NAPAPIKIT ako nang may maaninag na masilaw sa aming harapan. Sobrang liwanag iyon na hindi ko mabuksan ang aking mga mata.
“Tao, nandito na tayo. Idilat mo na niyang mga mata mo.”
Narinig ko ang sinabi ni Manok kaya binuksan ko nang paunti-unti ang aking mga mata, wala na nga ang liwanag na masakit sa mata ko kanina.
“Pinto? Dʼyan tayo papasok?” pagtatanong ko sa kanya.
“Titilaok! Kailangan mo munang dumaan dʼyan para mapatunayan ang pagkilanlan mo. Kaya pumila ka muna bago ka makapasok sa pinto ng walang hanggan!” malakas niyang sabi at muling tumilaok.
“Ha? Hanggang dito may verification na nangyayari? Patay na ang lahat may verification pa rin? Para saan naman ito?” pagtatanong ko sa kanya.
“Isa niyang paraan para malaman nila kung dito ka nga ba sa walang hanggan or doon sa ilalim nito, tao. Kaya sumunod ka na lamang at sabihin ang pangalan mo sa taong nasa unahan ng pila. Huwag kang mag-alala dahil dito ka nakatalaga, kaya hihintayin na lamang kita sa harap ng pinto, tao.” bagot niyang sabi at lumipad na siya palayo sa ako.
“Hoy, manok, mabait akong tao kaya sure rin akong dito ako nakalista!” pahabol na sabi ko sa kanya at nakipila rito, hindi naman mahaba ang pila.
Mga bagong patay ba sila? Or, mga kaluluwang nag-stay rin muna sa mundo ng mga tao katulad ko?
Hindi rin naman nagtagal ay nasa pinaka-harap na ako, nakita ko ang isang manok din na nandito. Lahat ba ng nandito sa itaas ay mga manok?
“Bwak! Bwak! Anong pangalan mo?” malakas niyang sabi sa akin.
Ngumiti ako sa kanya. “Miya Apodar Lazaro.” Buong pangalan ko ang aking sinabi.
Tinignan niya ako nang masama, mukhang alam niyang matagal na akong patay pero ngayon lang ako papasok. “Pumasok ka na! Bwak!” malakas niyang sabi at bumukas ang malaki at kulay puti na pinto.
Umalis na ako roon sa pila at lumakad papasok sa may pinto, pinto ng walang hanggan daw iyan ayon sa manok na taga-sundo ko.
“Ang tagal mong pumasok, tao.” Napangiwi ako sa sinabi ng manok na ito nang magkita muli kami. “Kanina pa kita hinihintay. Dalian na natin ang paglalakad para maabutan mo siya at makausap patungkol sa gusto mong gawin sa sarili mo,” pagpapatuloy niyang sabi at nauna muli siyang lumakad.
Lumilipad siya sa ere pero ako hindi ko na magawa. Kaya naglalakad na ako habang nakasunod ako sa kanya. Nakakunot ang aking noo nang mapansin kong kanina pa kami naglalakad dito. Wala pa ba kami sa pupuntahan namin?
“T-teka... Napapansin kong kanina pa tayo naglalakad, ha? Matagal pa ba tayo?” Napapalingon ako sa paligid ko pero pare-parehas ang dinadaanan namin.
“Malapit na, tao, bilisan mo kasi maglakad.”
Napaawang ako sa kanyang sinabi at napailing. “Oo na. Bibilisan ko na ang paglalakad ko!” ani ko sa kanya at mabilis siyang sinundan, lakad-takbo na ang ginagawa ko ngayon.
Napahinto na ako. Napahawak ako sa aking tuhod nang tumigil na rin siya. Tumataas-baba ang aking balikat dahil sa hingal ko. “N-nandito na ba tayo?” pagtatanong ko sa kanya na may kasamang hingal.
“Nandito na tayo sa harap ng kanyang pinto, tao. Kumatok ka ng tatlong beses at buksan ang pinto,” sabi niya sa akin at nakita ko ang pagkawag ng kanyang pakpak.
Napaharap ako pinto na sinasabi niya. Tumayo ako nang tuwid at sinunod ang kanyang sinabi, kumatok ako nang tatlong beses at binuksan iyo. “Magandang araw po,” magalang na sabi ko nang buksan ko ang pinto at pumasok kami. Puro puti ang aking nakikita, hanggang may maaninag akong likod ng isang tao.
“Anong kailangan mo sa akin, Miya Apodar Lazaro?”
Nabigla ako nang marinig ko ang buong pangalan ko. Nanggagaling iyon sa taong nakatalikod ngayon sa amin ng manok na ito.
“San Pedro, nandito ang tao na ito para kausapin ka tungkol sa kanyang kamatayan... At, sa muli niyang pagkabuhay,” saad ng manok na kasama ko at lumipad siya palapit sa taong nakatalikod.
Teka, tama ba ang dinig ko mula sa tuka niya?
San Pedro? As in, si San Pedro na may hawak na susi sa kalangitan?
“Kamatayan.... Pagkabuhay?”
Nanigas ako sa aking kinatatayuan nang marinig ang kanyang boses. “Tama po kayo ng rinig mula kay Manok, S-San Pedro. G-gusto ko pong malaman kung paano ako namatay, may nasabi po sa akin ang manok na niyan na hindi ko pa raw oras para mamatay,” nauutal ko ng sabi sa kanya. Kinakabahan ako dahil ang kaharap ko ay si San Pedro, ang isa sa dose na apostle ni Jesus.
“Narinig ko ang kanyang sinabi, Miya Apodar Lazaro. Hindi inaasahan ang pagkamatay mo. Wala ka sa listahan ng mga dapat na mamamatay sa aksidenteng naganap kung nasaan kayo ng kapatid mo. Ang taong dapat nasa kinalalagyan mo ngayon ay nabuhay dahil sa pagkakamali... Ikaw ang dapat na buhay pa, siya ang dapat ay patay na. Iyon ang pinaparating ni Achilles sa iyo, ang pangalan ng manok na taga-sundo mo.”
Napatango ako nang malaman ang name ng manok na ito, Achilles pala. Maganda naman pala ang name niya, bakit hindi agad niya sinabi sa akin? Sana tinawag ko siyang Achilles at hindi manok lamang.
“P-paanong nangyaring hindi siya namatay? At, ganoʼng ako itong nandito sa kalangitan?” pagtatanong ko sa kanya.
Naguguluhan talaga ako. Paanong nangyaring ako ang namatay at hindi ang taong tinutukoy nila.
“Nagkamali ang nakasaad sa tadhana niyong dalawa... Nagkapalit kaya ikaw ang nandito ngayon at hindi siya... Iyon ang magandang way para ipaliwanag sa iyo, Miya Apodar Lazaro. Alam kong nailibing na ang katawan mo kaya ngayon ka lamang umakyat.”
Tumango ako sa kanya. “Binantayan ko ang aking mga asawa at ang bagong supling kong kambal, San Pedro. Kung hindi naman pala dapat ako ang namatay, at kung ʼdi siya dapat, maaari ba akong mabuhay muli?” Tinatagan ko na ang aking boses para itanong iyon sa kanya.
Gusto kong malaman kung may pʼwede pa ha akong mabuhay muli.
“Patay na ang katawang tao mo, Miya Apodar Lazaro. Hindi ka na rin maaaring makabalik sa iyong katawan kahit gustuhin mo man...”
Totoo iyon. Ang katawan ko ay wala ng dugo at maging lamang-loob ko ay wala na rin. Kaya kung babalik ako sa katawan ko, magiging zombie ang tingin nila sa akin.
Baka ako pa ang magpalaganap ng zombie apocalypse na sa mga movie lamang nangyayari.
“Ibig bang sabihin hindi na ako makakabalik sa mundo ng mga tao?” pagtatanong ko sa kanya. Sana may dahilan pa para makabalik ako sa tatlong asawa at sa kambal kong anak.
“Huwag kang mawalan ng pag-asa. May isa pang paraan para makabalik ka sa mga mundo ng mga tao... Ang isang paraan ay sumanib ka sa ibang katawan ng tao. Ang taong dapat mong saniban ay ang taong dapat ay patay na... Ang taong dapat nasa pʼwesto mo ngayon. Ang taong dapat nandito na sa mundo ng walang hanggan.”
“Titilaok! Iyon dapat ang gawin mo, tao!” sabat ng manok na ito, este ni Achilles.
“Saan ko siya mahahanap? Ganoʼng hindi ko kilala kung sino dapat ang nasa pʼwesto ko? Kung sino dapat ang namatay sa araw na iyon, imbis na ako. Saan ko siya mahahanap? At, anong pangalan niya?” pagtatanong ko sa kanya.
Desidido na ako. Gusto kong mabuhay kahit hindi na ako makabalik sa aking katawan mismo.
“Lumapit ka sa amin, ipapakita ko kung sino ang taong dapat mong kunin ang katawan.”
Sumunod ako sa kanyang utos at lumapit sa kanila. Nanlaki ang mga mata ko nang makita ang isang monitor sa kanilang harapan. Hindi ko napansin may tinitignan pala sila.
“CCTV?” kunot noong tanong ko sa kanila. Nakita ko ang ibaʼt ibang tao sa mundo ng mga tao, halos lahat ng tao ay nandito yata. May mga banyagan pa akong nakikita dahil naririnig ko ang mga boses nilang ibang lenggwahe ang kanilang sinasalita.
“Sinusubaybayan ko ang bawat galaw ng mga tao sa mundo ninyo. Lahat ay nakikita ko at sa ibaba ng kanilang mga mukha ay ang araw kung hanggang kailan na lamang sila mananatili sa mundo ng mga tao. Katulad nitong isang lalaki,” tukoy niya sa isang lalaking foreigner. Nakita ko roon ang tinutukoy ni San Pedro, nalungkot ako para sa kanya. “Lahat ng nandito ay totoo, katulad na lamang nitong isang babaeng ʼto.”
Gumitna ang isa sa mga CCTV na nasa harapan namin. Maikli ang buhok, maganda, sexy at may kaputian ang kanyang balat, isama mo pa na mukha siyang anak mayaman. Nagsalubong ang aking kilay nang makita ang sa ibaba ng kanyang pangalan. “N-negative?” takang tanong ko. Naka-negative six months na ang nasa ibaba ng name niya. “Bakit negative ang sa kanya?” Naguguluhan ako.
“Six months ago ay dapat patay na siya, Miya Apodar Lazaro. Siya ang dapat nasa posisyon mo ngayon. Siya ang dapat na patay na kaya negatibo ang nasa ilalim ng kanyang pangalan.”
Napaawang ang aking labi. “Ibig bang sabihin... Siya ang kukunan ko ng katawan?” Tinuro ko ang babaeng nakangiti ngayon habang nakaharap sa salamin.
“Siya nga, tao! Siya ang kukunan mo!” malakas na sabi ni Achilles sa akin habang humahampas ang kanyang pakpak sa akin.
“Tama ang sinabi ni Achilles. Siya si Xanthi Curtis, ang babaeng matagal na dapat na nandito sa mundo ng walang hanggan. Siya ang magiging misyon mo, Miya Apodar Lazaro. Kaya mo bang kunin ang katawan niya para muli kang mabuhay?”
Isang tanong ang binitawan niya. Isang tanong na alam kong hindi ko kayang gawin sa isang tao. Kakayanin ko bang umagaw ng ibang buhay para lamang mabuhay muli ako?