos at buti ay may dala siyang toothbrush at toothpaste kaya siya kaagad nakapagsipilyo. "Hintayin kita sa labas Ineng!" Sigaw ni Carpio kaya naman binilisan na niya ang pagsipilyo at kaagad ding lumabas ng silid. "Kinakabahan ka ba?" Tanong ni Manong Carpio matapos siyang makita ang tensyon sa sistema ni Rima. "Kaunti po." Mahigpit na pinagsiklop ni Rima ang mga kamay habang tinatatak sa isipan ang dahilan kung bakit niya ito gagawin. Tumigil sila sa kaisa-isang malaking two way door na may pagkaluma ang disenyo ng pinto na nasa gitna ng second floor. "Okay lang 'yan." Pagpapakalma ni Manong Carpio. "Walang mangyayaring masama sa'yo" Huminga ng malalim si Rima bago humakbang naman ang matanda para kumatok. "Señor, naandito na ang bisita niyo" Wala silang narinig kung hindi ang pagtunong lang ng lock na nahuhulugan na bukas na iyon. "Iiwan na kita ineng. Buksan mo na lang" Iniwan na siya ng matanda at natira si Rima sa gitna ng malaking two way door. Huminga siya ng ilang beses bago niya buksan ang malaking pinto at bumungad sa kaniya ang malawak at malinis na kwarto. Sa buong bahay, ito lang ata ang pinakamalinis sa lahat at pinakamalawak ngunit kasing dilim at walang buhay tulad ng iba. May isang malaking kama na kulay abo ang nasa pinakagitna ng gilid ang una niyang nakita at nang lumibot pa ang mata niya ay para siyang nakakita ng apartment sa isang kwarto kumpara pa sa mansyon. Maraming magaganda at mamahaling kagamitan, muwebles ang maaninag. Nahahati din ito sa dalawang dibisyon. Sa isa ay ang kwarto na may maliit na sala set habang ang isa ay opisina ng lalaki. Habang hinahangaan ni Rima ang buong kwarto ay dumapo ang tingin niya sa bulto ng tao na nasa balkonahe. Hindi naaaninag ni Rima ng maayos ang lalaki dahil sa manipis na kurtinang nakataklob doon ngunit alam niyang ang Señor iyon. Nakatalikod ang makisig na lalaki na ani mo'y may pinagmamasdan ang magandang paligid kahit hindi naman kagandahan ang makikita sa labas. Napalunok siya nang makaramdam ng tensyon bago lumapit sa balkonahe ngunit tumigil din siya at hindi lumampas sa kurtina. Hindi man niya makita ng malinaw ang Señor, naaninag ni Rima ang paglingon nito sa kaniya. "Magandang umaga Señor" bati ni Rima bago tumingin sa sahig. "Gusto mo raw ako makausap" Nanindig ang balahibo ni Rima nang marinig ang baritonong boses ng Señor. Napakalalim ng tono at magaralgal. Lumunok siya ng ilang beses bago muling nagsalita. "Ako si Rima Bonado. Anak po ako ni Rosa at Gregorio Bonado. Ang aming pamilya ay may malaking utang sa in—" "Kung ang intensyon mo ay pahabain pa ang palugit ang utang ng pamilya mo, pwes lumayas ka na. Wala akong pla—" "Ako po." Putol ni Rima sa Señor. Kumuyom ang kamao niya at buong lakas niyang sinabi ang pakay niya. "Ako po ang pambayad" "Huh?" Narinig niya ang mabibigat na yapak ng Señor. "Ulitin mo nga ang sinabi mo. Tuluyan na lumuhod si Rima. "Ako ang dahilan kung bakit naghihirap kami ng pamilya ko at bilang pagtanaw ng utang na loob..." Kasabay ng paghawi ng kurtina, umangat ang tingin ni Rima sa lalaking nakita niya sa malaking larawan. Nakamaskara ang kalahati ng mukha nito at kaagad nagtama ang kanilang mga mata. Pinagsiklop ni Rima ang mga palad at nagmamakaawang tumingin sa walang emosyong mata ng Señor ng kinauutangan nila. "Nakikiusap ako Señor, tanggapin niyo ako bilang kabayaran sa lahat ng utang ng pamilya ko..." "Tanggapin niyo ako"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD